Part 2 TMBB
ARAW ng Lunes ay maagang umalis ng bahay si Abby. Kampante siya na magiging maayos na ang kaniyang trabaho sa opisina ng factory dahil wala na ang nakaaway niyang manager.
Naglakad lang siya dahil malapit lang naman ang opisina ng factory. Kung kailan malapit na siya sa gate ng factory ay may motorsiklong humarurot sa kaniyang tabi. Nakasinghot siya ng usok at alikabok kaya nanggagalaiting sinundan ang motorsiklong pumasok sa gate ng factory. Mabilis namang nawala ang driver ng motorsiklo.
Sinalubong naman siya ni Lucy, ang dating katrabaho at naging kaibigan.
"Totoo nga na babalik ka na rito, Abby!" excited na sabi ni Lucy.
"Oo, pero hindi ako sure kung makaabot ako ng isang buwan," aniya. Sabay na silang pumasok sa tatlong palapag na main office.
"Kontrolin mo kasi ang temper mo para wala kang makaaway."
"Mahirap 'yang gawin lalo kung walang common sense ang kausap ko at puro hangin ang laman ng ulo."
Natawa si Lucy. "Sayang ang talino mo, malaking pakinabang ka sa kumpanya ni Don Rodolfo, kaso daig mo pa ang boss kung umasta, eh."
"Ayaw ko lang na inaapi, Lucy. Kung masyado kang mabait, aabusuhin ka."
"Kung sa bagay."
Graduate ng four years BS Business Administration si Abby with honor. Sa edad na biyente-sais ay may limang kumpanya siyang napasukan pero matagal na ang tatlong buwan. Hindi siya nagtitiyaga kapag hindi maganda ang management at abusado ang employer.
"See you later, Abby! Good luck sa first day of work!" paalam ni Lucy.
"Sige. Ipagdasal mo na magtagal ako rito," biro pa niya.
"Magtatagal ka. Wala na rito ang kaaway mo."
Matabang siyang ngumiti.
Naghiwalay na sila ni Lucy sa third floor dahil sa HR department ito naka-assign. Siya naman ay patungo sa opisina ng CEO. Inaasahan niya na naroon si Don Rodolfo. Pero pagpasok niya sa opisina ay pamilyar na lalaki ang naabutan niya na nakaupo sa harap ng lamesa, nakataas pa ang mga paa.
Napahinto siya nang mapamilyar ang mukha ng lalaki. Ito ang lalaking umapak sa paninda niyang kamatis at hinalikan pa siya!
Ibinaba naman ng lalaki ang mga paa nito nang mapansin siya. "Hey! I know you! Tomato girl!" nasabik pang sabi nito.
Napangiwi siya nang mapagtanto na ang lalaking hambog na ito ang apo ni Don Rodolfo. Hindi pa man nagsisimula ang trabaho niya ay tila gusto na niyang sumuko. Pero inalala naman niya ang kaniyang pamilya.
"Good morning, sir!" bati niya pero matabang ang ngiti.
"Teka, dito ka ba nagtatrabaho?"
"Yes. Ako ang magtuturo sa 'yo ng trabaho, Mr. CEO."
Napabunghalit ng tawa ang binata. "Are you kidding? A tomato girl will teach me?"
Tumikwas ang isang kilay niya pero nanatiling nakangiti nang matabang. "Ano naman po ang masama kung tindera ako ng kamatis?" Hindi niya naiwasan ang pagtataray.
"Oh, I like women with strong personalities. Interesting. Okay, magtrabaho ka na."
Lumapit naman siya sa kabilang lamesa malapit sa bintana. Dati rin niyang puwesto iyon dahil naging assistant siya ni Don Rodolfo.
"Ikaw ba ang na-appoint ni Don Rodolfo bilang CEO?" tanong niya sa binata.
Nakataas na naman ang mga paa nito sa lamesa. Mukhang napadaan lang ito dahil itim na fitted t-shirt lang ang suot, bughaw na denim pants pan-ibaba na gulanit ang biyas, at naka-tsinelas.
"Ano ba ang trabaho ng CEO?" tanong din nito.
Napabuga siya ng hangin. "CEO ang may mataas na posisyon sa kumpanya. Pero dahil may sariling batas ang lolo mo, binibigay rin niya ang ibang trabaho sa CEO, lalo na ang management ng farm at factory."
"Ah, boring. I can't stay here all day," reklamo nito.
"Kung ayaw mong tumambay sa opisina, puwedeng kang gumala sa farm o factory para ma-monitor ang operation. Pero kailangan mong matutuhan ang pamamahala sa kumpanya."
"Sabi mo tuturuan mo ako sa trabaho, bakit hindi mo na lang simulan? Para ka ring si Lolo, ang daming litanya."
Tumayo na siya at humarap sa binata. "Magsimula tayo sa basic."
"Anong basic?" Tumingala ito sa kaniya.
"Kailangan mo munang malaman kung ano ang negosyo ninyo."
Ngumisi ang binata. "Alam ko na. Gumagawa kami ng iba't ibang produkto na may sangkap na kamatis katulad ng tomato sause. Nag-e-export din kami ng mga iba't ibang variety ng kamatis sa ibang bansa sa Asya."
"Mabuti naman alam mo na 'yan. Aralin mo naman ang operation ng company. Mahalagang malaman mo kung paano pinuproseso ang bawat produkto."
"Bakit ko pa aaralin?"
"Importanteng alam mo ang nangyayari mula sa ibabang departamento. Hanggat maari ay alam mo rin dapat kung paano magpunla ng kamatis."
"Seriously?" Tumawa ang binata.
"Kilos na. Pupunta tayo sa farm." Kinuha niya ang listahan niya para sa daily activities na ituturo niya sa apo ni Don Rodolfo.
Tumayo naman ang binata. "Wait. Ano pala ang pangalan mo, tomato girl?"
Umiinit ang bunbunan niya sa tuwing tinatawag siya nito na 'tomato girl'. "Abby," padaskol niyang tugon. Nagpatiuna na siyang naglakad patungong pintuan.
Sumunod naman sa kaniya ang binata at nagsuot ng itim na jacket at cowboy hat sa ulo. "I'm Blake," pakilala rin nito.
Paglabas ng opisina ay sinabayan siya nito sa paglalakad.
"Mag-focus ka sa mga itinuturo ko para hindi masayang ang effort ko," aniya.
"Hey! Sino ba sa atin ang boss? Bakit kailangang ikaw ang masunod?"
"Ginagawa ko lang ang trabaho ko."
"You should follow me, kasi ako na ngayon ang CEO."
"CEO na walang alam sa negosyo," pabulong niyang usal.
"What did you say?"
"Wala."
Pagdating naman sa parking lot ay nilapitan ni Blake ang motorsiklo na siyang nagpalamon sa kaniya ng usok at alikabok. Lalong uminit ang dugo niya sa binata.
"Hindi ka gagamit ng motor," sita niya sa binata.
"What the heck? Bakit ang bossy mo?" angal nito. Bumakas sa mukha nito ang iritasyon.
"Kung sasakay ka ng motor, hindi natin mahihimay ang bawat parte ng farm."
Iniwan din nito ang motorsiklo at kunot-noong sumunod sa kaniya. Pagdating sa punlaan ng kamatis ay sinimulan niyang dumaldal. Ngunit ang kaniyang kausap ay naglaro ng kamatis na binibilad sa initan, pinapasok sa laruang ring ng basketball. Napahilot siya sa kaniyang sintido.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top