Part 1 TMBB


KABUBUKAS lang ni Abby ng puwesto sa palengke ay may lumapit na para mangutang ng gulay. Uminit na ang ulo niya.

"May utang pa ho kayong hindi nabayaran, Ate Susan!" singhal niya sa babae.

"Ang sungit naman ng tinderang 'to!" sabi pa nito.

Lalong nagatungan ang kaniyang inis. "Ako pa ang masungit? Kayo nga itong makunat singilin!"

"Huwag na nga!" Umalis din ang ginang.

Inaayos na lamang niya ang panindang kamatis at ibang gulay na nakalatag sa papag. Mayamaya ay may nagsigawan, may mga lalaking naghahabulan. Nataranta siya nang makitang may nagsusuntukang kalalakihan malapit sa kaniyang puwesto.

Tatakpan na sana niya ng sako ang paninda ngunit may lalaking tumalon paakyat sa papag at naapakan ang kaniyang mga kamatis.

"Hoy! Bastos!" singhal niya sa lalaki.

Hinampas niya ng patola sa binti ang lalaki pero bigla siyang sinalakay. "Huwag kang maingay!" sabi nito.

"Walanghiya ka! Wala pa nga akong kita dinurog mo pa ang paninda ko!" Walang tigil ang hampas niya ng patola sa braso ng lalaki kahit nagkagutay-gutay na ang pobreng gulay.

"Ang ingay mo!" Ginapos siya ng lalaki at walang abog na siniil ang halik sa mga labi.

Nabuwal pa sila sa maliit na papag na kaniyang pahingahan. Ginupo ng nakaliliyong init ang kaniyang sistema at hindi nakapalag sa lakas ng lalaki. Tumigil din ito sa paghalik sa kaniya nang tumahimik ang paligid at nawala ang naghahabulang kalalakihan.

Nang mahimasmasan ay dumakot ng napisang kamatis si Abby at naisampal sa pisngi ng lalaki. Gulat naman itong napatitig sa kaniya at dumaing.

"Ang sarap ng halik ko sa 'yo, sampal lang ang ganti mo?" angal pa nito.

Nawindang naman siya nang matitigan ang mukha ng lalaki. Hindi ito mukhang sanggano na palaging napapaaway. Ang guwapo nito, makinis at maputi ang kutis, mukhang hunk action star sa pelikula.

Nang maalala ang kasalanan ng lalaki ay muli siyang dumakot ng kamatis at pinisa sa dibdib nitong matigas.

"Wala akong pakialam sa halik mo! Inapakan mo ang paninda ko kaya bayaran mo!"

Tumawa pa ang lalaki. "Relax, tomato girl." Naglabas ito ng wallet, humugot ng isang libo at ibinigay sa kaniya. "Ayan, bayad ko sa mga kamatis mo. Ipagdasal mo na hindi mag-cross ulit ang landas natin," sabi nito. Tinalon lang nito ang papag at tumakbo palayo.

Tulalang nakatitig sa hawak niyang isang libo si Abby. Mukha siyang pera kaya mabilis naglaho ang kaniyang inis at nakalimutan ang lalaki.

Pagsapit naman ng ala-una ng hapon ay nagsara ng puwesto si Abby. Pinauuwi na kasi siya ng kaniyang ina. Pagdating sa kanilang bahay ay nadatnan niyang umiiyak ang mama niya habang kausap ang kaniyang ama sa sofa.

"Ano po'ng nangyari, Ma, Pa?" balisang tanong niya. Inilapag niya sa lamesa ang basket ng mga gulay at tinabihan sa sofa ang ina.

"May problema tayo, anak," humihikbing sumbong ni Rosana, ang kaniyang ina.

"Ano pong problema?"

"Pinalalayas na tayo ni Don Rodolfo."

Nawindang siya at awtomatikong ginupo ng kaba. Ilang buwan na silang hindi nakabayad ng upa. Mahigit dalawang dekada na silang umuupa sa kapirasong lupa ni Don Rodolfo, at doon na siya ipinanganak.

Hindi na kasi makapagpasada ng tricycle ang kaniyang ama simula noong nadisgrasya at naputulan ng kanang binti. Nagtatanim na lang ito ng gulay na paninda at gumagawa ng bilao. Iyon na lang ang inaasahan nila at paglalabada ng kaniyang ina. May trabaho naman ang kuya niya kaso minsan kulang pa sa bisyong alak at sigarilyo ang suweldo.

"Kakausapin ko po si Don Rodolfo," sabi niya. Nagpaalam siya sa mga magulang at nagtungo sa mansyon ni Don Rodolfo.

Pag-aari ni Don Rodolfo ang malawak na tomato farm doon sa Alaminos, Pangasinan. Meron din itong pabrika na puro kamatis ang pinuproseso, binibenta sa ibang lugar at ibang bansa sa Asya. Dati rin siyang empleyado sa opisina ng factory kaso nakaaway niya ang manager kaya siya umalis.

Pagdating sa mansiyon ay pinaunlakan naman siya ng ginoo na makausap. Mukha lang itong mabait pero kuripot at hindi patas ang trato sa empleyado.

"Inaasahan ko na kakausapin mo ako, Abby," nakangiting wika ng ginoo. Lumapit ito sa kaniya gamit ang tungkod na may gintong handle.

"Magandang hapon po!" bati niya. Prente siyang nakaupo sa couch at hinintay na makalapit ang ginoo.

Nakasagutan din niya ang matanda, noong pinigil nitong magtanim ng kamatis ang kaniyang ama sa inuupahan nilang lupa. Empleyado rin nito sa farm noon ang kaniyang ama at kuya pero hindi nakatiis at umalis.

"Narito po ako upang makiusap sa inyo. Baka puwedeng pagbigyan n'yo kami na makaipon ng pambayad sa upa ng lupa. Wala na po kaming malilipatan," pakiusap niya.

"Tatlong buwan na kayong hindi nakabayad. Iyong Kuya Rick mo, umalis siya sa trabaho na hindi binayaran ang utang sa opisina. Ikaw rin, biglang umalis na walang pasabi. Nangapa ang empleyado ko dahil sa responsibilidad na bigla mong iniwan. Kaya paano pa ako magtitiwala sa inyong mag-anak?"

"Humihingi po ako ng pasensiya. Baka puwedeng bigyan n'yo pa ako ng pagkakataon, Don."

Bumuntonghininga ang ginoo. "Ganito na lang, hindi ko muna kayo paaalisin at bibigyan ulit kita ng trabaho sa opisina ko."

Matutuwa na sana siya ngunit naisip niya na maaring may kapalit na hihingiin ang ginoo. Mahilig pa naman itong makipag-deal.

"Ano naman po ang trabaho na ibibigay n'yo sa akin? Magma-manage ng farm at factory?"

"Parang gano'n pero may deal ako."

Hindi na siya na-excite sa ano mang sasabihin nito, sa halip ay kinakabahan siya. "Ano pong deal?"

"Hindi ka magma-manage ng farm pero tuturuan mo ang apo ko na gawin ang trabaho ng CEO."

"Apo n'yo? Sino po?" Nakilala na niya ang dalawang apo ni Don Rodolfo na babae. Ang alam niya'y nakapag-asawa na ang mga iyon sa Maynila.

"Iyong apo kong lalaki na bunso. Ilang buwan na siya rito kaso minsan lang umuwi ng bahay dahil nasa barkada."

Hindi siya aware na may apong lalaki si Don Rodolfo. Hindi pa niya iyon nakita.

"Gusto n'yo na turuan ko ang apo n'yo sa negosyo?" aniya.

"Oo. Hindi lang 'yon. Gusto kong himukin mo ang apo ko na yakapin ang responsibilidad sa negosyo. Sutil ang apo ko, mahilig sa gulo, at kung mababago mo ang ugali niya at matigil sa bisyo, mas maganda. Kapag nagawa mo lahat ng gusto kong mangyari, ibibigay ko sa pamilya mo ang 150 sqaure meters ng lupang inuupahan ninyo. Puwede ninyong pagawan ng titulo ang lupa. Hindi na kayo mangungupahan."

Nasabik siya sa deal ng ginoo at walang alinlangang tinanggap ito. Gumawa pa ito ng kasulatan na pumayag siya sa deal at pareho nilang pinirmahan. Abogado si Don Rodolfo at dating Mayor ng bayan nila kaya mahirap itong kalaban.

"Kailan po ako magsisimula sa trabaho?" tanong niya sa matanda.

"Sa Lunes. Kakausapin ko muna ang apo ko mamaya para alam niya ang gagawin."

"Sige po. Aagahan ko na lang ang pasok sa Lunes." Nagpaalam na siya sa ginoo.

Tumuloy na sa palengke si Abby gamit ang tricycle ng kaniyang ama. Marunong naman siyang mag-drive at may lisensiya. Bumili siya ng bigas at isda para sa hapunan.

Pagdating ng bahay ay kaagad ibinalita ng dalaga sa mga magulang ang napagkasunduan nila ni Don Rodolfo. Natuwa naman ang mag-asawa.

"Isinalba mo na naman kami ng mga magulang mo, anak. Hulog ka talaga ng langit sa amin," mangiyak-ngiyak na sabi ni Rosana.

Magkatuwang silang mag-ina sa paghahanda ng hapunan, habang ang kaniyang ama ay nag-iihaw ng isda sa likod ng kusina. Nakalalakad naman ito gamit ang saklay.

"Nakita ko na minsan iyong apo ni Don Rodolfo, anak!" wika naman ng kaniyang ama.

"Sutil po ba 'yon?" tanong niya naman.

"Nako! Sutil mo lang? Noong bata pa ang apo ni Don ay ginawang damo ang puno ng mga kamatis at pinagtatabas gamit ang itak. Grabe ang pinsalang ginawa niya kaya pinabalik ng lolo niya sa Maynila. Ewan ko lang kung nagbago na ang batang 'yon. Malamang ay binata na siya ngayon."

Napangiwi siya nang maalala ang sinabi ni Don Rodolfo tungkol sa apo nito. Mukhang ito na ang uubos sa maikli niyang pasensiya. Pero hindi na siya puwedeng uurong sa deal dahil dito nakasalalay ang tirahan nilang mag-anak.

"Binata na po ang apo ni Don Rodolfo, siguro naman nabawasan ang pagiging sutil niya," aniya.

"Sana nga, anak, para hindi ka mahirapan," wika naman ng kaniyang ina.

"Mapapaamo ko rin 'yon. Alang-alang sa lupa natin."

"Basta huwag kang magpapaapi, anak."

"Siyempre naman, Ma. Ako pa ba?"

Ngumiti lang ang kaniyang ina.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top