C-6 Escaping The Arranged Marriage
DAHIL sa kulit ni Nicole ay walang naintindihan sa meeting si Rendel. Pagkatapos ng pagpupulong ay iniwan na nila si Sena. May kakausapin pa kasi itong negosyante. Nauna na silang lumabas ni Nicole at nagmamadali ang dalaga.
Paglabas naman ng conference room ay confident na itong maglakad na hindi naka-disguise. Akala niya naman ay okay na ito. Mayamaya ay bigla itong nataranta.
"Bakit na naman?" naiiritang tanong niya.
"Si Uncle James, kapatid ni Daddy!" bulalas nito. Pumihit ito paharap sa kaniya.
"Alin?"
"Iyang palapit sa atin na lalaking naka-blue suit."
Napansin na niya ang lalaking tinutukoy nito at diretso nga ang tingin kay Nicole. Upang maitago si Nicole ay hinawakan niya ito sa kanang braso at hinatak palapit sa kaniya. Napayakap naman ito sa kaniya at isinubsob ang mukha sa kaniyang dibdib.
Nilagpasan lang sila ng lalaking tinutukoy ni Nicole.
"Wala na ang lalaki," sabi niya.
Tila walang narinig si Nicole at ayaw kumilos. Hindi naman niya ito maitulak, bagkus ay tila nagkaroon ng sariling buhay ang kaniyang puso at nagpasyang hayaang yumakap sa kaniya ang dalaga.
"Nicole," sambit niya.
Nag-angat naman ito ng mukha at tumitig sa kaniya ang namumungay nitong mga mata. Hindi siya nakailag sa magagandang mga mata nito na unang umagaw sa kaniyang atensiyon noon sa elevator.
"Let's go! May pupuntahan pa tayo," aniya. Kusa na siyang lumayo sa dalaga.
Nakabuntot lang sa kaniya si Nicole, tahimik. Pero pagdating nila sa kotse ay bigla itong dumaldal.
"Once nakita ako ng Tito ko, siguradong kakaladkarin niya ako at pipiliting uuwi ng bahay. Mas masungit 'yon kaysa kay Daddy." Pumalatak na ito, with action kung paano ito pinapagalitan ng tiyuhin.
Nakikinig lang siya sa dalaga pero aminado siyang aliw na aliw rito. Spoiled brat si Nicole pero ibang-iba ito sa mga babaeng nakilala niya'ng anak mayaman. Hindi ito mapagmataas at maarte.
"Are you hungry?" tanong niya para lang tumigil sa pagsasalita si Nicole.
Gilalas itong tumitig sa kaniya. "Ako ba ang tinatanong mo?"
"May iba pa ba tayong kasama?"
Lumingon ito sa likuran. "Teka, naiwan si Ate Sena!"
"She has another meeting."
"Ah, okay. Tungkol sa tanong mo, ang totoo ay kanina pa ako gutom." Malapad itong ngumiti.
Sinipat lang niya ito dahil hindi alam kung ano ang tamang approach niya sa dalaga.
Pagdating sa napili niyang restaurant ay nauna pang bumaba ng kotse si Nicole. Excited itong pumasok sa restaurant at naghanap ng bakanteng lamesa. Sinundan lang niya ito at hinayaang mag-order ng pagkain. Alam niya nami-miss na nito ang masasarap na pagkain.
"Okay lang ba mag-order ko ng kahit anong pagkain? Ikaw ba ang magbabayad?" tanong nito sa kaniya.
Lumuklok siya sa silyang katapat nito. "Yes. Basta ang kaya mo lang ubusin."
Nakangiti itong binubuklat ang menu book. "May favorite akong pagkain kaso mahal. Palagi 'yong binibili ni Daddy, eh."
Hindi na nag-order ng pagkain si Rendel dahil nasabi na ni Nicole sa waiter ang gusto niyang kainin. Hindi ito aware na good for six person ang bawat putahe na napili nito.
"Kailan ka umalis ng bahay ninyo, Nicole?" usisa ng binata.
"May anim na buwan na rin."
"Saan ka nakatira ngayon?"
"Doon sa apartment malapit sa Korean community. Pero dalawang buwan pa lang ako roon. Dati kasi dito sa City lang ako umuupa kaso palagi akong nahahanap ni Kuya Alex, kaya lumipat ako sa Subic Bay."
"What about your financial support form your father?"
"Na-hold ang bank account ko, kagagawan ni Daddy. Kaya napilitan akong magtrabaho para makakain."
"Matagal ka na palang nagtitiis sa kahirapan. How could you survive?"
"Hindi ko nga rin alam, eh. Kinapalan ko na lang ang mukha ko at kung saan-saan nagtrabaho, kahit sa tindahan ng mga cellphone. Kaso palagi akong nahuhuli ni Kuya kaya palipat-lipat ako ng trabaho. Naisip ko nga pupunta ng Maynila kaso baka lalo akong mahirapan."
Halos isang oras bago dumating ang order nilang pagkain. Walang imik na nilantakan ni Nicole ang pagkain, tila ilang linggong ginutom. Hindi makapag-focus ang binata at nakadama ng munting awa para kay Nicole.
"Ang sarap nito! Akala ko hindi na ako makatikim nito ulit at puro sardinas na lang ang uulamin ko," nagagalak nitong wika.
Hindi ma-imagine ni Rendel kung anong buhay ang hinaharap ni Nicole araw-araw. Hindi siya maka-relate dahil never niyang dinanas mag-ulam ng sardinas. Nagmula siya sa angkan ng negosyante at politiko na walang ibang nais kundi magpayaman pa.
"Slow down, baka mabulunan ka," saway niya sa dalaga.
"Sorry, sobrang na-miss ko lang talaga ang pagkain na 'to. Ganito pala ang pakiramdam ng mahihirap na first time nakatikim ng pagkain ng mayaman."
Dahil kay Nicole ay meron siyang napagtanto. Masyado siyang mahigpit sa mga empleyado lalo na sa meal stub. Limited lang ang meal stub na binibigay niya sa empleyado at kinakaltas sa sahod. Kaya ang iba ay mas gusto na walang meal stub dahil mas nakakatipid ang mga ito. May napansin din siyang empleyado sa labas ng opisina na sardinas ang ulam, minsan nilagang itlog. Samantalang mas batak sa trabaho ang mga taong 'yon, lalo na ang mga mekaniko at engineer nila na bilad minsan sa init.
"Uy! Bakit hindi ka kumakain?" pukaw sa kaniya ni Nicole.
Nagsimula naman siyang kumain pero iniisip pa rin ang reyalidad na naisampal sa kaniya ni Nicole. Masyado siyang naging masunuring apo at anak. Pati selfish na batas ng kaniyang angkan sa pamilya at negosyo ay na-adapt niya. Bigla siya humanga kay Nicole. Kung tutuusin ay mas mayaman ang pamilya nito kaysa kanila.
MABAGAL kumain si Rendel, samantalang si Nicole ay daig pa ang lalaking gutom kung lantakan ang pagkain. Hindi napigil ng dalaga ang excitement dahil natikman niya ulit ang paborito niyang pagkain mula pagkabata.
Inabot sila ng dalawang oras ni Rendel sa restaurant dahil nagpahinga pa. Tuloy hapunan na rin ang kinain niya at pina-take out pa ang natirang pagkain. Alas-singko na rin kasi ng hapon.
"Uuwi na ba tayo?" tanong niya sa binata. Tumayo na kasi ito.
"Yes. Dumidilim na, uulan pa ata."
Halos hindi na siya makatayo dahil sa kabusugan. "Magbabanyo muna ako."
Mahinhin siyang naglakad patungong banyo. May tumatawag sa kaniyang cellphone ngunit hindi niya sinagot nang malamang pinsan niya ang caller. Maniningil na ito ng utang.
Pagkatapos magbanyo ay hinanap niya sa dining room si Rendel. Wala na ito roon. Dinala na nito ang echo bag na pinaglagyan ng take-out niyang pagkain. Lumabas na lamang siya at namataan si Rendel na nakasandal sa gilid ng kotse.
Nang mabuksan nito ang pinto ng kotse ay pumasok na siya. Lumulan na rin si Rendel at binuhay ang makina ng sasakyan. Saktong paalis na sila ay bumuhos ang malakas na ulan. Binalot na ng dilim ang paligid.
"Patay! Wala akong payong!" usal ng dalaga.
"Ihahatid na kita sa tinutuluyan mong apartment," sabi naman ni Rendel.
Napasilip siya sa bintana at lihim na ngumiti. Napapiksi pa siya sa kilig at kulang na lang ay mapatili. Sinabi naman niya sa binata ang address ng apartment niya.
Papasok na sila sa main gate ng Subic Bay. May pasulpot-sulpot na kidlat at may kasamang kulog kaya inatake ng nerbiyos si Nicole. Makakaya niyang tiisin ang banayad na kulog ngunit kapag malakas na ay inaatake siya ng trauma. Nadala niya sa paglaki ang takot sa kulog at kidlat kaya sa tuwing umuulan ay naglalagay siya ng earbuds sa tainga.
Nang muling kumidlat at napakalakas na kulog ay napatili rin siya nang malakas. Nangatal ang kaniyang katawan sa takot at napayakap kay Rendel. Napilitan ang binata na ihinto sa gilid ng kalsada ang kotse.
"Hey! Relax," anas nito.
Hindi niya pinansin ang sinabi ng binata dahil nasundan pa ang kulog, mas malakas.
"Mommy!" sigaw niya. Lalong nanginig ang kaniyang katawan sa takot.
Lumipat na sa kaniyang tabi si Rendel at hindi niya inaasahan ang hakbang nito. Humapit ang kanang kamay nito sa kaniyang batok at bigla na lamang siyang siniil ng halik sa mga labi.
Ang init ng halik nito ay nakatulong upang kumalma ang kaniyang sistema. Humupa ang panginginig niya at walang alinlangang tumugon sa halik ng binata.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top