C-5 Escaping The Arranged Marriage

LUNES ng umaga ay late na dumating sa opisina si Nicole. Nauna pa sa kaniya si Rendel pero tinanggap naman nito ang nai-serve niyang kape.

"Pasensiya na, sir, late na ang kape n'yo," aniya.

"It's okay. Pero hanggang tatlong beses ka lang puwedeng ma-late ng more than thirty minutes," sabi nito.

Naglaho ang matamis na ngiti sa kaniyang mga labi. "Paano kung nakatatlong late na ako?"

"Papalitan na kita."

"Ganoon kabilis?" Nanlaki ang kaniyang mga mata.

Matiim na tumitig sa kaniya si Rendel. Tumigil din ito sa pagtipa sa laptop. "Yes. That's my rule. Nawawalan ako ng gana magtrabaho kapag late na magkape."

Matabang siyang ngumiti. Mahigpit pala talaga sa rules ng opisina si Rendel. Mabuti na lang kabisado niya ang timpla ng kape nito.

"Hindi na po ako male-late next time," pangako niya.

"Huwag kang mangako. Gawin mo na lang."

"Yes po, boss."

Aalis na sana siya.

"Nicole," sambit ni Rendel.

Sandali siyang natigilan nang sumikdo ang kaniyang puso. Wari may nagliliparang paruparo sa kaniyang dibdib sa tuwing nababanggit ng binata ang pangalan niya. Pumihit naman siya paharap dito.

"Nagpunta ka ba sa bahay namin kahapon?" tanong ng binata.

Ginupo naman siya ng kaba ngunit mabilis nakaisip ng palusot. "Ah, hindi po! Hindi ko naman alam ang bahay n'yo. At saka ano naman ang gagawin ko roon?"

"Okay. May isa pa akong tanong."

"Ano po 'yon?"

"Kaanu-ano mo si Mr. Tomas Galvez, na may-ari ng Galvez International Shipping Line?"

Natigagal ang dalaga. Tinutukoy ni Rendel ang kaniyang ama. Hindi puwedeng malaman nito na anak siya ni Tomas Galvez, baka magsumbong ito.

"Hindi ko po siya kilala. Baka kaapelyido ko lang," palusot niya.

"Really?" Tumitig sa kaniya ang binata na may pagdududa.

Tumulin naman ang tibok ng kaniyang puso dahil sa kaba.

"Opo. Hindi ko talaga siya kilala," giit niya.

"I want to believe you but--"

Naudlot ang sasabihin ng binata nang pumasok si Sena. "Excuse me, sir! Nariyan na po si Mr. Alex Galvez," sabi ng ginang.

Tumahip na nang husto ang dibdib ni Nicole nang marinig ang pangalan ng kaniyang kuya.

"Let him in," utos ni Rendel sa sekretarya.

Nataranta na si Nicole at hindi malaman kung saan siya magtatago.

"What's wrong, Nicole?" tanong ni Rendel.

"Sorry, sir, kailangan kong magtago!"

Nang bumalik si Sena ay mabilis nagtago si Nicole sa ilalim ng lamesa ni Rendel. Hindi naman siya nito sinita, sa halip ay binigyan siya ng space upang magkasya sa ilalim ng lamesa.

Mayamaya ay kausap na nito ang kaniyang kuya. Nakikinig lamang siya sa usapan.

"Narito na lahat ng detalye sa company profile namin. Iiwan ko ito sa inyo para ma-review n'yo," sabi ni Alex.

"Thank you. How about the deal for the shipping rate and free access to the Tokyo seaport?" saad naman ni Rendel.

"I can't decide about that deal. Mas mainam siguro kung si Daddy ang kausapin n'yo. Sila kasi ng daddy mo ang unang nag-usap tungkol sa bagay na 'yan."

"Okay. Pero kailangan ko ng approval para sa second batch ng mga sasakyang ibibiyahe mula Tokyo. Wala pa kasing release order mula sa opisina ninyo kaya hindi pa nai-ship."

"Pasensya na sa delay. Ako na ang mag-follow-up at balitaan kaagad kita."

"Salamat. Ako na ang pupunta sa office ng daddy mo para makausap siya."

Mayamaya ay nagpaalam din si Alex.

Nakahinga nang maluwag si Nicole. Ang problema naman niya ay kung paano magpaliwanag kay Rendel.

NAGTATAGO pa rin sa ilalim ng lamesa ni Rendel si Nicole. Natatakot siyang lumabas sa isiping baka biglang babalik ang kuya niya.

"Lumabas ka na riyan, Nicole," sabi ni Rendel.

Kumilos naman ang dalaga ngunit dahil sa pagmamadali ay nauntog ang noo niya sa tuhod ni Rendel.

"Aray naman!" daing niya at nahipo ang nasaktang noo.

Gumapang siya palabas pero sumilip muna sa pintuan bago tumayo. Lumipat siya sa harapan ni Rendel.

"Tatanungin kita ulit. Kaanu-ano mo si Tomas Galvez?" ani Rendel.

Wala na siyang kawala. "Sorry kung nagsinungaling ako. Ang totoo ay tatay ko si Tomas Galvez."

Napailing si Rendel. "I hate liar. Pero hindi kita huhusgahan kaagad. Now, explain why you are here." Tumalim ang titig ng binata kay Nicole.

Nahahalata niya na pinag-iisipan na siya nito nang masama.

"Wala akong masamang intensiyon. Gusto ko lang makapagtrabaho para may experience ako."

"Puwede ka namang makakuha ng experience sa sarili ninyong kumpanya. Why here?"

"Mas malaya kasi ako kung sa ibang company nagtatrabaho. Gusto ko ring maranasan kung paano maging karaniwang empleyado."

"Nagtago ka kanina pagdating ng kuya mo. It's obvious that you hide something from your family."

Tumahip na ang kaniyang dibdib dahil sa kaba. "Ang totoo ay lumayas talaga ako sa amin. Hindi ko na kasi kaya ang paghihigpit ni Daddy," pagtatapat niya taliwas pa rin sa totoong dahilan.

"So, you're a spoiled brat and a rebellious daughter. I understand you, but I can't tolerate you."

Matamang tumitig ang dalaga kay Rendel. Kahit bakas ang iritasyon sa mukha nito ay attractive pa ring tingnan. Lumapit pa siya rito at nakiusap na huwag itong magsumbong sa kaniyang ama.

"Kahit anong trabaho gagawin ko huwag mo lang akong isumbong kay Daddy. Please, maawa ka. Ayaw ko munang umuwi," aniya. May pa-cross fingers pa siya habang nakayukod.

Napasulyap naman si Rendel sa gawi ng kaniyang dibdib pero tila hindi apektado sa nakikita.

"Hindi ako magsusumbong pero hindi ako magto-tolarate ng maling gawain."

Tumayo siya nang tuwid. "Wala naman akong ginagawang masama. Gusto ko lang talaga makalaya."

"Fine! Palalagpasin ko ang issue mo. Pero once may natuklasan akong mali sa ginagawa mo, ako mismo ang maghahatid sa 'yo sa tatay mo."

"Salamat. Promise, walang mali sa ginagawa ko. Hindi mapapahamak ang kumpanya mo."

"Sige na. Magtrabaho ka na."

Dahil sa tuwa ay napasugod ang dalaga kay Rendel at sinadyang yumakap dito nang mabilisan. Wala naman itong kibo, ni hindi siya pinansin hanggang makaalis.

SA kabilang banda, nagdulot ng kakaibang impact kay Rendel ang biglang pagyakap sa kaniya ni Nicole. Aminado siya na nakuha nito ang kiliti niya. Palibhasa bihira siya maka-encounter ng babaeng kasing hyper ni Nicole. Sinanay siya ng kaniyang lolo na maging kalmado sa lahat ng sitwasyon, at huwag magpakita ng emosyon sa ibang tao.

Dahil na rin sa natuklasan niya sa tunay na pagkatao ni Nicole, lalo tuloy siyang na-curious dito. Pero aminado siya na may iba pang dahilan ang curiosity niya. Ilang gabi na ring hindi maalis sa kaniyang isip ang dalaga.

Kinabukasan pagkatapos ng tanghalian ay isinama ni Rendel si Nicole sa business meeting niya, kasama rin si Sena. May sakit ang driver niya kaya siya na ang nagmaneho papuntang Olongapo City. Ilang minuto lang naman ang biyahe mula sa Subic Bay.

Nadi-distract siya sa likot ni Nicole. Ang iksi pa ng skirt nito, lalong nahatak pataas nang makaupo ito sa kaniyang tabi.

"Saan ba tayo pupunta?" mayamaya ay tanong ni Nicole.

"Sa City, may meeting ako kasama ng ibang businessman," tugon niya.

Bahagyang napayuko si Nicole at pabulong na nagsalita. "Baka naroon ang daddy ko."

"I'm not sure."

Lalong hindi mapakali ang dalaga. Halos makita na ang singit nito sa paglilikot.

Inihinto naman ng binata ang kotse sa malawak na parking lot ng isang hotel. Doon gaganapin ang meeting kasama ang ibang business owner at ilang kawani ng gobyerno.

"Dito na lang ako sa labas maghintay, sir," balisang wika ni Nicole.

"Ano'ng silbi na isinama kita kung iiwan kita rito sa labas?"

Binuksan na niya ang pinto ng kotse at lumabas. Nauna na sa kanila si Sena at may kinausap na kakilala. Bumaba rin naman ng kotse si Nicole at sumunod sa kaniya. Wala naman siyang balak ipahamak ito kaya inalam niya kay Sena kung sinu-sino ang mga negosyanteng makakasama sa meeting.

Pagdating nila sa confence room ng hotel ay lalong inatake ng nerbiyos si Nicole. Nagtatago ito sa likuran ng binata.

"Don't worry. Hindi kasama ang daddy mo sa meeting. Wala sa listahan ang company n'yo," sabi niya upang kumalma si Nicole.

"Sigurado ka ba?"

"I didn't lie."

Umupo sila sa silyang malapit sa pintuan. Napagitnaan siya nina Nicole at Sena. Wala pa ang speaker ng meeting pero halos mapuno na ang conference room. Nagtataka siya bakit biglang nagsuot ng eyeglasses si Nicole at iniladlad ang buhok nito na halos matakpan ang mukha, nakayuko pa.

"Hey! What are you doing?" sita niya sa dalaga.

"May nakita akong pamilyar na lalaki. Siguro isa siya sa business partners ni Daddy," anito.

"Hindi ka naman niya siguro kilala."

"Pero mamumukhaan niya ako kasi kahawig ko si Daddy. At saka palagi akong kasama ng tatay ko sa mga meeting niya noon." Inilapit pa nito ang upuan sa kaniya at biglang humawak sa kaniyang kaliwang hita.

Dumating na ang speaker ng meeting at nagsisimula na ang pagtalakay sa agenda. Hindi makapag-focus si Rendel sa nagsasalita dahil sa katabing magulo. Inalis na niya ang kamay ni Nicole sa kaniyang hita pero kumapit naman ito sa kaniyang braso. Halos lumubog na ito sa inuupuan.

"Nakatingin sa akin ang lalaki sa tapat natin, kilala ata ako," sabi ng dalaga.

"Napa-paranoid ka lang. Maupo ka nang maayos."

Kinalabit din ni Sena si Nicole at sinita. "Ano 'yang pinaggagawa mo, Nicole? Umayos ka nga! Para kang baliw riyan. Baka isipin ng mga tao may kasama kaming takas sa mental."

"Grabe ka naman, Ate Sena. Hindi pa naman ako nababaliw, malapit lang." Ngumiti pa ang dalaga.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top