C-3 Escaping The Arranged Marriage
SAMANTALA, pagdating ni Nicole sa clinic ay palihim siyang ngumiti. Inasikaso siya ng nurse roon. Ang totoo'y wala namang bumara sa kaniyang lalamunan. Umarte lang siya upang makuha ang atensiyon ni Rendel, at nagtagumpay naman siya. Tuwang-tuwa siya nang makita ang pag-aalala sa mukha ng binata.
Napasugod sa clinic si Richard at bakas sa mukha ang pag-aalala. Sinabi niya sa nurse na wala na ang bara sa kaniyang lalamunan matapos siyang mapakain ng saging. Pinayagan na siyang lumabas ng clinic. Sumama siya kay Richard sa opisina nito.
"Ano ba ang pinaggawa mong bruha ka?" nakapamaywang na saad ni Richard.
"Kalma lang, bakla. Nagkunwari lang akong nabulunan at napansin naman ni Rendel," nakangiting sabi niya.
Tinapik siya ni Richard sa kanang braso. "Baliw ka! Pinag-alala mo 'ko!"
"Hindi ka pa nasanay sa akin. I told you, gagawin ko ang lahat makuha lang ang atensiyon ng kuya mo."
Napangiti rin si Richard. "Ano naman ang reaksiyon ni Kuya nang makita kang hirap huminga?"
"Nag-panic siya, bakla!" Napatili pa siya sa kilig, ganoon din si Richard.
"Ang galing mo talaga, bakla! Ituloy mo lang ang plano mo. Baka sakaling ma-in love sa 'yo si Kuya. Then, once hindi na siya ganoon ka-cold, aamin na ako sa tunay kong kasarian."
"Darating tayo riyan, bakla."
Pagkatapos makipagkuwentuhan kay Richard ay bumalik din sa trabaho si Nicole. Umalis ng opisina si Rendel kaya nakapagpahinga siya.
TATLONG araw ang lumipas. Nakuha na ni Nicole ang perang inutang niya sa pinsan na pinadala sa remittance. Kaso isang libo na lang ang natira sa budget niya at matagal pa ang suweldo. Malaki na ang utang niya kay Richard kaya nahihiya na siyang humiram ulit.
Alas-otso na siyang nagising kaya bumili lamang siya ng almusal sa karendirya. Nakasabay pa niya sa elevator sina Rendel at Richard na parehong naka-black suit.
"Good morning, sir!" nakangiting bati niya kay Rendel.
Wala itong kibo at sinulyapan lamang siya.
Gustong-gusto na niyang kausapin ang kaibigan kaso katabi nito si Rendel. May pumasok kasing mensahe sa kaniyang cellphone mula sa digital wallet. Nag-send sa kaniya ng pera si Richard, tatlong libo.
Nang bumukas ang elevator ay naunang lumabas si Rendel. May pagkakataon siyang nakalapit si Richard.
"Bakit nag-send ka ng pera sa akin? Hindi ako nangutang," usig niya rito.
"Alam ko kailangan mo ng pera. Nag-chat sa akin ang pinsan mong si Janice."
Napangiwi siya at hindi na nagreklamo. Kilala rin ng pinsan niya si Richard dahil naging kaklase rin nito sa ibang subject noong college.
Magkasunod lang sila ni Richard na lumabas ng elevator at hindi na sila nag-usap. Ayaw kasi nito na mahalata ng ibang empleyado ang closeness nila. Baka mapag-initan umano siya ng ibang staff na may utak talangka, ayaw maungusan.
Pagpasok niya sa opisina ay kaagad siyang nagtimpla ng kape ni Rendel. Wala siyang narinig na reklamo sa binata dahil tiniyak naman niya na sakto lang ang lasa ng kape.
Pagdating naman sa opisina ni Rendel ay naabutan niya ang binata na naglilipat ng papeles sa kabilang lamesa. Inilapag niya ang tasa ng kape sa lamesa nito.
"Ako na po ang gagawa niyan, sir," sabi niya.
"Thanks. Paki-ayos lang ang mga papeles."
Tumalima naman siya at itinuloy ang paglipat ng papeles sa kabilang lamesa. Mabibigat ang ibang papeles kaya mabilis na-drain ang kaniyang lakas. Nagsisimula na namang manginig ang kaniyang kalamnan. Wala pa siyang almusal.
Noong nasa puder siya ng kaniyang pamilya ay hindi niya dinanas magutom o maubusan ng pera. Ngayong nakabukod siya, marami siyang napagtanto at namulat ang kaniyang isipan sa reyalidad. Natuto siyang magpahalaga sa bawat barya, magsinop ng mga pagkain, at higit sa lahat, magtiis sa isang kahig, isang tukang buhay.
Kumislot siya nang mapansing nakatingin sa kaniya si Rendel. Humihigop ito ng kape.
"Nag-almusal ka na ba?" mayamaya ay tanong nito.
"Ah, h-hindi pa po," balisang tugon niya.
"Kaya pala ang kupad mo. Mag-almusal ka muna bago mo ituloy 'yan."
Iniwan naman niya ang ginagawa at lumisan. Kinuha niya sa workplace ang kaniyang bag at dinala sa lounge. Inilabas niya ang nabiling almusal. Isang tasa lang ito ng kanin, isang pritong itlog na mamantika pa at isang hotdog na maliit. Nabili niya iyon sa halagang singkuwenta pesos. Inilipat niya ang pagkain sa plato at kumain gamit ang disposable spoon.
Habang kumakain ay tila bato ang kaniyang sinusubo. Hirap siyang lumunok dahil sa paninikip ng kaniyang dibdib. Naisip kasi niya ang kaniyang sitwasyon. Kung hindi namatay ang mommy niya, hindi iyon papayag na ipakasal siya ng kaniyang ama sa kung sinong lalaki para maisalba ang negosyo.
Nag-iisa siyang babae, bunso sa apat na magkakapatid. Buhay prinsesa siya noong nabubuhay pa ang kaniyang ina. Ngunit nagbago ang lahat dahil sa mga desisyon ng kaniyang ama. Naghigpit na ito sa pera sa takot na malugi ang negosyo.
Pagkatapos kumain ni Nicole ay binalikan niya ang trabaho sa opisina ni Rendel. Busy na ang binata sa pagtipa sa laptop nito.
"Nicole," tawag sa kaniya ni Rendel.
Lumingon naman siya rito. "Bakit, sir?"
"Mamayang alas-dose, may bisita ako. Magtimpla ka ng juice at kumuha ng food sa canteen, good for two person."
"Sige po."
Mayamaya ay nahulog sa sahig ang ballpen ni Rendel. Hindi nito mabitawan ang ginagawa kaya siya ang lumapit sa tabi nito at pinulot ang ballpen. Nanlaki ang mga mata niya nang mapansing nakabukas ang zipper ng pants ni Rendel.
Bumagal ang pag-angat niya ng mukha dahil nakatitig sa nakaaaliw na tanawin. Pumitlag naman siya nang biglang kunin ni Rendel ang ballpen sa kaniyang kamay. Wari inapuyan ang kaniyang mukha at biglang uminit. Nahawakan kasi ng binata ang kaniyang kamay. Nahuli rin niya itong napasulyap sa gawi ng kaniyang dibdib.
"Thanks," sabi lang nito.
Hindi pa siya lumayo at muling pinansin ang nakabukas na zipper ng binata. "May sasabihin ako, sir," aniya.
"Ano 'yon?"
"Bukas po ang zipper mo."
Mabilis namang bumaba ang tingin ng binata sa zipper ng pants nito at dagling isinara. "Ang talas naman ng paningin mo." Seryoso pa rin ito.
Malapad siyang ngumiti. "Concern lang po. Baka kasi may iba pang makakita."
"Balikan mo na ang trabaho mo."
Umatras naman siya at binalikan ang ginagawa.
Pagsapit ng tanghali ay ginawa na ni Nicole ang utos ni Rendel. Nagtungo siya sa canteen at kinuha ang order nitong pagkain. Iniwan lang niya sa lounge ang pagkain na may takip at nagtimpla ng orange juice. Wala pa naman ang bisita kaya bumalik siya sa workplace. May pinapa-xerox kasing papeles sa kaniya si Sena.
Mayamaya ay bumukas ang main door at pumasok si Sena, may kasama. Napako ang paningin ng dalaga sa lalaking kasunod ni Sena.
"OMG!" bulalas niya. Nagtago siya sa likod ng xerox machine.
Ginupo siya ng kaba nang makita ang Kuya Alex niya, ang panganay niyang kapatid. Ito marahil ang bisita ni Rendel. Nang silipin niya ito ay papasok na sa opisina ni Rendel.
Saka lamang siya tumayo at natataranta. Nilapitan na siya ni Sena.
"Ihatid mo na ang lunch ni Sir Rendel at ng bisita niya, Nicole," utos sa kaniya ni Sena.
Nakaisip siya ng alibi. "Ate Sena, puwede bang ikaw na ang maghatid ng pagkain? Bigla kasing kumulo ang sikmura ko," pagsisinungaling niya.
"Ano ba 'yan! Sige na, punta ka na sa CR!"
May banyo naman sa opisina pero lumabas pa siya at napadpad sa opisina ni Richard. Binalubog niya ito habang kumakain.
"Huminahon ka nga, Nicole!" sita sa kaniya ni Richard.
Palakad-lakad siya sa harapan ng lamesa ng kaibigan.
"May problema kasi ako, bakla," balisang usal niya.
"Ano ba 'yon?"
"Kasi dumating ang kuya ko sa opisina ni Rendel."
"Ano? Sinong kuya mo?"
"Si Kuya Alex!"
"Iyong kuya mong masungit na minsan ka na kinaladkad palabas ng bar?"
"Oo, bakla!" Napapadyak pa siya ng mga paa.
"Maupo ka nga muna baka mapaihi ka riyan."
Lumuklok naman siya sa silya katapat ng lamesa ni Richard.
"Ano'ng gagawin ko, bakla? Baka magduda sa akin si Rendel kasi sinabi ko ang apelyido ko. Paano kung close pala sila ni Kuya?"
"Kumalma ka muna. Baka naman isa lang sa bagong inivestors ng company namin ang kuya mo. Hindi ba ang Kuya Alex mo na ang CEO ng kumpanya ninyo?"
"Oo."
"Baka nga may plano sila for partnership since malaki rin ang benefits na makukuha namin sa company ninyo. Hindi na kami mahihirapan sa shipping ng mga truck na manggagaling sa Japan."
"Kaso malaki ang utang ng company namin sa business partner ni Daddy sa Tokyo. Iyon nga ang dahilan kaya nakipagsundo si Daddy sa ibang kasosyo niya na ipakasal ako."
"Huwag kang mag-alala, aalamin ko ang pakay ng kuya mo. Titiyakin ko na hindi niya malalaman na dito ka nagtatrabaho."
Nagtiwala naman siya kay Richard. Natakam siya sa pagkain nito at humingi. Naghati sila sa lunch nito.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top