C-2 Escaping The Arranged Marriage

PAGSAPIT ng tanghali ay natawag ni Rendel si Nicole. Ang bilis ng dalaga sumugod sa opisina ng CEO.

"Yes, sir?" sabi niya, malapad ang ngiti.

"Pakihatid 'to sa opisina ng COO," utos nito. Inabutan siya nito ng naka-folder na papeles.

"Okay po." Kinuha naman niya ang papeles.

"Daanan mo rin sa canteen ang order kong lunch. Wala pa kasing bagong staff na magde-deliver ng pagkain."

Tumango siya pero hindi pa kumikilos. Hindi maalis ang titig niya sa binata. "Ano pa po ang utos n'yo? Para isahan na lang."

"Inuutusan kitang umalis na."

Napangiwi siya, tinaong hindi nakatingin ang lalaki. Umalis na lamang siya.

Pagdating naman sa opisina ng COO ay nagulantang si Nicole ng presensiya ni Richard. Ito kasi ang nadatnan niya na nakaupo sa harap ng lamesa ng COO.

"Bakit narito ka?" tanong pa niya.

"Anong klaseng tanong 'yan, bakla? I'm the COO," nakataas ang isang kilay na wika ni Richard.

Lumapit naman siya rito at inabot ang pinadalang papeles ni Rendel.

"Akala ko ba sa HR office ka?"

"Pumupunta lang ako roon para sa final interview ng mga aplikante. Gusto kasi ng dad ko na masala ang bawat aplikante."

"Kung sa bagay, kayo ang mag-ari nitong company."

"Kumusta naman ang pang-aakit mo kay Kuya Rendel?"

Ngumisi siya. "Medyo mahirap siyang paamuhin pero titiyakin ko na bibigay siya sa akin."

"Let's see."

Nagpaalam na siya kay Richard at dumiretso sa canteen sa second floor.

NAGTATAKA naman si Rendel bakit nakuha kaagad ni Nicole ang lasa ng kape na gusto niya. Usually, inaabot ng isang buwan bago makuha ng assistant ang gusto niyang timpla ng kape.

Isang oras siyang naghintay bago dumating si Nicole dala ang pagkaing nakapatong sa serving tray. Naiirita siya sa simula dahil may kakulitan ang dalaga. Hindi rin ito tinatablan ng pasimpleng insulto niya. Pero may kakaiba siyang nararamdaman sa presensiya nito.

"Here's your food, sir!" sabi nito. Inilapag nito ang pagkain sa lamesa.

"Ipagtimpla mo ako ng cold coffee, maraming ice cubes," utos niya.

"Roger, sir!" Sumaludo pa ito at ngumiti.

Hindi man lang ito nagtanong kung anong flavor ng cold coffee ang gusto niya, basta na lang umalis. Napahilot siya sa kaniyang sintido.

Madali siyang mairita sa taong maingay, lalo kung nonsense ang sinasabi. Magmula noong inatake sa puso ang daddy niya, siya na ang nagpapasya para sa kumpanya. Walang interest sa business ang kapatid niya'ng si Richard pero pinilit niyang bigyan ng mataas na posisyon.

Nagsimula na siyang kumain nang bumalik si Nicole dala ang kape. Rumampa ito na tila kandidata sa beauty contest.

"Heto na po ang inyong cold coffee with ice cubes na kasing cold mo, sir!" nakangiting sabi nito. Yumukod pa ito nang maglapag ng kape sa kaniyang lamesa.

Awtomatikong bumaba ang tingin niya sa gawi ng dibdib ng dalaga, na hindi man lang nito magawang takpan ng kamay. Maluwag ang kuwelyo ng damit nito at malusog ang dibdib kaya nasisilip ang cleavege.

Hindi niya maikakaila na attractive si Nicole. Katunayan ay nakuha kaagad nito ang atensiyon niya sa unang kita niya rito sa elevator. Pagdating sa babae, hindi siya ganoon kainteresado. Iginugol niya lahat ng atensiyon sa negosyong pinaghirapan ng grandparents niya.

Napansin niya na naginginig ang kamay ni Nicole. Kamuntik pa nitong mabitawan ang maliit na tray na pinaglagyan ng tasa ng kape.

"Are you okay?" Napatanong siya sa dalaga na kaniya ring ikinagulat. Hindi siya ang tipo na nagpapakita ng care sa ibang tao.

"Nagugutom na kasi ako kaya siguro ako nanginginig," nakangiti pa ring tugon ng dalaga.

"You should eat first."

"Kaso nakalimutan kong magbaon ng lunch."

Napailing siya. Bago pa lang sa kumpanya si Nicole kaya hindi pa nabibigyan ng meal stub. Hindi ata ito na-orient nang maayos.

Kumuha siya ng kapirasong papel sa drawer at sinulatan. Pinirmahan din niya ito upang paniwalaan ng staff sa canteen na siya ang nagsulat. Pagkuwan ay inabot niya ito kay Nicole.

"Here. Ipakita mo ito sa staff ng canteen para bigyan ka ng lunch," sabi niya.

Kinuha naman ni Nicole ang papel at matamis na ngumiti. "Thank you, sir! Ang bait n'yo pala."

"Ibabawas din sa sahod mo ang pagkain once may meal stub ka na."

Napalis ang ngiti ng dalaga. "Ayos lang. Salamat pa rin dahil hindi ako magugutom ngayong araw."

Hindi na siya kumibo at sinundan lang ng tingin ang dalaga na palayo.

Tinikman naman niya ang kape. Natigilan siya at napaisip. Wala siyang maipipintas sa lasa ng kape dahil swak sa kaniyang panlasa. Hindi niya maiwasang magduda kay Nicole.

Pagkatapos niyang kumain ay tinawag niya si Sena sa pamamagitan ng intercom. Dumating naman ito kaagad.

"May itatanong lang ako tungkol kay Nicole," aniya.

Nakatayo sa harapan niya ang sekretarya. "Ano po 'yon?"

"May nagturo ba kay Nicole sa pagtimpla ng kape ko?"

"Hindi ko po alam, sir. Pero na-orient naman daw siya sa HR department. Sinabi lang sa akin kahapon ni Sir Richard na bagong hire si Nicole para office assistant n'yo. Ang itinuro ko lang sa kaniya ay ang magiging trabaho niya rito."

"You mean, kahapon lang na-hire si Nicole?" Lalo siyang nagduda sa dalaga. Si Richard ang nagpapasya kung ipapasa ang bawat aplikante. Naisip niya na maaring kilala na ng kapatid niya si Nicole kaya tinanggap kaagad. He's not sure.

"Yes, sir. Si Sir Richard po ang tumanggap kay Nicole. Pero siguro ay dumaan na siya sa online interview."

"I see. Iyon lang naman ang tanong ko. Salamat."

Umalis din kaagad ang ginang.

Nakulangan siya sa tubig na inumin kaya nagpasya siyang magtungo sa coffee lounge. Dinala na niya ang kaniyang pinagkainan. Pagdating naman sa lounge ay nadatnan niya roon si Nicole na mag-isang kumakain sa lamesa. May kausap ito sa cellphone.

Inilapag niya sa gilid ng lababo ang nagamit niyang kubyertos. Naghugas siya ng mga kamay. Hindi pa siya napansin ng dalaga at abala sa kausap nito sa cellphone.

"Pautangin mo muna ako kahit tatlong libo. Dagdag ko lang pambayad sa upa ng apartment. Babayaran ko naman kapag nakasuweldo ako," sabi nito sa kausap.

Nasipat ni Rendel si Nicole. Naka-side-view ito sa kaniya. Hindi niya maintindihan bakit pakiramdam niya ay may mali sa dalaga. Problemado sa pera si Nicole pero pansin niya ang bag nito, sikat na mamahalin ang brand. Maging ang damit nito ay branded. Makinis ang kutis nito, maputi, maganda ang mga kamay, wari hindi nakatikim ng trabaho.

Nang mapansin siya ay ibinaba ng dalaga ang cellphone nito. Tipid itong ngumiti.

"Hi, sir! Kumakain na po ako. Salamat ulit," wika nito.

Hindi siya kumibo. Kumuha siya ng isang bottled mineral water sa ref. Paalis na sana siya nang biglang napaubo si Nicole. Pumihit siya paharap dito nang mapansing hindi ito tumigil sa pag-ubo.

Walang kasama si Nicole at nag-alangan siyang iwan ito. Namumula na ang mukha nito kakaubo, tila may kung anong bumara sa lalamunan nito. Nagpasya siyang lapitan ito.

"What happened?" tanong niya rito.

"May bumara sa lalamunan ko." Hiningal na ito at kumapit nang mahigpit sa kanang braso niya.

Tiningnan niya ang pagkain nito, may kasamang pritong isda. Maaring may nakain itong tinik ng isda. Nabuksan tuloy niya ang bote ng tubig at binigay sa dalaga.

"Drink it," aniya.

Kinuha naman nito ang tubig at nilagok. "Meron pa rin, eh." Muli itong umubo.

Nag-panic na siya dahil hirap na magsalita ang dalaga. Nagtawag siya ng ibang staff at inutusan na dalhin sa clinic si Nicole. Tumalima naman ang mga ito.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top