Luke and Lucky

HINDI ko alam kung naaalala mo pa ang panahon ng unang beses kitang makita.

Sa totoo lang, gusto ko na lang tawanan ang alaalang iyon dahil hindi ako nagdalawang isip na tumakbo papunta sa iyo para lang yakapin at halikan ka.

Siguro ay hindi akma para sa iyo ang ganoong klase ng pagbati, hindi na rin ako nabigyan ng panahon para makahingi ng tawad dahil agad mo rin naman akong tinulak palayo sayo. Hindi ko alam kung bakit kabaligtaran ang nararamdaman mo para sa akin.

Pero napagtanto ko rin naman mula sa ilang araw na kasama kita, na kailangan ko pang patunayan sa iyo ang sarili ko para lang magkaroon ng konting puwang sa puso mo.

Hindi ko naman ginusto na palitan 'siya' sa puso mo. Alam ko naman ang lugar ko lalo na at ako rin ang naging dahilan kung bakit nawala 'siya' sa buhay mo. Hindi ko alam kung paano hihingi ng tawad sa kasalanan na hindi ko naman ginawa. Sana ay pagbigyan mo ang sarili mo na maghilom sa pagkawala 'niya'. Kung kailangan mo ng kausap, nandito ako handang tulungan ka sa abot ng makakaya ko.

Ngunit maliwanag pa sa araw ang pagka-asiwa mo sa akin. Pero hindi iyon ang dahilan para sukuan kita, sa katunayan nagmistulang layunin ko ang gisingin ka sa umaga at ipaalala sa iyo na magsisimula na ulit ang panibagong kabanata ng buhay mo.

Pero lagi kong naririnig mula sa iyo na nawalan ka na ng motibasyon para mabuhay nang dahil nga sa pagkawala 'niya'. Naiintindihan ko naman iyon, kung gusto mo akong sisihin, ayos lang. Gumising ka lang para makapag-agahan ka.

Ilang araw pa ang nakalipas ng narinig ko mula sa iyo ang pagsisisi ng kinupkop mo ako. Ayaw mo akong makita, ngunit nagpapasalamat ako dahil sa araw-araw ay hindi mo ako pinabayaang magutom at mauhaw.

Kung kailangan kitang ligawan araw-araw gagawin ko. Gusto ko kasing mapansin mo ako. Gusto kong magkwentuhan tayo, maglaro at mas makilala pa ang isa't-isa.

Mahal na kita sa unang pagkikita natin na hindi ko magawang itago ang nararamdaman ko miski sa sarili ko. Ngunit mukhang kahit anong gawin ko, kapag ayaw mo, ayaw mo. Hindi naman kita pipilitin, pero hindi ibig sabihin no'n ay titigil ako sa pangungulit sa iyo.

Minsan kahit na madalas hindi na maipinta ang mukha mo sa pagka-irita mo sa akin, natutuwa ako dahil unti-unti mo na akong napapansin. Kung ang pang-iinis ko sa iyo ang dahilan para lang pagmasdan mo ako, pagsisikapan ko pa na asarin ka pa lalo.

Sana ay palayain mo ang sarili mo sa mga iniiwasan mong maramdaman, dahil iyon lang ang makakatulong sa iyo para ika'y maghilom. Masungit ka at pikunin, pero ikinagagalak kong makita ang iba't-ibang mukha na pilit mong tinatago mula sa mundo.

Natanggap ka man ng bisita sa bahay mo, ngunit alam ng puso ko na nagsusuot ka ng maskara para lang makasabay sa ibang tao. Ngumingiti ka man sa iba, ngunit hindi iyon ang tunay mong nararamdaman.

Nagpapasalamat ako dahil kapag ikaw at ako na lang, nakikita ko ang tunay na ikaw. Sapat na sa akin iyon dahil alam mong hinding hindi kita hinuhusgahan.

Araw-araw kitang kasama, pero ika mo nga, sakit lang ng ulo ang madalas kong ibinibigay sa iyo. Siguro nga mahirap akong pakisamahan. Paano ko ba ipapaliwanag sa iyo ang nais kong sabihin, kung ayaw mo rin naman ako intindihin at kilalanin?

Ilang mga pang-uri ng paghahambing ang naririnig ko mula sa iyo na hindi ko na mailista dahil sa dami niyon. Iilan lang ang : masyado akong pasaway, maingay, magulo at salot sa buhay mo na laging nagbibigay sayo ng kapahamakan kahit pa may pagkakataon naman na minsang napapatawa kita dahil sa kakulitan ko.

Bihira kang ngumiti sa harapan ko, pero dahil sa isang beses kitang nakitang ngumiti sa akin ay nagkaroon ako ulit ng panibagong layunin para lang makita ko ang mukhang isang beses mo lang ipinakita sa akin.

Naramdaman ko sa puso ko ang bagong emosyon na ipinasa mo sa akin na hindi ko maipaliwanag. Tila naging kayamanan ang mga ngiti mo na iyon na gusto kong protektahan at paulit ulit na maramdaman sa tuwing magkasama tayong dalawa.

Ang pagkainis at pagkairita mo sa akin ay unti-unti nang napapalitan ng pagmamalasakit na dinadaan mo sa pagpapakain sa akin ng masustansyang pagkain, pagpapainom ng malinis na tubig, pagbibigay ng pinaglumaang damit na tinahi mo para lang magkasya sa akin at pagbibigay ng pwesto sa loob ng bahay mo kung saan libre kong natatanaw ang iyong kama mula sa kabilang hilera ng bahay mo.

Maliit na bagay man iyon na hinandog mo para sa akin, ngunit sa sobrang saya ko ay ipinagmamalaki kita sa mga kapitbahay at kaibigan ko.

Siguro ay masyado akong nagmamayabang o sobrang babaw lang ng kaligayahan ko, pero ayokong itago ang pasasalamat at pagmamahal na nararamdaman ko para sayo.

Hindi ako kailanman naghangad ng sobra, ngunit sobra kong ikinasasaya nang ang dalawang beses na paghandaan mo ako ng pagkain ay naging tatlo na. Hindi naman ako maselan na kahit ang tira mo noon ay kinakain ko. Pero ngayon hindi ko alam kung anong milagro ang ginawa mo, para lang matuto ako magbasa ng orasan kung kailan ako ulit kakain sa magkok ko habang ika'y nakain sa plato mo. Nakakatuwa ang alaala noong unang beses tayong nagsabay kumain. Kahit konti lang ang hinanda mo para sa akin sobra akong nabusog, dahil alam kong malapit ka sa akin at pinagmamasdan ako mula sa iyong lamesa.

Hindi ko alam kung kailan nagsimula ang pagyaya mo sa akin lumabas ng bahay pero sa sobrang tuwa ko, lagi kitang hinihila kung saan-saan na siyang minsang naging dahilan para madumihan ang suot-suot mong damit.

Na-miss ko ang nakasimangot mong mukha habang pinapagalitan mo ako. Pero kasabay no'n ay ang paglilinis mo sa madumi kong katawan. Nagulat pa ako dahil hindi mo ako pinaliguan sa labas noon. Ayoko kasi ng malamig na tubig, siguro nga ay maarte ako. Minsan ko nang narinig iyon mula sa ilang reklamo mo tungkol sa akin. Hindi ko inaasahan na ipagiinit mo ako ng tubig para lang kumalma ako, sobrang ikinasaya ko iyon dahil kahit hindi ako magsalita, unti-unti mo na akong nakilala.

Wala na akong mahihiling pa dahil sa namumuong pagkakaibigan sa ating dalawa. Ngunit may mga pagkakataon pa rin na nahuhuli kitang lumuluha dahil sa pagkawala 'niya'.

Kahit hindi mo ako tinawag ay nilapitan kita para lang mayakap kita.

Hinding hindi ko tatangkain na palitan 'siya' sa puso mo. Ramdam ko sa bawat paghikbi ang sakit na tinatago tago mo, pero tutulungan kitang umahon.

Pangako ko iyon sa iyo.

Ikaw ang mundo ko.

Gusto kong maramdaman mo ang halaga mo sa puso ko.

Hindi ko alam kung bakit mas pinipili mo ang magsinungaling sa harapan ko. Ang sabi mo hindi mo pa ako lubusang tinatanggap sa buhay mo. Na isa lamang akong responsibilidad at pabigat sa iyo. Na naawa ka lang sa akin kaya mo ako kinupkop. Ngunit ramdam ko sa puso ko na may lugar na ako sa puso mo na hindi mo maamin amin sa sarili mo.

Takot. Takot ang naging pabango mo para lang itago ang tunay na bango ng puso mo. Hindi ko alam ang pakiramdam ng nawalan katulad mo, ngunit ang mahiwalay sa iyo ng ilang minuto ay dahilan para hindi ako mapakali.

Nauumay ka na ba sa presensya ko?

Sana lagi na lang tayong magkasama kahit saan ka magpunta. Ayoko sanang umalis sa tabi mo pero ang lagi mong paalala sa tuwing aalis ka ng bahay ay bantayan ko ng maigi ang bahay natin mula sa masasamang loob. Iyon ang tanging utos na sinabi mo sa akin na siyang ginagalang ko ng sobra.

Ayokong biguin ka. Kahit gaano katagal, hihintayin ko ang pagbabalik mo.

Natuto akong magbasa ng oras para bilangin kung ilang oras kang nawalay sa akin, pero hindi pa rin nagbabago ang pagbati ko sa iyo kasama ng sandamakmak na halik at yakap sa tuwing sasalubungin kita sa mala-palasyo nating pintuan.

Masaya akong makita na ikinatutuwa mo ang pagsalubong ko sayo. Maswerte ako kung may pasalubong ka minsan para sa akin. Meron man o wala ay nagpapasalamat ako dahil ang pag-uwi mo sa bahay ang siyang inaabangan ko araw-araw.

Ikinagagalak ng puso ko na dumating ang isang gabi kung saan pinayagan mo akong tabihan ka sa kama mong malaki. Ang mabigyan ka ng init at seguridad ang siyang maibibigay ko sa tuwing bibistahin ka ng masamang panaginip.

Kahit hindi mo ako nauunawaan ang pangako kong hinding-hindi kita iiwan ay tutuparin ko hanggang sa huling hininga ko.

Nang unang beses mo akong binigyan ng matamis na halik at niyakap ng mahigpit, doon ko naramdaman na iisa ang tinitibok ng mga puso natin.

Mahal na mahal kita mula pa noon, hanggang ngayon.

Ikaw ang mundo ko.

Ikaw ang swerte ko.

Ikaw ang pangalawang pagkakataon ko.

Masarap kang mahalin, sana lang ay ipamahagi mo rin sa iba ang pagmamahal na unti-unti mong pinaparamdam sa akin.

Alam kong hanggang dito lang ako, isang kaibigan, kakampi at tagabantay ng ating palasyo.

Dumating na ang panahon kung kailan tuluyan nang naghilom ang iyong mga sugat. Muli kang bumangon mula sa lupa kung saan dati kang lugmok na nakabaon.

Naramdaman ko ang tunay na pag-ibig nang bigkasin mo ang pangalan ko. Ang araw na iyon ay nakatatak na sa kaluluwa at alaala ko na hinding hindi ko pagsasawaang balik-balikan.

Hindi ko alam kung ano ang totoong kulay ng mundong ginagalawan ko, ngunit kasabay ng iyong ngiti ay bumukadkad ang kulay sa kapaligiran ko nang marinig ko mula sa iyong puso ang tunay mong saloobin.

"Ikaw ang swerte namin ni Luke, Lucky. Sakto nga ang pinangalan niya sa iyo bago siya mawala." mangiyakngiyak niyang ani, "Alam ko namang matagal ka na niyang gustong kunin sa shelter, hiram lang ang buhay natin alam ko naman iyon. Noong araw na iyon sabi doon sa shelter, iyon na rin ang huling araw mo kung sakaling walang kumuha sa iyo. Pero kinuha ka ni Luke dahil nakita niya sa mga mata mo na gusto mo pang mabuhay."

Hinimas niya ang ulo ko, "Lucky, patawarin mo ako kung sinisi kita sa pagkawala ni Luke. Sobrang pait lang ng pagtanggap ko sa iyo noon. Kasama niyang namatay ang kalahati ng puso ko, pero hindi mo ako sinukuan." natatawa niyang ani, "Sa saglit na panahon, pinaalala mo sa akin ang mga pangaral ni Luke sa paraan kung saan mabilis mong napapainit ang ulo ko." nagpakawala siya ng hangin mula sa malalim niyang baga, "Hindi ko alam kung anong tinuro sa iyo ni Luke o sadyang totoo bang nakikita ng hayop ang hindi nakikita ng tao."

Sinalubong ko ang mga mata niya kung saan nakikita ko ang imahe ng isang malusog, makulit at pasaway na aso.

Hiniram ko lang ang buhay na ito para tulungan kang maghilom, mahal ko. Iyon lang ang nais ko bago ako umakyat sa langit. Totoong nakikita rin ako ni Lucky, pero dahil takot ka sa multo ay pinakiusapan ko siyang magpakabait.

Gusto kitang ngitian pero nanakawan na lang kita ng halik sa huling pagkakataon.

"I love you too Lucky." aniya.

Niyakap ko lang siya pabalik hanggang sa abutin ng liwanag ang aking kamay.

"Ikaw na ang bahala sa reyna natin Lucky, ipangako mo na aalagaan mo siya ah?" Bilin ko sa katawan ng asong minsan akong nakihati.

Tinahulan niya ako at lumingon si Elisha sa pintuan kung saan ako nakatayo. Kung nakikita niya ako, sana makita niya ako sa huling pagkakataon na nakangiti sa kanya.

I'm so proud of her.

I love her.

My only wish right now, was for her to open up her doors and fall in love again.

Pumunta si Lucky sa pintuan at lumabas papunta sa may gate, hinabol siya ni Elisha. Gusto ko silang tawanan dahil alam na nila ang ugali ng isa't-isa. May tao sa labas ng gate kaya naiintriga ang aso sa taong kumakatok.

"Lucky, pasaway ka talaga!" Sigaw niya sa aso at pinipigilan 'tong lumabas. Pinagmasdan niya ang taong kumakatok at kinuha ang ipinadeliver niyang pagkain. "Salamat po-teka Luis?"

"Lisha?" Nakangiting ani ng taong matagal ko ng hindi nakikita. "Akala ko sa Maynila ka na nakatira, kailan ka pa bumalik dito?" Pangangamusta ng binata sa kanya.

"Mga ilang taon na rin." sagot ni Elisha sa lalaki.

"Nabalitaan ko ang nangyari kay Luke. Hindi lang ako nakadalaw dahil sa trabaho. Pasensya na."

"Ayos lang 'yon. Tatlong taon na ring nakalipas." nakapikit akong pinapakinggan ang boses niya na iniwasan niyang mabasag sa harapan ng dating kaibigan. "Sana kung nasaan man si Luke, okay na siya."

Lumingon si Lucky sa akin at naramdaman ko ang kamay na tumapik sa balikat ko, "Salamat po dahil pinagbigyan ninyo ang huling kahilingan ko." nakangiti kong ani at pinapanood ang panibagong kabanata ng buhay ni Elisha kung saan punong puno na ito ng liwanag at pag-asa.

"Ang cute naman ng aso mo," lumebel si Luis kay Lucky, "Anong pangalan niya?"

"Lucky."

- End -

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top