Kabanata Dalawa [2]

"Lily at Celine, kayo ang bahalang kumuha ng mga clips ng mga magagandang bahagi ng isla; pwede roon kayo sa dulo, sa ibabaw ng mga malalaking bato, o roon sa ibabaw ng punta na iyon. Damihan n'yo nang sa gayo'n ay mapagpipilian natin." Utos ni Jorros sa kanila, "Anong gagamitin n'yong technique?"

"Panning lang 'yung gagamitin naming, 'yun lang naman talaga ang magagamit."
"Oo,"
"Sa iyo naman Harry, ikaw ang nakaatas sa top view ng isla dahil sa 'yo naman 'yung drone na gagamitin natin. Isama mo si Annelyn at Keith para may tumulong sa 'yo."

"Dito lang ba? Hindi na aabot doon sa baryo n'yo?"

"Hindi na, hangga't makakaya ay walang tao o bahay ang makikita; purong kagubatan at dagat lamang maliban lang kila Clyde at Hannah na pangunahing tauhan dito." Sagot niya.

Nang tumango si Harry ay inilipat kaagad ni Jorros ang atensyon, "Kayo naman Hannah, mamaya pagkatapos nating kumain ay magsimula na kaagad kayo dahil marami-rami ang clips na kailangan namin. At Joy, ikaw ang director sa kanilang drama; ikaw na rin ang bahala sa pagkuha ng magagandang angle ng clips at sa pagsasaayos ng galaw nila na magmumukhang normal lang talaga."

"Hindi ba, ikaw ang mamamahala sa kanila Jorros?" Tanong ni Joy.

"Sasamahan ko si Crystelle sa diving para kumuha ng underwater videos. Tsaka may tiwala naman ako sa creativity mo Joy, kaya kampante akong maganda ang resulta ng music video natin." Aniya at ngumiti ito.

"Pakiusap, hangga't kailangan nating matapos ang lahat ng ito ngayong araw; mula shooting hanggang sa editing. Iba na naman kasi ang tatrabahuin natin mamayang gabi at bukas para sa short film natin."

"Handa na ang almusal natin, guys! Patulong naman diyan, medyo mainit pa kasi." Sigaw ni Clyde na pawis na pawis sa kakaluto.

"Tulungan mo muna siya Keith," utos ni Jorros, "Dito na lang tayo kakain."

▪ ▪ ▪

S

a ibabaw ng naglalakihang mga bato ay naroon sina Lily at Celine na tahimik at kumukuha ng mga video clip ng isla mula sa baybayin patungo sa kalawakan ng karagatan. Tirik na tirik ang araw at ito'y direktang nakatutok sa kanila, pero hindi alintana ang init na hatid nito sapagkat sobrang sariwa at malamig din ang simoy ng hangin na umiihip sa kanila.

Nakakalula, matarik ang batong pinagpatungan nila. Pawisan ang mga paa nila sa takot na baka mahuhulog sila't dudulas patungo sa mga grupo ng bato sa baba, pero sa kabila nito'y nagpatuloy pa rin sila at nilasap ang sandali sa ibabaw. Marami-rami na rin ang kuha nilang video clip, sapat na ito upang ipahayag kung gaano kaganda tignan ang isla mula sa perspektibong iyon. Itong pwesto nila ay ang panghuling pwesto kung saan sila kukuha ng magagandang anggulo, tapos na silang kumuha sa ibabaw ng punta, at sa baybayin na ipinukos nila ang mga along humahampas sa buhangin.

"Tara na, Lily. Bumbalik na tayo sa kampo." Aya ni Celine sa kaniya.

"Saglit lang, dito muna tayo. Magpakasawa muna tayo sa tanawin dito." Tutol ni Lily at napaupo sa bato.

"Marami pa kasi tayong gagawin, Lily. Kung 'di natin 'to mahahatid kaagad sa kaniya ay siguradong magagalit si Jorros. Tsaka titindi na rin ang init dito mamaya, mangingitim tayo nito Lily, gusto mo 'yun?"

Saglit na natahimik si Lily at inisip ang pahayag ng kaibigan, "Sige, Tara na." Aniya matapos maisaalang-alang ang sinabi nito. Sumang-ayon na lamang siya dahil sa may punto rin ito.

Marami pa nga silang gagawin at hindi pwedeng uunahin niya ang pangsariling kagustuhan hangga't hindi pa sila natatapos. Gusto niyang maging matagumpay ito ng proyekto nila nang sa gayo'n ay mababawi niya ang pumalya niyang marka sa asignatura. Ito na lamang ang natitira nilang tsansa at ayaw niyang sayangin ito, ayaw niyang galitin ang kaniyang magulang, lalong-lalo na ang kaniyang ama.

Dahan-dahan lamang at todo-pigil sila sa sarili habang bumababa sa magaspang at matarik na bato. Nagtulungan silang dalawa at sumuporta sa isa't-isa upang 'di madulas at ligtas na makakababa't makasampa sa kasunod na malaking bato. Nagsilbing hagdanan ang mga bato para sa kanila, hanggang sa sila ay makababa ng tuluyan at nakalapag sila sa buhangin na walang sugat na natamo.

Sabay nilang binagtas ang mabuhanging lupain at tinungo ang kampo. Habang naglalakad pa sila ay nakita nilang sina Joy, Clyde at Hannah lang ang naroon sa kampo, halatang nagpapahinga pa ang mga ito sapagkat nakaupo sila sa malaking sanga at umiinom ng tubig. Nang tuluyan silang nakalapit ay agad nilang dinaluhan ang pawisang mga kasama at tinabihan ito.

"Anong nangyari? Pawis na pawis ata kayo." Tanong ni Celine na tumabi kay Joy na abala sa panonood ng video clips na kuha nito.

"Naghabulan kami kanina roon sa malapit sa dagat, tsaka nakailang ulit kami sa pagda-drama kasi gusto talaga ni Joy na perpekto 'yung galaw naming; 'yung hindi raw halatang scripted, natural lang." Natatawang sagot ni Hannah na hindi alintana ang pagod sa pinaggagawa nila.

"Sina Jorros? Wala pa ba?"

"Oo, kanina pa 'yun sila sa underwater filming nila. Ewan ko kung saan ba na bahagi ng isla sila dumadaong para magpahinga, hindi kasi naming napansin na bumalik lang man dito sa kampo." Pahayag ni Clyde, "At sina Harry naman, matapos naming makakuha ng iilang video clips ng ay bumalik kami rito upang iwanan na kay Joy. Uminom lang sila saglit ng tubig tsaka umalis din kaagad para mga aerial shots." Pagpapatuloy nito.

"May clips pa pala kayo sa gubat?"

"Oo, dinagadagan na lang naming para isama sa introduction."

"Guys, kailangan nating i-retake 'tong pang-apat na senaryo." Biglang saad ni Joy na pumutol sa 'ming usapan,

"Pati na rin pala 'tong sa panglima. Napatingin pala si Hannah sa camera, pasensya 'di ko namalayan."

Dulot ng inanunsyo ni Joy ay walang magawa sina Clyde at Hannah kung hindi ang tumugon. Walang kabuhay-buhay na napatayo ang dalawa at pipunasan ang tumatagaktak na pawis sa kanilang mukha at leeg, wala silang inusal na reklamo ngunit mababakas naman sa mga mukha nito na pagod sa pinaggagawa. Pero gaya nga ng napag-usapan nila, hindi sila susuko kaagad kahit gaano pa kahirap itong pinaggagawa nila sapagkat para rin naman ito sa ikakabubuti nila.

"Lily, titignan na lang din natin 'yung mga kuha natin kanina. Baka may mali roon, mas mabuti para ma-retake rin natin ulit." Aya ni Celine sa kaniya nang makaalis ang tatlo't bumalik na sa baybayin.

"Mas mabuti nga,"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top