Chapter 05
CHAPTER 05
Manang Celly
"Kawawa naman ang anak nila Sir, Francis. Keganda gandang bata, inaalipin nang pag-ibig niya sa isang Vejar."
Napaharap ako kay Jose at sinang-ayunan ang kaniyang sinabi.
"Ewan ko ba naman din sa batang 'yon. Masyadong malakas ang naging tama sa bunsong apo ni Don Madeo. Kung ako ang tatanungin, may mas gwa-gwapo pa naman siguro kay Mateo. Hindi lang naman Vejar ang may makisig na pangangatawan at kagwapuhang taglay." Ngiwi ko at pinasadahan ng tingin si Fayra na inaasikaso ang pagdidilig sa kaniyang mga halaman kasama si Mira.
Bawat hinanakit ng batang ito ay alam ko. Bawat iyak niya ay lagi kong naririnig. Ang bawat emosyong pinapakawalan niya ay alam ko dahil hindi niya kayang itago 'yon. Kung titingnan siya ngayon, animo'y walang dinadala na mabigat sa loob. Animo'y masaya sa kaniyang buhay may asawa ngunit ang totoo ay hindi.
Napabuntong hininga ako at inabot kay Jose ang sandok para sa ginataang papaya na ni-request ni Mateo para sa kanilang tanghalian.
"Kawawang bata. Gusto ko man siyang tulungan para maturuan ng leksyon ang asawa niya, ay siya naman ang pumipigil sa akin. Wala rin naman ako sa lugar kung pangungunahan ko siya." Saad ko pa sa malungkot na tono.
Ilang taon na rin akong naninilbihan sa mga Vejar. Nasa sampong taong gulang pa lamang si Mateo nang maalagaan ko ito. Kung ibabase ko ang ugali niya ngayon sa nakaraan, ibang iba. Ang layo ng bagong Mateo ngayon, kaysa sa nakasama ko nang halos isang dekada.
Galak ang namutawi sa akin nang mabalitaan kong ikakasal na siya at ako ang kukuhanin niyang kasama sa kanilang bahay. Akala ko ay maayos ang masasaksihan kong pagsasama katulad sa mga magulang ni Mateo, na pagmamahal ang ipinupundar sa kabahayan, ngunit nagkamali ako.
Ang ugali ng kaniyang ama na puro pagmamahal ang ibinibigay sa kaniyang ina ay hindi niya ata namana. Maginoo sa kahit na sinong babae ang kaniyang ama, turo iyon ng Don Madeo sa kahit na kaninong kalalakihang magiging isa sa kanilang pamilya. Galit ang Don Madeo sa nga ugaling patapon ng mga kalalakihan. Kinasusuklaman niya ang mga lalaking inaalipin ang isang babaeng sa kahit na anong aspeto na dapat ay minamahal at hindi pinapasakitan. Lahat ng mga Vejar ay namana ang gano'ng pag-ugali ng Don, ngunit taliwas ang naging dating kay Mateo.
Nangabit pa ito't harap harapang ipinapamukha sa kaniyang asawa na kahit kailan ay hindi niya ito mamahalin. Hindi niya ito kayang mahalin dahil ang dati nitong tinatangi ang kaniya lamang nais.
"Manang pakihanda nang hapag---"
"Alas dies pa lang, Mateo. Kaka-almusal niyo pa lang ni Fayra." Putol ko sa kaniya.
Tumikhim ito. "Si Rose ang nagugutom, manang. Kakagising niya ang ho, at isa pa, wala na ring pagkain sa lamesa dahil hindi naman isinama ni Mira si Rose sa niluto niya kanina." Halata ang pagkainis sa tono niya.
"Ano ba ang gusto mong ihanda ko sa hapag? Maluluto na itong inihahanda ko, ito na lang ba?"
"Paki-lutuan na lang po ng pritong manok si Rose, manang. Mamaya ho namin ang isang 'yan." Pagtutukoy niya sa ginataang papaya.
Napatango tango ako sa kaniya at sinunod ang kaninang iniuutos. Muling nagsalubong ang paningin namin ni Jose na ngayon ay panay ang kibit balikat habang nakatunghay sa papalayong bulto ni Mateo.
"Wala nang pag-asa ang batang 'yon, Celly. Mukhang alipin din ng pag-ibig sa kaniyang tinatangi ang bunsong Vejar."
"Hay naku, Jose. Huwag kang pakakasiguro, may mga pag-ibig na nababaling sa iba. Hindi niya pa kasi lubos na kinikilala si Fayra kaya nagpapakatanga siya sa asawa ng kapatid niya. Kung makikilala niya lang si Fayra, tiyak na magiging sunod-sunuran siya sa batang yaon, at hihintayin ko ang araw na mangyari ang senaryong 'yon, Jose."
Napailing si Jose sa akin. "Pustahan tayo, Celly. Limang daan ang pusta ko, na hindi mababaling kay Fayra ang atensyon ni Mateo---Ay!"
Sinamaan ko si Jose ng tingin pagkatapos ko siyang mabato ng plastic na baso sa braso. Ngiwing ngiwi ang labi nito habang hinihimas ang tinamaan ko.
"At talagang pagpupustahan na'tin 'yan, Jose? Hindi ka ba naaawa kay Fayra? Asaan ba naman ang utak mo? Mukhang natanda kang paurong." Inis kong litanya sabay hawi sa kaniya para makapagsandok na ako.
Tumawa ito at marahan akong tinapik tapik sa balikat.
"Celly naman, boto pa rin naman ako kay Fayra para kay Mateo, pero kung puro pasakit naman ang natatamo niya sa asawa, aba'y sana nga ay maghiwalay na sila, makahinga man lang siya at muling maibangon ang sarili. Ikaw ba, gusto mo bang maubos muna si Fayra, bago sumuko? Gugustuhin mo bang makitang lunod na lunod na si Fayra kay Mateo? Kasi kung oo, puwes ako ay hindi, Celly. Napakabait ni Fayra sa atin, hindi ko maatim na napakasamang kapalaran ang ibinabalik sa kaniyang ng tadhana."
Napahinto ako sa ginawa at napako ang paningin ko sa kawalan. Tama si Jose. Napakabait ni Fayra para mabigyan siya ng pangit at masamang kapalaran. Masyadong masakit ang isang ito. Bugbog ang emosyon niya, mahirap bumangon sa isang ito kung magpapatuloy.
Muli kong hinarap si Jose.
"Ngunit sa huli ay si Fayra pa rin ang masusunod, Jose. Ipagpasa-diyos na lamang na'tin silang lahat, lalo na si Fayra at Morgan na kapwa niloloko ng dalawa."
Mabilis akong kumilos nang marinig ang boses ni Mateo kalaunan, nakisuyo na rin ako kay Jose na siya na lamang ang magdala ng pagkain no'ng Rose sa hapag dahil hindi ko maatim na makita ang mukha nito.
Dumiretso ako sa hardin pagkatapos kong maghanda. Doon ko naabutan si Fayra na nagliligpit na ng hose at si Mira na inutusan niyang maligo na dahil aalis pa sila.
Nakangiting napalingon si Fayra sa akin.
"Aalis muna kami mamaya, manang. Matagal na rin kasi simula nang huling dalaw ko sa ampunan. Gusto ring makita nila sister si Mira at kamustahin ito ng personal."
Naupo kami ni Fayra sa bench na nasa gitna ng kaniyang hardin, inabutan ko siya ng pamunas sa pawis at isang baso ng palamig na inihanda ko na rin kanina.
"Aalis ka na naman, Hija. Paano na naman ang asawa mo sa kamay no'ng Rose na 'yon?" Nag-aalalang tanong ko.
Bumuntong hininga si Fayra sabay lagok sa palamig niya.
"Hindi ko na alam manang. May gusto man akong gawin, ngunit natatakot ako sa magiging kahihinatnan. Natatakot akong mamuhunan sa sugal na gusto kong umpisahan."
"Bakit hindi mo subukan, anak? Tiwala naman ako sa 'yo na ikaw sa huli ang uuwing panalo. Bakit hindi mo gawin?"
Payak siyang ngumiti sa akin at umiling. "Wala na siyang pakialam manang. Ramdam kong hindi na siya takot na mawala ang lahat sa kaniya makapiling niya lamang si Rose. Ano pang saysay kung lalaban ako---"
"Fayra, hindi naman sa nanghihimasok ako. Pero bakit hindi mo panindigan ang pagiging legal niyong mag-asawa? Bakit hindi mo gamitin ang talino mo sa bagay na ito. Subukan mo, anak. Subukan mo bago ka man lang magsawa sa sitwasyong mayro'n ka ngayon."
Napatitig si Fayra sa akin bago tumango at yumuko.
"Pag-iisipan ko manang. May punto rin naman po kayo. Sumasagi na rin po kasi 'yong mga pros and cons kung sakaling magkakandaleche leche kami. I needed to be smarter than him... than them, so I could not lose my alas."
Sumupil ang ngiti sa aking labi.
"Susuportahan kita anak. At alam kong suportado ka rin ng Don Madeo."
Isang payak na ngiti at sumunod ang paalam ni Fayra sa akin na gagayak na siya. Hinayaan ko na lang siya at pinagmasdan ang bultong papalayo sa akin. Napailing ako at kinuha ang aking telepono at pinatay ang tawag mula sa kabilang linya.
Muli akong pumasok sa loob at gayon na lamang ang aking paghatak kay Mira at takpan ang magkabila nitong tainga nang makarinig ako nang kakaibang halinghing mula sa guestroom na nasa gilid ng hagdan. Kunot ang noo ni Mira habang nakatingin sa akin.
Hinila ko siya papalayo at napa-sign of the cross.
"Jusko, mga walang hiya talaga." Asik ko sa aking sarili at nagpatuloy lumiko sa kabilang pasilyo ng bahay upang hindi marinig ni Mira ang tagpong iyon.
"Manang, nakita mo po ba si Kuya Mateo? Kanina ko pa po kasi hinahagilap ang taong 'yon pero ni anino niya ay hindi ko matagpuan."
Napakamot ako sa aking noo. "Baka naman umalis siya, hayaan mo't pagnakita ko ay sasabihan ko siya." Aniya ko, nagpaalam nmn siya sa akin na aakyat muna para tingnan ang Ate Fayra niya.
Para makasigurado na wala siyang maririnig ay pinaikot ko siya sa likod bahay, may hagdan doon na sa balkonahe ang daan patungo sa kwarto ni Fayra. Nagtataka man ay sumunod pa rin siya sa akin.
Buntong hininga ay sinikap kong muling lumakad papuntang guestroom at lakas loob na kumatok. Wala akong narinig na pagtutol sa aking ginawa kaya naman nagsalita na ako.
"Magdahan-dahan kayo sa inyong alulong. May bata dito at pupunta ang Don Madeo mamaya." Pilit ang boses kong saad at mabilis ring nilisan ang puwesto.
Hindi ko kayang magtagal sa gano'ng uring sitwasyon. Masyadong bulgar at nakakadiring makarinig ng halinghing mula sa mga malalanding ito. Sunod sunod ang aking naging buntong hininga bago umakyat sa taas upang sunduin sila Fayra at igiya palabas sa likod upang walang malaman ang asawa ni Mateo sa mga pinaggagawa nito.
"Ako nang bahala dito, Fayra. Mag-ingat kayo't huwag magpagabi masyado para naman maabutan niyo ang Don Madeo."
Napaawang ang bibig nk Fayra ngunit isang tango ang iginawad ko sa kaniya at inalalayan si Mira na makasakay sa kaniyang sasakyan.
"Ako nang bahala sa dalawang 'yon, hindi ko ipapahamak ang asawa mo kaya huwag ka nang mag-alala pa. Humayo na kayo't, mahaba pa ang magiging biyahe niyo."
"Salamat, manang. Mauna na kami." Paalam niyang pinagbuksan ko ng gate. Hinatid ko pa ng tingin ang kaniyang sasakyan bago isinara pabalik ang gate at pumasok.
Hangos na Mateo ang nadatnan ko sa loob, gulo gulo ang buhok maging ang polo t-shirt niya't pang-ibaba. Kaagad na umarko ang kilay ko't pinakatitigan siya ng masama. Napalabi si Mateo at nakayukong dinaanan lang ako.
Ang taong ito. Hihintayin ko talaga ang araw na mapansin niya ang kaniyang asawa. Balang araw ay masasabi kong totoo ang sinasabi ng Don Madeo.
Ngunit gano'n pa rin ang pagkabahala ko na baka ikasira nang husto ni Fayra ang pananatili niya sa tabi ni Mateo.
Sana lang ay kaagad niyang mabigyang pansin ang kaniyang asawa. At sa pagkakataong mabihag siya ng pag-ibig nito, tiyak akong magsisisi ang Vejar na ito.
...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top