Prologue: The Pendant
HINAHAPONG tumigil si Melody sa lilim ng punong sampalok. Kumubli siya sa likod ng puno para hindi siya makita ng mga kalaban nila. Hawak niya ang laruang baril na yari sa buko ng dahon ng saging. Pinagawa pa niya ang laruang iyon sa kababata niyang lalaki na si Martin. Hindi niya alam, magmula lang naman nitong nagsampung taong gulang siya ay nagkahilig na siya sa mga larong panlalaki. Ang mga kapatid niyang lalaki ang madalas niyang kalaro at ilang kapit-bahay.
"Melody! Sumuko ka na! Ikaw na lang mag-isa. Bang! Bang!" sigaw ng kuya Ruel niya, na nasa panig ng kaaway.
Kinabahan siya nang malamang ubos na ang mga kasama niya. Tumakbo siya palayo sa mga kaaway. Nang matiyak na malayo na siya ay umupo naman siya sa lilim ng punong talisay, kung saan natatakpan siya ng malalagong talahib. Takimsilim na. Pinagmasdan niya ang tuluyang paglubog ng araw.
Makalipas ang ilang sandali ay hindi niya namamalayan na nakakapikit na siya. Mayamaya rin ay kumislot siya nang makarinig siya ng hilagpos sa gigilid. Hindi niya matukoy kung ano ang humilagpos, at hindi rin niya matukoy kung saang bahagi. Madilim na ang paligid pero naaninag pa naman niya ang paligid buhat sa liwanag ng kalangitan. Akmang tatayo siya ngunit napasigaw siya nang may kung anong kumagat sa kanang hita niya.
"Aray!" sigaw na naman niya.
Napamata siya nang mamataan ang malaking ahas sa kanyang harapan. Dumugo ang dugat sa hita niya na siyang tinuklaw ng ahas. Namanhid ang hita niyang nakagat. Nangatal ang katawan niya. Kumurap-kurap siya nang biglang mawala sa harapan niya ang ahas.
Tumingala siya. Nakabitin na sa ere ang ahas at hindi na gumagalaw habang hawak ng matangkad na lalaking may maitim na kasuutan. Inihagis nito palayo ang ahas, pagkuwa'y dagling tumiungko sa harapan niya. Walang imik na hinawakan nito ang hita niya na nakagadt ng ahas, saka nito banayad na pilisil ang paligid ng sugat. Itinaas pa nito lalo ang maong short pants na suot niya upang makita nito ang buong sugat.
Walang anu-ano'y hinipsip ng lalaki ang dumudugo niyang sugat nang paulit-ulit. Ang nakukuha nitong dugo ay idinudura nito. Panay ang daing at iyak niya buhat sa sakit. Hindi tumigil ang lalaki sa ginagawa, hanggang sa pakiramdam niya'y naglalaho ang pamamanhid ng hita niya. Mamaya'y may kung anong dahon itong dinurog at ipinatak ang katas niyon sa mismong sugat niya. Pagkatapos ay tinalian nito ng panyo nito ang hita niyang may sugat.
"Ayan, okay na iyan. Siniguro kong wala nang natitirang kamandag ng ahas sa sugat mo," nakangiting sabi nito pagkatapos gamutin ang sugat niya.
Tulalang nakatitig lamang siya sa mukha nito. Mamaya'y may dinukot ito sa bulsa nito. "Sa iyo na ito," anito saka isinuot sa leeg niya ang isang kuwentas na may pendant na kalahating buwan na may mata sa gitna.
"Salamat. Bakit po binibigay n'yo ang kuwentas n'yo?" tanong niya.
"Para kapag malaki ka na ay madali kitang mahanap. Kaya huwag mong iwawala iyan. Palagi mo iyang isuot. Proteksiyon iyan sa mga mababangis na hayop at mga sakuna."
Tatangu-tango lamang siya pero ang totoo, hindi niya masyadong nauunawaan ang sinasabi nito. Medyo madilin kaya hindi niya ma-picture sa isip ang hitsura nito. Pero kinabisado niya ang bulto nito at ang mga mata nitong minsan ay nagiging matingkad na pula at minsan ay mapusyaw na bughaw. Dala lang siguro ng pasilip-silip na liwanag buhat sa buwan na natatakman kung minsan ng makapal na ulap.
"Melody!" narinig niyang sigaw ng kuya Ruel niya.
"Hinahanap ka na ng mga kasama mo, Melody. Ano ba ang tunay mong pangalan?" anang lalaki na kaagd natandaan ang pangalan niya.
Parang ayaw pa niyang tumayo. "Melody Jacinto po," pakilala niya sa buong pangalan. "Salamat po, uncle," aniya pagkuwan. Uncle ang tawag niya sa mga malalaking lalaki.
Ngumisi ang lalaki. "Just call me, Gen. Ingatan mo ang kuwentas ko, ha, Melody? Malay mo kapag dalaga ka na at nagkita tayo ay magustuhan kita. Baka maikasal pa tayo," pilyong sabi nito.
Anong malay niya sa usapang kasal? Pero maagang namulat ang isip niya. Alam niya kung para saan ang kasal.
Natawa rin siya. "Paglaki ko matanda ka na po," sabi niya.
Bumungisngis ang lalaki. "Malay natin. Age doesn't matter. Palagi mong isuot ang kuwantas para madali kitang mahanap. Sige na. Umuwi ka na."
"Ay," aniya at dumukot din sa bulsa ng salawal niya. "Para po sa inyo," aniya sabay abot sa lalaki ng bracelet na yari sa tinuhog na maliliit na puting perlas at may dalawang perasong jade stone.
Kinuha naman ito ng lalaki at isinuot sa kaliwang braso nito. Rubbery ang tali niyon kaya nagkasya pa rin sa malaking braso nito.
"Maganda, ah. Para saan naman ito?" anito.
"Sabi kasi ng lola ko, kapag daw may taong tumulong sa akin ay bibigyan ko ng bracelet. Maraming ganyan ang lola ko. Ang iba ay naipaligay ko na sa mga kaklase kong babae na tinutulungan ako sa mga project ko. Nag-iisa na lang iyan. Namatay na kasi ang lola ko kaya wala nang gagawa."
"Oh, sad to know about your grandmother. Paano 'yan, wala ka nang bracelet dahil ibinigay mo na sa akin?" anito.
"Okay lang. Para naman 'yan sa mga tumulong sa akin. Ingatan mo po 'yan, ah?"
"Oo ba." pinisil nito ang pisngi niya.
Tumayo naman siya bitbit ang laruan niyang baril. "Aalis na po ako," aniya.
"Sige. Ingat."
"Melody!" tawag na naman ng kuya Ruel niya.
"Nariyan na po!" sagot naman niya. Tumakbo na siya patungo sa direksiyon kung saan niya narinig na tumatawag ang kuya niya.
Nag-abala pa siyang lingunin ang lalaki, pero nagulat siya nang wala na ito sa pinag-iwanan nito kanina. Nagpatuloy na lamang siya sa pagtakbo.
"Saan ka ba nagsusuot? Gabi na. Nagagalit na si Papa," sabi ni Ruel, nang salubungin siya nito. Napatingin ito sa binti niyang may nakataling panyo.
"Anong nangyari sa binti mo?" tanong nito.
Kinabahan siya. "Wala po, natusok kanina ng sanga ng kahoy habang tumatakbo ako," pagsisinungaling niya.
Baka kasi bigla siyang dalhin sa ospital kapag sinabi niyang nakagat siya ng ahas. Takot siya sa injection. Takot din siya sa mga doktor at nurse kaya hanggat maari ay ayaw niyang pumupunta sa mga pagamutan. Kaya kahit masama na ang pakiramdam niya ay ayaw niyang sabihin kahit kanino sa pamilya nila.
"Tara na. Maghahapunan na tayo. Napagalitan pa tuloy ako ni papa. Sa susunod huwag ka nang sasali sa laro namin, ah. Sa bahay ka na lang at maglaro ng manika," ani Ruel, nang nagsimula na silang maglakad.
Nakabusangot siya. Ayaw na niyang maglaro ng manika. Gusto niya baril-barilan. Inaaway naamn siya ng mga kalaro niyang babae. Hindi daw kasi siya marunong maglaro ng manika. Lalo siyang nalungkot nang mabatid na sa susunod na taon ay lilipat na sila sa Maynila. May nakabili na raw kasi sa lupain ng lola niya na siyang tinitirahan nila. Gustong-gusto niya roon dahil malapit sa dagat at kagubatan. Limang taon pa nga lang siya roon sa Mactan Cubu ay babalik na naman sila sa Maynila. Lilipat na naman siya ng paaralan. Panibagong pakikisama na naman sa mga kaklase.
Dumungaw sa bintana ng kuwarto si Melody. Natatanaw niya buhat roon ang karawagan kung saan sila madalas naglalaro. Marami na siyang maggandang alaala sa lugar na iyon. Pero darating ang araw, makakalimutan din niya ang ilang kaganapan sa buhay niya sa lugar na iyon. Naalala na naman niya ang lalaking tumulong sa kanya nang biglang kumirot ang sugat niya dahil naidagan niya sa matigas na silya.
Napangiti siya at nawika sa isip... sana makita ko siya ulit paglaki ko...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top