Chapter 3: The treasure
BUMALIKWAS ng upo si Melody nang maramdaman niya ang presensiya ng paligid. Naudlot ang masama niyang panaginip. Namataan niya ang katrabahong si Natalya na nakaupo sa paanan niya. Hinihilot-hilot nito ang paa niya.
"Nagdedeleryo ka kaya minamasahe ko ang paa mo," nakangiting sabi nito.
Lilinga-linga siya sa paligid. Nasa loob na siya ng kuwarto ng apartment nila ni Natalya. Nanaginip siya na nasa loob siya ng isang kuwarto na maraming ahas. Parte din ba ng panaginip niya ang lalaking nakita niya sa gubat?
"Akala ko napano ka na. Nandito ka lang pala at natutulog," sabi ni Natalya.
"Natulog?" maang niya.
"Oo. Akala namin nakasama ka sa na-ambush noong isang araw. Patay silang lahat. Mga NPA raw ang mga iyon na gusto lang makakuha ng armas."
Nagtataka siya. "Pero kasama naman talaga ako sa na-ambush," aniya.
"Paano ka nasama, e sabi ni Laila naiwan ka sa crime scene kasama ng taga SOCO department."
"Oo, pero sumama ako sa pulis mobile dahil may kukunin ako sa estasyon."
"Kung kasama ka, bakit buhay ka pa? Hindi ba sabi mo day off mo ng dalawang araw dahil pupunta ka sa Mactan? Akala ko nga naroon ka pa sa Mactan ngayon."
Naguguluhan siya. Hindi niya alam kung ano ang totoo. Panaginip lang ban a kasama siya sa na-ambush? Panaginip lang ba na may lalaking tumulong sa kanya?
"Aalis muna ako. May lakad pa kami ni Atty. Davis," ani Natalya saka ito tumayo at lumabas.
Hindi na mapakali si Melody. Bumangon siya at tiningnan ang kanang binti niya. Wala namang bakas roon ng kagat ng ahas. Ibig sabihin panaginip lang ang lahat na naganap? Pero bakit makirot ang pagitan ng kanyang mga hita? Hindi siya nakontinto, pumasok pa siya sa CR at tiningnan ang kanyang pagkababae.
"Hindi ako nanaginip," komperma niya sa sarili nang malamang hindi na siya berhin. Mayroon siyang nakatalik.
Pero ang malaking tanong ngayon... sino ba talaga ang lalaking iyon? Kung si Gen iyon, dapat nagpakilala iyon sa kanya. Pero namukhaan niya ang lalaki. Si Gen ang pumasok sa isip niya nang maging normal ang anyo ng bampirang iyon.
Lutang pa rin ang isip ni Melody habang nasa trabaho. Hindi na siya bumalik sa field. Nasa opisina na ulit siya. Hinagilap niya ang record niya. Nakapag-day off nga siya ng dalawang araw kinabukasaan noong mangyari ang insedente. Napag-alaman niyang nakaburol pa rin ang apat na pulis na kasama niya noon. Walang naniniwala na kasama siya sa insedenteng iyon. Hindi na lamang siya nagsalita nang may nagtanong sa kanya kung paano siya nakaligtas kung kasama nga siya sa insedente. Ang alam ng mga kasama niya ay umuwi na siya matapos ang operasyon nila noon sa isang crime scene.
Makalipas ang isang linggo ay lumipat na ng bahay si Melody dahil darating ang mama niya. Isang buong bahay na ang kinuha nilang paupahan para daw komportable ang mama niya. Dadalaw din daw ang papa niya kapag hindi na busy sa trabaho. Iyon ang magandang balita, hindi na ilag sa kanya ang papa niya.
"Ibinibenta pala ulit ng pamilyang bumili sa lupain ng lola mo sa Mactan, anak," wika ni Sonia, nang magkasalo na sila sa hapunan.
"Talaga ho, 'Ma?" nagagalak na tanong niya.
"Oo. Sinabi ng Tito Roman mo noong umuwi siya sa Mactan. Gusto nga sana niyang bilhin kaso ayaw na ng asawa niya. Wala naman daw kasing titira dahil halos lahat ng anak nila nag-migrate na sa Amerika."
"Kung may sapat na pera lang sana bibilhin na lang natin ulit," dehadong sabi niya.
"Iyon nga wala tayong apat na milyon. Kasama na kasi ang bahay sa ibinibenta. Kagagawa lang pala ng bahay. Kamamatay lang kasi ng anak ng mag-asawang nakatira sa bahay na iyon."
"Sino ba talaga ang bumili ng bahay na iyon, 'Ma?"
"Ang totoo, ang anak ng mag-asawang Moreles ang nakabili, noong diyese otso anyos pa ito. Ipinangalan lang sa mga magulang niya dahil marami naman siyang properties. Walang asawa si Rona Moreles. Kung hindi lang tayo nangangailangan ng malaking halaga noon ayaw sana ng papa mo na ibenta ang lupa, kaso wala tayong magiging puhunan sa negosyo."
Pumanteng ang tainga niya. "Teka, si Rona Moreles ang namatay noong isang araw na pinatay ng bampira," aniya nang maalala ang huling insedente ng pagpatay na nai-report sa kanila.
"Oo, siya nga. Gusto na lang daw kasi ng mga magulang niya na tumira sa Maynila. Alam mo bang nababalita na kaya lang daw biglang yumaman si Rona dahil may nagbigay rito ng mamahaling alahas, kapalit umano ng dangal nito. Aywan ko lang ha."
Ngumiwi siya. Mabilis talaga sumagap ng balita ang mama niya. "Hayaan n'yo na ang kuwentong iyon, 'Ma," aniya. Nagpatuloy na lamang siya sa pagsubo.
"May sinabi pa sa akin ang Tito Roman mo. Kaya interesado siya na mabili ulit ang lupa ng lola mo dahil doon daw itinago ni Rona ang ibang alahas sa lupain," patuloy ni Sonia.
Napaisip siya. Ibig sabihin may treasure sa lupaing iyon? Bigla siyang nagka-interes sa lupa. Pero sa huli ay binawi niya ang isipin tungkol sa treasure. Gusto niyang mabawi ang lupang iyon dahil doon siya namulat. Gustong-gusto niya ang lugar na iyon magmula pa nong bata siya. Kaya kahit busy ang mga magulang niya ay nagbabakasyon silang magkakapatid doon. Marami siyang magagandang alaala sa lugar na iyon. Pero saan siya kukuha ng apat na milyon?
Kinabukasan ng umaga ay sinadya ni Melody sa bahay ng mga ito ang retiradong Tito Roman niya. Sigurado na siya sa plano na hihiram siya ng pera rito para mabili ulit ang lupain ng lola niya sa Mactan.
"Ang totoo gusto ko talagang bilhin ang lupa," wika ni Roman, nang magkaharap na silang nakaupo sa sofa sa sala.
"Kung ayaw po ni Tita Rena, baka po kayo na lang ang bumili para naman makakapasyal ako, aniya.
"Ayaw na nga ng tita mo. Hindi na nga raw namin naaasikaso ang lupa namin sa Bagiuo."
"E, kung okay lang po sa inyo, hihiram na lang po ako ng pera sa inyo para ako na lang ang bibili," kiming sabi niya.
"Apat na milyon ba!" nanlalaki ang mga matang tanong ni Roman.
"O-opo."
Napakamot ng ulo si Roman. "Kaya nga hindi ko mabili ang lupa dahil wala akong hawak na apat na milyon. Hawak lahat ng Tina Rena mo ang pera ko at mga pinapadala ng mga anak namin."
Napakamot din siya ng ulo. Hindi na talaga niya mabibili ang lupa.
"Pero meron akong isang milyon na naitabi sa private account ko, Melody. Maipapahiram ko iyon sa iyo tapos ikaw na ang bahala sa iba," mamaya'y sabi ni Roman, na halos pabulong sa kanya.
Napamata siya. "Pero saan ako kukuha ng tatlong milyon?" aniya.
"Makiusap ka sa kuya Ruel mo. Humiram ka sa kanya. Malaki din ang sinasahod niya bilang Chief Engineer."
"E madamot 'yon, e. Para sa pamilya niya iyon."
"Babayaran mo rin naman. Malay mo, makuha mo ang treasure."
"Totoo bang may treasure si Rona sa lupaing iyon?" aniya.
"Oo. Kaya nga raw pinatay ng bampira si Rona dahil sa treasure na iyon. Hinahanap ng mga bampira ang treasure kay Rona, pero dahil hindi maibigay ni Rona, pinatay na lang nila ang babae."
"Paano n'yo po nalaman?"
"Nakausap ko si Atty. Davis, na siyang may hawak sa kaso ng mga bampira. Humihingi siya ng tulong sa akin para mahanap ang treasure na iyon. Kaya sinabi ko sa kanya lahat ng mga koleksiyon ni Rona. Mga negosyo at lupain. Ang sabi kasi ni Atty. Davis, may naka-detect raw na mga bampira na nasa ilalim ng lupa ang treasure at narito lang daw sa Cebu."
"Paano kung magka-interes si Atty. Davis na bilhin ang lupa?" nababahalang tanong niya.
"Hindi 'yon. Mga kaso lang ang inaatupag ni Atty. Davis. Hindi iyon interesado sa treasure. Mayaman na siya."
"Sige po, susubukan kong kausapin si Kuya Ruel," aniya pagkuwan.
Tinupad naman ni Roman ang usapan nila. Pinahiram siya nito ng isang milyon, at tutulungan siya na mapakiusapan ang mag-asawang Moreles na partial muna ang ibabayad nila sa lupa. Mukhang interesado talaga ito sa treasure na iyon.
Nang malaman ng Kuya Ruel niya na ibinibenta ulit ang lupain na dati sa lola nila ay awtomatiko itong nagbigay ng pera para mabili ang lupa. Matagal na rin nitong gustong mabawi ang lupa. Napamahal na rin kasi ito roon. Nagbigay ito ng dalawang milyon. Kulang pa rin.
Maging ang papa niya ay gustong mabili ulit ang lupa para daw gawin nilang resort. Nagbigay din ito ng isang daang libo mula sa kinita nito sa machine shop. Kulang pa rin ng kalahating milyon para mabuo ang apat na milyon. Si Roman na ang dumeskarte.
Nang kaharap naman nila ang mag-asawang Moreles ay nanlumo sila nang sabihin ng mga ito na may buyer na ang mga ito at cash pa raw ang ibabayad.
"Pero hindi naman po magtatagal ibibigay din namin ang balanse," apila ni Roman sa mag-asawa. Nasa lobby silang apat nag-uusap habang nagmemeryenda.
"Pasensiya na, pero nakapag-oo na kami sa naunang buyer," wika ng matandang babae.
"Pero pabor na lang po sa amin kasi kami naman po ang dating nagbenta nitong lupa sa anak ninyo," ani Roman.
Hindi nakaimik ang mag-asawa. Naudlot na ang usapan nang may dumating na panauhin. Naibaling ni Melody ang tingin sa kararating na lalaki. May bitbit na itim na maleta ang matangkad na lalaki. Simple lang ito suot ang bughaw na polo-shirt at bughaw na maong pants. Itim na rubber shoes naman ang sapin nito sa mga paa. Titig na titig siya sa mukha nito. May isang dangkal ang haba ng buhok nito sa harapan, habang burber cut sa likod at hinati lang sa gitna at may kaunting bangs na minsang tumatakip sa magaganda nitong mga mata—na kung tumitig ay wari naghihikayat. Pero ang gustong gusto niyang titigan ay ang mapipintog nitong mga labi na mamula-mula na bumagay sa matangos nitong ilong. At nang makalapit na ito ay saka lamang niya napansin ang light green nitong mga eyeballs.
Umupo ang lalaki sa silyang inialok ng mag-asawang Moreles. Tumapat ito sa kanya.
"Siya si Engr. Riegen Franco. Siya ang naunang buyer ng lupain. Hindi naman siya iba sa amin dahil siya ang Engineer na gumawa ng mansiyon na ito. Ang totoo, ngayon talaga ang usapan namin na pormal na bibilhin niya ang lupa. Hihintayin na lang namin ang abogado ni Rona," wika ng matandang babaeng Moreles.
Hindi na naalis ang tingin ni Melody sa guwapong lalaki. Hindi matahimik ang isip niya. Nang matitigan niya ito ng malapitan ay saka siya nakombinsi na pamilyar ito sa kanya, pero hindi sa ganoong ayos ng buhok at postura nito. Pero naghahari pa rin ang lupa sa utak niya. Hindi siya makapapayag na hindi niya mabawi ang lupa, ngayon pang may pera sila at nabigyan sila ng pagkakataon?
"Pero baka ho kahit kalahati lang ng lupaing ito ay sa amin ninyo ibenta," hindi natimping apila niya sa mag-asawang Moreles.
Hindi nakaimik ang mag-asawa. Malamang hindi alam ng mga ito ang gagawin.
"Okay lang naman sa akin na hatiin ang lupa, pero gusto ko sa akin mapupunta ang mansiyon," mamaya'y wika ni Riegen.
Umaliwalas ang mukha ni Melody. Hindi niya pinansin ang pagsiko ni Roman sa tagliran niya. Wala na siyang pakialam kung anong dahilan ni Riegen at biglang nagbago ang isip nito. Ang mahalaga, may makukuha siyang bahagi ng lupa. Pero sandaling naging abala ang isip niya sa boses ng lalaki. Pamilyar sa kanya ang timbre ng boses nito.
"Sige," aniya pagkuwan.
Ang mag-asawang Moreles ay tatangu-tango lang.
Hinaklit ni Roman ang balikat ni Melody saka siya hinatak palapit rito. "Dapat sa atin mapunta ang mansiyon, Melody. Nasa mansiyon ang treasure," bulong nito sa kanya.
Hindi niya pinansin ang tito niya. Nakipag-deal na siya kay Engr. Franco. Wala na siyang pakialam sa treasure. Ang gusto lang niyang makuha na bahagi ng lupain ay ang malapit sa kagubatan at pampang ng dagat kung saan nangunguha noon ng perlas ang lola niya. May plano kasi siyang gawin sa gubat. Magpapagawa siya roon ng tree house at fishpond. At ang mahalaga sa kanya ay ang gubat kung saan niya nakilala si Gen.
Nasira na ang plano nila ng Tito Roman niya. Pero natanggap din naman nito sa huli ang naging desisyon niya. Ibinalik niya rito ang isang milyon nito, at pera na lang ng kuya Ruel niya ang ginamit niya. Okay lang naman kay Ruel na kalahati lang ng lupain ang nabili. Wala rin naman itong alam sa treasure.
Nang maayos na ang papeles ng lupaing nabili niya ay kaagad niyang pinabakuran ang bahagi nila. Gusto niyang halikan sa paa si Ruel dahil sa pangalan niya ang lupain. Regalo na lang daw nito iyon sa kanya. Isang milyon na lang daw ang babayaran niya rito. Magbabakasyon na lang daw ang mga ito roon.
Hindi man napunta sa kanya ang mansiyon ni Rona, sa kanya naman napunta ang native villa house malapit sa karuwagan. May pinasadyang sapa sa paligid ng villa house na may tulay na bato na hinubog na parang kahoy. Naliligiran ng malalagong halaman na namumulaklak ang villa. Pero plano naman ng mama niya na gawing resort ang lupain. Masyadong masikip ang space para gawing resort. May tatlong ektarya ang lupain, pero mas malawak ang kakahuyan at hindi patag na lupa. Kung nakuha sana niya ng buo ang lupain ay maaring gawing resort. Doon kasi sa Mactan, malalawak ang lupaing tinitirikan ng mga resort, kaya kung makikipagkompitensiya siya ay siguradong lalangawin ang resort niya.
Unang gabi na natulog si Melody sa bagong tahanan ay hindi siya nakatulog. Alas-dos na ng umaga ay mulat pa ang mga mata niya. May duty pa siya bukas. Nang hindi pa rin siya makatulog ay bumangon siya at lumabas. Tumambay muna siya sa veranda, kung saan natatanaw niya ang mansiyon sa kabilang bakod. Sementado ang pader ng bakuran niya at hindi niya makikita ang nagaganap sa kabila, pero ang ikalawang palapag ng mansiyon ay kitang-kita niya.
Napamata siya nang matanaw niya ang dalawang lalaki na magkatabing nakatayo sa terrace ng isang kuwarto habang nakatalikod sa kanya. Ang isa ay si Riegen. Nang bahagyang humarap sa kanya ang katabi nitong lalaki ay nagulat siya nang makilala ito. Si Atty. Davis! Napatayo siya. Ibig-sabihin kilala ni Atty. Davis si Riegen? Ano naman ang koneksiyon ng mga ito? Ang alam niya ini-imbestigahan ni Atty. Davis ang mga properties ni Rona Moreles. Hindi kaya kasabwat nito sa imbestigasyon si Riegen, kaya ito ang bumili ng lupain?
Tumahip ang dibdib niya nang biglang magawi sa kanya ang tingin ni Riegen. Kahit may kalayuan ang mga ito sa kanya ay nararamdaman niya na sa kanya ito nakatingin. Dagli naman siyang tumalikod at pumasok sa kabahayan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top