Chapter 1: Love at first beat


"MAY dalawang pendant ng mga imortal ang nawawala. May nakapagsabi na may isang bampira na nagdala ng pendant rito sa Pilipinas. Sumugod rito ang ilang tagapangawisa ng templo para mahanap ang pendant. Kailangan maibalik iyon ng maayos sa templo bago pa matunugan ng mga kalaban. Siguradong malaking gulo kapag nagkataon," pahayag ni Dario.

Sa kasalukuyang nagpupulong ang buong grupo sa mansiyon ni Dario sa CDO. Tahimik si Riegen makalipas malaman ang tungkol sa pendant. Ayaw na sana niyang makialam tungkol sa isyu pero kasapi siya ng grupo kaya kung ano ang pagkakaabalahan ng pinuno nila ay kailangan niyang sumunod at makiisa. Masyado na silang maraming misyon.

Pagkatapos ng pagpupulong ay nagpaalam na siya sa mga kasama. Pero hindi pa siya nakakaalis ay inantala na siya ni Jegs. Inabutan siya nito sa pinto.

"May pinatay na naman ang pangkat ni Dr. Dreel sa bayan ng Talisay. Puntahan daw natin sabi ni Dario," ani Jegs.

Bumuntong-hininga siya. "Para ano pa? Patay na ang biktima?" naiinip na saad niya.

"Hindi 'yon, eh. Kailangan malaman natin kung ano ang theory ng mga pulis sa pagkamatay ng biktima. Kailangan natin malaman kung ano na naman ang hanap nila sa isang biktima."

"Malamang dugo pa rin."

"Kailangan makakuha tayo ng impormasyon."

"Okay." Sumunod na lamang siya kay Jegs.

Hindi niya maintindihan bakit tamad na tamad siyang kumilos. Pagdating naman nila sa pinagyarihan ng krimin ay nabuhayan siya ng dugo nang makilala niya ang babaeng biktima. Isa ito sa naging kliyente niya. Si Ms. Rona Moreles, na nagpagawa ng rest house nito doon sa Talisay. Nasa early fifties na ang edad ng babae pero dalaga pa rin ito. May tatlong buwan na ang nakakalipas matapos ang project niya rito.

"Kilala mo?" tanong ni Jegs, habang nakamasid sila sa paligid.

"Oo." Iginala niya ang tingin sa paligid.

"Nawawala ang ilang organs ng biktima. Pinatay siya ng isang gutom na bampira. Malamang hindi nakuha ng mga iyon ang totoong pakay kaya ginawa na lang pagkain ang biktima," komento ni Jegs.

Naalala niya, naikuwento na ni Ms. Moreles na nagkaroon ito ng karelasyon na bampira noon pero hindi lamang niya natanong kung sino dahil hindi siya naging interesado. Pero nabanggit ng babae na binigyan ito ng bampira ng kuwentas, pero ibinenta ng babae, dahilan kaya nakabili ito ng ilang properties sa iba't-ibang lugar. Ayon din sa kuwento na naririnig niya sa ilang katiwala ng babae, biglaan daw ang pagyaman ni Ms. Moreles. Napaisip siya bigla.

"Hindi kaya pendant ng imortal iyon?" bigla'y nasabi niya.

"Ha?" untag ni Jegs.

"Ah, wala."

Umatras sila ni Jegs nang may dumating na grupo ng mga pulis lulan ng police mobile. Balak palang sana nilang lapitan ang bangkay pero naunahan na sila ng mga pulis. Hindi mapakali si Riegen, sumingit pa rin siya sa nag-uumpukang mga tao para lang makalapit sa bangkay. May napansin kasi siyang pamilyar na bagay na suot ng babae sa leeg.

Akmang lalapitan niya ang bangkay ngunit biglang may kamay na tumulak sa dibdib niya palayo sa bangkay. Napaatras siya ng dalawang hakbang.

"Walang lalapit sa biktima, pakiusap lang!" sigaw ng babaeng pulis na siyang tumulak sa kanya.

Naibaling niya ang atensiyon sa babaeng pulis. May kung anong sumabog sa paligid niya at bigla iyong umaliwalas. Titig na titig siya sa babae, habang ito'y abala sa pagtaboy sa mga taong nakikiusyuso sa krimin.

Her beauty was rare, komento ng isip niya.

Attractive sa paningin niya ang babae at kahit maigsi ang buhok na hindi nga umabot sa balikat, babaeng-babae pa rin itong tingnan kahit suot ang combat uniform ng pulis at may sukbit na long barrel gun. Nasa tinig nito ang angas at tapang. Kung kumilos ito ay kasing liksi ng lalaki. Pero hindi niya pinansin ang mga iyon. Mas pinansin niya ang maganda nitong mukha at hubog ng katawan nito. Ni hindi siya nakaalis sa kinatatayuan niya makatitig lang sa babae.

Nagulat siya nang muling may kamay na tumulak sa dibdib niya. Nag-init ang kaibuturan niya. Kahinaan talaga niya ang pagkakataong may babaeng kumakalabit o humahawak sa dibdib niya. Nabubuhay ang pagkakali niya. Ang pagdampi ng kamay nito sa kanyang dibdib ay nag-iwan ng nakakahibang na kuryente sa kanyang kaibuturan. Tumulin ang tibok ng puso niya.

"Mister, nakakaintindi ho ba kayo?" wika ng babae na halos sinisigawan na siya.

Nakatitig lamang siya sa mukha nito. Hindi niya ito narinig. Mamaya'y may humaklit sa balikat niya at kinaladkad siya palayo sa crime scene. Nahimasmasan siya nang makita si Jegs sa harapan niya na impit ang pagtawa.

"Bakit?" wala sa loob na tanong niya.

"Kita mo na. Lakas ng tama mo doon sa babaeng pulis, ah? Nawawala ka sa sarili. Kanina pa kita pinagmamasdan. Kakaiba ang titig mo sa babae, restituto," ani Jegs.

Tumawa siya ng pagak. Pagkuwa'y ibinalik niya ang tingin sa mga abalang pulis. Hindi na niya nakita ang babae.

"I felt she's special," aniya.

"Iyon 'yon, eh. Love at first sight?" Tinapik ni Jegs ang balikat niya.

"Shit! Tinamaan ata ako, p're," ngingisi-ngising sabi niya.

"Idiot! Tara na nga." Inakbayan siya nito.

Naglakad na lamang siya kasabay nito.

ISANG linggo nang nasa field si Melody. Siya ang may gusto na sumama sa special action force na binuo ng pulisya upang tumugis sa mga bampira. Kahit hindi siya naniniwala na may bampira talaga, gusto pa rin niyang makiisa. Habang pabalik na sila sa estasyon mula sa pinangyarihan ng krimin ay biglang huminto ang sasakyan nila sa gitna ng madilim na bahagi ng kalsada. Naliligiran sila ng matatarik na punong kahoy.

Mamaya'y nagpaputok ang mga kasama nilang nakasakay sa likuran ng sasakyan. Inihanda naman niya ang baril. Nanlaki ang mga mata niya nang masaksihan ang driver nila na tinamaan ng bala sa dibdib.

"M-Melody! Tumakbo ka na!" sigaw pa nito habang naghihikahos.

Kumilos naman siya. Bumaba siya ng sasakyan at tumakbo sa kagubatan. Panay ang kubli niya sa mga puno dahil inuulanan siya ng bala. Hindi siya makabaril sa kalaban dahil hindi niya alam kung saan nagmumula ang bala. Mamaya'y may kung anong tumama sa dibdib niya. Tumalsik siya sa mayabong na damuhan kasabay sa pagdilim ng paligid niya.

Bumalikwas ng upo si Melody nang manumbalik ang kamalayan niya. Hingal na hingal siya. Maliwalas ang paligid buhat sa liwanag ng buwan. Inakala niyang patay na siya dahil ang alam niya'y tinamaan siya ng bala sa dibdib. Pero punit ang bahagi ng damit niya sa dibdib kung saan tumama ang bala. Wala naman siyang bulletproof na suot. Nang buksan niya ang jacket ay nakita kaagad niya ang suot niyang kuwentas na may pendant na kalahating buwan na may mata sa gitna—na binigay pa sa kanya ng lalaki noong natuklaw siya ng ahas sa gubat. Kung hindi siya nagkakamali, sa pendant tumama ang bala. Isinalba ng pendant ang buhay niya.

Katunayan kanina lang niya isinuot muli ang kuwentas makalipas ang mahigit isang dekada. Matagal niyang itinago ang kuwentas na iyon dahil nagagalit ang papa niya sa tuwing sinusuot niya iyon. Hindi daw kasi bagay sa babae ang ganoong kuwentas. Isinuot lang niya iyon dahil naisama sa mga damit na inilabas niya mula sa maleta.

Akmang tatayo siya ngunit napaupo siyang muli nang makarinig siya ng yabag malapit sa kanya. Hinagilap niya ang baril na dala niya kanina pero hindi niya mahagilap. Hinugot na lamang niya ang trenta y singkong kalibre na sukbit niya sa tagiliran. Nang pakiramdam niya'y papalapit na sa kanya ang kung sino mang nilalang ay dagli siyang tumayo at kinalabit ang gatilyo ng baril paharap sa lalaking nakatayo sa harapan niya.

Nanlaki ang mga mata niya nang masilayan ang hitsura ng lalaki. Bigla siyang kinilabutan nang maglabas ito ng pangil at namumula ang mga mata. Pero ang nagpagimbal sa kanya ay ang pagbinbin ng bala niya sa ere. Hindi iyon tumama sa lalaki. Nakalutang lamang ang bala.

Akmang ipuputok niya ulit ang baril ngunit biglang umungot ang gatilyo. May kung anong kuryente na tumulay sa kamay niya dahilan upang mabitawan niya ang baril. Titig na titig siya sa hitsura ng lalaki na unti-unting nagiging normal. Nawala ang pangil nito. Hindi niya maipaliwanag ang nangyayari. Iniisip niya na panaginip lang ang lahat. Hindi totoo ang mga bampira.

Subalit nang maging normal na ang mukha ng lalaki ay bigla itong napamilyar sa kanya. Hindi lamang niya maalala kung saan niya ito nakita. Nang kumilos ito upang lapitan siya ay tumalima naman siya. Ngunit huminto siya sa paghakbang nang may kung anong kumagat sa kanang binti niya.

"Ahgr!" daing niya. Napaupo siya sa lupa nang mapansin ang ahas na siyang tumuklaw sa binti niya. Nangatal ang katawan niya.

Mamaya'y may dumakip sa ahas. Nang iangat niya ang paningin sa kanyang harapan ay namataan niya ang lalaki na ginilitan ng leeg ang ahas gamit ang mahaba nitong kuko. Kinabahan siya nang lapitan siya nito. Walang imik na hinubad nito ang combat shoe niya at kinulukot pataas ang pantalon niya upang makita ang sugat niya. Walang anu-ano'y bigla nitong sinipsip ang dugo sa sugat niya saka idinudura. Paulit-ulit ang prosesong ginagawa nito.

Natitigilan siya habang pinagmamasdan ito. Sa isang iglap ay sumariwa sa isip niya ang kaganapan noong bata siya—noong nakagat din siya ng ahas at may lalaking tumulong sa kanya. Ang lalaking ito...

"Damn! I can't do this!" bulalas ng lalaki.

Nagulat siya nang bigla siya nitong buhatin. Nahilo siya at nakalimot.

"Just call me Gen..."

Nagmulat nang mga mata si Melody. Ang panaginip niya ay totoong naganap. Napanaginipan niya ang lalaking tumulong sa kanya noon.

"Gen..." sambit niya.

Iginala niya ang paningin sa paligid. Natagpuan niya ang sarili na nakahiga sa malaking kama. Ang paligid ay maaliwalas. Kulay rosas ang paligid, mula dingding, kisame o kahit kurtina ng bintana. Dahan-dahan siyang umupo. Saka lamang niya napansin ang suot niyang pink na bestida. Ibinaling niya ang tingin sa bed side table na may nakapatong na tray ng pagkain. Umuusok pa ang baso ng kung anong inumin. May dalawang sandwich at may mga gamot sa gilid ng baso ng tubig. Napansin niya ang papel na nakadikit sa bawat kobyertos.

Eat me. Drink me, sabi sa mga nakasulat.

Kinuha naman niya ang sandwich at tasa ng mainit na tsokolate. Kumain siya. Nang maubos niya ang isang sandwich ay hinawi niya ang kumot sa katawan niya. Naramdaman kasi niya ang kirot sa kanang binti niya. Binalot na ng benda ang sugat sa binti niya. Ibig sabihin, ligtas na siya sa kamandag ng ahas.

Naubos na niya ang pagkain, at nainom na niya ang mga gamot pero wala pa ring dumarating kung sino man ang butihing nagdala sa kanya sa lugar na iyon. Mamaya'y dahandahan siyang tumayo at naglakad patungo sa palikuran. Malinis ang palikuran pero walang anumang kagamitan maliban sa sabong panligo, shampoo, toothpaste, toothbrush. Mga bago lahat ng mga iyon. May pink na tuwalya ring nakahanda. Pagharap niya sa salamin ay may nakadikit na munting papel roon at may nakasulat.

Feel at home, sweetie. Kinilabutan siya sa nabasa.

Pero kung maliligo siya, saan siya kukuha ng damit na susuutin? Bahala na. Naligo siya dahil malagkit na ang pakiramdam niya sa kanyang balat.

Pagkatapos niyang maligo ay pinagbubuksan niya ang mga aparador. Mga damit pambabae ang naroroon. May nakasulat na naman sa ilang damit.

Wear me. Napangiti siya.

Pakiramdam niya'y nasa isang panaginip pa rin siya—na nakatira siya sa isang palasyo at ano mang sandali ay makikita niya ang kanyang prensipe.

Gusto niyang lumabas ngunit hindi niya mabuksan ang pinto. Oras na ng tanghalian. Nagulat siya nang bumukas ang munting bintana malapit sa pinto at may pumasok na tray ng pagkain. Kaya pala may nakasahod na munting mesa roon. Sinubukan niyang buksan ang munting bintana pero hindi niya mabuksan. Binasa niya ang instruction na nakadikit sa mesa. Nakasaad roon na ilagay lamang niya sa mesa na iyon ang mga gamit na mga kobyertos.

Napaisip siya. Bakit? Nasaan ba ako? tanong ng isip niya.

Kinagabihan, ganoon ulit ang nangyari. May pumapasok na pagkain at tinatanggap niya. Nagtataka na siya. Kahit buksan niya ang bintana ay wala naman siyang nakikitang tao sa labas. Mataas na pader na ginagapangan lang ng berdeng halaman ang nakikita niya.

Natulog na siya at nagising pero wala pa ring dumarating. Nakadama na siya ng pagkainip. Wala naman siya sa ospital. Dalawang araw na siyang naroroon sa kuwarto na iyon. Dahil sa labis na pagkainip ay pinakialaman na niya ang mga gamit sa kuwartong iyon. Binuksan niya ang munting kahon na nasa loob ng aparador. Namangha siya nang makita ang iba't-ibang uri ng mamahaling baton a siyang laman ng kahon. At meron siyang nakitang pamilyar na bracelet.

"Teka, akin 'to, ah," aniya.

Pero ang bracelet na ganoon ang pagkakasalansan ng mga perlas ay ibinigay na niya sa lalaking nagligtas sa kanya noong nakagat siya ng ahas. Iyon lang din ang bukod tanging bracelet na ginawa ng lola niya na hinaluan ng jade stone.

"Bakit narito ito?" nalilitong tanong niya.

Kumislot siya nang biglang namatay ang ilaw. Nangangapang ibinalik niya ang bracelet sa kahon at ibinalik sa aparador kahit hindi sa maayos na lalagyan. Wala na kasi siyang makita.

Nang marinig niya ang pagbukas ng pinto ay sumampa siya sa kama at tahimik na naupo.

-



Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top