Chapter 2
HINDI nakabalik sa ospital si Savanna dahil biglang tumawag ang Tita Mylene niya at sinabi na naghihintay ito sa bahay niya. Nakababatang kapatid ng kanyang ina si Mylene na byuda at may isang anak na sampung taong gulang, si Rosalie. Umiiyak na naman ang tiyahin niya dahil nag-away na naman ito at ang live-in partner na lasingero. Malamang ay naglayas na naman ang mag-ina. Siya ang takbuhan ng mga ito.
"Gago 'yon, kamuntik na niyang halayin si Rosalie, mabuti nahuli ko!" palatak ni Rosalie nang madatnan niya ito sa tapat ng gate ng bahay niya.
Kinikilabutan siya sa kuwento nito. May bitbit itong malaking bag at ganoon din si Rosalie. Naawa siya sa mag-ina. Wala pa namang sariling bahay ang mga ito. Umuupa lang ang mga ito ng bahay sa Alabang.
"Oh eh dito na lang ho kayo tumira. Mag-isa lang naman ako," sabi niya habang binubuksan ang gate.
Naipundar pa ng nanay niya ang bahay na iyon noong dalaga ito at nagtatrabaho bilang kasambahay sa US. Isang taon lang doon ang nanay niya dahil umuwi kaagad matapos mabuntis ng amo, at iyon nga ang ama ni Dean.
"Salamat, Savi, wala na talaga kaming malalapitan," pupungas-pungas na sabi ni Maylene.
Savi ang palayaw niya, ganoon din ang tawag ng nanay niya at ibang nakakilala sa kanya sa bayan na iyon. Pagpasok nila ay kaagad niyang iginiya sa guest room ang mag-ina roon sa ground floor. Sa second floor ay may dalawang kuwarto. Ang isa ay kuwarto ng nanay niya.
"Magpahinga ho muna kayo. Magluluto lang ako ng hapunan," aniya.
Mabuti na lang marami pa siyang stock na karne ng manok at isda. Noong Linggo lang siya namalengke. Nagprito lang siya ng tilapiya at ginisang sayote para mabilis. Ginabi na siya ng uwi dahil nag-overtime siya sa pag-aayos ng mga papeles na dadalhin niya para sa meeting na dadaluhan nila ni Adele.
Mainitin pa naman ang ulo ni Adele. Ayaw nito na nali-late at may kulang sa mga papeles. Forty years old na si Adele pero wala pang asawa. Bisexual kasi at workaholic. Sampung taon na pala itong operation manager ng De Silva Group.
Tinulungan naman siya ng tiyahin niya sa paghahanda ng pagkain. Si Rosalie naman ay naghuhugas ng mga plato. Masipag ang batang ito at matalino. Palagi itong may honor sa klase pero tahimik lang. Nagmana ito sa yumaong ama na sobrang bait at tahimik, taliwas sa ugali ng tiyahin niya na parang machine gun ang bibig.
"Hayaan mo, Savi, regular na ang trabaho ko bilang therapist sa wellness center ng kumare ko'ng si Indang. Asenso na ang gagang 'yon kahit pokpok noon. Mabuti tumino ang bruha," kuwento ni Mylene nang naghahapunan na sila.
Natawa siya. "Mabuti naman ho kung gan'on. Akala ko wala pa kayong trabaho. Ipapasok ko sana kayo sa De Silva Hotel. Kailangan din nila ng therapist," aniya.
"Uy, talaga ba? Magkano naman ang sweldo?"
Kumibit-balikat siya. "Hindi ko alam, eh. Pero mataas ang standard ng management. Kailangan nila may at least 3 years experience."
"Ay, hindi bale, masaya naman ako sa shop ni Mareng Indang."
"Sa susunod na pasukan, dito n'yo na po i-enroll si Rosalie. Malapit lang dito ang school," aniya.
"Aba, oo. Ayaw ko nang balikan si Patreng, malibog ang demonyo."
Walang preno ang bibig ni Mylene. Kahit ganoon ito ay gusto itong kasama ni Savanna. Nawawala ang lungkot niya rito.
"Sa De Silva ka na pala nagtatrabaho, Savi? Mababait ang mag-asawa," pagkuwan ay sabi ni Mylene.
"Ay totoo po, lalo na si Sir Hellario."
"Oo nga, si Sen. Hellario. Binuto ko 'yon."
Malapad siyang ngumiti. "Mabait din po si Madam Forena," dagdag niya.
"At ang guwapo pa ng anak nilang si Hance."
Napalis ang ngiti niya nang maalala ang pangako niya kay Hance na dadalawin niya ito pagkatapos ng duty niya.
Pagkatapos ng hapunan ay iniwan na ni Savanna ang hugasin sa mag-ina. Pumasok na siya sa kanyang kuwarto at naligo. Pinasadya ng nanay niya na lagyan ng sariling banyo ang kuwarto niya dahil minsan na siyang nahulog sa hagdan kamamadali kasi ihing-ihi na siya. Sa ground floor lang kasi may palikuran. Ayaw naman niyang gumamit ng arenola.
Nakahiga na siya sa kama nang maisip niya si Hance. Natutuwa siya dahil naalala siya ni Hance. Nagtataka pa rin siya kasi imposibleng kaagad nitong natandaan ang mukha niya. Bata pa siya noong huli silang nagkita. Ang daming magandang nangyari sa araw niya. Sa wakas ay nagkasundo rin sila ni Sabrina. At ang higit na nakatutuwa ay ang natuklasan niya na hindi na pakakasalan ni Sabrina si Hance. Pero nababahala siya para kay Hance. Paano kung bumalik na ang alaala nito at si Sabrina pa rin ang mahal?
Alas-dose na ng gabi pero gising pa rin ang diwa ni Savanna. Hindi maalis sa isip niya ang senaryo sa ospital, noong pinigilan siya ni Hance sa pag-alis. Pero hindi dapat siya mag-assume na magiging maganda ang pagkikita nila ulit ng binata. May sakit pa ito.
APAT na oras lang ang tulog ni Savanna. Maaga pa rin siyang nagising dahil may usapan sila ni Adele na before eight ay makaalis na sila sa opisina. Gaganapin kasi ang meeting sa Manila hotel. Magpupulong ang mga owner ng real estate developer para sa kooperasyon at bagong patakaran sa industriyang iyon. Dahil wala si Hance, siya at si Adele ang representative. Kapag daw nakabalik na sa trabaho si Hance, siya pa rin ang palaging makakasama nito.
Papikit-pikit ang dalaga habang nakikinig sa speaker. Naroon na sila sa conference room ng naturang hotel. Halos hindi makapasok sa kukoti niya ang mga sinasabi ng speaker. Mabuti na-open niya ang voice recorder ng cellphone niya. Saka na niya iyon ire-review pagdating niya sa opisina.
Pagkatapos ng tanghalian ay mag-isa siyang bumalik sa opisina dahil may importanteng lakad si Adele. Pagpasok niya sa kanyang opisina, katabi lang ng opisina ng CEO ay nagulantang siya nang madatnan doon si Madam Forena. Nakadi-kuwatro ito habang nakaluklok sa silyang katapat ng lamesa niya. She looks stunning with her maroon skirt and white blouse.
Bakit ito naroon? Dapat ay nasa kapitulyo ito.
"Good afternoon po, madam!" bati niya rito.
Tumayo ito at malapad na ngumiti. "Same to you, hija," ganti nito. "I just drop by to pick you up."
"Ho?" Nawindang siya.
"Sorry. I know you have a lot of works to finish but my son never stops calling me at the office hour."
"Bakit po?"
"He wants to see you. Hindi ka raw bumalik kahapon sa ospital. Hinintay ka niya."
Kumabog ang dibdib niya. "Uhm, kasi po nag-overtime ako. At saka may bisita po ako sa bahay kaya hindi na ako nakaalis," paliwanag niya.
"Never mind. Just prepare yourself and we will go to the hospital later."
Lumapit naman siya sa lamesa at inayos ang naiwan niyang trabaho. Babalikan na lang niya iyon.
Tahimik si Savanna habang katabi si Madam Forena sa backseat ng limousine. Patungo na sila sa St. Luke's Medical Center kung saan si Hance.
"You know, Savanna, your mother was a nice person," mamaya ay sabi ni Forena.
Na-amaze siya dahil hindi pa siya nito nakalimutan. Noong na-interview siya ng HR staff ng De Silva Group ay nagkita sila ng ginang at nakilala kaagad siya nang mabasa ang kanyang pangalan.
"That's true po," aniya.
"Amalia was better than me when it comes to caring and raising a child. Marami akong pagkukulang sa anak ko. Napabayaan ko siya dahil inuuna ko ang pangarap ko na makilala sa larangan ng politika. Akala ko ay sapat na ang salapi upang maganpanan ko ang pagiging ina kay Hance. But it's too late to feel regret," kompisal ng ginang.
Kunot-noong pinagmasdan niya ito. Hindi niya ito maintindihan. Kung magsalita ito ay tila ang laki ng kasalanan nito sa anak. Ano ba talaga ang nangyari kay Hance?
"Maayos n'yo naman pong napalaki si Sir Hance. Magaling siyang mamahala ng business," komento niya.
"I wish that's only a reason."
Naudlot ang kuwentuhan nila ng ginang nang huminto ang sasakyan sa malawak na parking lot ng ospital. May mga bodyguard pa na nagbukas ng pinto para sa kanila. Nakabuntot pa rin ang mga ito sa kanila hanggang sa loob ng ospital. Mga naka-suit na itim ang mga ito.
Pagpasok sa ward na inuukupa ni Hance ay nadatnan nila si Sabrina na kausap ng binata. Mukhang nagtalo ang dalawa dahil matalim ang titig ni Hance kay Sabrina. Mamaya ay nagpaalam si Sabrina. Sinundan naman kaagad ito ng ginang. Naiwan siya kasama si Hance.
Biglang umaliwalas ang mukha ng binata. Ang pagkaing hindi nito ginagalaw ay kinuha nito at ipinatong sa mga hita nito. Nakaupo lang ito habang nakasandal sa headrest ng kama.
"I'm glad to you again, Savi," anito.
Nasorpresa siya. Alam pa nito ang palayaw niya. Pakiramdam niya'y may nagliliparang paru-paro sa loob ng tiyan niya. Nasasabik siya.
"Uhm, sorry hindi ako nakadalaw kahapon. May emergency kasi sa bahay," alibi niya.
"It's okay. Sinabi naman ni Adele na nag-overtime ka nang tawagan siya ni mommy."
"Nakakaalala ka na ba?" usisa niya.
Umiling ito. "I still can't remember about the events after the last time I saw you," turan nito.
Hindi niya maalala kung saan sila huling nagkita. "Twelve years old ako noong umalis kami ni nanay sa bahay ninyo," sabi niya.
"Yes, but I saw you after I graduated from high school. Kasama mo ang mga kaklase mo na nanood ng fireworks display sa plaza noon. I can't forget your face. You're in my dream while I'm unconscious. Ikaw lang ang naaalala ko. And when I opened my eyes, I saw you standing beside me, watching me and holding my hand," kuwento nito.
"Yes, but we never meet again after you graduated from high school," sabi niya.
"Are you telling the truth?" dudang tanong nito.
"Yes. Nakikita lang kita sa TV, diyaryo pero hindi kita nalapitan nang personal."
"Why?" Nangunot ang noo nito.
"Kasi hindi ka na ma-reach. Nahihiya ako sa 'yo."
Tumawa si Hance. "That's a joke. I never changed, Savi."
"Hindi mo kasi naaalala ang mga nangyari sa 'yo these few years. You're engaged to Sabrina."
"Yes, but she said, she doesn't love me. She's in love with someone else."
"But you're in love with her."
"No! I didn't feel love for her. Our wedding was just arranged."
"Maayos na ang pagpapakasal ninyo, nadiyaryo na. Mapag-uusapan kayo ng madla kung biglang hindi matuloy ang kasal. At saka, paano naman ang parents mo?"
Hindi na nakaimik si Hance. Maya-maya ay pumasok na ang mommy nito. Lumayo naman siya rito at umupo sa couch. Payapa namang nag-usap ang mag-ina at nagkasundo na matutuloy ang kasal ni Hance at Sabrina.
Biglang nanlumo si Savanna. Hindi niya maintindihan bakit siya nasasaktan. Ang alam niya ay crush lang naman niya si Hance, a secret admiration.
Hindi na nagkaroon ng pagkakataon si Savanna na makausap si Hance dahil dumating ang daddy nito. Nagpaalam na lamang siya na babalik sa trabaho.
Pagdating niya sa opisina ay naghihintay na sa kanya si Eng. Bernard Santillan. Ito ang guide niya sa pagharap sa mga client nila sa real estate developer. Si Bernard ang in-charge sa operation ng construction sa mga pabahay. Binata pa ito at kaklase umano ni Hance noong college.
He was tall, handsome, masculine, and not so dark. Parating nakabilad sa araw si Bernard kaya naging moreno. Pero makinis ang kutis nito at maayos manamit, malinis. Medyo pilyo lang ito at ang hilig magligaw-biro.
"Saan ka ba nanggaling, ha?" naiinip nitong tanong.
Sinundan kaagad siya nito papasok sa opisina. Inilapag nito ang makapal na papeles sa ibabaw ng lamesa niya.
"Pinapunta kasi ako ni Madam Forena sa ospital," tugon niya.
"Ano naman ang ginawa mo roon? May pinapirma ka na naman bang papeles kay Hance?" usisa nito.
Ayaw niyang mabigyan ng malisya ng iba ang paglapit niya kay Hance kaya kailangan niyang magsinungaling.
"May inutos lang sa akin si Madam Forena," sagot niya.
Ngumisi ang binata. "Akala ko naman ginawa kang yaya ni Hance," biro nito.
Matabang siyang ngumiti. Mukhang close itong si Bernard kay Hance dahil nagagawa nitong magbiro. Kung sa bagay, college friends ang mga ito. Pansin din niya na karamihan sa mga engineer at architect ng kumpanya ay maga bata pa. Karamihan nasa thirty something. Ang pinakabata ay si Eng. Elmer De Guzman, na tatlong taon pa lang doon. Anak daw ito ng nag-retiro na engineer doon.
"Siya nga pala, dahil hindi pa makababalik sa trabaho si Hance, ikaw muna ang sumama sa akin para sa meeting bukas sa construction site kasama ang board member ng client. Gusto nilang mai-discuss mabuti ang agreement since government project itong new project natin. Para ikaw na rin ang mag-explain kay Hance kung ano ang napagkasunduan," pagkuwan ay sabi ni Bernard.
"Sige. Anong oras ba ang meeting bukas?" aniya.
"After lunch," sagot nito. Naglapad ito ng calling card sa lamesa niya. "Just call me if ready ka na para susunduin kita bukas dito."
"Saang lugar ba gaganapin ang meeting?"
"Sa on-going housing project sa Rizal. Tayo ang contractor doon. Bale ang may-ari niyon ay isa sa Senador."
"Okay, tatawagan na lang kita." Kinuha niya ang calling card nito.
"Or bigay mo rin sa akin ang contact number mo para kapag nagbago ang oras ay matawagan kaagad kita. Hindi na kasi ako dadaan dito bukas."
Kakaiba ang pahiwatig ng ngiti ni Bernard. Gayunpaman ay ibinigay niya rito ang contact number niya.
"Thanks beautiful," anito pagkakuha ng numero niya na naisulat sa papel. "Mabuti na lang ikakasal na si Hance, kung hindi ay hindi ka niya sasantuhin. Sa ganda mong iyan. May lahi ka bang foreigner?" anito.
Nag-init ang mukha niya. Lahat ata ng taong una siyang nakilala ay tinatanong kung may lahi siyang foreigner. Hindi naman niya itinatanggi ang totoo dahil kita naman sa mga mata at kutis niya.
"Uhm, ang lolo ng nanay ko sa mother side ay Mexican national," tugon niya.
"Ah kaya pala. Kalahi mo pala si Marimar, aw!" pilyong sabi nito.
Kilala niya ang character ni Marimar kasi paborito iyong panoorin ng nanay niya noong dalaga pa ito. Kahit noong malaki na siya ay may CD ang nanay niya ng Mexican drama.
"Maloko ka talaga," amuse na sabi niya.
"Joke lang. Ang seryoso mo kasi. Sige, see you tomorrow," anito saka nagpaalam.
Tumango lang siya.
Naalala na naman niya ang kanyang ina. Parang sumpa na namana ng nanay niya ang pagiging kabit sa ina nito. Naging kabit din ang lola niya ng lolo niya na Mexican national na nakilala ng lola niya sa Singapore. OFW ang lola niya noon. Umuwi ang lola niya noon na buntis. Mabuti tinanggap ng bagong asawa nito, na siyang tatay ng Tita Mylene niya ang kanyang lola at pinakasalan.
Namana niya sa lolo niya ang light brown niyang mga mata, maging kutis na medyo merona na mamula-mula. Ang ilong at mga labi niya ay namana niya sa kanyang ama. Kaya may pagkakahawig sila ni Sabrina. Kamukha rin ni Sabrina ang tatay nila.
Alas-singko ng hapon nakalabas ng opisina si Savanna. Naisip niyang dalawin muna si Hance at ibigay na rin ang activity report niya rito para maging aware ito sa nangyayari sa kumpanya.
Saktong pagpasok niya ay walang kasama si Hance. Nakatulog ito. Dahan-dahan siyang lumapit dito at inilapag sa mesita ang dala niyang portfolio. Ayaw na sana niya itong abalahin ngunit bigla itong nagising pero tila naalimpungatan.
"Tama na!" sigaw nito.
Nagulat siya at nasagi niya ang basong nakapatong sa mesita. Mabuti hindi ito nahulog, natumba lang. Tumulin ang tibok ng puso niya. Biglang nanginig si Hance. Sinugod niya ito at niyakap upang mapigil ang panginginig nito. Bigla itong kumalma at tulalang nakatitig sa kanya.
Naalala niya, noong unang pagsama niya sa nanay niya sa bahay ng mga ito, niyaya siya ni Hance na maglaro ng basketball. Hindi siya marunong kaya taga-abot lang siya ng bola rito. At ilang minuto ang lumipas ay biglang nagsisigaw si Hance, inuuntog ang ulo sa poste ng ring. Noong niyakap niya ito ay biglang kumalma.
Akala niya noon ay normal lang iyon dahil okay naman si Hance kapag kasama niya.
"S-Savi..." bigkas nito.
"Oo, ako nga," aniya.
Kumalas siya rito. Tamang-tama naman pumasok ang bantay nito, marahil ay isa sa kasambahay ng mga De Silva. May pumasok ding nurse.
"Hinatid ko lang ang activity report ko, nasa mesa," aniya.
Tumango lang ang binata. Nang inasikaso na ito ng nurse na lalaki ay nagpaalam na siya. Wala naman itong sinabi.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top