Chapter Two
HINDI na dumaan sa interview si Alexa. Pagkatapos ng orientation ay ipinakilala siya ni Roger sa mga engineer at architect ng kompanya maging sa ibang opisyales. Hindi pa nito binanggit sa iba ang tungkol sa pagpapakasal nila ni Franco. Sikreto raw muna iyon dahil may ilang opisyales sa kompanya na tauhan pa ng yumao nitong kapatid na si Engr. Hector Sta. Maria.
Naikuwento sa kanya ni Roger na biglang bumalik ang anak ng kapatid nito para magsilbi sa kompanya. Maaring maghahabol din daw iyon sa mana. Pero walang nagawa si Roger sa desisyon ni Franco na pagkalipas na ng tatlo o apat na taon ang kasal. Inilihim nito ang plano sa staff ng kompanya, baka raw makatunog ang karebal nila at maungusan si Franco. Hindi raw pipitsugin ang kalaban.
Sa unang linggo ng training ni Alexa sa Sta. Maria construction ay mas naging malapit siya kay Franco. Nagre-report si Franco sa kompanya para sa project. Ito rin ang kasama niya sa training. Isinasama siya nito sa mga projects nito sa iba't ibang lugar. Iginala rin siya nito sa on-going housing project nito sa Laguna at Cavite.
Katulad ng napagkasunduan nila, Sabado ng gabi ay magkasama sila sa hapunan. Sa haba ng oras nila ay puro project ang pinag-usapan nila.
"Gusto kong makita ang mga proposed designs mo for housing projects," sabi ni Franco.
Inuubos na lang niya ang kanyang pagkain. "Meron ba kayong townhouse sa project?" aniya.
"Sa Cavite project meron pero ang bago ngayon sa Laguna ay more on single attached and detached. Gawa ka rin ng townhouse plan. Complete with floor plan and house model is better."
"Pero nakita ko na ready na ang designs ng project."
"Yes, but more choices, more projects. Malawak ang area ng Cavite project kaya need namin ng maraming design from different architects. Malay mo, mas maganda ang designs mo. Modern and plain are the clients' choices."
"Okay."
Tinitingnan ni Franco ang sample design niya na naiguhit niya sa sketch book. Nagawa niya iyon noong nag-aaral pa siya ng kolehiyo. She was expecting that Franco would appreciate her ideas since her mentor was her father.
"Okay sa akin ang style mo. Siguro bigyang linaw mo pa ang sketch ng floor plan. Sa palagay ko mas nag-improve ka ngayon. I need detailed sketch," komento nito.
Napangiti siya. "Scratch ko lang iyan. Pasensiya ka na," aniya.
Franco chucked and sipped his red wine. "No worries. Hindi naman ako marunong manlait. Mabuti ka nga marunong gumuhit. Ang architect, kayang gawin ang trabaho namin, pero kami, nagagawa naman ang trabaho ninyo pero hindi ganoon kadali. May mga gifted lang talagang tao na madaling gawin lahat like you father," sabi nito.
"Oo nga. Proud ako kasi si Papa, kaya niyang maging architect," pagyayabang niya.
"Kaya nga hindi siya mabitawan ng kompanya. Skilled at matalino ang papa mo," anito.
Tumitig siya sa dalawang kopita na sinasalinan ni Franco ng red wine. Bigla siyang may naalala sa ginagawa nito. Magmula noong na-eskandalo siya sa bar dahil sa ex-boyfriend niya ay hindi na siya nakatikim ng kahit anong alak o kahit wine. Isinumpa niya ang gabing iyon.
Pero higit na isinumpa niya ang lalaking nang-iwan sa kanya sa isang hotel matapos ang one-night stand sa pagitan nila. The guy owned her virginity, na hindi niya basta naibigay sa ex-boyfriend niya kahit gaano niya minahal.
"I'm just wondering, Alexa. Before you accept the arrangement between us, do you have a boyfriend?" bigla'y tanong ni Franco.
Humugot siya ng malalim na hininga. Kinabahan siya bigla sa naisip na baka ma-disappoint si Franco kapag nalaman nito na hindi na siya berhin.
"Ah, wala. Single ako for two years," sagot niya.
"Good. Pero nagkaroon ka ng boyfriend."
"Yes. Isang lalaki lang, during college, but our relationship lasted for two years. I broke up with him after I discovered another woman aside from me," kuwento niya.
Franco grinned. "That was a common reason. Aside from him, is there another man in your life?"
"My father and brother," pilosopong sagot niya.
Napangiti si Franco. "Oo nga naman. What about a fling?" anito.
"Fling?" untag niya.
"Yeah. A fling was typical for those not contented in one partner or have a serious relationship."
Nilinis niya ang kaniyang lalamunan. "I never flirt with a man, but I had experienced a one-night stand with a guy," walang abog na sabi niya.
"What?!" bulalas ni Franco.
Nagulat din siya sa reaksiyon nito. Pero mas mabuti na iyong alam nito na taken na siya. Nakita niya ang munting pagkadismaya sa mukha ng binata.
"Sorry," aniya.
"No, it's okay. I think it's not a big deal. Saan ba tayo nagsimula kundi sa isang kasunduan? Anyway, cheers!" sabi na lang nito saka sinagi ng sariling baso ang baso niya.
Ininom din niya ang kanyang wine. Nang maubos ang kanilang inumin ay nagdesisyon si Franco na ihatid siya sa unit nila. Tahimik ito na nagmaneho. Hindi niya mahulaan kung ano ang tumatakbo sa isip nito. Baka iniisip nito na pariwara siyang babae kaya siya nakaranas ng one-night stand.
MAY dalawang araw na pahinga si Alexa. Ginawa niya ang designs na hinihingi ni Franco. Binigyan siya nito ng tip kung paano siya makaaangat sa kompanya. Kailangan daw niyang magpa-impress sa mga kliyente gamit ang pinakamagandang designs niya. Hindi ang boss ang naghahatol sa trabaho ng mga empleyado kundi ang kliyente.
Malaking bagay na napalapit siya sa pamilya ng Sta. Maria dahil mas magiging matatag ang pangalan niya. Working for an infamous company was the most significant achievement; she will do her very best to be an outstanding employee.
Pagpasok niya sa opisina nang Lunes ay pinakita kaagad niya kay Franco ang designs na ginawa niya. Si Franco na raw ang magpo-propose niyon sa management ng real estate. Gusto niyang mag-explore kaya hindi siya pumayag na maging resident architect.
Gusto niyang pasukin lahat ng projects. At sa unang sabak niya sa project ay nagpapasukan na sa buhay niya ang mga insecure na katrabaho, partikular na ang kapwa niya architect na batikan na sa serbisyo. Whatever she heard against her, she didn't mind.
Wala pang biyente-kuwatro oras ay nakatanggap na ng positive feedback si Alexa. Nakuha ng Cavite project ang design niya ng townhouse. Malaking achievement na iyon sa kanya. Si Franco naman ang pumili ng designs niya para sa single detached house. Doon daw nito iyon ilalagay sa Laguna project.
Sa paglabas ng designs niya ay sunud-sunod na ang request na natatanggap niya. Gusto na rin ng Tagaytay project na sila ni Franco ang hahawak doon. Hindi niya iyon inaasahan.
"Baka masyado ka nang maraming trabaho, Franco," sabi niya sa binata habang magkasama sila sa tanghalian sa isang restaurant malapit sa main office.
"Okay lang. Sisikapin kong maisingit sa oras ko ang project. Hindi puwedeng ibigay sa iba ang project dahil hindi pipili ng iba ang real estate. Partnership natin ang Herera since termino pa ni Lolo. Hindi sila magtitiwala sa ibang engineer kung hindi Sta. Maria ang pangalan," sabi nito.
"Pero sabi mo may malaki kang commercial project sa isang sikat na produkto. Sa Cebu pa ang shooting no'n 'di ba?" pag-iiba niya sa usapan.
Updated na rin siya sa modeling career ni Franco. Mas naging open ito sa kanya magmula noong nadalas silang magkasama.
"Ako ang bahala. Basta gawin mo lang ang designs ng house model at floor plan. Kailangan next week ay mai-propose na natin ito sa Herera," sabi nito.
"Okay. Sisimulan ko na mamayang gabi. Hihingi muna ako ng property map nila para sa housing project map na gagawin ko."
"Sige. Baka Sunday na tayo makapag-dinner together. May passion show ako sa Sabado."
"Walang problema."
Pagkatapos ng tanghalian ay naghiwalay na sila ni Franco. May pupuntahan pa raw itong project.
Naging busy si Alexa sa pagguhit ng sketch para sa housing project sa Tagaytay. Halos dalawang Sabado na ang nalagpasan nila ni Franco. Abala rin ang binata sa patung-patong nitong trabaho. Kaya hindi na siya umaasa na mapapanindigan nito ang plano nilang kasal. Nitong nagdaang araw ay hindi na ito tumatawag sa kaniya. Nagkikita sila sa kompanya pero puro project ang bukam-bibig nito.
Linggo ng gabi. Hindi nakatanggi si Franco nang yayain sila pareho ng parents nito na maghapunan sa bahay ng mga ito sa Makati. Sa kalagitnaan ng hapunan ay binuksan ni Ginang Armera ang usapin tungkol sa kasal.
"Marami pang pagkakataon na puwedeng pag-usapan ang tungkol sa kasal, Ma. Nakapag-usap na kami ni Alexa tungkol doon," iritableng sabi ni Franco nang tanungin iton ng ginang kung kailan ba talaga nito gustong maikasal.
"Pero, hejo, habang tumatagal ay lalong lumalapit sa atin ang karebal mo sa mana. I think we don't need to wait for the right time if when you're prepare. Puwede namang sa huwis muna kung hindi mo pa kaya sa church," sabi ng ginang.
"Tama ang mommy mo, Franco. Nakahahalata na ang mga kalaban natin. May nag-tip sa akin na pinapahalungkat ng abogado ni Hector ang iniwang papeles ni Papa. Siguradong inaalam na rin nila ang plano natin," sabad naman ni Roger.
Awtomatikong tumitig si Alexa kay Franco nang marinig niya ang pagtagis ng ngipin nito. Halos ayaw na nitong kumain. Halatang naiirita na ito.
"We don't need to rush it, Dad, Mom. Wala rin silang magiging laban dahil hawak natin ang pirmadong Last Will and Testament ni lolo, 'di ba?" ani ni Franco.
Nagkatinginan ang mag-asawa. Bakas sa mukha ng mga ito ang pagkabahala.
"I'm sorry to tell you this, Son. The Last Will that we have was not notarized, and it's dated five years before your grandfather's died. So hindi iyon ang totoong Last Will ng lolo mo. It's only a draft. Hawak ni Atty. Sandoval ang totoong Last Will ng lolo mo noon, but his son confirmed that it's gone after mailibing ang lolo mo. Someone stole it. Kaya ang maho-honor na batayan sa paglipat ng mana ay ang sinabi ng lolo mo sa sulat at Video," sabi ni Roger.
Naging uneasy si Franco. "Fine. Just give me one month to finish all my projects," matigas ang tinig na sagot ni Franco. Pagkatapos ay walang pasabi na tumayo ito at nilisan ang pagkain.
Nakamasid lang si Alexa sa mag-asawa. Tinapos niya ang hapunan bago nagpasyang puntahan si Franco. Natagpuan niya ito sa pool-side cottage na yari sa bato. May iniinom itong beer na nakalagay sa mug. Umupo siya sa tabi nito.
"Sorry," bigla'y sabi ng binata.
"It's okay. Naintindihan ko ang sitwasyon mo," aniya.
"Bakit ikaw? Hindi ka ba nahihirapan sa sitwasyon?" usig nito.
"Mahirap pero kaya ko namang mag-adjust."
"Hindi madaling makisama sa taong hindi mo mahal, Alexa. I know I'm not a man you desire to marry. It's more complicated than you swallow the stone. If you're uncomfortable with this situation, you can quit and find your desired man."
May munting kirot na naramdaman si Alexa sa kanyang puso. "I won't quit. Unless kung ikaw mismo ang umayaw," matatag na sabi niya.
"Ang tapang mo. Now I know how much you love your parents. Handa kang gawin ang lahat mapasaya lang sila kahit ikaw mismo ay hindi masaya sa desisyon mo. It's okay. Let's give ourselves a try," sabi nito.
"Fine."
Iyon lang ang pagkakataon na nakapag-usap sila nang personal. Sa mga sumunod na pagkakataon ay puro project na.
NAGTATAKA si Alexa bakit hindi pa nai-forward ni Franco kay Mr. Herera ang ginawa niyang sketch ng house model at floor plan. Pinuntahan niya ito sa opisina nito. Naabutan niya itong nag-e-impake.
"Akala ko ba this week mo na ipapasa ang proposed sketch ko sa Herera," sabi niya rito.
"I'm sorry if delay. Ang totoo kasi, hindi na ako ang hahawak sa project," anito.
"Bakit? E sino na?"
"Na-meet ni Mr. Herera ang cousin kong engineer. Hindi ko alam kung bakit biglang nagbago ang isip ni Mr. Herera."
"Paano na ang pagod ko?"
"Don't worry, hindi ka pinalitan ni Mr. Herera. Nagustuhan niya ang plano na ginawa mo para sa project."
Kinabahan siya. Nasanay na siya kay Franco kaya hindi siya sigurado kung magkakasundo sila ng papalit dito.
"Hindi ko pa ba na-meet ang pinsan mo?" nababahalang tanong niya.
"Nope. He just arrived from Japan. Last month pa siyang nag-submit ng resume niya sa kompanya pero ngayon lang siya nagpasya na mag-stay rito. Actually, I invited him for dinner tonight with us. Ipapakilala kita sa kaniya."
Bumuntong-hininga siya. Pagkatapos ng usapang iyon ay iniwan na siya ni Franco.
HINDI komportable si Alexa habang nakaupo sa silya sa tapat ng round table sa loob ng Chin Grills & Restaurant. Nasa counter si Franco at nag-order ng inumin. Hindi siya mapakali sa suot niyang pulang backless dress. Hindi siya nakapaglaba ng dalawang linggo kaya naubusan siya ng damit panlakad. Tinali lang niya ang kaniyang buhok ng pulang laso. Maipis na makeup at red lipstick ang inilagay niya sa mukha.
Pagbalik ni Franco ay may dala na itong isang bote ng red wine at dalawang baso ng beer.
"Hindi na ako umiinom ng beer," aniya.
"It's not for you. Nakalimutan mo na ba na may bisita tayo?" sabi nito.
"Nasaan na ba siya?" naiinip na tanong niya.
Humihilab na ang sikmura niya pero gusto ni Franco na hintayin muna ang pinsan nito. While waiting for Franco's cousin, she ate roasted peanuts. She loved the garlic and spices added. It helps to lessen her hungriness.
"He's coming," sabi ni Franco. Mamaya ay napatayo ito at nakatnaw sa pintuan. "Oh, he's here." Napabulalas ito.
Awtomatiko siyang lumingon sa likod niya kung saan nakatutok ang atensiyon ni Franco. Sa unang sulyap ay parang pinako ang paningin niya sa lalaking nakatayo sa tabi niya sa gawing kaliwa. Nakasuot ito ng itim na t-shirt na hapit sa maskulado nitong katawan. Plain pero nakakaagaw pansin ang pigura nito.
Nang makilala ang lalaki ay parang nag-time travel siya pabalik noong dalawang taong nakalipas. Biglang tumahip ang dibdib niya. Lalo siyang naging balisa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top