Chapter Twenty-seven

NAPAKAGANDANG balita ang iniuwi ni Ace sa pamilya. Isa na itong ganap na surgeon. Pinagsilbihan ni Alexa ang kapatid. Siya ang pumili ng pagkain para rito. Ang dami nitong kuwento kahit nang nasa airport pa sila. Mayroon nang doktor sa pamilya nila. Proud na proud siya sa kapatid.

"Ano, Alexa, marami ka na bang kliyente bilang architect?" tanong sa kanya ni Ace.

Magkasalo na silang pamilya sa hapunan. "Marami na. Halos lahat nga ng designs ko ay gustong-gusto ng mga kliyente ko," pagyayabang niya.

"Eh, bakit nabalitaan ko'ng ikakasal ka na?"

Napalis ang ngiti niya. Nabaling ang tingin niya sa kanyang ama. Buo na ang loob niya na sabihin sa ama na hindi na siya magpapakasal.

"Ahm, hindi matutuloy 'yon," sagot niya.

"Bakit naman? Hindi ba okay si Franco?" tanong ng kuya niya.

Inaasahan niya na magagalit ang papa niya pero nanatili itong walang kibo. Pero alam niya na naghihintay lang ito ng pagkakataon na makausap siya nang sarilinan.

"Walang problema kay Franco. Nagbago ang isip ko. Hindi pa ako handang magpakasal," sabi niya.

"Okay lang 'yan. Bata ka pa naman. Mag-enjoy ka muna sa pagkadalaga. Mag-ipon ka muna ng pera. Hindi mo pa natutupad ang pangako mo na ikaw ang tatapos sa bahay natin sa Makati," sabi ni Ace.

"Huwag kang mag-alala, Kuya, meron na akong naipon. Next month ay itutuloy ko ang construction para bago sumapit ang Pasko ay makalipat na tayo."

"Very good. Aasahan ko 'yan. Sagot ko naman ang gastos sa therapy ni Mama," anito.

Nagkasundo na sila.

Pagkatapos ng hapunan ay tinawag si Alexa ng papa niya. Naiwan sila sa sala habang magkatabing nakaupo sa sofa.

"Seryoso ka ba sa sinabi mo na uurong ka sa kasal, anak?" tanong nito.

"Opo. Hindi ko na kayang tumagal sa pagitan ng magulong pamilya ng Sta. Maria," tugon niya.

"Paano si Franco? Umaasa siya na matutuloy ang kasal," nababahang sabi nito.

"Kakausapin ko po bukas si Franco. Pagkatapos ay magpa-file ako ng resignation letter."

"Ano? Nababaliw ka na ba? Paano ang mga on-going project mo sa kumpanya?"

"Maayos ko po iyong iti-turn over sa ibang architect. Mag-a-apply po ako sa ibang kumpanya."

"Hindi mo naman kailangang gawin 'yon, anak. Magiging maayos din naman ang problema, eh."

"Alam ko po pero hindi ko na mahintay kung kailan magkaroon ng katahimikan sa kumpanya ng Sta Maria. Gusto ko munang lumanghap ng bagong atmosphere. Hindi na kasi ako makahinga sa nangyayari. Sorry, Pa. Magpapahinga na ako," sabi niya saka iniwan ang kanyang ama.

ALAS-SINGKO pa lamang ng hapon ay bumiyahe na si Gaizer pabalik ng Maynila. Makikipagkita pa kasi siya kay Mr. Kim sa oras ng tanghalian. Pag-uusapan na nila ang tungkol sa proyekto para sa pagre-reopen ng construction. Dumiretso siya sa bahay niya sa Pasig.

Pababa na siya ng kotse nang napansin niya ang drawer sa harapan niya na bahagyang nakaawang at may nakalabas na dulo ng isang brown envelop. Binuksan niya ang drawer at kinuha ang sobre. Nawindang siya nang mabasa ang note sa labas.

Lucio Sta. Maria's last will file

Binuksan kagaad niya ang laman ng sobre. Para siyang nanalo sa lotto nang mabasa ang nilalaman ng papeles. May kasama pa iyong flash drive. Dinala niya ang sobre papasok sa bahay niya. Nagbukas kaagad siya ng laptop at pinanood ang video ng lolo niya.

Napaluha siya matapos mapanood ang video. Ginawa ang video noong nasa ospital ang lolo niya at naghihirap sa karamdaman nito. Wala siya noong panahong iyon. Hindi niya akalain na sa kabila ng mga pagkukulang niya ay sa kanya pa rin binigay ng lolo niya ang mahahalagang ari-arian nito.

Ang gumugulo lang sa isip niya nang mga sandaling iyon ay kung sino ang nag-iwan ng papeles sa kotse niya. Wala naman siyang maalala na naisakay niya sa kanyang kotse mula kahapon. Hindi na siya nag-abalang alalahanin iyon. Ang mahalaga, hawak na niya ang inaasam niyang Last Will and Testament ng lolo niya. Ito ang legit at updated na notarized ng abogado.

Sa hapon na siya makikipagkita kay Atty. Sandoval para ibigay ang last will ng lolo niya. Ito kasi ang mag-a-anunsiyo niyon. Susopresahin niya ang mga kalaban.

HININTAY ni Alexa si Franco sa opisina nito. Maaga siyang pumasok para ayusin ang naiwan niyang trabaho. Nagawa na niya ang resignation letter niya pero saka na niya ibibigay sa opisina kapag naayos na lahat ng dapat niyang ayusin sa mga planong ginawa niya.

May tatlong minuto na siyang nakaupo sa silya katapat ng working table ni Franco. Mamaya ay dumating ito. May dala itong bag na maaring laptop ang laman.

"Ang aga mo ata ngayon," bungad nito.

"Marami kasi ako kailangang ayusin," kaswal na sagot niya.

Umupo ito sa swivel chair nito. Kumalat sa buong silid ang matapang nitong pabango. Basa pa ang buhok nito at fresh na fresh sa suot nitong bughaw na polo at maong na pantalong itim.

"So, bakit ka nadito? May problema ba?" anito.

Matamang tinitigan niya diretso sa mga mata ang binata. "Uurong ako sa kasal," walang paliguy-ligoy niyang sabi.

Seryosong nakatitig sa kanya si Franco. Hindi man lang ito nagulat o nadismaya. "Inaasahan ko na 'yan. I will respect your decision," sabi lang nito.

"Patawarin mo ako sa lahat ng mga nagawa ko."

"It's okay. Wala naman akong karapatang sisihin ka. Ako na ang bahalang magpaliwanag kay Papa."

Naninikip ang dibdib niya. Inaamin niya na napalapit siya kay Franco at naging masaya siya sa piling nito kahit wala silang malalim na relasyon. Hindi niya napigil ang paglandas ng kanyang mga luha.

Biglang tumayo si Franco at lumapit sa kanya. Umupo ito sa silyang katapat niya na inilapit nito sa kanya. Hinaplos nito ang pisngi niya saka pinahid ang kanyang mga luha. Tumitig siya sa mga mata nito.

"I hope you're happy with your decision. Kahit hindi nag-work ang relasyon natin, napalapit ka na sa akin, Alexa. Hindi ka ibang tao. Ayaw kong nakikita kang nasasaktan at nahihirapan. Sana hindi mo pagsisisihan ang naging desisyon mo. At sana, kung tuluyan mong pipiliin si Gaizer, sana maging maligaya ka sa piling niya," wika nito, nagpaparaya.

Dumalas pa ang pagtulo ng kanyang mga luha. "Maraming salamat."

Hinaplos nito ang ulo niya at ginawaran ng pinong halik ang kanyang noo. "Magiging magkatrabaho din naman tayo. Puwede tayong maging magkaibigan," sabi nito.

"Aalis na rin ako sa kumpanya," aniya.

Dismayadong tumitig sa kanya ang binata. "Bakit? Hindi naman kailangang madamay ang trabaho mo," sabi nito.

"Gusto ko ng peace of mind, at hindi ko iyon mararanasan dito sa kumpanya. Gusto kong lumayo."

"Paano si Gaizer? Iiwan mo rin ba siya?"

"Kung para siya sa akin, ibibigay siya sa akin ng Diyos kahit hindi ko hilingin. Kung talagang mahal niya ako, kahit saan ako magpunta ay gagawa siya ng paraan para makasama ako."

"Naniniwala ka bang mahal ka rin niya?"

"Kailangan kong maniwala dahil ayaw kong masaktan."

"Mas lalo kang masasaktan kung magtitiwala ka ng isang daang pursiyento. Magtira ka para sa sarili mo, Alexa. Hindi kita palalayain para lang saktan ka ng iba."

"Salamat sa concern. Malalaman mo kapag nasaktan ako, sa 'yo ako lalapit," aniya.

"Ayaw kong mangyari 'yon."

Matamang tumitig siya sa mga mata nito.

"Kailangan kung lalapit ka sa akin ay masaya ka. Hindi kita tatanggapin kung umiiyak ka dahil nasaktan ka," seryosong wika nito.

"F-Franco..."

"Good luck," anito. Tumayo na ito.

Tumayo naman siya at nagpaalam dito. Mabigat ang loob niya habang lumilisan.

KINABUKASAN ay hindi naibigay ni Alexa ang resignation letter niya kay Roger dahil nagkaroon ng emergency conference meeting. Sumama na rin siya sa meeting kasama ang papa niya. Walang ideya ang mga opisyales kung para saan ang pagpupulong na iyon. Mayroon daw mahalagang announcement si Atty. Sandoval.

Umaasa si Alexa na tungkol na iyon sa paglabas ng Last Will and Testament na iniwan niya kay Gaizer. Kompleto ang opisyales maging mga stock holders. Nahuling dumating si Gaizer kasama ang mga kakampi nito.

Mamaya ay dumating na si Atty. Sandoval dala ang bag nito. Pumuwesto ito sa harapan nila.

"Pasensiya na kung biglaan ang pagtawag ng meeting. Importante ito dahil dito nakasalalay kung sino talaga ang papalit sa puwesto ni Mr. Lucio Sta. Maria bilang presidente at chairman ng Sta. Maria Group of Companies," panimula ng abogado.

Nagbubulungan ang mga opisyales. Ang kahilira nilang si Roger at anak nitong si Franco ay halatang nagulat.

Inilabas ni Atty. Sandoval ang papeles mula sa bag nito. May flash drive rin itong isinalpak sa laptop nito na nakakonekta sa projector. Nagsalita na rin ito.

"Now, finally the time has come. Sa wakas ay nakita ko na ang Last Will and Testament na iniwan ni Mr. Lucio Sta. Maria. At ito ang mga nilalaman; ang buong Sta. Maria Group of Companies at ang farmland sa Tagaytay na pag-aari ni Mr. Lucio Sta. Maria ay ibinibigay sa pangalan ni Gaizer Sta. Maria maging ang laman ng first personal bank account niya. The rest of his property and bank account ay mapupunta sa pangalan ni Franco Sta. Maria. Five million pesos share mula sa Sta. Maria Group of Companies ay mapupunta kay Franco Sta. Maria. Pakipanood maigi ang supporting video na pinagawa mismo ni Mr. Lucio Sta. Maria."

Umugong ang reaksiyon ng mga tao. Pagkatapos mai-play ang video ay marahas na tumayo si Roger.

"This is so unfair! Five million share lang ang makukuha ng anak ko sa kumpanya samantalang dugo't pawis naming mag-ama ang naipuhunan para manatiling nakatayo ang kumpanyang ito!" reklamo ni Roger. Ang kumpanya talaga ang gusto nitong makuha.

Tumayo rin si Franco para pigilan ang ama. Si Gaizer na tahimik lang ay napatayo rin.

"Kindly respect, Mr. Roger Sta. Maria. You must know your limitations," apela ni Gaizer. "Alam kong alam mo na kahit buong buhay mo pa ang ialay mo sa kumpanya ay hinding-hindi mapapasa-iyo karapatan dahil alam mo na ni katiting walang dugo ng Sta. Mari na nanalaytay sa mga ugat mo. Pasalamat ka pa nga dahil inako ni Lolo ang pagpapalaki sa iyo kahit anak ka ni Lola sa labas. At gusto ko ring malaman ng lahat ang mga anumalyang ginagawa ng grupo mo. Ginagamit mo ang pangalan ng kumpanya para sa pansarili mong proyekto, samatalang hindi nakakatikim ang kumpanya sa salaping ibinabayad ng kliyente. And I have a proof that you're planing to build your own construction company, and you use the fund of Sta. Maria as your capital. Siguro ramdam mo nang dehado ka na kaya ka dahan-dahang nagnanakaw sa kumpanya," walang pasintabing sabi ni Gaizer.

Hindi nakapagsalita si Roger. Awtomatikong binatikos ito ng ibang opisyales. Hindi ito nakatiis, nag-walk out ito.

Nag-aalala si Alexa sa papa niya na posibleng masangkot ito sa anumalya dahil kadikit ito ni Roger. Nang nagdesisyon itong sumunod kay Roger ay nagdesisyon din siyang sumama rito.

Nag-alsa balutan na si Roger. Ayaw na nitong makipag-usap kahit kanino. Pinipilit pa rin itong kausapin ni Manuel."

"Paano na tayo, Roger? Baka magsampa ng kaso si Gaizer laban sa atin," nag-aalalang sabi ni Manuel.

"Bahala siya sa gusto niyang gawin! Save yourself, Manuel. Wala na tayong magagawa," sabi ni Roger.

"Ganoon na lang 'yon?"

"Patawad. Huwag kang mag-alala, hindi ka masasangkot dito. Pero mas mabuti na ring umalis ka na rito."

Walang magawa si Manuel nang iwan ito ni Roger.

Naaawa si Alexa sa papa niya. Hindi na niya ito nakausap dahil abala ito sa pag-aasikaso sa mga naiwan nitong trabaho. Baka raw kasi bigla rin itong palayasin ni Gaizer. Pinabayaan na muna niya ito.

Hinanap niya si Franco. Alam niyang labis na apektado ang binata sa nangyari. Parang nilindol ng malakas ang buong kumpanya. Nabulabog ang mga tao.

Napahinto siya sa tapat ng opisina ni Gaizer nang makarinig siya ng mga boses na nagtatalo. Bahagyang nakaawang ang pinto. Sumilip siya. Nakita niya si Franco at Gaizer na nag-uusap. Dinig na dinig niya ang pinag-uusapan ng mga ito. Nakatayo ang dalawa habang magkaharap na nagsasagutan sa ilalim ng tensiyon.

"You can kick us out of this company, but you don't have the right to accuse my father, Gaizer!" asik ni Franco.

"I'm not accusing him, I just revealed the truth. Buong buhay mong kasama ang tatay mo, bakit hindi mo alam ang mga pinaggagawa niya, Franco? Sinusuportahan mo siya sa mga maling ginagawa niya," mahinahong pahayag ni Gaizer.

"Hindi 'yan totoo! Alam ko gusto mo lang kaming itakwil! Nakuha mo na lahat ng gusto mo, bakit kailangan mo pa kaming sirain sa mga tao?"

"Matagal na kayong sira! Gusto ko lang maitama ang lahat!" Nagtaas na rin ng boses si Gaizer.

"Maitama? Pagkatapos mo kaming paglaruan, ngayon ay niyuyurakan mo pati pagkatao namin! Wala ka bang konsensiya? Sinira mo lahat pati kasal ko!" buwelta ni Franco.

Nawindang si Alexa. Naisingit pa ni Franco ang tungkol sa kasal. Hindi niya akalaing big deal din iyon kay Franco.

Ngumisi si Gaizer. "Hindi ko na kasalanan kung hindi natuloy ang kasal mo. Choice iyon ni Alexa," pilyong sabi nito.

"Oo, dahil inakit mo siya't pinaibig. Hindi ka pa ba kontento sa yaman mo? Pati mapapangasawa ng pinsan mo ay pinatos mo?" gigil na sabi ni Franco.

"Kung magsalita ka parang matino kang lalaki, ah. Hindi ba't ginamit mo lang din si Alexa para mapabilis na makuha mo ang mana?"

"Oo, inaamin ko, pero ang hakbang na iyon ay napagkasunduan namin. Hindi ako katulad mo na hindi lang ginamit ang reputasyon ni Alexa kundi pati ang buog pagkatao niya! Kulang pa ba sa iyo na nakalamang ka?"

Nagawa pang tumawa ni Gaizer. "So ngayon alam mo na ang pakiramdam na inagawan ng taong mahalaga sa iyo?"

Natigilan si Franco. Nawindang din si Alexa sa pag-iba ng paksa ng dalawa.

"Hanggang ngayon ba isinisisi mo pa rin sa akin ang nangyari kay Selena?" ani ni Franco.

"Oo, dahil kasalanan mo naman! Kung hindi mo siya inagaw sa akin, hindi siya mapapahamak!" nanggagalaiting sabi ni Gaizer.

Selena? Sino si Selena? Tanong ng isip ni Alexa. May kung anong humilagpos sa kaniyang dibdib. Bigla siyang kinabahan. Bakit may pangalan ng babae sa usapan ng dalawa?

Hindi pa man naririnig ang buong istorya ay kumikirot na ang puso ni Alexa. Ayaw niyang mag-overthink pero iba ang pakiramdam niya sa daloy ng usapan ng dalawang lalaki. Parang may mali sa sitwasyon.

"Napahamak siya dahil sa 'yo, Gaizer. Huwag mong isisi sa akin ang lahat!" depensa ni Franco.

"Hanggang ngayon ba naman nagsisinungaling ka pa rin? Sampung taon na ang nakalipas, Franco," may iritasyong sabi ni Gaizer.

"Mahigit isang deakada na ang nakalipas pero naninisi ka pa rin! Kalasanan mo kung bakit namatay si Selena, dahil sa mapaghinala mong utak! Wala kaming relasyon noon. Lumalapit lang siya sa akin dahil humihingi siya ng tulong. Nagdududa siya na may kinahumalingan kang ibang babae noon pero hindi ka niya kayang komprontahin dahil natatakot siya. Noong nakita mo kami sa park, niyakap ko siya dahil nakita kong nahihirapan na siya. Mali ang akala mo. Hinabol ka niya para magpaliwanag pero hindi mo siya hinarap. Hindi siya tumigil sa paghahabol sa iyo hanggang sa nasagasaan siya ng sasakyan. Iyon ang totoo, Gaizer. Kaya huwag mong isisi sa akin ang nangyari dahil kasalanan mo 'yon," mahabang paliwanag ni Franco.

Matagal bago nakakibo si Gaizer. "Tama na!" asik nito pagkuwan.

"Iyon ba ang dahilan kaya mo ako ginugulo? Gusto mong gumanti sa akin dahil sa pagkawala ni Selena? Mali ka, Gaizer, maling-mali. Pati si Alexa ay idinamay mo sa kahibangan mo! Ginamit mo lang siya!" patuloy ni Franco.

"Oo, ginamit ko siya para sirain ka at ipadama sa iyo ang pakiramdam na inaagawan ng lahat na dapat sa akin! Kulang pa nga 'yon, eh. Dapat hinintay ko muna na mabaliw ka kay Alexa bago siya inakit at inagaw sa iyo, pero atat din kayo kaya minadali ko na," pag-amin ni Gaizer, na gumimbal sa pagkatao ni Alexa.

Hindi na kinaya ni Alexa na pakinggan ang mga sinasabi ni Gaizer. Pakiramdam niya'y may libu-libong karayom na tumutusok sa puso niya. Malinaw sa pandinig niya ang mga sinabi ni Gaizer, na ginamit lang siya nito para makaganti ito kay Franco.

Humahagulgol siya habang naglalakad palayo sa silid na iyon. Iyon na ata ang pinakamasakit na nararamdaman niya sa tanang buhay niya. Ang maloko ng lalaking inalayan niya ng buong puso at pagkatao.

Pumasok siya sa palikuran at nag-lock ng pinto. Lumuklok siya sa nakasarang inidoro at ibinuhos ang sakit na nadarama.

"Ano ba ang kasalanan ko bakit ako ginaganito? Hayop ka, Gaizer! Hayop kaaa!" naghihinagpis niyang sigaw.

Hilam na sa luha ang kanyang mga mata. Halos hindi na siya makahinga dahil sa abot-lalamunang paninikip ng kanyang dibdib.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top