Chapter Twenty-nine
PASIKRETONG pumunta si Alexa sa OB-GYN para ma-confirm kung talagang buntis siya. Kompirmadong mahigit isang buwan na siyang nagdadalang-tao. Maraming payo sa kanya ang doktor para maalagaan niya ang baby niya. Binigyan din siya ng vitamins dahil sa mababang blood pressure niya.
Makalipas ang isang linggo ay nakatanggap ng invitation message si Alexa mula sa JCL Construction company. Iniimbitahan siya para sa interview at exam. Maaga pa lang ay nagtungo na siya sa nasabing kumpanya. Marami siyang kasamang nag-a-apply sa iba-ibang posisyon.
Nang siya na ang tawagin ay dagli siyang pumasok sa opisina ng manager. Nagulat siya nang pagpasok niya ay wala siyang ibang nakita kundi ang ex-boyfriend niyang si Rendel. Saka niya naalala na pag-aari pala ng pamilya nito sa kumpanyang gustong pasukan.
Malayo pa lang ang nakangiti na ang lalaki. Umupo naman siya sa katapat nitong silya.
"Nice to see you again, Alexa. Kumusta ka na?" kaswal na bati nito.
"Ahm, okay lang," matabang niyang sagot. Tiningnan niya ang kaliwang kamay nito na may suot na singsing sa palasingsingan.
Magmula noong hiniwalayan niya ito ay wala na siyang balita rito. In-unfriend din kasi niya ito sa social media.
"Bakit bigla atang gusto mong pumasok sa JCL? Hindi ba nagtatrabaho ka sa Sta. Maria? Ano'ng nangyari sa inyo ni Gaizer? Naging kayo ba?" magkasunod na tanong nito.
Hindi niya alam kung alin sa mga tanong nito ang uunahin niyang sasagutin. Hanggang sa nairita siya.
"Please, hindi ako nagpunta rito para usigin mo ako tungkol sa nakaraan ko," aniya.
Ngumisi si Rendel. "Sorry. Parte rin ng interview na malaman ko kung bakit ka umalis sa dati mong employer," sabi nito.
"Magulo ang management nila kaya ako umalis."
"Pero si Gaizer na ang chairman ng Sta. Maria. Balita ko kinasuhan niya ang dating vice president ng kumpanya nila na kapatid ng daddy niya. I'm not sure if you're connected to the issue. Hindi kasi puwede sa kumpanyang ito ang may bad record."
Nainis siya sa sinabi nito. "Sabihin mo na lang kung tatanggapin mo ako o hindi, Rendel. Trabaho ang pakay ko hindi para ipalandakan ang personal kong buhay."
"Sige. You're hired."
Napamata siya. Hindi pa siya nito ini-interview nang maayos. "Walang personalan, Rendel," aniya.
"Alexa, you're not other person. Kilala ka ng pamilya ko, at naalala mo pa siguro na noong nag-aaral pa tayo ay nag-offer na sila sa 'yo ng trabaho. Don't worry, wala itong halong pamimersonal. Naka-move-on ka naman siguro. Wala ka ring dapat ipag-alala dahil kasal na ako. Isa pa, ayaw ko nang makalaban si Gaizer."
Nagtaka siya sa huling sinabi nito. "Ano'ng alam mo kay Gaizer?" tanong niya.
"Obvious na wala ka pa ring alam, eh. Mag-lunch tayo sa labas mamaya. Marami akong sasabihin sa 'yo. Gusto ko ring marinig ang kuwento mo. Kukunin ko na lang ang resume mo. Balik ka na lang sa Monday para sa orientation," sabi nito.
Ibinigay naman niya rito ang kanyang resume. Binuksan naman nito ang naka-folder niyang resume.
"I'll call you later. Tama ba itong contact number mo na nakalagay rito?" tanong nito pagkuwan.
"Oo," tipid niyang sagot. Pagkuwa'y nagpaalam na siya rito. Ngayon lang siya hindi labis na natuwa sa pagkakaroon niya ng trabaho. Hindi siya komportable.
Isang oras na lang alas-dose na. Hindi na siya umalis sa JCL. Tumambay siya sa lobby. Hinintay niya ang tawag ni Rendel. Mamaya ay nakita niya ang lalaki na kakalabas ng elevator. Lumapit ito sa kanya.
"Nandiyan ka pa pala. Ano, tara na?" anito.
Tumayo naman siya saka sumunod dito. Lulan sila ng kotse nito habang naghahanap ng malapit na restaurant.
"Baka selosa ang asawa mo," sabi niya.
Ngumisi ito. "Hindi. Mabait siya. Isa siyang lawyer," sabi nito.
"Wow! Sinuwerte ka ata magmula noong naghiwalay tayo."
"Ikaw lang ang nakipaghiwalay sa akin, Alexa."
Matamang tinitigan niya ito. "Sinaktam mo kasi ako," sabi niya sa malamig na tinig.
"Hindi ko naman 'yon ginusto, eh."
"Paanong hindi mo ginusto?"
"Na-set-up lang ako."
"Imposible."
Huminto sila sa tapat ng LJ's Bar and Restaurant. Naalala pa niya ang lugar. Doon sila madalas mamasyal noon at doon din niya pinutol ang relasyon nila ni Rendel.
"Bakit dito pa tayo?" angal niya.
"Akala ko ba naka-move-on ka na?"
"Isinumpa ko na ang alak kaya hindi na ako pupunta sa ganitong lugar."
"Dahil ba nagising ka kinabukasan sa isang hotel na hubo't-hubad?"
Nawindang siya. Paanong alam din ni Rendel ang nangyari sa kanya noon?
Wala siyang choice kundi sumama rito sa loob ng restaurant. Inukupa nila ang lamesa na pangdalawahan malapit sa counter. Nag-order kaagad si Rendel.
"Kahit magkaaway kami noon ni Gaizer, open pa rin siya sa pagsabi sa akin ng mga nagaganap sa buhay niya. Siyempre dahil gusto niyang apakan ang ego ko," amuse na sabi ni Rendel habang naghihintay sila ng order nila.
"Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo. Magkaibigan kayo ni Gaizer at hindi ko nabalitaang nag-away kayo," aniya.
"Hindi ka naman kasi nag-i-imbestiga. Hindi mo pa talaga lubos na kilala si Gaizer."
"Nakilala ko siya sa maigsing panahon na palagi kaming magkasama," giit niya.
"E bakit hindi mo nalaman kung gaano siya katuso at kabaliw sa 'yo?"
"Ano?"
"Alexa San Diego, sabihin mo nga sa akin bakit umalis ka sa Sta. Maria? May koneksiyon ba ito kay Gaizer?" usig nito.
"Ginamit niya ako at niloko kaya ko siya nilayuan," prangkang sagot niya.
"Imposible 'yon."
"Bahala ka kung ayaw mong maniwala. At tama ka, tuso si Gaizer. Kaya niyang manlinlang ng tao para makuha ang gusto niya."
Tumawa nang pagak si Rendel. "Wala ka lang kasing alam. Aaminin ko na sa iyo ang totoo ngayon dahil noon ay hindi mo ako binigyan ng pagkakataong magpaliwanag. Maniwala ka na hindi ko gustong lokohin ka. Ang babaeng nakita mong kasama ko noon sa bar na ito ay hindi ko kilala. Maniwala ka man sa hindi, binayaran ni Gaizer ang babaeng iyon para akitin ako. Hindi ako ang nag-text sa iyo para sabihing puntahan mo ako rito. Na-set-up niya tayong dalawa. Plano talaga niya tayong siraing dalawa," bunyag nito.
Nagimbal siya. "At bakit naman niya iyon ginawa?"
"Dahil gusto ka niyang bawiin sa akin at makapaghiganti na rin sa akin."
"Ano? Baliw ba siya? At anong bawiin? Never naging kami noon, no!" aniya.
"Oo, baliw na baliw si Gaizer. Well, it's also my fault."
"Hindi kita maintindihan."
"Kung hindi ako nagka-interes sa 'yo, malamang si Gaizer ang naging boyfriend mo at hindi ako. Ginawa lang niya akong tulay para maiparating sa 'yo ang nararamdaman niya. Mas nauna ka niyang nakilala kaysa sa akin. Pero hindi ko sinabi sa kanya na gusto rin kita. Mabait pa noon si Gaizer, torpe kaya ako ang inuutusan niyang magbigbigay ng kung anu-ano sa 'yo. Lahat ng mga bagay, pagkain, bulaklak na binigay ko sa iyo noon ay nanggaling sa kanya. Pero noong kinailangan niyang bumalik ng Japan dahil nagkasakit ang mommy niya, ibinilin niya sa akin na bantayan ka at huwag hayaang maligawan ng ibang lalaki. Ako namang gago, sinulot kita sa kanya. Itinuloy ko ang panliligaw sa iyo hanggang sa sagutin mo ako. Pagbalik ni Gaizer ay tayo na. Akala ko naman okay lang sa kanya dahil wala siyang naging reaksiyon, 'yon pala may masama siyang binabalak sa atin," mahabang paliwanag ni Rendel.
Nagimbal ang buong pagkatao ni Alexa. Maraming pangyayaring gumugulo sa isip niya. Naalala niya ang munting bahay na gawa sa diyaryo, na nakita niyang gumawa rin si Gaizer, ang inihaw na mais, mga pamilyar na kataga mula rito. Ang mga iyon ay naranasan niya noong nakilala niya si Rendel, na inakala pala niya na ito ang nagbibigay ng mga bagay at matatamis na mensahe sa kanya. But it's all wrong. Si Gaizer pala dapat ang nasa lugar nito noon!
"Oh my gosh!" nawiwindang niyang usal.
"Sorry, Alexa. Dapat noon ko pa ito sinabi kaso natatakot din akong layuan mo ako. At hindi ko rin masisi si Gaizer sa mga nagawa niya. Alam ko noon pa na patay na patay siya sa 'yo. Halos lahat tungkol sa 'yo ay iaalam niya. Palagi ka niyang tinitingnan mula sa malayo, sinusundan na palihim. Pero nagbago siya magmula noong nalaman niya na in-traidor ko siya. Pagbalik niya mula Japan ay naging wild na siyang mag-isip. Malaki ang epekto sa kanya ng pagkabigo niya sa 'yo. Binago niyon ang buong pagkatao niya. Kaya noong nalaman ko na nagkakamabutihan kayo ay hindi na ako nagtaka. Iyon naman talaga ang goal niya sa buhay, ang mapaibig ka't makuha nang buong-buog. Iyon ang obsession niya sa buhay. At hindi rin ako maniniwala sa sinabi mo na ginamit ka lang niya at niloko. Hinding-hindi 'yon gagawin ng lalaking obsessed sa 'yo, at naging seryosong lover. Hahayaan ba niyang masayang ang sakripisyo at paghihirap niya para lang makuha ka? Hindi, hindi siya papayag nang ganoon. Kaya kung ano man 'yang nag-udyok sa 'yo para layuan siya, mali iyon, Alexa. Mahal na mahal ka ni Gaizer, kaya imposibleng magagawa ka niyang saktan."
"Obsessed si Gaizer, it means, hindi naman niya ako mahal," giit niya.
Ngumisi si Rendel. "He loves you, but yes, he's been obsessed with you before, pero mas nangibabaw ang pagmamahal niya. Ganoon lang talaga magmahal si Gaizer, pero may marangal siyang paninindigan. Inamin niya sa akin noon na never siyang naging masaya sa pamilya niya, at ikaw lang ang nagpapasaya sa kaniya, tanging lunas sa anxiety niya at depresyon. Kaya laking sisi ko noon bakit kinatalo ko pa siya."
Nang mag-sink in lahat sa utak ni Alexa ang mga sinabi ni Rendel tungkol kay Gaizer ay nag-uunahan sa pagpatak ang mga luha niya. Saka lamang niya napagtanto ang mga bagay-bagay na siyang dahilan kung bakit niya minahal si Gaizer. Nilamon na siya ng guilt at inis sa sarili.
"Bakit hindi niya sinabi sa akin ang mga bagay na 'yon?" aniya.
"Hindi ko alam. Siguro natatakot lang siya na baka layuan mo siya kapag nalaman mo ang kabaliwan niya."
"Maraming pagkakataon na puwede niyang sabihin 'yon. Duwag pala siya, eh. Bakit hinintay pa niyang masaktan ako sa mga maling akala?"
"Sandali, bakit sa akin mo itinatanong 'yan? Kausapin mo siya at usigisin."
"Para ano pa? Pinahirapan na niya ako."
"Naunahan ka lang ng galit, Alexa. Ganyan ka naman, eh. Hindi ka marunong makinig ng paliwanag kaya ka nasasaktan. Nagkulang ka lang ng tiwala kay Gaizer. Kung mahal mo siya, matuto kang pakinggan ang panig niya at intindihing mabuti ang mga paliwanag niya. Marami ang nasasaktan sa maling akala."
Hindi na siya nakapagsalita nang dumating ang order nilang pagkain. May natitira pa rin siyang pride sa sarili.
"Bakit ako ang lalapit sa kanya para hingin siyang magpaliwanag? Siya ang dapat gumawa ng hakbang kung talagang gusto niyang bumalik ako sa kanya," aniya nang magsimula na silang kumain.
"Ayan ka, eh, mayaman ka sa pride. Subukan mo kayang lunukin 'yan," anito.
"Hindi ako tanga, Rendel."
"Alam ko, pero ang taong nag-uumapaw ang pride ay nagiging tanga. Kung kukonsintihin mo 'yang pride na 'yan, maraming magagandang oportunidad ang mababalewala. Gusto kong bumawi sa 'yo kaya gusto kong ilagay ka sa masayang buhay."
"Huwag ka nang makialam. Pagtuunan mo na lang ng pansin ang pamilya mo."
"Paano ka? Magmamatigas ka pa rin ba at maghintay kung kailan lalapit sa 'yo si Gaizer? Alalahanin mo, ikaw ang may pagkukulang sa relasyon ninyo."
Naiinis siya. "Sige, kampian mo ang kaibigan mo. Pareho lang kayong dalawa."
Ngumisi si Rendel. "Ikaw rin naman ang makikinabang dito, Alexa. Settled na ang buhay ko kaya wala na akong dapat alalahanin. Tumatanda na tayo kaya huwag kang mag-aksaya ng panahon."
"Hindi ako natatakot mag-isa. Magkaka-baby naman ako," pagyayabang niya.
Nanlaki ang mga mata ni Rendel. "Ibig sabihin buntis ka ngayon?" manghang untag nito.
"Oo," proud niyang sagot.
Tumawa si Rendel. "Akalain mo nga naman. Sino naman ang ama?"
"Sira ka ba? Sino sa palagay mo?"
"Si Franco Sta. Maria na gusto kang pakasalan?"
"Sira ulo! Bakit alam mo rin ang tungkol sa kasal?"
"Sinabi sa akin ni Gaizer. Kaya siya aligaga noong nalamang magpapakasal ka sa pinsan niya. Kaya ginawa raw niya ang lahat para makuha ka. Sinadya niyang akitin ka at sirain kayo ni Franco dahil nga gusto niya sa kanya ka lang. Ganoon katindi ang pagmamahal sa 'yo ni Gaizer. Handa siyang pumatay para sa 'yo."
"Baliw siya."
"Oo, baliw na baliw siya. Ewan ko ba kung ano ang pinakain mo sa kanya kaya siya nahibang nang ganoon. Natitiyak ko na kapag nalaman niya na buntis ka ay susugurin ka niya saan ka man magtago."
"Dapat matagal na niya iyong ginawa kung talagang gusto niya akong makasama. Pero hindi, hindi man lang siya nagparamdam."
"Paano siya magparamdam, eh halos isumpa mo siy?. Pero maniwala ka sa akin, naghihintay lang 'yon ng tamang pagkakataon."
"Bahala siya. Huwag kang magkakamaling sabihin sa kanya ang tungkol sa pagbubuntis ko, talagang kakalimutan na kita," pananakot niya rito.
Natawa si Rendel. "Oo, hindi ko sasabihin. Bahala kayong dalawa. Huwag kang ma-stress, baka mapaano ang anak mo."
"Oo na. Salamat."
Ngumisi si Rendel. "Huwag mo akong kalimutan sa kasal mo, ah?" sabay hirit nito.
"Asa ka pa." Inirapan niya ito saka itunuon sa pagkain ang atensiyon.
Kahit papano ay guminhawa ang pakiramdam niya. Nawala ang malaking bara sa dibdib niya matapos malaman ang katotohanan tungkol kay Gaizer.
Pagkatapos ng tanghalian ay hinatid pa siya ni Rendel sa unit nila. Nadatnan na naman niya si Franco sa sala at kausap ang kuya niya. Naghahanda na si Ace para sa dadalhin nilang gamit sa bahay nila sa Makati. Gusto na kasi nitong mapabasbasan ang bahay para makalipat na sila. Matatapos na raw sa araw na iyon ang pagpipintura sa bahay.
"Gusto kong sumama sa blessing ng bahay ninyo," sabi ni Franco.
"Walang problema," ani Ace.
"Kaya lang hindi kami magpapakain. Magkakatay lang kami ng puting manok para padugo," sabad niya.
"Christians tradition, ah. Nice. Nakalimutan ko na ang ganoong gawain. Gusto kong ma-witness ang ribbon cutting. May ganoon pa ba?" sabi ni Franco.
"Siyempre," sagot ni Ace.
Bilib talaga si Alexa sa kuya niya. Daig pa nito ang babae kung mag-prepare ng mga gamit. Nang umalis si Ace ay naiwan silang dalawa ni Franco sa sala. Magkatabi silang nakaupo sa sofa. Tinulungan siya nito sa paglalagay ng mga barya sa garapon. Gagamitin daw iyon sa blessing bukas.
"Ang daming nalalaman ni Ace. Sana nag-pari na lang siya," ani Franco.
"Excuse me, si Kuya magpapari? Nanonood nga 'yon ng mga erotic movies," aniya.
Tumawa si Franco. "Pero totoo bang buntis ka?" bigla'y tanong ni Franco.
Natigilan siya. Nagtatakang tinitigan niya ito.
"Sino'ng nagsabi sa 'yo?" tanong niya.
"Si Ace. Nakita raw niya ang ultrasound result mo sa kuwarto mo."
Bigla siyang kinabahan. "Ahm, a-anong reaksiyon ni Kuya? Galit ba siya?" bulong niya rito.
"Hindi naman. Masaya nga siya. Sinabi ko sa kanya na hindi ako ang ama kundi si Gaizer. Hindi naman siya nagalit. Gusto lang daw niyang kausapin si Gaizer at hingin ang sustento para sa bata kung ayaw kang pakasalan."
"Ano? Sinabi n'ya 'yon?!" Kinilabutan siya.
"Oo. Susugurin daw niya si Gaizer pagkatapos ng blessing ng bahay ninyo."
Nataranta siya. "Hindi puwede! Bakit ba siya nakikialam?" aniya.
"Siyempre, Kuya siya," sabi ni Franco.
Nang bumalik si Ace ay nilapitan niya ito. "Kuya, sorry kung naglihim ako. Pero huwag kang mag-alala, ako ang kakausap kay Gaizer," sabi niya rito na puno ng pangamba ang puso.
Tumikwas ang isang kilay ni Ace. "Huwag mo akong paniwalain na kaya mong kausapin si Gaizer," sabi nito.
"Promise, gagawin ko. Pabayaan mo akong ayusin ang problema namin."
"Aayusin mo? So gusto mo rin palang balikan siya."
"Ha? Ano, kuwan..."
"Come on, Alexa. Huwag mo nang pahirapan ang sarili mo. Alam din ni Franco na mahal ka ni Gaizer."
Napatingin siya kay Franco. Tumayo ito at nakisawsaw sa usapan nila. "Tama siya, Alexa. Inamin sa akin noon ni Gaizer na totoong ginamit ka niya para gantian ako at sirain ang relasyon natin. Pero ang totoong dahilan niya, gusto ka talaga niyang makuha sa akin kaya ka niya inakit at pinaibig. Inamin niya sa akin na bago ka pa napunta sa Sta. Maria ay kilala ka niya at matagal ka na niyang iniibig. Hindi rin iyon dahil kay Selena. Puppy love lang niya si Selena. Ganoon lang talaga si Gaizer, kapag nagagalit, inuungkat lahat ng nakaraan kahit naka-move-on na siya. Ugali talaga niya 'yon. Mas matindi ang pag-aasam niya na makuha ka sa akin kaysa sa mana. Kaya hindi ko na siya pinatulan noon dahil wala rin akong laban. Mahirap siyang kalaban. Kaya nagtataka rin ako bakit nagkalabuan na kayo. Hindi naman kita ipapaubaya sa kanya kung alam kong sasaktan ka lang niya. Nasira lang talaga ang matinong utak ni Gaizer dahil sa mga pasakit niya sa buhay at kabiguan kung ano pa 'yon," paliwanag ni Franco.
Ano pa nga ba ang magagawa niya? Pinagtulungan siya ng mga ito. Katulad din ang mga ito ni Rendel. Bumuntong hininga siya.
"Salamat sa inyo pero hayaan n'yo akong magdesisyon," sabi niya.
"Pero once nagpakatanga ka na naman, ako na ang magde-desisyon," hamon ni Ace.
"I'm agree with Ace. This time, kailangan mo ring makinig sa opinyon ng iba, Alexa," gatong ni Franco.
"Oo na. Tama na kayo." Tinalikuran niya ang mga ito. Pumasok siya sa kanyang kuwarto.
Lumuklok siya sa gilid ng kama saka hinaplos ang kanyang sinampupunan. Naramdaman niya na may gumagalaw sa loob. Napangiti siya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top