Chapter Twenty-eight

ISANG linggo ang lumipas. Hindi lumabas ng bahay ng ilang araw si Alexa. Nagkukulong lang siya sa kanyang kuwarto at inaaliw ang sarili sa pagguhit. Nang unti-unti nang gumagaan ang pakiramdam niya ay naglinis siya ng kanyang kuwarto. Nang ilabas niya lahat ng gamit niya sa lumang aparador ay nakita niya ang dalawang munting bahay na yari sa diyaryo. Ang isa ay natatanggal na ang kulay.

Pinagtabi niya ang dalawa. Wala itong pagkakaiba. Nang maisip na ang gumawa ng mga bahay na iyon ay parehong nanakit sa kanya ay nagdesisyon siyang sunugin ang mga iyon. Dinala niya ang mga ito sa ginagawa nilang bahay sa Makati. Kasama niya si Ace para bisitahin ang lugar. Nagsisimula na kasi ulit ang construction nito. Ginamit niya ang naipon niyang pera para matapos na ang bahay.

Kinahapunan ay nagtungo siya sa likod ng bahay. Nag-ipon siya ng mga tuyong dahon saka sindihan. Igagatong na sana niya sa apoy ang dalawang munting bahay nang biglang dumating ang kuya niya.

"Sandali! Bakit mo susunugin 'yan? Hindi ba 'yan ang pattern sa bahay natin?" sabi nito.

"Nagbago na ang isip ko. Iibahin ko na ang design," matigas niyang sabi.

"Bakit? Dahil brokenhearted ka na naman?" pang-aasar pa nito.

Bumuntong-hininga siya. Hindi siya nagpapigil. Sinunog pa rin niya ang dalawang munting bahay. Nang matiyak na abo na ito ay muli niyang hinarap ang kuya niya.

"Sayang," sabi nito habang nakatingin sa apoy.

"Kuya," tawag niya sa atensiyon nito.

"Hm?"

"Kuya, operahan mo ako. Puwede mo bang palitan ang puso ko? 'Yong puso na hindi nasasaktan ng kahit na ano," nahihibang na sabi niya.

Natawa si Ace. "Sira-ulo! Halika nga rito," anito saka siya inakbayan. Naglakad sila patungo sa dalawang magkatabing puno ng mangga. Namumunga na ito at abot-kamay lang.

Tumalon si Ace at pumitas ng isang hilaw na bunga ng mangga. Ikiniskis nito sa bato ang puno ng bunga para mawala ang dagta saka pinunasan ng damit. Pagkuwa'y ibinigay nito iyon sa kanya. Tinanggap naman niya.

"Kainin mo 'yan nang mahimasmasan ka. Mapapalitan ng asim ang pait na nadarama mo. At kapag nasanay ka na sa asim, maghahanap ka ng alat. Kapag komportable ka na sa alat, maghahanap ka ng matamis. Doon mo mararamdaman ang satisfaction sa buhay mo," makahulugang pahayag nito.

Ngumiti siya. Kinagat niya ang mangga. Maasim pero may halong sarap. Inihimlay niya ang kanyang ulo sa balikat ni Ace. Inakbayan naman siya nito.

"Ang mga lalaki, kapag nakuha na nila ang gusto nila, mabilis silang nagsasawa at naghahanap ng panibagong magpapaligaya sa kanila. Bakit gano'n? Bakit hindi sila makontento?" may hinanakit na sabi niya.

"Huwag mong lahatin ang mga lalaki. Aminado ako na ganyan din ako minsan, pero naisip ko na ilagay ang sarili ko sa lugar ng babae. Masakit din pala. May mga lalaki na madaling magsawa sa relasyon dahil nakukulangan sila o nasusobrahan sa atensiyon. Minsan, ang babae rin ang may mali at pagkukulang kaya may mga lalaki na madaling magsawa. Ang relasyon kasi, hindi lang hinuhubog ng pagmamahal, hinuhubog din ito ng tiwala, pag-unawa at pagkakaisa. Kung wala ang mga iyon, hindi ka makatatagpo ng relasyong panghabang-buhay. Sa pagmamahal, mayroon ding sumusobra at nagkukulang. Kung sobra ang pagmamahal, nakasasakit, nakasasakal, at nakakasira ng relasyon. Kung kulang naman, ang relasyon ay mabilis tumabang o lumamig at nasisira rin. Kaya dapat kung magmahal ka, sakto lang," mahabang pangaral nito.

"Yes, Doc. Tatandaan ko ang mga sinabi mo," aniya.

Piningot nito ang ilong niya. "Ikaw talaga. Masyado ka kasing mapusok at mahina. Kung hindi ka pa sigurado sa nararamdaman mo, huwag mong ibigay lahat sa lalaki nang hindi ka labis na masasaktan kapag niloko at iniwan ka niya," anito.

"Oo na, ikaw na ang matalino sa love. Hindi ka lang pala nagpapakadalubhasa sa medisina, nagpakadalubhasa ka rin sa larangan ng pag-ibig."

"Siyempre, para handa ako sa lahat ng bagay. Tara na nga. Baka naghihintay na si Papa sa bahay."

"Okay. Let's go!"

Nagdesisyon na silang umuwi.

INIHANDA ni Alexa ang kanyang sarili sa pagharap kay Gaizer. Tinanggihan ng HR department ang resignation letter niya. Kailangan daw ay perosonal niya iyong ibigay kay Gaizer para mabigyan siya ng employment certificate. Pagdating niya sa tapat ng office of the president ay paulit-ulit siyang bumuntong-hininga.

Pagkuwa'y pinindot niya ang pulang button. Mamaya ay bumukas ang pinto. Awtomatikong nabaling sa kanya ang tingin ni Gaizer na nakaupo sa swivel chair at may tinitipa sa laptop. Maaliwalas ang mukha nito.

Humakbang siya papasok at diretsong lumapit sa harap ng lamesa ng binata. Hindi siya umupo dahil ayaw niyang magtagal. Walang imik na inilapag niya sa mesa nito ang kanyang resignation letter. Tiningnan nito ang papel pero hindi nito kinuha.

"Hindi ko matatanggap 'yan," matigas na sabi nito saka tumayo at humakbang palapit sa kanya.

"Tanggapin mo man o hindi, aalis ako," matapang na sabi niya.

Akmang hahawakan siya nito sa kamay ngunit marahas na itinabing niya ang kamay nito.

"What's wrong? Pinagbigyan na kita sa space na gusto mo. Tapos na ang problema. You're free. Bakit gusto mo pa ring umalis?" nagtatakang sabi nito.

Mariing nagtagis ang bagang niya. Nabuhay nang muli ang galit at sakit sa puso niya. Matapang niya itong hinarap.

"Tama na, Gaizer. Tama nang laro. Panalo ka na!" gigil na sabi niya.

Dumilim ang anyo nito. "You are just accusing me, Alexa. You're not involved to your father's case kung iyon ang ikinagagalit mo. Hindi siya kasama sa isinampa kong kaso laban kay Roger. Please, ayusin na natin ang sa atin."

"Walang tayo, Gaizer! It's all about a big mistake and a fucking joke! And I'm an idiot victim!"

"What the hell are you talking about?" namumurong tanong nito.

"Please lang, tama na! Ayo'ko na!" emosyonal na sabi niya. Hindi niya napigil ang pagdaloy ng kanyang mga luha.

Tinangka nitong hawakan siya ngunit itinulak niya ito at gigil na pinatikim ng mag-asawang sampal sa pisngi.

"Para 'yan sa lahat ng panloloko at panggagamit mo sa akin! Ngayon ko lang napatunayan na napakatanga kong talaga! At hinding-hindi na mauulit 'yon dahil isinusumpa kong nakilala kita!" naghihimagsik niyang pahayag.

"Alexa..." Pilit siya nitong hawakan ngunit itinulak niya ito.

"Huwag mo akong hawakan! Pinagsisisihan kong nakilala kita, Gaizer! Hinding-hindi na ako aapak sa lugar na ito kahit magdildil ako sa asin!" humihikbing sabi niya sabay bira ng talikod.

"Alexa, wait!" pigil nito pero nagmadali siyang lumabas. Sumakay kaagad siya sa elevator at diretsong lumabas ng kumpanya.

Narinig niya ang pangalan niya sa ilalim ng boses ni Gaizer pero hindi siya lumingon. Nang may huminong taxi ay sumakay kaagad siya. Sa side mirror ng taxi ay nakita niya si Gaizer na humabol pero kaagad ding huminto. Habang unti-unti itong naglalaho sa paningin niya at siya namang pagsigid ng kirot na nadarama niya sa kanyang puso.

Nag-uunahan sa pagpatak ang kanyang mga luha hanggang sa humagulgol siya.

"SORRY, puno na kami," sabi ng HR assistant ng construction company na pinasahan ni Alexa ng kanyang resume.

Isang buwan na siyang walang trabaho. Minsan ay tumutulong siya sa papa niya sa paghahanap ng kliyente. Ayaw na rin ng papa niya na magtrabaho sa malalaking kumpanya. Naging independent na lang ito. Mabuti na lang bago siya nawalan ng trabaho ay kompleto na ang materyales na kakailanganin sa pinapagawa nilang bahay. Sinagot na ng kuya niya ang pambabayad sa foreman at mga tauhan nito.

Nagtatrabaho na si Ace sa kilalang ospital sa Maynila at sa ibang mga malalaking private hospital. Halos ito na ang gumagastos sa lahat ng kailangan nila sa bahay. Ayaw naman niyang umasa na lang dito kaya nagpupursige siyang makapag-apply sa malalaking kumpanya. Dalawang kumpanya na ang tumanggi sa kanya pero hindi siya sumusuko.

Kailangan na niyang lumunok ng pride. Papasukin na niya ang kumpanyang pag-aari ng pamilya ni Rendel, na matagal nang gusto siyang kunin. Nagpasa siya ng resume sa HR department. Tatawagan lang daw siya.

Parang lantang gulay siya pagdating sa condominium na tinutuluyan nila. Mabuti na lang napunta kay Franco ang condominium. Hindi nagbago ang renta nila. Nasorpresa siya pagpasok niya sa unit nila ay nadatnan niya sa sala si Franco. Nakaupo ito sa sofa at kumakain ng pizza pie.

Noon lang ulit niya ito nakita magmula noong nagkagulo sa kumpanya. Malaki ang pinagbago ng katawan nito. Pumayat ito nang konti pero lalong gumuwapo. Nalalaman lang niya ang update sa career nito dahil sa social media.

"Kumusta?" tanoong niya rito. Umupo siya sa katapat nitong sofa.

"Heto, naghahanap ng makakausap," nakangiting sabi nito.

"Naiinip ka na ba sa buhay artista?"

Ngumisi ito. Nag-focus muna si Franco sa pagiging modelo. Pero mukhang nakabuti rito ang desisyon dahil lalong gumanda ang career nito.

"Hindi ako nag-artista. Merong offer sa akin ang isang TV network pero tinanggihan ko," sabi nito.

"Bakit naman? Sayang."

"Ayaw ko ng ganoong trabaho. Masaya na ako sa pagrampa at pag-endorsiyo ng mga produkto."

"Ano naman ang pinagkakaabalahan mo maliban sa pagmomodelo?" usisa niya.

"Nagtatayo na ako ng sarili kong construction company."

"Talaga?"

"Yap. Kaya ako narito ay para abisohan ka at ang papa mo. Gusto ko kayong kunin ulit."

"Wow! Pero kailan naman magbubukas ang kumpanya mo?"

"After six month. Pero nagsisimula na akong kumuha ng mga kliyente. Gusto mo bang mag-part-time muna sa akin?"

"Sige. Pero kailangan ko ng regular na trabaho. Matagal pa namang mag-operate ang kumpanya mo. Nag-apply ako sa JCL Construction company. Hinihintay ko na lang ang tawag. College pa lang ako ay inimbita na nila akong magtrabaho sa kanila."

"Nice. Subukan mo ring magtrabaho sa kanila. Pero ipangako mong magtatrabaho ka rin sa akin, ah?"

"Oo ba. Ikaw pa."

"E kumusta ka naman ngayon?" Pagkuwan ay iniba ni Franco ang usapan.

Tumabang ang ngiti niya. "O-Okay lang," mabilis niyang sagot.

"Talaga bang hindi mo na binalikan si Gaizer?" usig nito.

Nilinis niya ang kanyang lalamunan. Aminado siya na may namamahay pa ring sakit at galit sa puso niya pero pinipilit niyang binabalewala.

"Bakit ko naman babalikan ang taong nanakit sa akin?" seryosong sagot niya.

"Nag-usap na ba kayo?" tanong nito.

"Oo."

"Mahal mo talaga siya kaya ka nasaktan."

Hindi niya pinansin ang sinabi ni Franco. Naalala niya bigla ang narinig niyang pinagtalunan nito at ni Gaizer noon tungkol sa babang nangangalang 'Selena'.

"Sino si Selena, Franco?" hindi natimping tanong niya.

Hindi nito natuloy ang paghigop sa kape nito.

"Ah, 'yon ba? Kababata namin 'yon ni Gaizer. Nakatira rin siya noon sa Tagaytay. High school pa lang kami ay niligawan na siya ni Gaizer hanggang sa naging sila. Pero naging malapit sa akin si Selena. Kaklase ko kasi siya. Ahead siya kay Gaizer ng isang taon. Ganoon kapusok noon si Gaizer. Pansinin kasi ng babae si Gaizer kaya akala ni Selena, pinapatulan ni Gaizer ang mga babae. Nagsusumbong sa akin si Selena. Nagawan iyon ng malisya ni Gaizer. At noong lumapit sa akin si Selena, dinamayan ko siya. Nakita kami ni Gaizer at napag-isipan ng masama. Gustong magpaliwanag sa kanya ni Selena pero hindi niya pinapansin. Hanggang sa nasagasaan ng kotse si Selena sa kakahabol kay Gaizer. Dead on arrival sa ospital si Selena. Ako ang sinisi ni Gaizer sa nangyari kaya ganoon na lang ang galit niya sa akin," kuwento ni Franco.

"At dahil doon kaya ka niya ginantian, tama?" aniya.

"Oo. Inamin naman niya. Labis-labis naman ang paghihiganting ginawa niya. Ang daming nadamay."

"Wala siyang kuwenta," komento niya.

Ngumisi si Franco. "May tao talagang nabubulag ng galit at maling akala. Pero-" Hindi na natapos ni Franco ang sasabihin nang biglang dumating ang papa niya.

"Franco, long time no see! Kumusta ka na?" bungad ng papa niya at dagling nilapitan si Franco.

Nabalewala na siya ni Franco. Nagkakuwentuhan ang dalawa. Hindi siya makasingit kaya nagdesisyon siyang pumasok na lamang sa kanyang kuwarto at nagbihis. Kanina pa niya gustong ihiga sa kama ang pagod na katawan.

Habang nakahiga siya sa kama at nakatitig sa kisame ay dumapo sa isip niya si Gaizer. Hindi pa rin ito mawaglit sa isipan niya kahit anong aliw niya sa kanyang sarili. Kahit nasasaktan siya sa tuwing naaalala ito ay hindi pa rin niya mapilit ang sarili na basta na lang itong kalimutan. Lalo lamang siyang nasasaktan habang pinipilit niyang mag-move-on.

Nang makapagpahinga nang kaunti ay bumangon siya at nilapitan ang kalendaryong nakasabit sa gilid ng aparador. Noon lamang niya naalala na mahigit isang buwan na siyang hindi dinadatnan ng dalaw, bagay na hindi niya naranasan ni minsan. Regular ang menstruation niya kaya nagtataka siya.

Hindi siya mapakali. Saka lang din niya naisip na minsan ay nahihilo siya at nasusuka. Nagki-crave siya sa maasim na pagkain. Noong isang Linggo no'ng pumunta siya sa ginagawang bahay nila ay inutusan talaga niya ang isa sa manggagawa na ikuha siya ng mangga. Bigla siyang kinabahan.

Nang malamang nakaalis na si Franco ay umalis siyang walang paalam sa papa niya. Pumunta siya sa botika at bumili ng pregnancy test kit. Itinago niya iyon.

Kinabukasan paggising niya ay ginawa niya ang pregnancy test. Mayamaya lamang ay nakita na niya ang resulta. Nawindang siya nang makita ang dalawang guhit sa unang subok. Kahit inulit niya ay pareho lang ang resulta. Positive!

Lumuklok siya sa gilid ng kama saka hinipo ang kanyang sinampupunan. Paano siya makakapag-move-on gayong nag-iwan ng mahalagang alaala sa buhay niya si Gaizer? 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top