Chapter Thirteen

ALAS TRES na ng hapon nang magising si Alexa. Dagli siyang bumangon at nagbihis nang maalala ang nangyari sa kanila ni Gaizer. Lumipat kaagad siya sa kanyang kuwarto at nag-shower. Naiinis siya sa kanyang sarili. Humarap siya sa salamin at sinampal ang sariling pisngi.

"Ano ba ang nangyayari sa iyo, Alexa? Bakit ganyan ka kalambot at karupok? Nasaan ang tapang mo? Nagpabaya ka na naman!" Parang baliw na kinagalitan niya ang sarili.

Mamaya ay nangilid ang kanyang mga luha sa makikinis niyang pisngi. Noon lang niya naisip ang kanyang sitwasyon. Akala niya magiging maayos na ang sarili niya dahil nalagpasan niya ang pasakit dulot ng karanasan niya kay Rendel at sa gabing pinagsaluhan nila ni Gaizer. Hindi biro ang depresyon na naranasan niya noon. Lahat ginawa niya para aliwin ang sarili pero sa mga sandaling iyon ay tila nauulit lang ang lahat.

Nakatali siya sa kasunduang mabilis niyang tinanggap. Nakapako siya kay Franco. At ngayon, nahuhulog siya kay Gaizer. Ano na lang ang magiging reaksiyon ng papa niya at parents ni Franco kung bigla siyang uurong sa kasal? Ngayon pa kayang si Franco na mismo ang nag-aapura sa kasal?

Binalot niya ng tuwalya ang hubad niyang katawan saka lumabas ng banyo. Naghahanap pa lamang siya ng maisusuot sa kanyang maleta ay nakarinig siya ng magkasunod na katok sa pinto.

Si Gaizer ang unang naisip niya. Sa kamamadali niya ay nagsuot lang siya ng puting t-shirt habang balot pa rin ng tuwalya ang katawan niya. Sinapawan lang niya ito ng t-shirt. Pagkuwa'y binuksan niya ang pinto.

Bumungad sa kanya si Gaizer na tanging puting sando lang ang suot at itim na boxer. Naunahan siya nito sa pagsuyod ng tingin sa kabuoan niya. Napansin niya na bagong ligo rin ito.

"What are you doing?" wala sa loob na tanong niya.

"I'm facing you and watching you from head to foot," sarkastikong sagot nito.

Nilinis niya ang kanyang lalamunan. "I mean, what can I do for you?" tanong na naman niya.

"Come on, let me in first."

"No. Kung may sasabihin ka, sabihin mo na. Kung mahaba iyan at tungkol sa trabaho, hintayin mo na lang ako sa labas. Magbibihis ako," masungit niyang sabi.

"No. It's not about the job."

"Then what? Hindi ako matutulog dito. Pupunta ako sa farm, kay Lola Amara." She tried to act brave despite her restlessness.

Nagtagis ang gabang ng binata. Hindi siya nakahuma nang itulak siya nito papasok saka ito tuluyang pumasok. Sinara nito ang pinto saka siya nilapitan.

"Ano ba ang iniisip mo? Hindi ka bata, Alexa. Alam kong alam mo ang ginagawa mo. Kung hindi mo kayang panindigan ang ginagawa mo, huwag mong pahintulutang mangyari," sabi nito, pumalatak na.

Itinulak niya ito dahil halos lamunin siya nito sa sobrang lapit nito sa kanya. "Hindi ako matutukso kung hindi mo ako nilalapitan, Gaizer," giit niya.

Tumawa ito. "Nasa iyo pa rin ang kontrol, Alexa. Kung ayaw mo, puwede kang tumanggi pero hindi. Hindi mo ba nararamdaman ang sarili mo sa tuwing nahihibang ka?"

"Fine. Aaminin kong mahina ako. Pero huwag kang abuso," aniya.

Ngumisi pa ito. "Alam mo pala, eh. Bakit kailangan mong magalit?"

"Hindi ako nagagalit. Gusto ko lang pigilan itong nangyayari bago lumalim. Please, tumigil ka," samo niya sa matigas na tinig.

Hindi natinag ang binata. Natutuwa pa ito. "Bigyan mo ako ng mas malalim na dahilan para tumigil ako. Hindi ko tatanggapin ang kasal mong dahilan," hamon nito.

Parang may bumara sa lalamunan niya at biglang nagsikip ang kaniyang hininga. Bumuntong-hininga siya. "Hindi ko puwedeng biguin si Franco," sagot niya.

"Kahit hindi mo siya mahal?"

"Mahal ko siya," she insisted.

"Hindi! Hindi mo siya mahal!" naghihimagsik nitong sabi.

"Wala kang pakialam kung mahal ko man siya o hindi!" asik naman niya.

"Pero bumigay ka sa akin, Alexa." Bumaba na naman ang timbre ng tinig nito.

"It was just sex. Kahit siguro sinong babae kung aakitin mo ay bibigay, Gaizer. Pero hindi 'to puwedeng magpatuloy. Huwag mo akong piliting gustuhin ka. Huwag mo akong pahirapan," aniya habang pinipigil ang kanyang emosyon.

Tinalikuran niya ito. Inayos niya ang kanyang gamit saka nagbihis. Hindi naman siya nito pinigilang umalis. Nagpaalam siya kay Mr. Herera. Pumayag naman ang ginoo.

Lulan ng jeep si Alexa patungo sa nayon kung saan ang Sta. Maria farm. Pinipigil niya ang kanyang mga luha dahil marami siyang kasamang pasahero. Naiinis siya sa nangyayari sa buhay niya. Pero wala naman siyang masisi kundi ang kaniyang sarili.

Pagdating niya sa tapat ng gate ng burol na pag-aari ng Sta. Maria ay tinawagan kaagad niya si Kristel.

"Kristel, si Alexa ito. Nandito ako sa burol. Puwede ba akong magpasundo?" aniya.

"Sige. Sasabihin ko kay Lolo Rick na sunduin ka ng tricycle," sabi nito.

Pinutol na niya ang linya. Bago lumubog ang araw ay dumating si Lolo Rick lulan ng tricycle. Tinulungan siya nito sa pagbitbit ng maleta niya.

"Naglayas ka ba, hija?" tanong nito.

"Ah, hindi ho. May project kami rito sa Tagaytay. Magtatagal siguro kami kaya dito muna ako maglalagi, kung puwede po."

"Aba mabuti. Matutuwa nito si Ate Amara."

Pagdating sa mansiyon ay sinalubong sila ni Lola Amara na tulak-tulak ni Kristel sakay ng wheel chair. Yumakap siya rito at humalik sa pisngi nito.

"Salamat naman at dumating ka, hija. Kasama mo ba si Franco?"

"Hindi po. Nasa Cebu po si Franco. Matatagalan siya roon kaya ako na lang ang pumunta. Pinadala naman po niya ang regalo niya para sa inyo," aniya.

Bumusangot ang matanda. "Kahit kailan ay makunat ang puso ni Franco. Ayaw niya akong pagbigyan. Bakit mas uunahin pa niya kung ano ang ginagawa niya sa Cebu? Hindi ka man lang niya sinamahang magbakasyon dito," maktol nito.

"Okay lang po, Lola. Mahalaga po kay Franco ang trabaho niya."

"Hay! Kung ako ikaw, hindi ako papayag na inuuna niya ang trabaho. Paano na lang kung kasal na kayo?"

"Nagkakaintindihan naman po kami ni Franco."

"Hm. Bahala nga kayo. O siya, dalhin mo na iyang gamit mo sa kuwarto mo. Naglaan pa ako ng kuwarto para sana sa inyo ni Franco. Wala naman pala siya," may hinampong sabi nito.

Ngumiti lang siya. Hinatid naman siya ni Aleng Lucy sa kuwarto niya. Mukhang minadali ang paglagay ng bed sheet sa kama dahil baliktad. Pati punda ng unan ay baliktad. Natutuwa siya dahil nag-abala pa si Lola Amara na ihanda ang magiging kuwarto niya. Nagpapasalamat siya dahil nakilala niya ito. Nakatatanggal stress kausap ang matanda.

Nakapagpasya na siya. Hindi siya pupunta sa Herera village hanggat hindi siya tinatawagan ni Mr. Herera. Kung tutuusin ay kaya nang mag-isa ni Gaizer ang trabaho. Maayos naman lahat. Naibigay na niya lahat ng kailangan sa proyekto. Lulubusin na lang niya ang bakasyon hanggang matapos ang birthday ni Lola Amara.

DALAWANG araw na walang natanggap na tawag si Alexa muna kay Mr. Herera. Hindi rin siya tinawagan ni Gaizer. Sabado ng umaga ay sumama siya kay Aleng Lucy sa palengke. Gusto niyang magluto ng white spaghetti sa birthday ni Lola Amara kinabukasan. Kinopya niya ang recipe sa google. Wala siyang passion sa pagluluto pero kahit papano ay marami siyang alam na putahe para sa mga okasyon.

Pumasok sila ni Aleng Lucy sa malaking grocery store. Nagtataka siya bakit kumuha ito ng dalawang bote ng red wine at dalawang bote ng tequila.

"Gusto ba ni Lola ng alak sa birthday niya?" tanong niya kay Aleng Lucy.

"Mahilig sa alak si Lola Amara. Hindi na siya umiinom pero sa tuwing may party ay palaging may alak," anito.

"May bisita ba siyang darating?"

"Wala naman maliban sa iyo at si Gaizer. Pero hindi ko lang sigurado kung may darating na hindi inaasahang bisita."

"Eh sino ang iinom ng alak?" usisa niya.

"Mahilig sa wine si Gaizer. Mahilig din siyang gumawa ng cocktail sa tuwing may party. Noong dito pa nakatira si Gaizer ay bumibili talaga ng maraming wine si Lola Amara para sa apo niya. Noong nabubuhay pa kasi si Sir Lucio, priority niyon si Gaizer. Lahat ng kailangan ni Gaizer ay ibinibigay niya."

"Na-spoiled pala ng dalawang matanda si Gaizer."

"Oo nga. Pero nagtampo si Sir Lucio kay Gaizer noong nagpunta siya ng Japan. Nagsimulang lumala ang sakit niya. Hindi man lang nakarating si Gaizer noong namatay ang matanda."

May kung anong kumukurot sa puso ni Alexa. Bibihira siya nakaririnig ng malungkot na kuwento. Masyado siyang emosyonal kaya kahit minsan ay hindi siya nanonood ng mga drama movies. Nasanay siya sa pamilya niya na palaging masaya. Kahit maraming pagsubok at nagkasakit ang mama niya ay nanatili siyang matatag. Hindi naman siya pinapabayaan ng papa niya. Kahit malayo ang Kuya Ace niya ay palagi siya nitong kinukumusta.

Ngayon lamang siya nagka-interes na alamin ang personal na buhay ni Gaizer. "Hindi po ba okay si Gaizer at ang daddy niya noon?" usisa niya.

Naisip niya na maaring alam lahat ni Aleng Lucy ang kuwento ng buhay ng mga Sta. Maria dahil tatlong dekada na itong nagsisilbi sa pamilya ng mga Sta. Maria.

"Arrange married ang nangyari sa parents ni Gaizer. Ang mommy ni Gaizer ay anak ng kasosyo ni Sir Lucio sa negosyo. Nanganganib na malugi ang kumpanya noon kaya nagkaroon ng malaking utang si Sir Lucio sa magulang ng mommy ni Gaizer. Gustong-gusto ng parents ng mommy ni Gaizer si Hector kaya pinagkasunduan ng mga ito na ipakasal si Hector kay Mildred. Walang magawa si Hector kaya siya pumayag. Pero ang totoo, may ibang babaeng gustong pakasalan si Hector. Pero kung kailan naipanganak na si Gaizer ay saka naman nagloko si Hector. Nakikipag-ugnayan pa rin siya doon sa ex niya. Noong nalaman ni Mildred ang tungkol sa babae ay nagdesisyon siya na makipaghiwalay kay Hector at bumalik sa Japan, sa parents nito. Kinalakihan ni Gaizer ang madalas na pagtatalo ng mga magulang niya. Magmula noong nalaman niya na may ibang babae ang daddy niya, galit na siya rito," mahabang kuwento ni Aleng Lucy.

Lalong nanikip ang dibdib niya dahil sa kuwento ni Aleng Lucy. Hindi rin niya masisi si Gaizer bakit naroon ang pagrerebelde nito. Ramdam niya kung gaano kahirap ang dinanas nito sa pamilya.

Nakarating na sila sa counter. Ibinukod niya ang kanyang mga pinamili. Gusto niyang surpresahin si Lola Amara kaya hindi niya ipapaalam kung ano ang mga lulutin niya.

Pagbalik nila sa farm ay tinulungan niya sa pagluluto ng tanghalian si Aleng Lucy. Nagluto sila ng bulalo. Sila mismo ang nagpitas ng mais sa puno nito. Na-miss niya ang nilagang mais kaya humingi siya ng marami sa trabahador.

Masayahin si Lola Amara. Kahit sa oras ng tanghalian ay madaldal ito. Marami itong kuwento tungkol sa mga nakaraan nito. Tinuruan siya nito kung paano maging mabuting asawa. Binigyan siya ng tips kung paano panatilihing mainit ang pagmamahal sa kanya ng lalaki kahit nagkakaedad na.

Naalala niya ang yumao niyang lola. Lahat ng kilos niya noon ay pinupuna maging pananamit niya. Conservative ang grandparents niya both side. Pero magmula noong lumipat sila ng Maynila, naimpluwensiyahan na rin siya ng environment doon.

Pagsapit ng alas-tres ng hapon ay nagyaya si Lola Amara na mag-picnic sila sa dalampasigan. Gusto raw nitong tumambay roon hanggang sa lumubog ang araw. Hindi na mainit sa oras na iyon. Nagsuot ng ternong pulang underwear si Lola Amara.

"Magbihis ka na, Alexa. Isuot mo ang sexy mong underwear para naman ma-feel natin ang beach. Noong kabataan ko talagang inirampa ko ang alindog ko. Aba, ang kinis mo at napaka-sexy kaya wala kang dapat ikahiya," sabi nito habang nasa sala sila.

Natawa siya. "Doon na po ako maghuhubad sa beach, Lola," aniya.

"Naku, malapit lang naman. Maghubad ka na rito para pareho tayo. Wala namang magnanasa sa iyo rito dahil puro matatanda ang narito. Bakit, ayaw ba ni Franco na naghuhubad ka sa beach?"

"Hindi naman po."

"Oh, e ano pa ang hinihintay mo? Takot ka bang umitim? Hindi naman masakit sa balat ang sikat ng araw."

Ayaw na niyang makipagtalo kaya doon pa lang ay naghubad na siya ng damit. Kinuha lang niya ang kanyang kulay pula na bandana na binigay ni Lola Amara. Ternong itim na underwear lang ang suot niya. Ipinulupot niya sa kanyang leeg ang bandana.

Nasa labas na ang mga kasama niya. Pagdating niya sa main door ay nagtataka siya bakit dumaldal na naman ang matanda na parang may kausap na lalaki. Paglabas niya ay natigilan siya nang makita si Gaizer na kausap ni Lola Amara. Nakarapada ang kotse nito sa driveway. Awtomatiko'y nabaling ang tingin nito sa kanya. Nahinto ito sa pagsasalitan at agarang naglakbay ang paningin sa kabuoan niya.

"Anong meron? Bakit nakabikini kayo?" pagkuwa'y tanong nito.

"Maliligo kami sa beach. Magbihis ka apo at samahan mo kami," ani Lola Amara.

Ibinalik ng binata ang tingin sa matanda. "Susunod na ho ako, Lola," anito saka humakbang palapit sa kanya.

Parang hinahalukay ang dibdib ni Alexa habang papalapit ito sa kanya at diretso ang tingin sa mukha niya. Huminto ito may dalawang dangkal ang pagitan sa kanya. Sinuyod nito ng tingin ang kabuoan niya.

"Hi, sexy!" pilyo ang ngiting bati nito sa kanya. Nakatitig lang siya sa mukha nito. "Hindi ka man lang nagparamdam. Hinihintay kitang bumalik sa village," anito pagkuwan.

"Bakit hindi mo ako tinawagan?" mataray na tanong niya.

"Kailangan pa ba kitang tawagan? Alam mong may trabaho ka. Nandito ka lang pala at nagpapakasarap."

"Kasalanan mo ito," paninisi pa niya.

"Oh come on, Alexa. Walang kinalaman ang trabaho sa nangyayari sa ating dalawa." Nasa tinig nito ang inis.

"I want to quit the job," bigla'y sabi niya, bagay na hindi napag-isipang maigi.

"Shut up!" asik nito habang panay ang tiim-bagang. "Ngayon ka pa ba mag-quit? Ako na ang nag-ayos ng discrepancies sa mga nahuli mong designs. Huwag mo akong iwan sa ere, Alexa. Tatapusin natin 'tong dalawa. We will talk about it later," anito saka siya nilagpasan. Pumasok na ito sa kabahayan.

"Halika na, hija!" tawag ni Lola Amara kay Alexa.

Tulak-tulak na ni Kristel ang naka-wheel chair na matanda. Sumunod naman siya rito. Pilit niyang binalewala ang mga sinabi ni Gaizer dahil ayaw niyang masira ang moment niya roon.

Walking distance lang ang beach kaya walang kahirap-hirap marating. Inilatag niya sa puting buhangin ang kanyang bandana saka doon inilagay ang kanyang cellphone at basket ng meryenda nila.

Sumunod naman si Aleng Lucy at Lolo Rick na may dalawang maliit na ihawan na mayroong bakal na stand. May kasama itong maliit na mesa at supot ng uling. Nagpadingas kaagad si Aleng Lucy. Tinulungan niya ito sa pag-iihaw ng marinated chicken breast na tinuhog nito ng barbecue stick.

Binuksan niya ang pakete ng hotdog saka tinuhog at idinarang sa apoy. Introduction daw iyon ng birthday celebration ni Lola Amara. Nakatutuwang makihalubilo sa mga ito.

She felt the freshness of the air. Halos ayaw niyang tigilan ng titig ang malawak na karagatang may mumunting alon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top