Chapter Ten

"ANO'NG balita?" tanong ni Gaizer kay Kent.

Nakaupo siya sa swivel chair ng lolo niya. Lumuklok naman si Kent sa katapat niyang silya.

"Wala pa ring balita tungkol sa Last Will ng lolo mo. Pero may nalaman ako," anito.

"Ano 'yon?"

"Minamadali na ni Franco ang kasal niya. Next month na raw ito. Pero balita ko, kaya sa South Korea raw magpapakasal ang dalawa dahil anytime ay puwede silang mag-divorce. May hinala ako na peke ang relasyon nilang dalawa," balita nito.

"Paano mo nasabing peke? Kung makapaghalikan sila akala mo wala nang bukas," naiinis na sabi niya.

"Nakita mo ba?" natatawang tanong pa ni Kent.

"Paanong hindi makikita ginawa nilang motel ang hallway? Wala ka bang ibang balita maliban sa dalawang iyon?"

"Iyon nga. Tungkol sa kasal. Hindi ka ba nababahala? Kapag nagpakasal na si Franco, paano ka na?"

Pakiramdam niya'y umakyat lahat ng dugo niya sa ulo. "Bakit sa palagay mo ba pagkatapos niyang magpakasal ay magkakaanak kaagad sila?" napipikong sabi niya.

"Bakit hindi? Hindi naman baog si Franco. Siyempre mamadaliin nila ang anak dahil kasama iyon sa kondisyon ng lolo mo."

"Hindi sila magkakaanak," giit niya.

"Paano mo naman nasabi 'yan? Ikaw na nga nagsabi na nakita mo silang naghahalikan. Malamang ang kasunod niyon ay deretso sa kama. Baka nga wala pang kasal ay may pamangkin ka na."

"Shut up!" asik niya sabay pukpok sa lamesa.

Natulala si Kent. Napatayo ito. Lalo siyang nairita sa reaksiyon nito.

"Huwag mong painitin ang ulo ko. Gumawa ka ng paraan para maghiwalay ang dalawang iyon! Magkalimutan na tayo kapag natuloy ang kasal," seryosong wika niya.

"Ano? Akala ko ba wala ka nang pakialam sa kasal na iyon," reklamo nito.

"Huwag ka nang magtanong basta sundin mo ang gusto ko!" singhal niya.

Hindi na kumontra si Kent. "Roger that," sabi nito saka nagmamadaling umalis.

Bumagsak ang galit niya sa kanyang kamay. Pinutol ng puwersa niya ang kawawang lapis. Sa kabila ng kanyang galit ay nagawa niyang ngumiti nang makaisip siya ng maitim na balak.

"SORRY for the kiss," sabi ni Franco.

Tiningnan ni Alexa si Franco habang nakaharap ito sa munting bahay na ginawa niya. Yari iyon sa manipis na flywood. Naroon sila sa architect's working room.

"Okay lang 'yon. Mabuti na iyong mawala ang pagdududa ni Gaizer," aniya.

"Para maging safe ang plano, iwasan mo na lang si Gaizer," sabi nito.

"Paano ko siya iiwasan kung magkasama kami sa trabaho?"

Hinarap siya nito. "Just do your work. Kilala ko si Gaizer. Kapag may gusto siya, madali niya itong nakukuha. Kung gugustuhin niyang sirain tayo, magagawa niya."

"Ginagawa ko naman ang trabaho ko. Kung puwede nga lang ay siya na lang ang mag-asikaso sa opening ng project. Puwede naman akong dumalaw sa area na hindi siya kasama."

"Kaya mo?" walang tiwala na sabi nito.

"Oo naman."

"Pero hindi ka nakatanggi nang isama ka ni Gaizer sa mansiyon," usig nito.

"Hindi ko naman alam na doon kami dediretso," katwiran niya naman.

Ngumisi si Franco. "Madali kang ma-temp, Alexa. Walang matigas na babae sa katulad ni Gaizer. Kung pabaya ka, magigising ka na lang isang araw na nasa ilalim ng mga bisig niya."

Natigagal siya. Awtomatikong sumariwa sa isip niya ang gabing napagsaluhan nila ni Gaizer noon sa hotel at ang mga pangyayari sa pagitan nila sa Tagaytay.

"H-Hindi ako mahina katulad ng iniisip mo, Franco," depensa niya.

"But you told me you lost your virginity in just one night."

Nagsikip ang paghinga niya. "Lasing ako noon kaya hindi ko namalayan ang nangyari. Kaya nga umiiwas na ako sa alak," aniya.

"I hope it was not a rape case. Ginusto mo naman siguro ang nangyari sa inyo ng lalaki. Tell me who's the man, baka kilala ko," mamaya ay sabi ni Franco.

Mariing nagtagis ang bagang niya. Kinikilabutan siya sa paksa nila. "He's a stranger," sagot niya.

Tumawa nang pagak si Franco. "See? How can I trust you? Alak lang ang katapat, makukuha ka na," dismayadong pahayag nito.

Nilinis niya ang kanyang lalamunan. "You need to trust me if you want to marry me, Franco. Walang sapilitan dito," matapang niyang sagot.

"Kahit hindi kita mahal, gusto kong maging responsable sa 'yo, Alexa. Sana gano'n ka rin sa akin dahil tinanggap natin pareho ang kasunduang ito. Pero kung ayaw mo na, hindi kita pipigilan. You can quit anytime you want. But don't scratch my ego. Kung may gusto kang ibang lalaki, ngayon pa lang ay sabihin mo habang hindi ka pa nakatali sa akin. Dahil once kasal na tayo, kahit may mahal kang iba, hindi ka magiging malaya dahil ikasisira ito ng reputasyon mo."

Nanrindi ang utak ni Alexa habang inuunawa ang mga sinabi ni Franco. Nagkaroon siya ng dahilan para tumabang ang interes niya sa kasunduan.

"Ikaw na ang pumunta sa birthday ni Lola sa Linggo. Ipapadala ko sa iyo ang regalo ko para sa kanya," anito pagkuwan.

"Hindi mo man lang ba siya bibisitahin bago ka pupuntang Cebu?" tanong niya.

"Pagbalik ko na lang. Babawi ako."

"Ilang araw ka ba sa Cebu?"

"Baka aabutin kami ng two weeks. Huwag kang mag-alala, matutuloy ang kasal. Nakausap ko na ang kaibigan ko sa Korea para doon sa tutuluyan natin. Tutulungan niya tayo sa papeles," anito.

"Okay. Good luck sa trip mo sa Wednesday. Magsisimula na rin ang construction namin sa Tagaytay. Baka diretso na ako kay Lola."

"Good. Mas mabuti kung doon ka mag-stay habang ginagawa ang project kaysa magbiyahe araw-araw. Mas makakapag-relax ka sa farm."

"Oo nga."

"Sabay na tayong uuwi. Samahan mo ako sa mall para bumili ng regalo para kay Lola. Wala ka namang gagawin 'di ba?" anito pagkuwan.

"Pero may conference meeting."

"Hindi na ako dadalo. Si Daddy na ang bahala."

"Sige. Magpapaalam lang ako kay Papa."

"Hihintayin na kita sa garahe."

Tumango siya saka nagmadaling nagtungo sa engineers' office. Pagpasok niya ay wala siyang ibang nakita kundi si Gaizer. Ganoon na lang ang agarang pagtahip ng dibdib niya. Napako ang mga paa niya sa bukana ng pinto nang makita ang ginagawa ni Gaizer habang nakaupo ito sa ibabaw ng lamesa sa gilid ng bintana.

Gumagawa ito ng bahay gamit ang diyaryo. Pamilyar sa kanya ang estilo ng bahay. Nang matapos ay pinahiran nito ng colorless na nail polish and munting bahay saka sinulatan ng pulang nail polish sa bubong.

"Nasa conference room ang papa mo," sabi nito pero hindi nakatingin sa kanya. Tumayo ito saka humakbang palapit sa kanya bitbit ang munting bahay na ginawa nito.

Noon lamang niya napansin na nail polish niya ang ginamit nito. Iniwan niya ang gamit niya panlinis ng kuko sa lamesa na ginagamit niya sa tuwing naroon siya. Nagulat siya nang huminto sa tapat niya si Gaizer.

"Sa 'yo na. Nakakainip dito," seryosong sabi nito saka kinuha ang kanang kamay niya at pinahawak sa kanya ang ginawa nitong munting bahay.

Hindi siya nakahuma nang makaalis ito. Nakatitig lang siya sa munting bahay na binigay nito. Nanlaki ang mga mata niya nang mabasa ang isinulat nito sa bubong ng munting bahay.

"My dream house for you," sabi sa sulat.

Para siyang natuka ng ahas. Ang hitsura ng bahay, ang buong desinyo nito, lalong-lalo na ang nakasulat sa bubong ay parehong-pareho sa munting bahay na ibinigay noon sa kanya ni Rendel noong nililigawan siya nito. Nag-aaral pa lang sila noon ng college.

Ang bagay na iyon ang hindi niya naitapon noong hiniwalayan niya ang lalaki. Sobrang nagustuhan niya iyon. Katunayan ay ginaya niya ang design ng bahay. Ganoon ang design ng bahay na pinapagawa nila sa Makati. Dalawang palapag ang bahay na mayroong tatlong kuwarto.

Nagustuhan niya ang design ng bahay dahil parehong may terrace sa itaas at ibaba. Hindi niya naitapon ang munting bahay dahil inamin naman sa kanya noon ni Rendel na hindi ito ang gumawa niyon kundi ang kaibigan nito. Ngayon lang niya naisip kung sinong kaibigan ang tinutukoy ni Rendel.

Imposibleng si Gaizer iyon. Pero nakita mismo ng mga mata niya na ginawa ni Gaizer ang munting bahay na katulad sa binigay ni Rendel. Maging ang nakasulat sa bubong ay pareho. Hindi lang siya sigurado sa hand writing. Naguguluhan siya. Inilagay niya sa paper bag ang munting bahay kasama ng gamit niya sa pedicure. Nagpadala na lang siya ng mensahe sa papa niya para malaman nito kung nasaan siya.

DAMIT at mamahaling bag ang biniling regalo ni Franco para sa lola nito. Inuwi na ang mga iyon ni Alexa sa condo at siya na ang nagbalot. Iyon na ang huling hapunan nila ni Franco bago ito aalis papuntang Cebu. Hindi na raw ito magre-report sa kumpanya kinabukasan. Maaga raw ang flight nito sa Miyerkules.

Bumili rin siya ng regalo niya sa lola ni Franco. Mahilig daw sa strawberry jam at white spaghetti si Lola Amara. Bumili na siya ng isang garapong strawberry jam. Sa Tagaytay na siya bibili ng sangkap para sa white spaghetti.

Kinabukasan ay dinalaw muna ni Alexa ang proyekto nila sa Cavite at Laguna. Hindi na nakakapasyal doon si Franco kaya siya ang nakipagkita kay Engr. Vergara na nangangasiwa sa proyekto.

Gabi na siyang nakabalik ng Maynila. Dumaan pa siya sa opisina para iwan ang list of inventory ng Cavite project. Nakauwi na ang papa niya. Nag-aabang na siya ng taxi sa labas ng kumpanya. Habang naghihintay ay nagbabasa siya ng status ng Facebook friends niya. Maya-maya ay may nag-send ng private message sa kanya. Pagbukas niya ay si Franco.

Where na you? Dinner tayo sa Green Paradise hotel. Nagpa-reserve ako ng private dining room for us, sabi sa mensahe ni Franco.

Nagtataka siya. Ang alam niya may show sa gabing iyon si Franco kaya nga huling hapunan na nila kagabi. Baka nagbago lang ang isip ng binata. Pumayag siya sa imbitasyon nito.

Pagdating niya sa Green Paradise hotel ay hinanap kaagad niya ang private room na naka-reserve kay Franco. Iginiya naman siya ng waiter. Pagpasok niya ay walang tao. Naka-set ng pulang table cloth at pulang seat cover ang round table. May nakatulos na malaking pulang kandila sa gitna ng lamesa katabi ng naka-vase na punpon ng pulang rosas. Mayroong instrumental music na tumutugtog. Hinanap niya sa paligid si Franco. Wala namang tao sa palikuran.

"You're here," wika ng pamilyar na boses ng lalaki.

Pumihit siya paharap sa pinto. Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Gaizer na nakatayo sa harap ng pinto. Nakasuot ito ng abuhing tuxedo. Bagong ligo at maaliwalas ang mukha nito. Pero bakit ito naroon?

"G-Gaizer? A-Anong ginagawa mo rito? Nasaan si Franco?" hindi mapakaling tanong niya.

"I don't know. Bakit si Franco ang hinahanap mo? Nandito naman ako," nakangiting sabi nito.

Matagal bago nag-sink in sa utak niya ang pangyayari. "Don't say ikaw ang nagpapunta sa akin dito at hindi si Franco. How dear you use his account? Paano mo nagagawa iyon?" Palatak niya at iginiit ang pagkaunawa niya sa senaryo.

"Hindi na mahalaga kung paano. It's not bad, Alexa. I just want to invite you for dinner. Kapag kasi personal kitang inimbita ay alam kong tatanggihan mo ako," anito.

"At bakit mo ito ginagawa? Are you insane?" Nanggagalaiti siya.

"Please stop arguing with me. Gusto kong maging okay tayo."

"Hindi mo kailangang gawin 'to, Gaizer! Mas naiinis ako sa ganitong set-up."

"Fine. Let's dine and talk about the project."

"Tapos na ang usapan sa project. Magsisimula na nga tayo bukas."

"Okay. Clam down." Nilapitan siya nito at iginiya paupo sa silya.

"Hindi tama 'to, Gaizer," protesta niya.

"I know. Just sit down and wait for the food." Binuksan nito ang bote ng red wine.

Mamaya ay dumating ang order nitong pagkain. Hindi siya uminom ng wine. Hindi pa rin kumakalama ang dibdib niya. Nahihirapan siyang maka-get over sa pinaggagawa ni Gaizer.

"You know, I think you need to consult to the psychiatrist, Gaizer. Hindi na normal ang pinaggagawa mo," kalmadong sabi niya nang nakalatag na ang mga pagkain sa lamesa.

Nakangiting tiningnan siya nito. "Huwag kang over reacting, Alexa. Inimbita lang kita para sa hapunan. Huwag mong sirain ang gabing ito. Huwag kang mag-alala, hindi kita lalasingin at dadalhin sa hotel room para romansahin," sabi nito.

"Hm. Katulad ng ginawa mo dati?" aniya.

Napalis ang ngiti nito. "Sa wakas ikaw ang unang nakaalala. Pero hindi gano'n ang nangyari. I didn't force you. Na-"

"Stop!"

"Let me talk! Listen to me!" kontra nito.

Hindi siya nakakibo nang magtama ang paningin nila ni Gaizer. Hinayaan niya itong magsalita. She tried to calm herself but her heart never stop pounding. She felt a bit nervous. She let him talk.

"Pinigilan kita noon sa paglalasing dahil halos hindi ka na makatayo noon. Iniwan tayo nila Zed at Morgan. Balak kong ihatid ka sa bahay ninyo pero hindi ko alam kung saan, wala kang matinong sinasabi. So I decided to bring you in the hotel. Pinaliguan kita para mahimasmasan ka pero hindi umobra. Nagpasya akong iwan ka sa kuwarto pero hinila mo ako sa kama. Nakainom din ako ng alak kaya hirap akong kontrolin ang sarili ko. Hanggang sa nangyari ang lahat," kuwento nito.

"Pero iniwan mo ako sa ere," may hinanakit na sabi niya.

"Naka-book ako ng flight kinabukasan noon. Kailangan kong bumalik ng Japan dahil nasa ospital si Mommy. Pero nag-iwan ako ng sulat at pera."

"Sa palagay mo ba nakatulong 'yon?" Naroon pa rin ang inis niya dahil sa nangyari.

"I know I'm wrong. Pero sinubukan kitang kontakin sa social media pero hindi ka active. Wala akong kontak sa iyo. Hindi ako sinasagot ni Zed at Rendel."

"Enough." Iniamba niya ang palad upang tumigil ito sa pagsasalita. "Kalimutan na natin 'yon. Kung may mali ako, sorry," aniya.

"No, it's my fault. I'm sorry. Kung binigyan mo ako ng pagkakataon, handa akong panagutan ka, Alexa."

"Maraming pagkakataon, Gaizer, binalewala mo lang," wika niya.

"Bakit? Kung sakaling binalikan kita, tatanggapin mo ba ako?" usig nito.

Tumitig siya diretso sa mga mata nito. "Hindi kita masasagot. Walang may plano sa nangyari kaya wala tayong dapat sisihin kundi ang kapabayaan natin pareho. Ang gusto ko lang ngayon ay tapusin na ang isyu na iyon. Hanggat maari ay ayaw ko nang makarinig tungkol doon," seryosong sabi niya saka dahan-dahang nilantakan ang pagkain.

Wala na siyang narinig mula kay Gaizer pero pansin niya ang lungkot sa mukha nito. Ayaw na niyang palalimin pa ang ugnayan nila kaya pinili niyang manahimik.

Pagkatapos ng hapunang iyon ay hinatid siya ni Gaizer sa condo na tinutuluyan nila. Nagkasundo na sila sa oras ng biyahe para kinabukasan pagpunta nila ng Tagaytay. Wala siyang choice kundi maki-ride rito. Umasa naman siya na magiging maayos na ang pakikitungo nito sa kanya. Iniiwasan na rin niyang magtaray rito.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top