Chapter Sixteen

MARAHAS na itinulak ni Alexa si Gaizer upang mapilitan itong umahon mula sa kaniya. Saka lang nito nahugot ang armas mula sa kaniya. Ramdam pa niya ang tigas niyon pero hindi na siya nagpadaig sa init ng tukso.

"Shit!" napamura ito. Umupo siya saka tumalikod dito. Nagmamadaling isinuot niya ang kanyang underwear.

"Walanghiya ka!" singhal niya rito.

"Bakit ka ba natatakot? Magkakaroon ka ng dahilan para makalaya sa pinasok mong kasunduan sakaling mabuntis ka, Alexa." Tumawa pa ito.

Marahas niya itong hinarap. "Ano'ng kasunduan ang sinasabi mo?" maang niya.

"Please, huwag ka nang magkaila. Kung ang social media account ni Franco nagawa kong buksan, ang sikreto pa kaya ninyo? Huwag ako ang lokohin n'yo."

Magsisinungaling pa ba siya? Paano na ang pangako niya sa papa niya at sa parents ni Franco?

"Hindi ko alam ang sinsabi mo," aniya.

"Alexa, masama ang magsinungaling. Kung may utang ang pamilya mo sa parents ni Franco kaya ka pumayag sa kasunduan, matutulungan kitang bayaran iyon."

"Wala kaming utang. Pumayag akong magpakasal kay Franco dahil nakikita kong magiging maayos ang future ko sa kanya," depensa niya.

"Paano mo nasabing may maayos kang future kay Franco? Alexa, buksan mo ang mga mata mo nang makita ang mali sa pangyayari." Kinuha nito ang cellphone nito na nakakalat sa paligid nila. Maliwanag ang kalangitan kaya nakikita niya ang reaksiyon ng mukha nito.

Naghalungkat ito ng mga litrato sa cellphone nito. Pagkuwa'y pinakita nito sa kanya ang litrato ni Franco na may kahalikang babae sa likod ng stage. Kung totoong mahal niya si Franco, malamang nasaktan na siya pero wala siyang maramdamang galit o ni katiting na kirot. It felt nothing just a bit surprise.

"Nakuha ko ang picture na ito sa isa sa katrabaho ni Franco sa labas. Kuha ito kahapon habang nasa taping sila ng commercial sa Cebu. It's not part of their taping I'm sure. Hindi niya kasama sa taping ang babae. Fashion designer siya. Kilala ko ang babae. Naging girlfriend siya ni Franco noong college."

Hindi malaman ni Alexa kung ano ang magiging reaksiyon niya. Noon ay apektado siya sa tuwing may isyu siyang naririnig tungkol kay Franco, pero sa pagkakataong iyon ay tila wala na siyang pakialam. Hindi siya magaling umarte para ipakita kay Gaizer na apektado siya. Sa lalaking ito siya nagagalit dahil sa pinaggagawa nito.

Itinaboy niya ang kamay nito na may hawak sa cellphone. "Bakit mo ba ito ginagawa?" tanong niya.

"I'm just concerned, Alexa. Kung magpapakasal ka kay Franco, para ka na ring sumuong sa impiyerno. Masasaktan ka lang. Huwag mong laruin ang kasal dahil hindi ito ginawa para puwede mong balewalain kung kailan mo gusto."

"Problema ko na 'yon. Hindi ako pumasok sa sitwasyong ito na hindi ako handa. Hanggat hindi si Franco ang unang umatras, hindi ako susuko," aniya.

Tumawa nang pagak si Gaizer. "Nahihibang ka ba? Ang ganda mong babae, may maayos na trabaho, at mataas na pinag-aralan. Maraming lalaking mas deserving kaysa kay Franco. Ginagamit ka lang niya para sa pansarili niyang kapakanan."

Umiwas siya ng tingin kay Gaizer baka mahalata nito na wala siyang pakialam sa sinasabi nito. Tumayo siya at kinuha ang kanyang cellphone.

"Ang mabuti pa ay umuwi na tayo sa mansiyon," sabi niya pagkuwan.

Tumayo naman ang binata saka iniligpit ang gamit na iuuwi sa mansiyon. Kinuha naman niya ang kanyang bandana saka nagpatiunang naglakad. Nakabuntot lang ito sa kanya habang bitbit ang ihawan at munting mesa.

Nagbanlaw si Alexa sa banyo sa loob ng inuukupa niyang kuwarto. Laman pa rin ng diwa niya si Gaizer at ang mga sinabi nito. Nalilito na siya. Naisip niya na baka hinuhuli lang siya nito o kaya'y sinasadya nito na guluhin ang isip niya para umurong siya sa kasal nila ni Franco.

HINDI naghapunan si Gaizer. Nabusog siya ng meryenda. Nagbukas lang siya ng isang bote ng wine saka unti-unting sinimsim gamit ang wine glass. Nakaluklok siya sa kama sa kanyang kuwarto habang nanonood ng movie sa kanyang laptop. Nang mainip sa pinapanood ay in-off niya ang movie saka nagbukas ng Facebook.

Nakakonekta siya sa kanyang pocket wifi na may one month unlimited internet. Nag-stalk siya sa Facebook account ni Alexa. Pilit niya itong binubuksan para sana mabasa ang laman ng messenger nito.

Sinabutahe niya ang account ni Franco noong nakita niya ang cellphone nito na naiwan sa engineer's office. Nakabukas ang Facebook kaya pinakialaman niya. Nagpadala siya ng mensahe kay Alexa. Kamuntik na siyang mahuli noon dahil biglang bumalik noong gabi si Franco at kinuha ang cellphone.

Pero nabasa niya ang ilang conversation nito at ni Alexa. Doon niya nabasa ang sinabi ni Franco sa dalaga na sa Korea magpapakasal ang mga ito para kung maayos na ang lahat at hindi nag-work ang relasyon ng mga ito ay madali lang silang makapag-divorce. Doon siya nagduda na posibleng arranged marriage ang pagpapakasal ng dalawa.

Nabasa rin niya sa cellphone ni Alexa noong naiwan iyon sa kotse niya ang ilang text messages dito ni Franco. Sinuwerte siya dahil walang screen lock ang cellphone ni Alexa.

Huwag mo siyang intindihin basta maging maingat ka. Hindi puwedeng malaman niya ang plano namin, ilan lamang sa laman ng mensahe ni Franco kay Alexa na nabasa niya.

Hanggang sa sandaling iyon ay iniisip niya ang mga nabasa niya. Patuloy niyang pinag-aaralan ang mga iyon. Hindi siya mapakali. Pinutahan niya ang account ni Kent. On-line ito. Binuksan niya ang video call. Nasa linya naman kaagad si Kent na nakaupo sa harap ng mesa na pinapatungan ng laptop nito.

"Hey, kumusta ang project n'yo r'yan?" tanong kaagad nito.

"Okay lang," kaswal niyang tugon. "Ano nang balita r'yan? Nagawa mo ba ang pinapagawa ko?" aniya pagkuwan.

"Ang alin? Ang pigilin ang kasal ni Franco?" anito.

Nagtagis ang bagang niya. "Kasama na iyon. Pero ang kinukumusta ko ay ang proposal sa Zambales project."

"Ah, 'yon ba? Iyon na nga ang nakakainis. Hanggang ngayon ay hindi pa nakarating sa akin ang kopya. Mukhang mabutihang edit ang ginagawa nila. Palaging out of town si Tito Roger. Hindi ko rin matiyempuhan si Engr. San Diego. Mukhang tama ka, may anumalya sa Zambales project. Ano kaya kung surpresahin mo ang area? Puntahan natin at kausapin si Mr. Kim. Alamin natin ang estado ng naiwang project ng daddy mo. Last year kasi close pa rin ang area. Narinig ko na gusto ulit iyong ituloy ni Mr. Kim," sabi nito.

"That's a good idea. Pagbalik ko na siguro ng Maynila saka tayo pupunta ng Zambales."

"E kumusta naman kayo ng fiancee ng pinsan mo? May naamoy ka na bang nalulutong isda?" biro nito pagkuwan.

"Hangal, nakain ko na," gatong niya.

Humalakhak si Kent. "Ang bilis mo, boss. Ano, magdidiwang na ba tayo para sa tagumpay?"

"Gago! Huwag mo akong pangunahan. Hindi madaling manghuli ng isda na sarili mo ang ipinapain. Gawin mo nang maayos ang trabaho mo."

"Oo na. Tinutulungan na nga kita, eh."

"Bantayan mo rin ang mga kilos ng alipores d'yan ng kalaban."

"Sandali. Bakit parang parami nang parami ata ang trabaho ko. Baka gusto mo na rin akong utusang maglaba ng brief mo."

Tinitigan niya ng masama si Kent sa screen. "Nagrereklamo ka na ba?" aniya.

"Ah, hindi naman. Nagbibiro lang ako. Sige, ako na ang bahala sa lahat. Mag-relax ka lang muna riyan. Galingan mo sa paggapang baka may makahuli sa iyo. Kapag nagkataon, patay kang ahas ka," sabi nito saka tumawa.

"Gago ka talaga! Matulog ka na!" In-off na niya ang video.

Isinara na niya ang kanyang laptop saka nagsalin muli ng wine sa kanyang baso. Hindi siya inaantok. Nagsuot siya ng jersey short pants pero hindi na siya nagsuot ng kamiseta. Lumabas siya ng kuwarto. Tahimik na sa labas. Patay na rin ang ilaw sa sala pero napansin niyang nakabukas ang ilaw sa kusina.

Bumaba siya at dahan-dahang naglakad patungo sa kusina. Tumigil siya sa bukana ng pinto nang makita niya si Alexa na nagdidikdik ng bawang. Puting sleeveless blouse lang ang suot nito at maigsing maong pants na kalahati sa mapipintog at makinis nitong hita. May suot itong pulang apron. Nakapulupot ang mahaba nitong buhok sa tuktok na inipit lang nito ng dalawang lapis. May ilang hibla ng buhok na nakalaylay sa mukha nito.

Noon lang niya naisip kung ano ba ang meron sa babaeng ito bakit gustong-gusto niya itong nakikita. Maraming mas maganda rito, mas sexy, mayaman, matalino, mas mabait pero parang ito lang ang nakilala niyang babae na umangkin sa buong pagkatao niya. Ngunit para itong tubig na nahahawakan niya sa kamay ngunit mabilis makawala. Parang ulap na akala niya kaya niyang abutin ngunit napakalayo.

Bakit hindi naging tayo, Alexa? Bakit napupunta ka sa iba? Ano ba ang mali ko? daing ng kanyang isip.

Hindi siya nagbago ng posisyon nang biglang mahagip siya ng paningin ng dalaga. Nanatali siyang nakatayo at seryosong nakatanaw rito.

NAGULAT si Alexa nang makita si Gaizer na nakatayo sa bunganga ng pintuan. Natigilan siya sa ginagawa. Seryoso kasi ito. Mukhang wala itong balak mangulit. Pagkuwa'y humakbang ito palapit sa kanya.

Hindi niya nasaway ang kaniyang paningin na naglakbay sa nahantad nitong dibdib at puson, na animo inaakit siya. She can't deny that Gaizer was a drop-dead handsome, a hunk guy with dominating aura. Pero maling konsintihin niya ang kaniyang damdamin. Iniwasan niya ito ng tingin.

"Gabi na bakit nandito ka pa? May lulutuin ka ba?" tanong nito.

Ibinalik niya ang atensiyon sa ginagawa. "Magluluto ako ng roasted garlic para sa lulutuin kong palabok at siomai bukas," tugon niya.

"Puwede mo naman 'yang gawin bukas. Huwag kang magpuyat," sabi nito.

Nabaling muli ang tingin niya rito. Noon niya napansin na may isang dangkal lang ang pagitan nito sa kanya.

"Hindi naman ako magpupuyat. Ihahanda ko lang ang mga sangkap para mas madali nang magluto bukas. Marami rin kasing lulutuin si Aleng Lucy," aniya pagkuwan.

"Marunong ka rin naman palang magluto." He grinned while staring at her face.

"Kailangan kong matuto dahil hindi na ako kayang ipagluto ng mama ko."

"Bakit? May sakit ba siya?" usisa nito, naging seryoso ulit.

"Na-stroke siya. Paralisado na ang kalahati ng katawan niya."

"Nag-iisa ka bang anak?"

"May nakatatanda akong kapatid na lalaki. Nagpapakadalubhasa siya sa medisina sa Amerika. Next year pa siya makauuwi."

"Nice. Kaya naman pala ng parents mong magpaaral ng doktor at architect. Bakit nagkakautang pa kayo sa Sta. Maria?"

Nagtagis ang bagang niya. Aminado siyang may utang sila pero hindi nito kailangang ipamukha sa kanya.

"Paano mo nalalaman ang bagay na iyon?" kaswal na tanong niya habang patuloy sa pagbabalat ng bawang.

"Nakita ko ang pinirmahang cash loan ng papa mo sa office. Nakasulat doon na salary deduction bases ang nasabing loan. I guess dumadaan sa accounting ang nangyaring utangan. Posibleng nasagasaan ang pera ng kumpanya."

Wala siyang alam kung paano inutang ng papa niya ang perang pinaggamot sa mama niya pero sigurado siya na legal ang proseso ng loan.

"Pinagtatrabahuhan ni Papa ang perang inutang niya kaya walang masama roon. Vice President si Tito Roger kaya may karapatan siyang magdesisyon para sa pangangailangan ng mga manggagawa. Hindi lang naman si Papa ang may malaking loan sa kumpanya," depensa niya.

"Fine. Wala akong planong akusahan ang papa mo o si Tito Roger. Gusto ko lang matiyak na walang anumalyang nangyayari sa loob ng kumpanya. Malinis itong iniwan ni Lolo at ni Daddy kaya dapat iyong magpatuloy."

Bumuntong-hininga siya. Nangangalay na ang kamay niya sa kakatadtad sa bawang at umiinit na rin ang palad niya dahil sa anghang nito. Binitawan niya ang kutsilyo at hinilot ang kamay niya.

Nagulat siya nang kunin ni Gaizer ang kutsilyo at itinuloy ang ginagawa niya. Umatras siya para bigyang laya ito sa pagkilos.

"Let me do this," sabi nito.

"Hindi mo kailangan gawin 'yan. Kaya ko na itong tapusin," tutol niya.

"Huwag mo akong pagbawalan sa gusto kong gawin, Alexa. Magpasalamat ka na lang dahil may nagmamalasakit sa 'yo."

Bumuga siya ng hangin. "Bakit ba mas marunong ka pa sa akin? Kung magsalita ka para kang hari na hindi puwedeng kontrahin," angal niya.

Tiningnan siya nito nang matalim. Bumagal ang pagtadtad nito sa bawang. "Huwag ka nang magmatigas, Alexa. Ramdam kong lumalambot ka na pero pinipilit mo pa ring makipag-plastikan sa akin. Lalo mo lang akong tinutulak na usigin ka at kulitin," anito.

"Ano ba kasi ang gusto mo?" tanong niya.

"Gusto kita," walang abog na sagot nito. Tumigil ito sa ginagawa.

Napalunok siya at biglang may kung anong bumara sa kaniyang lalamunan. Tumulin ang tibok ng kanyang puso. Bumibigat ang talukap niya habang nakatitig sa seryosong mukha ni Gaizer.

"Alam mo ang limitasyon mo, Gaizer. Huwag ka sanang sumobra," sabi niya nang makahinga nang maluwag.

"I'm not afraid. Si Franco lang naman ang babanggain ko. Hindi siya kasing tibay ng paninindigan ko," palabang wika nito.

Hindi siya natatakot sa pagpatuloy ng umuusbong nilang relasyon ni Gaizer dahil wala naman talaga siyang malalim na koneksiyon kay Franco maliban sa kasunduan. Puwede niyang kausapin ang binata na huwag ituloy ang kasal. Ang ikinakatakot niya ay ang magiging reaksiyon ng papa niya, at ang posibleng ikasira ng repustasyon niya. Hindi siya maaring padalus-dalos ng kilos dahil maraming pilit nahihimasukan sa relasyon nila ni Franco.

Maiiwasan niya si Franco pero hindi si Gaizer. She knew it. Habang tumatagal na palagi niya itong kasama ay lalong bumimibilis ang development ng nararamdaman niya para rito. Habang iniiwasan niya ito ay lalo lamang siya nahuhulog dito. Walang gabi na hindi niya ito naiisip. Napakadaling palambutin ng presensiya nito ang nagmamatigas niyang puso. Ni simpleng halik nito ay hindi na niya magawang tanggihan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top