Chapter Nine

PAGKATAPOS ng almusal ay naglakad-lakad si Alexa sa malawak na hardin ng mansiyon. Namataan niya si Lola Amara na namimitas ng bunga ng kalamansi na mababa lang ang puno. Nakaupo lang ito sa wheelchair at may hawak na basket.

Nilapitan niya ito. "Lola, magandang umaga po!" bati niya rito.

Napatingala sa kaniya ang matanda. "Ah, ikaw pala, Alexa. Teka, bakit ka narito? Hindi ka ba kasama ni Gaizer?" anito.

"Ah, umalis na po ba siya?"

"Ang sabi niya ay ibibili niya ako ng tsinelas sa palengke. Pagkatapos ay uuwi na kayo mamaya."

"Hindi naman po niya ako sinabihan na pupuntang palengke. Pero baka hindi na po ako sasabay sa kaniya sa pag-uwi ng Maynila."

"Ay bakit naman?"

Bumuntong-hininga siya. "Ano, kaskasero po kasing mag-drive ang apo, n'yo," alibi niya.

"Nako! Pagsasabihan ko ang batang 'yon. Hindi bale, tulungan mo na lang muna ako rito. Ipapadala ko itng kalamansi kay Gaizer. Mahilig din kasi siya sa juice."

"Sige po."

Tinulungan na lamang niya ito. Aliw na aliw siya sa kuwento nito kaya napasarap ang pamimitas niya ng bunga ng kalamansi. Maliit lang ang puno nito pero namumutakti sa malalaking bunga. Humingi na rin siya para maiuwi niyang bunga.

"Pagpasensiyahan mo na si Gaizer, Alexa. Pilyo talaga ang apo ko na iyon. Malayong-malayo ang ugali niya sa kaniyang ama," ani Lola Amara.

Palagi nitong ikinukumpara si Gaizer at Franco. Anito, parang mas anak pa raw ng anak nito si Franco dahil mas close. Medyo sutil din daw itong si Gaizer. Kaugali nito ang yumaong lolo.

"Pansin ko nga rin po na may pagkapilyo si Gaizer. Prangka rin siyang magsalita," aniya.

"Nako! Lalong pilyo iyon noong bata. Kaya minsan ay napapalo siya ng daddy niya. Pero para sa akin, si Gaizer ang tipo ng lalaki na kayang manindigan sa anumang gusto niya, or even in a relationship."

"May naging girlfriend na po ba si Gaizer?" pagkuwan ay usisa niya.

"I'm not sure, pero may naikuwento siya sa akin noon na babae. Sobrang gusto niya iyon noon pang college siya. Ang sabi pa niya sa akin, hindi raw siya magkakagusto sa ibang babae. Hindi rin siya mag-aasawa kung hindi ang babaeng iyon ang ibibigay sa kaniya."

Natawa siya. "As in? Parang bata naman si Gaizer."

"Hindi sa ganoon iyon, Alexa. Kilala ko si Gaizer. Kapag may gusto siya, nagiging obsess siya sa bagay na iyon. At kapag hindi niya nakukuha ang gusto, hindi siya natatahimik. He will do anything to get what he wanted."

She felt uneasy. Kung ganoon ngang ipipilit ni Gaizer ang gusto, hindi ito titigil hanggat hindi nagwawagi sa laban ng mana. Pero hindi naman niya ito masisi dahil may karapatan naman ito.

"Baka nagbago naman po si Gaizer," komento niya.

"Sana nga ay magbago siya. Wala namang problema sa ibang katangian niya. Malambing siyang bata, maalaga. Nami-miss ko na nga ang bonding naming mag-lola. Alam ko nagtatampo lang siya sa akin kaya hindi niya ako nabisita ng ilang taon," malungkot na wika ng matanda.

"Busy lang po siguro si Gaizer. Sabi nga niya, inalagaan din niya ang mommy niya sa Japan. Siguro nahirapan din siyang mag-adjust at hatiin ang oras niya."

May simpatiya rin naman siya para kay Gaizer, when it comes to family matter. Mahirap nga naman ang sitwasyon nito na hindi alam kung saan lulugar. Kung seryosong kausap si Gaizer at hindi siya inaasar ay natutuwa siya rito. Kaso, sadyang gusto nitong ungkatin ang nakaraan.

Mamaya ay nakabalik na si Gaizer dala ang biniling tsenilas ng lola nito. Pinasadahan pa siya nito ng malagkit na tingin. Inirapan naman niya ito. Kailangan niya itong iwasan dahil kailangan.

Naiwan siya sa tabi ng puno ng kalamansi dahil pumasok na ng bahay ang matanda. Sa harapan niya ay nakatayo si Gaizer at inaayos ang nasirang payong ng round table. Tagaktak na ang pawis nito. Mamaya ay bigla itong naghubad ng kamesita.

Saktong pagsipat ulit niya rito ay nakaharap sa kaniya ang binata habang nakataas ang mga kamay sa itaas ng payong. Kumakaway sa kaniya ang naghihimutok nitong abs. Ang baba pa ng garter ng short pants nito at may nasisilip nang kagubatan.

Naibaba niya ang kaniyang tingin sa mga bunga at itinuloy ang pagpipitas. Pati siya ay pinagpapawisan na rin dahil sa init ng sikat ng araw. Hindi naman siya tinamaan ng init pero may mas mainit na presensiyang nanunukso sa kaniya.

"Alexa!" tawag sa kaniya ni Gaizer.

"Hm?" tugon niya pero hindi ito tiningnan.

"Pakiabot nga sa akin ang alambre, itatali ko rito," sabi nito.

Napilitan siyang tingnan ito. Nakataas pa rin ang mga kamay nito. Hinanap niya ang alambre sa lupa na tinuturo ng paa nito. Malapit lang pala iyon sa mga paa ni Gaizer. Nang pulutin na niya ay napatili siya nang may gumapang na berdeng uod sa kaniyang kamay.

Naiwaksi niya ito pero nawalan siya ng balanse at napaupo sa paanan ni Gaizer. Inatake siya ng nerbiyos at hindi kaagad nakatayo. Namalayan na lang niya na akay na siya patayo ni Gaizer. Dumaiti sa likod niya ang matigas nitong dibdib na pawisan. Sa halip na mandiri ay lalo siyang inalipin ng init at kiliti. Ang bango kasi nito, ang sarap ng tigas ng dibdib.

She was seduced. Pero sinuway niya ang kaniyang katawan na pilit siyang tinatraidor. Napalayo siya kay Gaizer at hindi nag-abalang lingunin ito. Inabot lang niya rito ang pinakuha nitong alambre.

"Thanks. Pero mukhang diring-diri ka sa akin, ah. Mabango naman ang pawis ko, ah," anito.

Hindi niya ito hinarap. "Wala akong sinabing mabaho ka," aniya sa matigas na tinig.

"Pero kung makaiwa ka parang hindi ka nakatikim ng katawan ko, eh. Hindi mo lang maalala pero itong katawang ito na pawisan ay pinayagan mong pumatong sa 'yo at angkinin ka."

Nanrindi ang tainga niya. "Tama na!" Marahas niya itong hinarap. "Stop reminding me about the shit night with you!" asik niya.

Tumawa pa ang hudyo. "Hey! Huwag mo naman akong sigawan."

Tinalikuran ulit niya ito at tuluyang iniwan. Kinuha niya ang basket ng kalamansi saka pumasok sa mansiyon. Naligo na rin siya.

HINDI sumabay si Alexa kay Gaizer pauwi ng Maynila. Sinadya niyang magpatagal sa pag-impake ng gamit. Kaso talagang iniwan siya ng binata. Nagpahatid siya ng tricycle kay Lolo Rick sa bayan. Habang nakasakay siya sa bus ay sinubukan niyang tawagan si Franco pero hindi sumasagot. Kailangan na niya ang tulong nito. Pakiramdam niya'y lalo siyang naiipit sa agawan ng mana.

Pagdating niya ng bahay nila ay sinubukan ulit niyang tawagan si Franco. Sa wakas may sumagot pero nawindang siya nang boses ng babae ang narinig niya.

"Hello!" sagot ng babae.

Nagdadalawang-isip siya kung kailangan pa ba niyang magsalita. Pinakinggan niya ang kabilang linya. May boses ng lalaki siyang naririnig na kausap ng babae sa 'di kalayuan. Nahimigan niya ang boses ni Franco.

Pinutol na lamang niya ang linya. Hindi niya maiwasang huwag mag-isip ng masama kay Franco pero naroon ang agam-agam na maaring tama ang sender ng picture na may ibang kinahuhumalingan ang kanyang fiance. Pero hindi naman siguro ipipilit ni Franco ang kasal kung may mahal itong iba.

"Sa South Korea tayo magpakasal para kung sakaling hindi mag-work ang marriage natin ay puwede tayong mag-divorce." Naalala niyang sabi ni Franco noon.

Hindi siya mapakali. Habang papalapit ang kasal ay saka naman siya naguguluhan sa desisyon niya.

INAYOS lahat ni Alexa ang naiwang trabaho niya sa opisina at sa ibang project bago siya magsimula sa project nila sa Tagaytay. Nakabalik na si Franco mula sa trabaho nito sa labas. Nag-report ito sa engineer's office. Tamang-tama dahil lunch break. Sinamahan ni Alexa ang papa niya sa tanghalian. Hindi na sila lumabas.

"Oh, Franco, mabuti nakarating ka. May conference meeting tayo mamayang alas dos ng hapon," sabi ng papa niya.

Sinamahan sila nito sa table ng papa niya. Umupo ito sa katapat niyang silya. Ang una niyang napansin sa aura nito ay ang pagod at uneasy nitong mukha. Ni hindi man lang siya binati.

"Kaya nga po ako nag-report para makahabol sa meeting. Kagagaling ko lang sa studio namin. This coming Wednesday ay bibiyahe na kami papuntang Cebu," sabi ni Franco.

"So this Monday lang ang report mo sa kumpanya," ani Manuel.

"Opo."

"Kumain ka na ba?" pagkuwa'y tanong ng ginoo.

"Katatapos ko lang pong nag-almusal. Busog pa ako. Mag-uusap lang po kami ni Alexa," anito.

Hindi kumikibo si Alexa hanggang matapos siyang kumain. Pagkuwa'y sumama siya kay Franco sa labas. Hindi na sila lumayo. Nakaharang sila sa pinto ng engineer's office.

"Tumawag ka sa akin kagabi," anito.

"Oo pero babae ang sumagot," sabi niya.

"Si Mica 'yon, co-talent ko. Nakitawag kasi siya sa phone ko. Hindi ko naintindihan ang text mo sa akin at nabura ko."

"Tungkol 'yon kay Gaizer."

"Bakit?"

"Nagsisimula na siyang magduda. Ipinipilit niya na kaya tayo magpapakasal ay dahil sa mana."

"Hayaan mo siyang magduda."

"Pero naiipit ako sa sitwasyon ninyo, Franco."

"Bakit ka maiipit? Walang pakialam si Gaizer sa plano nating kasal. Hindi ka niya papakialaman dahil ang mana lang naman ang habol niya. Kung may balak man siyang guluhin ang plano namin, hindi siya magpo-focus sa kasal."

"Pero hinahanapan niya ako ng proweba na seryoso ako sa pagpapakasal sa 'yo."

"Anong proweba?"

"Na totoong nagmamahalan tayo."

"Baliw ba siya? Ano naman ang pakialam niya sa relasyon natin?"

Pinisil niya ang kanang braso ni Franco nang mapansin niya si Gaizer na papalapit sa kanila. Nagulat siya nang bigla siyang yakapin ni Franco at siniil ng halik ang kanyang mga labi.

PARANG may malaking pader na humarang sa daraanan ni Gaizer nang makita niya ang magkasintahan na naghahalikan sa labas ng engineer's office. Napako siya sa kinatatayuan niya habang hinihintay kung kailan matatapos ang landian ng dalawa. Nang mapansin niya na tila doon na maghahasik ng init ang mga ito ay walang pag-aatubiling nagpatuloy siya.

"Excuse me. Maraming hotel sa labas. Bakit hindi n'yo doon gawin ang advanced honeymoon ninyo? Nakaaabala kayo sa daan," sabi niya.

Awtomatikong naghiwalay ang dalawa. Nag-init ang ulo niya nang makita ang frustration sa mukha ng dalawa. Dumaan siya sa pagitan ng mga ito saka siya pumasok sa opisina.

Mabuti naroon si Engr. San Diego. May pagkakataon siyang halungkatin ang hidden project ng mga ito kasama si Roger. Hindi lingid sa kaalaman niya na anak nito si Alexa. Noon pa siya naghihinala na kasabwat ito ni Roger sa lahat ng plano nito.

"Kumusta, Gaizer? Matagal din tayong hindi nagkasama sa proyekto," bungad nito sa kanya.

Ang dating office table ng daddy niya ay ito ang gumagamit. Umupo siya sa katapat nitong silya.

"Oo nga po. Marami akong na-miss na project," aniya.

"So ano ang plano mo ngayon?"

"Gusto ko po sanang malaman kung patuloy pa rin ba ang iniwan ni Daddy na project sa Zambales. Iyong under the sea construction ni Mr. Lim. Ang alam ko temporary close iyon no'ng namatay si Dad," sabi niya.

Nanatiling kalmado ang ginoo kahit nababasa niya sa mga mata nito ang pagkabalisa.

"Actually we're planning to re-open the project this month. Nakausap na namin ang client tungkol sa pagbukas ng project," anito.

"Bakit hindi siya kasama sa list of projects? Nakalagay pa rin sa record na close ito," usisa niya.

"Ah, hindi pa kasi ito totally confirmed so maari pang magbago ang isip ng client. May ibang construction company kasi na nagpasa ng proposal sa kanila. Kaya naisip namin ni Roger na huwag muna itong isama sa list of projects."

"Gusto kong makita ang bagong proposal ninyo para sa project na iyon."

"Kuwan, w-wala akong kopya."

Hindi siya komportable sa pananalita ng ginoo. Ramdam niya na mayroong anumalya. Ang Zambales project ang pinakamalaking proyekto na ipinasok ng daddy niya sa kumpanya. Nabasa niya ang huling kasunduan ng kliyente at ng daddy niya. Nakasaad sa kasunduan na walang ibang hahawak sa project na iyon kundi ang daddy niya. Ipinakilala pa siya noon ng daddy niya kay Mr. Kim.

Nangako ang ginoo na sakaling hindi matapos ng daddy niya ang project ay siya ang hahawak nito at ang kalahati ng income ay sa kanya mapupunta. Tinatayang six billion pesos ang napagkasunduang kontrata para sa construction. Solong iginapang ng daddy niya ang proyekto at pangalan lang ng kumpanya ang nakakabit dahil kailangan sa permit. Sariling manpower din ng daddy niya ang nagtrabaho at wala itong hiniram sa kumpanya.

"Bukas ba ay mayroon na akong makikitang kopya ng proposal?" aniya pagkuwan.

"Sige, hihingi ako ng kopya kay Roger."

"Thank you." Tumayo na siya.

Paglabas niya ay wala na roon ang magkasintahan. Dumiretso siya sa opisina ng lolo niya. Doon siya naglalagi. Walang gumagamit niyon. Nakalaan kasi iyon para sa susunod na presidente ng Sta. Maria Group of Companies. Siya lang ang may hawak ng susi ng opisina na binigay pa ng lolo niya.

Nagpadala siya ng mensahe kay Kent at sinabing mag-report ito sa opisina ng lolo niya. Mabilis pa sa kidlat ang pagsulpot nito.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top