Chapter Fourteen

NAKAHIGA sa buhangin si Lola Amara habang suot ang mamahalin nitong sunglasses. Nilapitan ito ni Alexa at tinabihan. Palubog na ang araw kaya hindi na niya kailangang magsuot ng salamin.

"Gawain ko ito noong kabataan ko. Palagi akong tumatambay sa dalampasigan at pinapanood ang paglubog ng araw. Sa tuwing nalulungkot ako, makikita ko lang itong dalampasigan ay masaya na ako," kuwento nito.

"Dito po ba kayo lumaki sa Tagaytay?" usisa niya.

"Oo. Katunayan ay nakilala ko si Lucio sa resort."

"Wow! Paano po kayo nagkakilala?" Nasabik siyang makinig sa kuwento ng matanda.

"Mayroong resort ang mga magulang ko rito noon. Guest namin siya noon. Napakasuplado ng taong iyon. Marami siyang complain sa kuwarto maging sa pagkain. Ako ang manager ng resort noon kaya ako ang humarap sa kanya para ayusin ang complain niya. Pero kahit masungit siya, isang ngiti niya lang ay napapawi ang pagod at inis ko. Hanggang sa niligawan niya ako. Pero bago ko siya sinagot, nakipaghiwalay muna ako sa nobyo ko. Hindi ko alam noon na buntis ako sa ex ko. Inilihim ko iyon kay Lucio. Noong ikinasal na kami ay saka ko inamin sa kanya na hindi siya ang ama ng ipinagbubuntis ko. Nagalit siya sa akin pero kalaunan'y natanggap din niya si Roger na anak ko," kuwento nito.

Nawindang si Alexa. Napaupo siya bigla at hinarap ang matanda. "Ang ibig n'yo pong sabihin ay hindi anak ni Sir Lucio si Sir Roger?" kumpirma niya.

"Oo. Isa iyon sa palaging pinagtatalunan namin. Alam ko kahit tanggap ni Lucio si Roger ay hindi pa rin nito magawang ibigay ang patas na pagmamahal sa kanila ni Hector. Hindi ko naman siya masisi. Naawa ako noon kay Roger dahil palagi siyang nanlilimos ng atensiyon at pagmamahal kay Lucio. Kaya nagsikap siya at pinatunayan kay Lucio na karapat-dapat siyang maging anak. Alam ni Roger na anak ko siya sa labas, maging ni Hector. Pero sabi nga, iba pa rin ang lukso ng dugo," malungkot na kuwento nito.

Nababag ang damdamin niya sa natuklasan. "Ahm, alam po ba ito ni Franco at Gaizer?" aniya.

"Alam ni Gaizer pero hindi alam ni Franco. Ayaw kong ma-disappoint si Franco kaya wala akong ikinukuwento sa kanya tungkol doon. Mabait na bata si Franco at may malasakit. Ang gusto ko lang naman ay magkasundo ang mga apo ko."

Napalingon siya sa puwesto nila Aleng Lucy nang marinig niya ang tinig ni Gaizer. Naroon na ito at tumutulong sa pag-ihaw. Habang unti-unti niyang natutuklasan ang personal na buhay ni Gaizer ay tila unti-unti ring gumagaan ang loob niya rito. Gusto pa niya itong makilala nang lubusan nang matigil na ang bumabagabag sa kanya kaya siya naiinis dito.

"Meryenda na po!" anunsiyo ni Aleng Lucy.

"Pumunta ka na roon, hija. Magmeryenda ka na," udyok ng matanda.

Tumayo naman siya at lumapit sa ihawan. Nakaluklok si Gaizer sa inilatag niyang bandana habang kumakain ng hotdog. Natakam siya nang makita niya ang iniihaw na mais at binalatang manibang saging na saba. Hinakot naman ni Aleng Lucy ang ibang nalutong manok at hotdog. Dinala nito sa puwesto nito sa 'di kalayuan kung saan nakatambay si Kristel at nagmamasid sa alaga nito. Hindi na bumalik si Lolo Rick matapos silang tulungang mag-ayos ng ihawan.

Kinuha niya ang natitirang hotdog sa grill. Pinahiran niya ito ng ketchup. Tinawag niya si Aleng Lucy na hindi pa nakakalayo.

"Ate Lucy, pahingi ng mais, ah!" aniya.

Huminto ang ale. "Naku, kay Gaizer 'yan!" sabi nito saka nagpatuloy sa paglalakad.

Hindi siya nakakibo. Tiningnan niya si Gaizer. Naubos na nito ang kinakain. Gumuhit ito sa buhangin gamit ang barbecue stick ng imahe ng babae. Nahihiya siyang abalahin ito para humingi ng mais. Amoy pa lang kasi nito ay naglalaway na siya.

Inihaw na mais ang isa sa dahilan kung bakit na-in love siya kay Rendel. First time niyang nakatikin niyon noon. Palagi siyang binibigyan ni Rendel ng inihaw na mais na pinahiran ng butter. Nakita niyang umapoy ang uling. Nangangati ang kamay niya na galawin ang inihaw na mais.

"Nasusunog na ang mais mo!" hindi natimping sabi niya sa binata.

Tumayo naman si Gaizer saka nilapitan ang iniihaw. Binaliktad nito ang dalawang mais na tinuhog at isang stick na saging.

"Maluluto na ito. Gusto mo ba?" sabi nito.

Kinilig siya sa tuwa. "Baka para kay Lola ang isa," aniya.

"Sa palagay mo kaya pang kumagat ng mais ang ngipin ni Lola? Huwag kang magpatawa," sarkastikong sabi nito.

Lumabi siya. "Baka kulang pa sa iyo 'yan."

Hinarap siya nito. Hawak nito ang nalutong mais saka pinahiran ng butter. "Isang tao lang ang magbibigay sa iyo ng ganitong pagkain. Tandaan mo. Ako lang ang matiyagang mag-ihaw nito para sa iyo. Heto, kainin mo na habang mainit pa," wika nito.

Natigilan siya. Pamilyar sa kanya ang linyang iyon. Kinuha niya ang mais saka unti-unting kinain. Naalala na niya. Noong binigyan siya ni Rendel ng mais na binalot ng bond paper ay may nakasulat.

Isang tao lang ang magbibigay sa iyo ng ganitong pagkain, ako lang. Tandaan mo. Ako lang ang matiyagang mag-ihaw nito para sa 'yo. Kainin mo habang mainit. Siguradong hindi mo ako malilimutan.

Your knight

Nalala niya ang nakasulat. Naguguluhan siya. Parehong-pareho iyon sa sinabi ni Gaizer.

"Masarap ba?" pagkuwa'y tanong ni Gaizer.

Ibinalik niya ang tingin dito. Kumakain na rin ito ng mais. Hinango nito ang inihaw na saging. Lumuklok siya sa nakalatag na bandana. Naramdaman niya itong umupo sa tabi niya. Nakihati pa ito sa bandana. Halos magdikit ang mga balat nito sa kaniya. Saka lang niya pinansin na hubad-baro ito at tanging itim na boxer ang suot pan-ibaba. Nakaharap sila sa papalubog na araw.

"Dito ako tumatambay noon sa tuwing gusto kong mapag-isa. Nagdadala ako ng mais saka iniihaw. Ito lang ang tanging lugar na nagpapakalma sa akin sa tuwing stress ako sa pamilya ko," seryosong kuwento ni Gaizer.

Sinipat niya ito. Malayo ang tingin nito.

"Hindi ka ba masaya sa pamilya mo?" usisa niya.

"Paano ako magiging masaya? Namulat ako sa pamilyang walang pagmamahal. Puro away ang naririnig ko umaga at gabi. Ni minsan ay hindi ko nakitang naglalambingan ang parents ko. Hindi ko naranasang magdiwang ng birthday na kompleto kaming tatlo. Hanggang sa nagdesisyon ang parents ko na maghiwalay. Tumira ako sa lolo ko dahil akala ko magiging masaya ako. Pero hindi pala sapat. Sinanay niya ako sa materyal na bagay at pera. Iba pa rin ang magulang na nagmamahalan," anito.

"Kumusta ang mommy mo?" tanong niya.

"She passed away two years ago. Hindi niya ako nahintay. Matagal niyang inilihim sa akin na malala na ang liver cancer niya. Ang akala ko ordinaryong sakit lang. Hindi niya ipinakita sa akin na mahina na siya. Nagalit ako sa sarili ko dahil napabayaan ko siya," malungkot na kuwento nito.

Pakiramdam ni Alexa ay may matutulis na bagay na tumutusok sa puso niya. Hindi niya pinalagpas ang nakita niyang luha na naglalandas sa pisngi ng binata. Natukso siyang pahirin iyon ng kanyang kamay. Kumislot siya nang hawakan nito ang kamay niyang iyon. Matamang tinitigan siya nito.

"Alam kong nararamdaman mo ang sakit na naramdaman ko pero hindi mo kailangang pahirin ang luha ko. Ngayon ka lang ba nakakita ng lalaking lumuluha?" wika nito.

Binawi niya ang kanyang kamay na hawak nito. "Hindi mo bagay umiyak," sabi niya.

"Ang tunay na lalaki, marunong maglabas ng tunay na damdamin. Huwag mo akong kaawaan. Hindi ako magiging matapang kung hindi ako dumaan sa kahinaan."

"Nakikilala na kita, Gaizer. Alam ko ring hindi mo kailangan ng awa."

"Pagmamahal ang kailangan ko," walang abog nitong sabi.

"Walang magmamahal sa iyo kung ikaw mismo hindi kayang magmahal at magparaya."

"Sa palagay mo ba kaya akong palambutin ng pagmamahal na sinasabi mo?"

Matamang tinitigan niya ito. "Subukan mong buksan ang puso mo. Magpatawad ka at tanggapin ang kamalian mo."

Ngumisi ito. "Ang dami ko nang sinayang na panahon para magawa ang sinasabi mo pero palagi akong bigo. Lahat ginawa ko para makuha ang bagay na gusto ko. Pero lahat ng gusto kong makuha ay pilit ipinagkakait sa akin. Ang akala kong para sa akin, sa iba napupunta."

Nilinis niya ang kanyang lalamunan. Habang nakatitig siya sa mapungay na mga mata ng binata ay hindi niya namamalayan ang unti-unting paglapit ng mukha nito sa mukha niya. Para siyang inuutusang tanggapin ito na walang pag-aalinlangan. Nang tuluyang maglapit ang mga labi nito sa kanyang bibig ay tuluyan siyang narahuyo. Sinalubong niya ang mainit nitong halik at tinugon nang patas na alab.

Ang halikang iyon ay unti-unting nagiging marubrob ngunit isang tinig ang pumutol sa lahat.

"Apo! Naluto na ba ang saging ko?" tinig ni Lola Amara.

Mabilis silang naghiwalay. Panabay nilang nilingon ang matanda na nakaupo sa wheel chair habang tulak-tulak ni Kristel. Tumayo naman si Gaizer at kinuha ang inihaw na saging. Sinalubong nito ang matanda saka binigay rito ang saging.

"Maligo na kayo. Ako'y uuwi na't iinom ng gamot. Maiwan ko na kayo rito," sabi ni Lola Amara.

"Sige po, Lola," ani Gaizer.

Iniwan na sila ng mga ito. Sumabay na rin si Aleng Lucy sa matanda. "Kayo na ang magligpit ng gamit, ha?" ani Aleng Lucy.

"Akong bahala," si Gaizer.

Biglang tumahimik nang magsialisan ang mga kasama nila. Nang maubos ni Alexa ang kinakain ay naglakad siya at lumusong sa tubig. Sinimulan niyang lumangoy. Tumigil siya sa bahagi na hanggang dibdib ang tubig. Nakita niya si Gaizer na nakatayo sa pampang at pinapanood siya.

"Alexa! Kailangan ko pala ng hard copy ng ginawa mong floor plan ng ballroom para sa clubhouse!" sabi nito at nakasigaw.

Maalon na kaya maingay. "Hindi ko pa natatapos! Bukas na!" pasigaw rin niyang sagot.

Hindi na sumagot si Gaizer. Lalangoy na sana siya pero bigla siyang inanod ng malaking alon. Namulikat ang kaliwang binti niya!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top