Chapter Four

HINDI na hinintay ni Alexa si Franco. Hindi ito sumasagot sa tawag niya. Baka busy ang binata. Sumakay na lamang siya ng taxi pauwi. Pangalawang beses na iyon na hindi siya naihatid ni Franco sa bahay nila. Kung tutuusin, mas busy si Franco noong unang buwan na nagkakilala sila pero hindi ito pumapalya sa paghatid sa kanya. Wala rin itong absent sa hapunan at tanghalian.

Kahit siguro tuluyang tumabang sa kanya si Franco ay wala siyang karapatang magtampo dahil wala naman talaga silang naipundar na relasyon. Wala siyang investment sa kasunduang iyon kundi ang napakabilis niyang pagpayag. Pero apektado pa rin siya dahil aminado siyang napapalapit na siya sa binata. Natuto lang siyang mag-kontrol ng damdamin.

Pasado alas-otso na ng gabi siya nakarating sa bahay nila. Tulog na ang mama niya. Ang papa naman niya ay isang linggo na sa Batangas dahil sa project nito. Tahimik ang kabahayan. Nadatnan niya sa kusina si Aleng Magda.

"Salamat at dumating ka na, Alexa. Pinainit ko ang ulam. Maagang nakatulog ang mama mo," bungad nito sa kanya.

"Salamat po. Nagugutom na rin po kasi ako," aniya.

"Malamang hindi na naman kayo nakapag-dinner ni Franco, ano?"

Tumango siya. Pagkuwa'y umupo siya sa harap ng hapag-kainan. "Busy po kasi siya," aniya pagkuwan.

"Ewan ko ba bakit ka pa pumayag sa kasunduan ng papa mo at ng boss niya. Okay sana kung mahal ka ni Franco. Ang masama niyan, kung kailan ikinasal na kayo ay saka malalaman mo na may mahal pala siyang iba. Walang silbi ang kasal kung hindi ninyo mahal ang isa't isa," palatak ng tiyahin niya.

Hindi siya nakakibo. Totoo naman ang sinabi nito. Paano nga naman ang magiging buhay niya sa ganoong set-up? Habang buhay na lang ba silang ganoon ni Franco? She has to think about her side, too, her happiness.

Pagkatapos ng hapunan ay nag-shower siya. May ilang minuto siyang nakatayo sa ilalim ng shower at hinahayaang mabasa ang kanyang katawan. Mamaya ay bigla na lang dumapo sa kukoti niya si Gaizer. Pilit niya itong binubura sa kanyang isipan ngunit patuloy siyang inuusig ng isang gabing namagitan sa kanila noon. Hindi niya akalain na maapektuhan pa rin siya ng alaalang iyon. Napakalakas ng impluwensiya ni Gaizer sa buhay niya.

Aminado siya na hindi naging sapat ang dalawang taon para mabalewala ang nangyari sa kanila. Noong gabing nagkrus muli ang landas nila, pakiramdam niya ay muling nabuhay ang anumang naramdaman niya noong nakasama niya ito.

Binalot lang niya ng roba ang hubad niyang katawan saka pinatuyo ng hair dryer ang kanyang buhok. Mamaya ay tumunog ang kanyang cellphone para sa tawag. Dinampot niya ito mula sa ibabaw ng kama. Nagulat siya nang makita ang numerong tumawag din sa kanya noon na inakala niyang si Franco. Nai-save niya ito at pinangalanang "stranger caller". Na-intriga kasi siya noon dahil kilala siya nito.

Pinindot niya ang answer key. "Hello?" aniya.

"Hi! How's your day?" tanong nito.

Noon lang niya napamilyar ang boses nito.

"May I know you, please?"

"Guess who? Hindi mo ba nahihimigan ang boses ko?" sabi nito.

Nahimigan niyang bumubungisngis ito. Nubuhay ang inis niya habang unti-unting nakikilala ang boses nito.

"Puwede ba huwag mo akong paglaruan? I'm a busy person and I'm tired!" asik niya.

Tumawa pa ang hudyo. "Relax, Alexa. It's me."

"Who?!"

"Si Gaizer 'to. I just want to confirm if you finally got home. Nakita kasi kita kanina sa labas ng kumpanya na may hinihintay. Naisip ko na isakay ka sa kotse ko pero nang balikan kita ay wala ka na. Plano ko sana na imbitahin kang mag-dinner. May lakad kasi ako bukas kaya baka hindi na natin mapag-usapan ang tungkol sa project," sabi nito.

Lalo siyang nairita. "Kung kailan ka na lang siguro may time. We can discuss the project during office hour. Kailangan ko rin kasing bisitahin ang Cavite project. Merong pinapabago sa akin ang engineer," aniya sa kalmadong tinig.

"Okay. Please save my number. Para naman hindi ako maging ekstranghero sa iyo. Then I'll call you if I'm free."

"Okay," tipid niyang sagot. Ibababa na sana niya ang cellphone.

"Nag-dinner ka na ba, Alexa?" pagkuwa'y tanong ni Gaizer.

Hindi kaagad siya nakasagot. Naalala niya bigla si Franco. Ni isang beses ay hindi siya tinanong ni Franco kung kumain na siya. Siya pa madalas ang nagpapaalala rito ng usapan nilang weekend dinner. Naisip niya. Ano ba ang karapatan niyang magtampo?

"Yes, nag-dinner na ako," pagkuwa'y sagot niya.

"Good. Sorry kung naisturbo kita. Magpahinga ka na. Have a sweet dreams. Good night!" sabi nito sa malamig na tinig.

Hindi siya sumagot. Pinutol na niya ang linya. Pero parang nag-e-echo pa rin sa tainga niya ang boses ng binata. She still heard his baritone voice.

Nawala ang antok ni Alexa matapos makausap si Gaizer. Wala siyang ibang dapat sisihin kung bakit siya nagkakaganoon kundi ang nakaraan nila ni Gaizer. Wala silang komunikasyon pagkatapos ng gabing iyon. Kahit nakikita niyang online sa social media ang binata ay hindi siya nag-abalang kalabitin ito sa messenger. Galit ang nararamdaman niya noon.

Balisa siya habang nakahiga sa kama. Gusto na niyang matulog dahil maaga pa siyang pupunta ng Cavite pero kahit anong gawin niya ay nanatiling gising ang kaniyang diwa. Hindi niya kayang iwaglit sa kanyang isipan si Gaizer. Napakalaking pagbabago sa pang-araw-araw niyang buhay ang pagdating ng binata.

"I WANT to see your latest designs for the ballroom, Alexa. The client wants a spacious ballroom for the clubhouse," wika ni Engr. Joselito Vergara.

Inilatag ni Alexa sa lamesa ang kanyang ballroom designs. Mayroon siyang dalawang sketch para sa nasabing project. Nasa opisina sila ng Villa Amia sa Bacoor, Cavite.

"Actually mas okay sa akin itong isa," sabi nito matapos mapili ang huli niyang design.

"Binago ko po ang design ng stage katulad ng suggestion n'yo," aniya.

"Good. So, it will be your last project here. Where's your next project?" anito pagkuwan.

"Next month po ay aasikasuhin namin ang project sa Tagaytay," aniya.

"Ano'ng project iyon?"

"Housing project din po pero walang townhouse. Isa siyang executive village. Ang lowest cost ng bahay ay about three million."

"Wow! Who's the owner?"

"Si Mr. Elmer Herera."

"Wala akong maalala na nabanggit ni Roger tungkol sa project na iyon."

Nahalata niya ang interest ni Engr. Vergara sa project. Alam nitong malaking project iyon.

"Direct silang lumapit sa Sta. Maria management. Dati kasing hawak ng yumaong si Engr. Hector Sta. Maria ang condominium ng mga Herera sa Makati, kaya siguro gusto na ang Sta. Maria pa rin ang hahawak sa project," sabi niya.

"Nice. Ibig-sabihin ay magkasama kayo ng fiance mong si Franco sa project na ito? Of course hindi kukuha ng ibang engineer ang mga Herera kung hindi ang mga Sta. Maria," wika nito.

Bumuntong-hininga siya. Si Gaizer na naman ang unang dumapo sa isip niya. "Tama po kayo na hindi magtitiwala sa ibang engineer si Mr. Herera. Pero hindi po si Franco ang may hawak sa project," aniya.

"Sino? Si Roger?" manghang untag nito.

"Hindi po. Si Gaizer Sta. Maria ang kasama ko sa project."

Nanlaki ang mga mata ng ginoo. "S-Si Gaizer na anak ni Hector?" anito.

"Opo. Mag-iisang buwan na siya sa kumpanya pero hindi siya naglalagi."

"Akala ko naman ay full-time na siya sa kumpanya ng mama niya sa Japan. Bago ako naging regular sa Sta. Maria construction ay nagkatrabaho kami ni Gaizer. Trainee pa lang siya noon. Nagdesisyon siya na iwan ang kumpanya dahil isasalba niya ang Real Estate na pag-aari din ng mama niya. Ang sabi niya wala naman daw siyang lugar sa Sta. Maria Group of Companies," kuwento nito.

"Baka po nagka-interes na rin siya sa kumpanya," komento niya.

"Dapat lang na pagka-interesan niya ang kumpanya dahil may karapatan siya," sabi nito.

Hindi na siya kumibo. Ayaw na niyang makialam sa isyu tungkol sa mga Sta. Maria. Isang buwan pa lang siya sa kumpanya ay marami na siyang naririnig na isyu tungkol sa mana. Marami ang nagtatanong kung sino ba talaga ang totoong tagapagmana ng naiwang ari-arian ng yumaong Sta. Maria. Hindi niya alam kung ano ang totoong kuwento.

Pagkatapos ng transaksiyon niya sa Cavite ay bumalik na siya sa kumpanya. Doon na siya kumain ng tanghalian. Wala pa rin si Franco. Hindi man lang ito tumawag sa kanya. Hindi rin siya nag-abalang kumustahin ito.

Pagkatapos ng tanghalian ay tumambay siya sa lobby. Inayos niya ang sketch niya na ipapakita kay Gaizer. Mamaya'y may umupo sa tabi niya. Sandali niyang tiningnan si Maggie, ang HR assistant ng kumpanya.

"Mabuti dumating ka na. Kanina ka pa hinahanap ni Sir Gaizer," sabi ni Maggie.

Ibinalik niya ang tingin sa babae.

"Bakit? Akala ko may lakad siya ngayon," aniya.

"Nakabalik na siya before lunch. Ang sabi niya sa akin, kapag nakita kita ay sabihin kong puntahan mo siya sa office niya," anito.

Paulit-ulit siyang bumuntong-hininga. Bigla siyang kinabahan.

"O, bakit parang hirap ka nang huminga riyan? Not ready to face him?" usig nito.

Umiling siya. Naikuwento kasi niya kay Maggie ang disappointment niya kay Gaizer.

"Nakaka-stress kasi siyang kausap. Sa lahat ng nakatrabaho kong engineer, siya lang ang nire-reject ang designs ko," aniya.

"Mas mataas lang siguro ang standard niya. Sanay kasi siya sa Japan. Alam mo namang mas creative ang mga hapon."

"Wala akong pakialam sa standard niya. Nasa Pinas siya kaya dapat siya ang mag-adjust," aniya sa mataas na tinig.

Nagtataka siya bakit biglang tumahimik si Maggie. Nagmamadali itong nagpaalam sa kanya.

"See you later, Alexa," sabi nito.

Nagtatakang sinusundan niya ito ng tingin habang papasok sa elevator.

"Bakit ako ang kailangang mag-adjust?" tanong ng pamilyar na boses ng lalaki mula sa likuran niya.

Hindi niya nakonrol ang pagtulin ng tibok ng kaniyang puso. Akmang lilingunin niya ang nagsalita pero natigilan siya nang may kamay na humaplos sa buhok niya-pababa sa kanyang likod. Pakiramdam niya'y may kuryenteng dumalantay sa mga ugat niya na naging dahilan upang lumakas pa ang tibok ng puso niya. Hindi niya mahagilap ang sagot sa tanong kung bakit siya nakakaramdam ng ganoon.

Mamaya ay may mainit na hanging bumubuga sa batok niya na nahantad dahil sa paghawi nito sa buhok niya. Nagtagis ang bagang niya nang parang hinahalukay ang dibdib niya dahil sa kakaibang sensasyong dulot ng mabango at mainit na hiningang iyon.

"How can I make you calm, baby? Do you need some fresh air or any cold drinks? Let's have a short meeting over snack outside," wika ng baritonong tinig ng lalaki. Sa tainga pa niya ito nagsalita.

"We should discuss the project here," aniya. Alam niyang si Gaizer ito.

Sumukip ang dibdib niya sa kanyang suot nang pisilin nito ang batok niya. Saka lamang bumaling sa harapan niya si Gaizer at umupo sa katapat niyang sofa. Nasa pagitan nila ang center table kung saan nakalatag ang sketch niya. Isa-isa nitong tiningnan ang mga iyon.

"In fairness, you are improving. Who's motivating you?" anito saka itinutok ang paningin sa kanya.

Sinalubong niya ang malagkit nitong titig. "I just love my job, and I need to explore to create more beautiful designs. Lahat naman ng babaeng malapit nang ikasal ay nagiging inspired sa lahat ng bagay," aniya.

"You're right. All women on the list are like that but not you, Alexa. Franco did not inspire you. It's too evident that no love involves in your relationship. Sino ang babaeng matutuwa sa pagpapakasal sa lalaking walang pakialam sa fiancee niya? Habang naghihintay ka sa kanya, busy naman siya sa ibang babae," sabi nito.

Nag-init bigla ang ulo niya. "You're talking nonsense! Ano'ng alam mo sa relasyon namin ni Franco? Ni hindi mo alam kung paano kami nagkakilala o kung ano ang naging pundasyon namin," buwelta niya sa kontroladong tinig.

Mabuti na lang sila lang ang naroon sa lobby.

Ngumisi ang binata. "Wala akong alam o wala akong ideya dahil talaga namang wala akong nakikitang matatag na pundasyon sa pagitan ninyo. Hindi sapat na dahilan ang pagiging tahimik ni Franco para masabing walang makaaalam sa relasyon ninyo. I know my cousin more than you know. Halos sabay kaming lumaki."

"Ano ba ang ipinaglalaban mo? We're just connected because of our job. Hindi mo obligasyong guluhin ang love life namin ni Franco!"

"The word 'Gulo'. Where did you get that idea? And for your information, I have the rights to this company, and I'm soon to be the owner. May karapatan akong alamin ang nangyayari sa loob at labas ng kumpanya maging sa mga taong nagpapagalaw nito."

Hindi nakakibo si Alexa. Bago pa niya makalimutan ang mga sinabi nito ay pinapili na niya ito sa mga designs na inilatag niya.

"Choose the one before I finalize the mother plan," aniya pagkuwan.

Nakatitig lang sa kanya ang binata. Pilit niyang iniiwasan ang titig nito.

"Nagbago ka na, Alexa," mamaya ay sabi ni Gaizer, ayaw patinag.

Natigagal si Alexa. Awtomatikong napako ang paningin niya sa seryosong mukha ng binata. Ano'ng ibig nitong sabihin?

"Epekto pa rin ba 'yan ng ginawa sa iyo ni Rendel? You changed almost half of your human nature. From physical to behavior, you changed," seryosong wika nito.

Nagtataka siya sa pananalita nito na parang alam nito lahat sa kanya.

"May karapatan akong baguhin ang sarili ko dahil kung hindi ay magmumukha akong kawawa. You don't even know me all about so you can say anything against me," aniya.

"That's what you think. Hindi lahat ng taong hindi mo nakilala nang personal ay wala nang alam tungkol sa iyo."

Natawa siya. "Hindi ako celebrity para maraming makakikilala sa akin. Kahit nga mga artista walang real identity sa screen. They hide it," aniya.

"Alam ko. Kaya nga mas madaling makilala ang ordinaryong tao. Walang imposible kung gugustuhin mong makilala ang isang tao."

"Stalker lang ang makakagawa niyon. Mga taong nagsasayang ng panahon para mag-stalk sa buhay nang may buhay."

"Stalking is not wasting time. It's an effort to take others' attention and gather information."

"Like a criminal?"

"Stalking is not a crime. It's part of serious desire to a person," wika nito.

"You're obsessed."

Pilyong ngumiti ang binata. "You're right, and I'm obsessed sometimes with so many things that I love the most. Lahat ng bagay na gusto kong makuha ay kailangan kong makuha. Hindi puwedeng hindi," sabi nito sa matigas na tinig.

Ibinalik niya ang tingin sa sketch. "Make a choice, please. Marami pa akong gagawin," aniya, pilit pinuputol ang ibang paksa nila.

"Gusto ko silang lahat. Magagamit natin sila sa project," sabi nito.

"Salamat kung gano'n." Nang ibalik niya ang tingin dito ay natigilan siya nang masaksihan ang hindi maipaliwanag na emosyong nababasa niya sa mga mata nito.

"I'm thankful to work with you, Alexa. Kahit ayaw mo nang pag-usapan, gusto ko pa ring banggitin ang nangyari noon. Sorry," seryosong pahayag nito.

Hindi maintindihan ni Alexa ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Hindi niya mahagilap ang galit sa puso niya para kay Gaizer. Naghahangad siya ng paliwanag mula rito. Naramdaman niya ang mainit nitong kamay na dumampi sa kamay niya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top