Chapter Eighteen
ALAS OTSO na ng umaga nagising si Alexa. Mag-uumaga na kasing natapos ang paghahanda niya sa mga lulutuin. Sinamahan siya ni Gaizer sa kusina hanggang matapos siya. Nagluto pa sila ng yema balls. Request iyon ng binata. Paborito raw iyon ng lolo nito.
Pagkatapos maligo ay dumeretso siya sa kusina. Nagsisimula nang magluto si Aleng Lucy ng mga putahe para sa birthday ni Lola Amara. Wala siyang ideya kung paano ipinagdidiwang ang kaarawan ng matanda. Hindi rin niya alam kung sinu-sino ang mga bisita dahil nagdagdag ng putahe ang ale.
Pagkagising niya nang umaga pagsilip niya sa bintana ay nakita niyang nag-aayos ang mga trabahador sa hardin sa likod ng mansiyon. Nagtatayo ng tulda at nag-aayos ng mga lamesa ang iba sa mga ito.
"May mga bisita ba si Lola, Aleng Lucy?" tanong niya sa ginang.
"Ah, oo. Bigla kasing tumawag si Sir Roger at sinabi na darating sila mamayang gabi kasama si Ma'am Armera. Darating din daw ang mga kaibigan ni Lola Amara at dating kiyente ni Sir Lucio. Kaya nagdesisyon si Lola Amara na formal party ang gagawin. Nagpabili pa siya ng maraming alak dahil gagawa si Gaizer ng cocktail. Mamaya darating ang makakatuwang ko sa pagluluto. Nagpakatay nga ng baka si Lola Amara para lilitsonin."
"Talaga?" Bigla siyang kinabahan. Darating ang mga magulang ni Franco.
"Sosyal si Lola Amara sa tuwing birthday niya na maraming bisita. Gusto niya naka-formal dress lahat," sabi nito.
"Naku, wala pa naman akong dalang dress."
"Humiram ka na lang kay Lola Amara. Marami siyang tinagong magagarang damit. Pinahiram nga niya ako. Nag-hire pa siya ng banda para sa party mamaya."
Kinakabahan siya na nasasabik. Hapunan gaganapin ang party pero nagsimula na silang magluto. Dumami kasi ang putahe.
Ginawa na niya ang fruit salad para mapalamig. Sa hapon na niya lulutuin ang palabok at white spaghetti. Dumating na rin ang dalawang babae na assistant ni Aleng Lucy sa pagluluto.
Pagsapit ng tanghalian ay dumating si Gaizer mula palengke. Ito ang namili ng mga dagdag na sangkap sa mga lulutuin. Ang isang malaking kahon na dala nito ay puro alak ang laman. Marami itong biniling prutas na gagamitin nito sa cocktail.
Naki-share ito sa round table na ginagamit niya. Maluwag ang kusina kaya ibinukod niya ang kanyang puwesto para hindi nakaaabala sa mga nagluluto ng maraming putahe. Ibinuhod naman ni Gaizer sa serving tray ang mga prutas.
"Ang dami naman niyan," aniya.
"Siyempre, maraming big time na bisita si Lola. Guess who will come tonight?" wika nito.
"Mga kaibigan ni Lola Amara."
"Yes. At siyempre darating ang soon to be parents in law mo."
"Mabuti kung gano'n. Para naman maging masaya si Lola Amara."
"E ikaw, masaya ka bang darating sila?" usig nito.
"Oo naman. Wala akong problema sa parents ng mapapangasawa ko. Mabait sila sa akin."
"Dapat lang na magpakabait sila dahil malaki ang pakinabang nila sa 'yo."
Natigilan siya. Matamang tinitigan niya ang binata. "Ano'ng pakinabang na sinasabi mo?" maang niya.
"Kasi kapag ikinasal si Franco, awtomatikong makukuha ni Franco ang Sta. Maria Group of Companies, at ang parents niya ang unang makikinabang doon," anito.
"So okay lang sa 'yo na ganoon ang mangyayari?" Gusto niya itong usigin nang malaman niya kung gaano kainit ang agawan ng mana ng mga Sta. Maria.
"Uuwi ba ako rito kung hahayaan kong sila ang makinabang sa kumpanya?" wika nito.
"Hindi ba may mana ka rin sa mother side mo?" usisa niya.
"Yes but it's not enough. Real estate rin iyon sa Japan. Ang kaso, naisanla ko ang rights ng kumpanya sa business partner ni Mommy para maipagamot ang sakit niya. Akala ko gumaling na siya kaya umuwi ako rito para naman tapusin ang pag-aaral ko. Pero mas lalong lumala ang sakit niya. Hindi na natubos ang naisanlang kumpanya dahil nadagdagan ang gastusin at sa huli, namatay rin si Mommy. Hindi ko alam na noong narito ako ay lumala ang sakit niya. Pinaniwala niya ako na magaling na siya. Hanggang sa tinawagan ako ng kapatid niya at sinabing nasa ospital ulit si Mommy. Pagdating ko, kamamatay lang niya," seryosong kuwento nito.
"Hindi ba nag-asawa siya ulit? Nasaan ang stepfather mo?" tanong niya.
"Hiniwalayan siya ni Mommy dahil sinasaktan siya. Hindi sila nagkaanak. Mag-isang tinaguyod ni Mommy ang kumpanya. Kaya pinipilit niya ako noon na umuwi sa kanya para tulungan siya. Hindi pumayag si Lolo na doon ako magpatuloy ng pag-aaral. Kaya dito ako nagtapos ng college. Umuwi lang ako kay Mommy noong nalaman ko na nagkakasakit siya. Hindi ako nagpaalam kay Lolo kaya nagtampo siya sa akin. Hindi ko alam na may sakit din siya noon. Nabalitaan ko na lang na namatay siya. Two years after namantay si Lolo ay namatay rin si Daddy sa isang car accident."
"Pagkatapos ay hindi ka nag-stay rito? O sa Japan ka lang?" Interesado na siyang makinig sa kuwento ni Gaizer, to know his past life.
"Umuwi ako rito noon at sinubukang gampanan ang iniwang trabaho ni Daddy pero hindi ako naging komportable dahil si Tito Roger ang nasusunod sa kumpanya. Umalis ako at nagtrabaho sa ibang kumpanya. Nagbingi-bingihan ako sa mga tawag ng mommy ko. And one year after namatay si Daddy ay namatay si Mommy. Saka lang ako bumalik ng Japan para asikasuhin ang naiwang ari-arian niya. At sa huli, tanging bahay at maliit na lupain lang niya sa Osaka ang natira at konting pera sa banko. Mabuti mabait ang napagsanlaan ng kumpanya, ibinigay niya sa akin ang share ni Mommy. Hanggang ngayon ay napapakinabangan ko," patuloy ng kuwento nito.
Tatangu-tango lang siya. Malinaw na sa kanya kung ano ang nangyari sa buhay ni Gaizer. Naisip niya na maswerte pa rin si Franco dahil tuluy-tuloy ang blessing nito sa buhay. Noon lang lubusang nakuha ni Gaizer ang simpatiya niya. Base na rin sa naikuwento ni Lola Amara tungkol sa nakaraan nito.
Kung tutuusin, si Gaizer ang higit na may karapatang magmana ng negosyo ng lolo nito dahil ito ang tunay na apo at kadugo. Si Roger ay hindi tunay na Sta. Maria dahil anak ito sa labas ni Lola Amara. Ginamit lang nito ang apilyedo ng Sta. Maria. Pero kung malasakit sa kumpanya ang pagbabasehan, malaki rin ang karapatan ni Roger dahil ito ang sumalo sa lahat na problemang iniwan ng mga yumaong Sta. Maria sa kumpanya.
Si Gaizer dapat pala ang nag-iisang tagapagmana kung hindi inako ni Ginoong Lucio Sta. Maria ang anak sa labas ni Lola Amara. Hindi rin niya masisi si Gaizer kung igagapang nito hanggang hukay ang karapatan dahil alam nito ang katotohanan.
"Magulo ang pamilya namin, Alexa. Kung ipipilit mong pakasalan si Franco, kasapi ka na ng pamilya at papasanin mo rin ang bigat ng problema. Kaya hindi kita maintindihan kung bakit narito ka at nagtitiyaga. Alam mo naman pala sa sarili mo na kayang bayaran ng sweldo ng papa mo ang utang niya. Wala kang tatanawing utang na loob. Unless kung talagang patay na patay ka kay Franco, tipong handa kang magpaka-martir sa kanya. But I think you're not that kind of woman. That's why you're cheating," pagkuwa'y sabi ni Gaizer. Pilyo ang ngiti nito
Napakunot ang noo niya dahil sa huling sinabi nito. Sa inis niya'y naisundot niya sa tagiliran nito ang hawak niyang spatula. Binato siya nito ng mahayap na tingin habang nagsasalubong ang makakapal na kilay.
"What's wrong?" tanong pa nito.
"Hindi lang tayo ang tao rito," pabulong niyang sabi.
"I know. So are you afraid?" He grinned. "Masyadong obvious na may ginagawa kang kalokohan."
Nagtagis ang bagang niya. "Ikaw ang nagsimula nito," aniya.
"And you accepted me," giit nito. "Come on, huwag na tayong umarte na parang nasa teleserye. It's a real life, and I'm happy and proud. Hindi big issue sa mga tao ang lalaking kabet. Bakit ka ba natatakot? Hindi ka pa naman kasal, eh," wika nito sa mahinang tinig.
Magagalit siya kay Gaizer maging sa sarili niya kung totoong lumalabas itong kabet. Wala siyang ibang pinanghahawakan sa relasyon nila ni Franco kundi isang kasunduan. Kahit pumayag si Franco sa kasal, alam niya na hindi iyon magtatagal. Malinaw ang divorce na bukam-bibig nito sa tuwing napag-uusapan nila ang tungkol sa kasal. Pinangunahan na siya kaya ngayong natauhan siya ay hindi na siya natatakot palayain ang hinaing ng kaniyang puso.
Noong madaling araw bago siya natulog ay sinubukan niyang tawagan si Franco pero babae ang sumagot na tila kagigising lang. Naalimpungatan ata si Franco dahil nadulas ang dila.
"Babe, akin na ang cellphone ko."
"Alexa ang tumatawag."
"Shit!" Biglang naputol ang linya.
Ilan lamang iyon sa narinig niya sa kabilang linya. Doon siya lubusang naniwala kay Gaizer na hindi magseseryoso sa kanya si Franco dahil may ibang babae sa buhay nito. Nang naman nagising naman siya noong umaga ay nabasa niya ang mga mensahe ni Franco.
Kinukumusta siya at nagpaliwanag tungkol sa babaeng sumagot sa tawag niya. Lasing daw ito noong tumawag siya at nagising na may katabing babae. Naalimpungatan lang daw ito. She accepted the fact but didn't have reasons to be affected. It's no sense anymore.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top