/27/ If only this was a dream
The hardest days for me were the days after we buried Ben.
Sa gabi ay natutulog si Abi sa aking tabi, malaki naman ang aking kama para sa aming dalawa. Si Rex naman ay nagkukulong sa unit ni Ben. Hindi siya nakikipag-usap sa amin noong unang tatlong araw pagkatapos ng libing, ngunit sa ikaapat na araw, bumigay na ito at magkasama kaming humagulgol at nag-iyakan.
Kahit nakauwi sa na Manila ang aking mga magulang, hindi ako iniwan nila Rex at Abi. Tinulungan nila akong mag-ayos ng mga gamit para sa aking pagbabalik sa Manila. Nag-resign na rin ako sa aking trabaho, at pinilit kong mag-render ng mga remaining work days ko kahit na mahirap sa kalooban.
"Kailan ang alis mo?" Tanong ni Abi sa akin pagkatapos naming kumain ng hapunan.
"Sa Linggo," tugon ko.
"Bukas na ang flight namin ni Rex. Mag-iingat ka," paalala niya sabay yakap sa akin.
"Kayo rin. Magkikita pa ulit tayo sa Manila. Sana magka-baby na kayo ni Rex," ngiti ko.
May kumatok sa labas. Agad tumayo si Abi at binuksan ito.
Agad pumasok si Rex at sinabing, "May iniwan na mga sulat si Ben. Nakita ko sa kanyang desk. Isa sa akin, isa para kay Andie."
Inangat niya ang dalawang nakatuping bond paper. Lumapit si Rex at ibinigay niya ang sulat para sa akin. Totoo nga, nakasulat sa ibabaw ng papel ang aking pangalan
"Babasahin ko na, kahit andito kayo. Baka humagulgol ulit ako," pinilit kong ngumiti.
Binukadkad ko na ang papel, at ito ang nakalagay. Sinulat pala niya ito isang araw bago siya pumanaw:
Andie,
Naisipan kitang gawan ng sulat dahil gusto ko lang. Madaling-araw ngayong Lunes at di ako makatulog. Kaya kakausapin na lang kita dito.
Naalala ko noong totoong nagkakilala na tayo sa records store. Inaamin ko, sobra ang pagkamuhi ko sa iyo. Una, mayaman ka. Pangalawa, nakita kita sa disco dati na mukhang di gagawa nang mabuti, dahil para kang isang babae na puro pagpa-party ang inaatupag. Nakaka-turn off ang mga spoiled brats na kagaya mo.
Sabi ko, kahit kailan ay di kita magugustuhan. Kahit asarin pa ako ni Rex nang ilang ulit. Pero nang nakakausap na kita at unti-unting nakikilala, nakita ko na determinado kang matuto na at maging seryoso sa buhay.
Hindi ko malilimutan nang niligtas mo ang buong Luxe Records at nagkaroon tayo ng extra supply ng mga albums ni Julie Vega. Lalo na noong kinanta mo ang awitin niyang "First Love". Mukhang doon na yata nagsimula ang pagkakaroon ko ng matinding tama sa iyo.
Ayan tuloy, may tape din ako ng album ni Julie at dinala ko dito sa Cebu. Minsan nakikinig ako nito sa Walkman ko kapag iniisip kita sa gabi na hindi ako dinadalaw ng antok.
Alam mo, di ako nagsisisi na ibigin ka. Sa gitna ng aking masalimuot na buhay, ikaw ay isang magandang regalo. At natutuwa ako na iniibig mo rin pala ako.
Kung ano man ang mangyari, sana magpatuloy ka sa iyong buhay. Nararamdaman ko na babalikan ako ng lahat ng aking ginawa noong miyembro pa ako ng sindikato. Sana praning lang ako.
Ito ang birthday wish na hindi ko sinabi sa iyo. Sana patawarin din ako ng Diyos sa lahat ng aking mga nagawang kasalanan. Pinili ko lang ang dati kong pamumuhay para makaraos. Sana nagkakilala tayo sa mas normal na paraan. Siguro, kung may susunod na buhay para sa atin, ikaw pa rin ang pipiliin kong makasama.
Pero kahit ano man, kung kasama mo ako o wala na sa iyong tabi, sana mabuhay ka nang maayos.
Kung magbunga man ang ating ginawa at wala na ako sa iyong tabi, alagaan mo iyan. At papayagan din kitang umibig sa ibang lalaki, basta dapat mahal ka niya gaya ng pagmamahal ko sa iyo. Para magkaroon man ng ama ang magiging anak natin. Sana mahalin din niya ang bata sa sinapupunan mo. Ngayon pa lang mahal ko na ang magiging anak ko sa iyo, kahit nasa isip ko lang ito.
Huwag mong kalimutan na minsan ay nagkakilala at nagka-ibigan tayo.
Ikaw lang ang aking mamahalin at babaunin ko ito kahit wala na ako sa mundo. Huwag kang umiyak masyado kapag nangyari iyon, ayoko na pumangit ka sa kakaiyak.
Gihigugma ko tika,
Benjamin
Natulala ako pagkatapos basahin ang liham. Hindi ko na mapigilang lumuha.
"Alam mo sabi ni Ben sa liham ko?" Panimula ni Rex. "Sabi kung mawala siya, sa akin na lang yung iba niyang damit. Tapos iyong relos na regalo mo raw, Andie, pakibigay sa tatay niya. Yung unit niya sa kabila, paupahan na lang sa iba. May cassette tape din siya ni Julie Vega at yung Walkman, sa iyo raw iyon."
Humikbi si Rex at ibinaon ang kanyang mukha sa kanyang mga palad. Hinaplos ni Abi ang kanyang mga balikat at sumunod na rin kami sa kanyang pag-iyak.
"Sabi ni Ben, huwag ako masyadong iiyak, papangit daw ako. Pero paano iyan, mukhang araw-araw na akong iiyak?" Hikbi ko.
"Kahit ako nagagaya na sa iyo, Andie," singhot ni Rex.
"Mabuti pa, kumain muna tayo. Magpapa-deliver ako ng pizza," suhestiyon ni Abi.
Ganoon na nga ang ginawa niya. Naghapunan kami ng pizza at isang bote ng red wine na nakita namin sa unit ni Ben. Pinag-usapan namin ang masasayang alaala na kasama siya. Hinayaan ko lang sila Rex at Abi na uminom ng alak. Tumanggi ako sa alak dahil kailangan kong uminom ng tubig pagkatapos kong umiyak.
Mas maraming kinuwento si Rex, dahil magkasama silang lumaki sa grupo ng mga sindikato hanggang sa makaalis na sila doon. Nalaman kong wala naman silang napatay, yung mga bossing nila ang gumagawa noon. Pero marunong magkalikot ng mga locks sila Ben at Rex. Expert scammers at robbers din sila, bukod sa pagkakaroon ng kakayahan sa boxing.
"Salamat tinukso mo kami nang tinukso," napangiti na ako.
"In denial lang si Ben Tisoy noong una. Pero noong unang araw mo pa lang sa Luxuriant, halata na gusto ka na niya!" Natawa na rin si Rex. "May diyaryo nga sa apartment namin dati, andoon ang picture mo noong debut mo, at nakatitig lang siya doon hanggang sa nakatulog na siya, tapos iyon ang nasa tabi!"
"Laglalagan na ba ito? Rest in peace ah, Benjamin!" Tawa ni Abi.
"May kwento ka rin? Alam kong kayo iyong nag-iiba ng mga ayos ng records dati!" Ngisi ko sabay inom ng red wine.
"Kami nga iyon ni Rex!" Galak na wika ni Abi. "Buti na lang ginawa namin kahit galit na si Mina! Kung hindi, walang kikilos sa inyong dalawa! Nakikita ko kayong nagtatanghalian sa karinderya!"
"Medyo late lang kami nagkaaminan, pero sulit din na matagal ko rin siyang nakasama. At kung magkaanak man ako, invited kayo sa binyag ah! Ninong at ninang kayo!"
Natigilan sila Rex at Abi.
"May nangyari sa inyo?" Halos lumuwa na ang mga mata ni Rex sa pagkagulat.
"Sabi ko na nga ba, sila yung nag-honeymoon eh!" Sigaw ni Abi.
At sa unang pagkakataon mula nang mawala si Ben, napahagalpak kami sa kakatawa.
---
Umuwi na rin ako ng Maynila. Dala ko ang cassette tape at Walkman na bigay sa akin ni Ben. Ito ang pinapakinggan ko habang nasa flight pabalik.
Naikuwento ko sa aking mga magulang ang mga nangyari, pati na rin kay Ate Ranie. Tahimik lang silang nakinig at nagpapasalamat ako sa kanilang presensya.
Ngunit may mga gabi na dinadalaw ako ng matinding lungkot. Iniiyak ko na lang ito at paulit-ulit ko pinapakinggan ang cassette ni Julie Vega.
Sana nga panaginip lang ang lahat ng ito. Ngunit kailangan ko nang matutong mabuhay nang wala si Ben. Kailangan tanggapin ko na hindi na niya ako babalikan gaya noong una.
Mahirap, pero sa ngayon, tutuparin ko ang kahilingan ni Ben at ang pangako sa aking sarili na magpapatuloy ako sa aking buhay. Mabubuhay ako nang maayos kahit wala na siya.
Dumaan ang mga araw, at pahinga muna ako sa aming tahanan. Minsan kausap ko si Ate Ranie sa phone para kumustahin niya ako.
Nanghihinayang din siya na di man lang niya nakilala ang una kong nobyo.
"Ate, miss ko pa rin siya. Umiiyak nga ako sa gabi," kwento ko.
"Matututunan mo rin na magpatuloy sa buhay," ika niya.
"Sabi ko, ayoko magaya sa iyo. But look at me, this is way worse."
"Yung sa iyo, alam mo noong una na wala na siya. Yung sa akin, di ko alam kung namatay ba o buhay pa ang Kuya Bestre mo."
"Kung di siya bumalik, anong gagawin mo?" Tanong ko.
"Well, I will still live my life. Sorrow is something you learn to live with."
"Sabi nga, better to have loved and lost, than not to have loved at all." Natawa ako.
"Sabi ko sa iyo, kakayanin mo iyan eh," tawa ni Ate Ranie.
Natigilan ako nang maramdaman ko ang biglang pagkahilo. "Ate, alis na ako. Bye."
"Bye Andie. Take care."
Ibinaba ko na ang phone. Tumakbo ako diretso sa banyo at naduwal na ako sa toilet bowl.
Napaupo ako sa tiled floors at huminga nang malalim.
Dito ko naalala na di pa ako dinadatnan ng aking monthly period.
Pinilit kong kumalma at mag-isip ng susunod na gagawin. Huminahon muna ako, nagbihis, at palihim na lumabas para magpunta sa malapit na drugstore at bumili ng pregnancy test kit. Agad ko itong ginamit nang makabalik ako sa bahay.
The result showed two faint lines.
Positive.
Magkahalong kaba at kasiyahan ang nasa dibdib ko ngayon.
Pero paano ko ito haharapin sa edad na 22, na ako lang at namatay na ang ama ng aking dinadala?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top