Chapter 16
MICHELLE
Nakakapanibago.
Dalawang linggo matapos pumunta ni Edward kasama ang papa niya, lumipat siya sa bahay namin.
Bukod sa bago niyang sasakyan, ang dala niya lang ay dalawang suitcase.
Dahil sa ang set-up ng kuwarto ay para lang sa akin, kailangan kong alisin ang iba kong damit para bigyan siya ng sarili niyang space sa aparador.
Kung ang dresser ko dati ay puro make-up at pabango ko lang ang laman, ngayon meron ng aftershave at cologne niya.
Pati sa banyo, may lugar na rin para sa pang-ahit niya, deodorant at tuwalya.
Ganito ang set-up namin noong una kaming magsama at dapat hindi ako manibago dahil ganito naman kami dati pero iba ang pakiramdam ko.
Hindi na ako sanay na kasama siya.
Parang kinikilala namin ulit ang isa't-isa.
Mahigit dalawang taon na hindi ko siya kasama.
Nasanay na ako na mag-isa.
Kung dati ay sa gitna ng kama ako natutulog, ngayon nasa kaliwa ko siya.
Nung unang gabi na kasama ko siya sa kuwarto, may unan sa gitna naming dalawa.
Nakatalikod siya at nakatulog na dahil pagod galing sa trabaho.
Ako naman, hindi dalawin ng antok.
Malakas din kasi ang paghihilik ni Edward.
Bukod dun, wala sa kanya ang isip ko kundi kay Carmen.
Kinakastigo ko ang utak ko sa pag-iisip ng mga nangyari sa amin.
Bakit ganun?
Kahit alam ko na hindi kami pwede, siya ang laman ng isip ko.
Nang iwanan niya ako sa coffee shop, nakatingin sa akin ang ibang customers na akala mo alam nila kung ano ang pinag-usapan namin.
Akala siguro nila, nagbreak kami.
Kita ko sa mga mata nila ang magkahalong awa at pagtataka.
Bumalik ako sa opisina na wala sa sarili.
Pinilit ko ang sarili ko na tapusin ang mga deadlines pero wala akong nakitang comfort sa mga numbers.
Ang totoo, naiinis ako sa mga figures na nakikita ko sa spreadsheet.
Pula ang tingin ko sa mga ito kahit itim naman.
Kung hindi pa nagsalita ang kasama ko sa trabaho at biniro ako na parang may galit sa lapis dahil sa higpit ng pagkakahawak ko dito, hindi pa ako matatauhan.
Ilang ulit kong tinanong ang sarili ko kung bakit pinipilit kong kunin ang isang bagay na hindi naman pwede pero wala akong mahanap na sagot.
Isa pa, di ba sinabi ko na gusto kong magkabalikan kami ni Edward?
Ngayong natupad na, bakit hindi pa din ako masaya?
Ayaw ko ba na nakikitang natutuwa si Zac kapag umuuwi kami at nasa bahay ang daddy niya?
Kung gusto kong mabuo ang pamilya namin, bakit nag-iisip ako ng bagay na sisira dito?
May asawa akong tao.
Matagal kong hiniling na mabuo kami ulit.
Kung mahalaga sa akin si Zac, kapakanan niya ang dapat kong unahin.
Kinuha ko ang phone na nakapatong sa nightstand at wala sa loob na inopen ang mga photos.
Ang unang lumabas ay ang picture naming tatlo.
Wacky ang pose ni Zac dahil mukha siyang isda.
Dahil kalahati lang ng katawan namin ang nasa frame, hindi kita sa camera na magkahawak ang kamay namin ni Carmen.
Tinapat ko ang daliri ko sa trash icon.
Isang hapon, nagulat na lang ako ng paglabas ko sa opisina, nakita kong nakatayo si Edward at Zac at naghihintay sa akin.
"Mommy." Patakbong yumakap sa akin si Zac tapos humalik sa pisngi ko.
"Anong ginagawa niyo dito?" Nakatingin ako kay Edward.
"He wants to watch a movie so I thought we'd pick you up so we can all go together."
"Sana nagtext ka kasi maaga ang meeting namin bukas."
Inangat ko ang braso para tingnan ang relo.
Alas-singko bente na at dahil sa overtime, sala na ang oras ng uwi ko.
Monthly meeting namin with management at imbes na alas-otso ang pasok, dapat nasa opisina na kami ng alas-siyete bukas.
Sumimangot si Edward.
"Come on, Michelle. Tatanggihan mo ba ang anak mo?"
"Sige na, Mommy. Please?" Nagmamakaawa ang tono ni Zac.
"Sige na nga."
"Yehey!" Nagtatalon siya sa tuwa.
Inakbayan ako ni Edward habang naglalakad kami papunta sa sinehan.
Ang weird sa pakiramdam dahil matagal niya ng hindi iyon ginagawa.
Ang bigat ng braso niya sa balikat ko.
Pagdating namin, ang haba ng pila sa latest movie ng Avengers.
Sa dami ng sequels ng movie na 'to, hindi na ako nagaaksaya ng panahon na magbilang.
Tumayo si Edward sa likod ng isang lalake na nakasuot ng pulang baseball cap at itim na polo shirt.
"Mommy, bili tayo ng popcorn ha?" Nagsalita si Zac.
Humarap ang lalake sa pila at si Charles pala.
"Michelle, kayo pala." Ngumiti siya sa akin tapos sinulyapan niya si Edward.
Moreno siya, payat at tantiya ko, five foot seven ang height.
Siya ang pinakamaliit sa kanilang magkakapatid kaya ang tukso sa kanya ni Carmen, Tiny.
Sa kapal ng kilay niya, para siyang may unibrow.
Kalbo din siya at mahilig magsumbrero.
"Asawa mo?" Tinuro niya si Edward.
"Oo." Hinawakan ko si Edward sa braso at pinakilala sa kuya ni Carmen.
Nagkamay silang dalawa.
"Ikaw lang, Kuya?"
"Hindi. Hinihintay ko lang sina Carmen na bumalik."
Sumikdo ang dibdib ko.
"Nandito pala siya." Pilit kong tinago ang pagkagulat.
"Oo. Nandito kaming lahat pati si Mama. Gusto kasi naming magcelebrate."
"Celebrate?" Nagtatakang tanong ko.
"Nakakalakad na kasi si Mama. Idea niya nga ito na manood ng sine dahil namiss niya daw."
"I see. Buti naman at okay na si Tita."
"Oo nga eh. Pasalamat kami sa Diyos kasi bumuti ang pakiramdam niya. Nakatulong yata ng umuwi si Carmen." Nakangiting kuwento niya.
Nakarinig ako ng tawanan at paglingon ko, parating na si Carmen kasama sina Christine at ang pamilya niya.
Nakakapit sa braso ni Carmen si Tita Nena na dahan-dahang naglalakad.
Nakagray slacks si Tita at puting blouse na may burdang rose.
Siya ang unang nakakita sa akin at tinapik niya sa braso si Carmen para ituro ako.
Ngumiti siya ng makita ako pero hindi niya maitago ang lungkot sa mga mata niya.
Si Christine naman, hinalikan ako sa pisngi.
Naghello siya kay Edward at kay Zac.
Nang makita ni Zac si Benji ay naghigh-five ang dalawa tapos nag-akbayan.
Tahimik lang si Edward habang nagkikwentuhan kami ni Christine.
Palihim akong sumusulyap kay Carmen habang kausap niya ang mga teenager na pamangkin.
Nakayuko sila habang may tinitingnan sa hawak na cellphone ni Adriene, ang panganay ni Kuya Charles.
Ang cool ng dating ni Carmen sa suot na gray skinny jeans, black Henley at navy blue at white na slip-ons.
Nang alisin niya ang tingin sa phone, nagkatinginan kaming dalawa.
"Michelle, let's go." Tinawag ako ni Edward.
Lumakad na pala sila ni Zac at naiwan ako.
Nagkahiwa-hiwalay kami ng pamilya nina Carmen dahil bumili pa kami ng popcorn at drinks bago pumasok.
Sa bandang gitna kami umupo at pinauna kong pumasok si Edward habang nasa gitna namin si Zac at sa kaliwa niya ako umupo.
Kalagitnaan ng pelikula, nag-excuse ako dahil bukod sa namamanhid na ang paa ko sa tagal na pagkakaupo, wala talaga akong hilig manood ng sine.
Kahit noong magboyfriend pa kami ni Edward, bihira lang kami manood dahil alam niya na mas gusto kong mag-ikot sa mall.
Paglabas ko, wala ng tao sa hallway.
Kumanan ako papunta sa CR.
Tinulak ko ang pinto at pagpasok, katatapos lang ni Carmen maghugas ng kamay.
Bukas ang lahat ng pinto sa cubicles at siya lang ang nasa loob.
Hindi ko narinig ang pagsara ng pinto dahil sa lakas ng kabog ng dibdib ko.
"Hi." Lumakad siya papalapit sa pintuan.
Nang magkatapat kami, tumingala ako sa kanya.
"Uhm, you're blocking the door." Sabi niya.
Sa halip na tumabi, lumapit ako sa kanya at bigla ko siyang niyakap.
Nanigas ang katawan niya dahil nagulat sa ginawa ko.
Nang mahimasmasan, naramdaman ko ang kamay niya sa bewang ko.
"I miss you." Bulong ko habang nakapatong ang ulo ko sa dibdib niya.
Tulad ko, ang lakas din ng tibok ng puso niya.
Nalanghap ko ang pabango niya at lalo akong nalungkot.
"I miss you too." Sagot niya.
Nag-angat ako ng tingin at nakita ko ulit ang lungkot sa mga mata niya.
Dahan-dahan kong inangat ang kanang kamay ko para haplusin ang pisngi niya at hinuli ni Carmen ang kamay ko tapos hinalikan ang palad.
Hindi na ako nag-aksaya ng panahon.
Hinalikan ko siya sa labi.
Gumanti siya at dama ko sa bawat lapat ng labi niya na pareho kami ng nararamdaman.
Hindi lang ako ang nangungulila sa kanya.
Narinig namin ang boses ng dalawang babae sa labas ng pinto kaya bigla siyang humiwalay sa akin.
Tumayo kami sa magkabilang gilid ng bumukas ang pinto para padaanin sila.
Napatingin ang dalawang teenager kay Carmen at yung isa, kumunot ang noo samantalang yung isa naman, nginitian siya.
Pagpasok nila, lumabas naman si Carmen at sumunod ako.
Nakatayo siya sa gilid ng CR at hinihintay ako.
"Kumusta ka na?"
"I'm okay. You?"
"Okay din."
Pareho kaming natahimik.
Kung dati ay natural lang sa amin ang mag-usap, ngayon pareho kaming nangangapa ng sasabihin.
"I should go back." Tinuro niya ang entrance ng sinehan.
"Okay."
Tumalikod na siya pero tinawag ko ulit.
"Can I see you again?" Puno ng pag-asa ang tono ko.
"I can't."
Nagulat ako sa sagot niya.
"You can't?"
Umiling siya.
"I'm leaving for Canada."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top