Chapter 22

Chapter 22


"NASAAN AKO?!"

Mabilis akong bumangon mula sa malaking kama na kinahihigaan ko. Malamig ang hangin mula sa aircon na nasa kisame ng malawak na kuwarto na kinaroroonan ko.

"Aki?" Nasaan si Aki?!

Saka ko naalala ang huling nangyari. Wala si Aki rito dahil kinidnap ako ni Wolf— si Alamid Wolfgang!

Agad kong kinapa ang gilid ng leeg ko, may itinurok siya sa akin kaya ako nakatulog. Plinano niya na dalhin ako rito!

"Gising ka na." Biglang bumukas ang pinto na nasa gilid ng kuwarto.

Nang makita ko si Wo— Alamid ay agad na umakyat ang galit sa ulo ko. "Nasaan ako?! Nasaan si Aki?! Bakit ako nandidito?!"

Kampante siyang pumasok at inilapag sa ibabaw ng kama ang tray na may lamang pagkain. "Kumain ka muna, magdamag kang tulog."

"Uuwi na ako!"

Nang tumingin siya sa akin ay kalmante ang abo niyang mga mata maging ang boses niya. "This is your new home, Ingrid."

"Hindi!" paasik na sagot ko.

"You'll like it here. Malaki ang bahay na ito, malawak ang hardin sa labas where Aki can play. May pool din sa backyard and—"

Sampal ko ang nagpatigil sa pagsasalita niya. "Uuwi na ako, Alamid!"

Ni hindi niya ininda ang sampal ko, kalmante pa rin siya. "Kumain ka na, I'm sure na nagugutom ka na."

"Hindi mo ba ako naiintindihan?! Hindi ako kakain! Uuwi na ako! Gusto kong makita si Aki! Hindi niya alam na kinuha mo ako!"

"Alam niya."

"Ano?!" namilog ang mga mata ko.

"He's safe. Nakina Ate Helen siya ngayon, nagpaalam ako sa kanila na magbabakasyon muna tayo, kukunin natin si Aki kapag nagkaayos na tayo. Please, kumain ka na muna. Matagal kang nakatulog, you must be hungry now."

Nanggagalaiting pinaghahampas ko siya. "Anong karapatan mong magdesisyon sa buhay ko?!" Wala akong pakialam kahit masaktan ko siya, wala na akong pakialam kahit namumula na ang leeg niya at halos mapunit na ang kwelyo ng T-shirt niya.

Lahat ng hampas, sampal ko, tinanggap niya. Hanggang sa ako na lang ang napagod at sumuko.

Mangiyak-ngiyak ako ng mapaupo ako sa gilid ng kama. "G-gusto ko ng umuwi! Anong karapatan mong pigilan ako? Ano?"

Lumuhod siya sa harapan ko. "Mahal kita, Ingrid. Hindi pa ba sapat na dahilan iyon?" Sinubukan niyang kunin ang mga kamay ko pero iniiwas ko ito sa kanya.

"Hindi porket mahal mo ang isang tao, may karapatan ka na sa buhay niya!"

Lumamlam ang mga mata ni Alamid. "Mahal mo rin ako, iyon ang nagbigay sa akin ng karapatan ng panghimasukan ang buhay mo."

Tumayo ako lumayo sa kanya. Tumayo rin siya pero hindi nagtangkang lumapit. Nakatingin lang siya sa akin.

"Buhay ko ito..." lumuluhang sambit ko.

"No, love." Malungkot siyang ngumiti. "Ang buhay mo, ang buhay ko. Hindi tayo pwedeng maghiwalay, mamatay ako..."

Umiling ako. Ayoko. Ayokong makita iyong lungkot sa mga mata niya. Dapat magalit lang ako. Ayoko. Ayoko na. gusto ko ng umuwi. Tinalikuran ko siya at tinungo ko ang pinto.

"Saan ka pupunta, Ingrid?"

"Aalis ako rito!"

"Nakalock ang mga pinto. May guwardiya sa labas, at kahit anong gawin mo, hindi ka nila amo, hindi sila susunod sa 'yo. At bago ka makarating sa mga guwardiya, pitong pit bull muna ang sasalubong sa 'yo."

Gigil ko siyang nilingon. "Hayup ka!"

Seryoso na ang mukha niya at wala na maski anong emosyon akong nakikita. "Kumain ka na, mag-uusap tayo pagkatapos."

"Ayoko!" Nilapitan ko ang tray sa ibabaw ng kama saka iyon tinabig. Tumilapon ang laman ng tray at lumikha ng tunog ang pagkabasag ng pinggan.

Napasinghap ako ng kumalat ang pagkain sa sahig. Nabigla rin ako sa ginawa ko pagkatapos.

"Hindi ka dapat nagsasayang ng pagkain." Tumungo si Alamid sa sahig at tahimik na inimis ang kalat na ginawa ko. Iniiwas ko ang paningin ko sa kanya habang iniisa-isa niya ang kalat sa sahig gamit ang tissue. Maging ang mga basag na baso at plato ay isa-isa niyang pinulot nang walang reklamo.

Hindi ko ugaling magsayang ng pagkain, pero heto at ang grasya ay itinapon ko sa sahig. Hiyang-hiya ako sa nagawa ko, pero pinangatawanan ko na lang ang pagmamatigas.

Nang malinis na ang sahig ay tahimik ng tumayo si Alamid bitbit ang tray. Wala siyang salita na iniwan ako sa loob ng kuwarto.

Nang wala na siya at mag-isa na lang ako ay muli akong naupo sa gilid ng kama. Hindi ko alam kung ilang minuto rin akong nakayukyok ng minabuti kong alamin kung ano ang meron sa labas ng kuwarto.

Inayos ko ang sarili ko in case na may ibang tao sa labas ng pinto. Nasa second floor pala ako ng isang malaking bahay na may pagka vintage ang disenyo.

Maluwag, iilan lang ang gamit pero lahat ng muebles ay tiyak na mamahalin. At mula sa malaking bintana sa baba ay pumapasok ang malamig na simoy ng hangin. Nasisilip mula sa hagdan ang malawak na garden sa labas. At hindi nga nagsisinungaling si Alamid, may natatanaw akong malalaking aso na pagala-gala sa labas.

"Gising ka na pala, ineng."

Muntik na akong mabunggo sa matandang babae na biglang sumulpot mula sa gilid ko. Siguro ay nasa mid sixties siya. Itim pa ang buhok pero may tungkod na.

"Na-stroke ako last year." Napansin niya yata na nakatingin ako sa tungkod na hawak niya kaya nagpaliwanag agad siya. "Pero malakas pa naman ako."

"S-sino ho kayo?" Hindi naman siguro siya kamag-anak ni Alamid. Wala kasi silang resemblance.

Ngumiti ang matanda na mukha namang mabait. "Ako si Manang Tess. Ako ang bantay rito sa rest house ni Ala."

Ala. Masasanay rin ako.

"Nasaan po siya?"

"May kinuha lang. Kumain ka na muna. Halika." Nauna siya papunta sa pasilyo na tama nga ako sa pag-iisip na komedor ang dulo.

"Magtatagal po ba siya?"

"Hindi ko alam, ineng, kaya kumain ka na muna." Ipinaghila niya ako ng upuan.

Dahil mabait naman si Manang Tess ay ayaw ko siyang ma-offend. Naupo ako sa upuan. Nakangiti pa rin siya sa akin.

May nakahaing isang bandehado ng sinangag sa mesa, may pritong itlog, hot dogs at bacon. May mga prutas din at tinapay. "Kain, Ineng."

Dahil gutom na talaga ako ay hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Sinimulan ko ng kainin ang inihanda ni Manang Tess. Kailangan kong kumain para magkaroon ako ng lakas kung sakali mang tatakasan ko si Alamid.

Naupo siya sa upuang nasa harapan ko. "Napakaganda mo, alam mo bang ikaw ang unang babaeng dinala ni Ala dine?"

"Ho?" Natigilan ako sa pagsubo.

Malumanay ang pagkakangiti sa akin ng matanda. "Ito ang safe house niya, ang tahanan niya. Sagrado ito para sa kanya, siguro'y napaka-espesyal mo."

"Matagal na ho ba kayo kay Alamid?"

"Matagal na, ineng. Bata pa lamang siya, nasa pamilya na nila ako. Ako na halos ang nagpalaki kay Ala."

"Nasaan ho ang pamilya niya?" tanong ko matapos kong uminom ng tubig.

"Nasa ibang bansa lahat, Ineng."

"Maayos naman ho ba ang samahan nila? I mean, close ho ba siya sa pamilya niya? May mga kapatid ho ba siya?"

"Oo, Ineng." Kapansin-pansin ang pagbagsak ng balikat ng matanda. "Mahal na mahal niya ang mama niya. Ang nag-iisa niyang kapatid na babae, pinakaiingatan niya nang sobra. At ang kanilang ama, mahal na mahal sila. Napakaperpekto ng pamilya niya, nakakalungkot lang at malayo ang mga ito sa kanya ngayon."

Pero bakit kailangang magkalayo?

Kung nasaang bansa man ngayon ang pamilya niya, gasino lang iyong puntahan niya ang mga ito. Sa dami ng pera ni Alamid, barya na lang siguro sa kanya na gawin iyon.

"Wala pa siyang ipinakilala sa aking babae, maliban sa iyo," pagbabago ni Manang Tess sa paksa. "Masaya ako na nakatagpo na siya ng iibigin niya."

"Hindi ho kami okay na dalawa..."

Lumungkot ang mga mata ng matanda. "'Pansin ko nga na mayroong mali sa inyo. Ramdam ko na galit ka sa kanya, pero sana kung ano man ang ikinasasama ng loob mo sa kanya ay matagpuan mo sa puso mo na patawarin siya. Maniwala ka, mabuting tao si Ala. At siguro naman ay ramdam mo na mahal ka niya."

"Manang Tess, alam niyo ho bang kinidna—"

"I'm home." Biglang lumangitngit ang pinto sa gitna ng pasilyo.

"Ala!" Nagliwanag ang mukha ng matandang kawaksi habang nakatingin sa pinto. "Kay bilis mo naman!"

"Of course, Manang."

Hindi ako lumingon. Naiinis ako dahil nakakahiya na naabutan niya akong kumakain.

Pero mayamaya ay nasa tabi ko na siya. Hinawakan niya ang buhok ko at marahang hinaplos saka tumungo para halikan ako sa ulo. "I'm glad, kumain ka na..."

Gustuhin ko man siyang tusukin ng tinidor ay hiya ko na lang kay Manang Tess na ngayon ay tila kinikilig na nakatingin sa amin ni Alamid.

"Napakasweet niyong dalawa. Ngayon lang kitang ganyan, Ala." Tila nangangarap pa ang matanda.

Naupo sa tabi ko si Alamid at kumuha ng plato pero ibinigay rin sa akin. "Pagsandok mo ako."

"Ano?!" hindi ko na napigilang angilan siya. Ang kapal!

"Sige ako na lang, ako nga pala ang dapat na nagsisilbi sa 'yo. Not the other way around."

Gigil na gigil ako habang ngingiti-ngiti si Alamid sa tabi ko. Hindi ko na tuloy magawang kumain nang maayos dahil kasabay ko siya na para bang walang something sa aming dalawa. Alam ko na nananadya siya dahil hindi ko magagawang mag-beastmode sa harapan ni Manang Tess.

...

NASAAN BA ANG GAGONG IYON?

Sinamantala ko na hindi ko nakikita si Alamid. Nanakbo ako palabas ng kuwarto, tanga niya lang kasi hindi niya iyon ini-lock kanina. Masyado kasi siyang nabusy ng may tumawag sa phone niya. Sino ba kasi iyong Benilde na iyon na mayat-maya kung tumawag?

Hmp! Pakialam ko ba kung sino iyong Benilde na iyon!

Dahil sa Benilde na iyon iniwan ako ni Alamid. Expected ko pa naman na hindi niya talaga ako tatantanan.

Gabi ngayon, madilim sa labas kaya siguro naman ay hindi ako makikita nong mga aso niya.

Saan nga pala ako dadaan ngayon? Kung sa main door, baka mahuli niya ako. Siguro iisip na lang ako ng iba ko pang pwedeng daanan.

Naglakad ako sa hallway ng mapansin ko ang isang sliding door na nanakabukas. Nang puntahan ko iyon ay nalaman ko na terrace pala ang labas niyon.

"Uuwi na ako, kailangan ako ni Aki." Sinilip ko ang ibaba ng terrace, masyadong mataas.

Paano ako ngayon bababa dito?

Kung mag-a-ala Spiderman ako, pwede naman siguro. Wala akong nakikitang tao sa ibaba, tahimik na tahimik at dim ang ilaw ng poste na nakatapat sa terrace. Kailangan ko na lang talagang husayan ang pagbaba.

Ang kaso, natatakot ako. Paano kung mahulog ako at mabalian? Mapapahiya na ako, masakit pa ang katawan ko.

"What are you doing here, Ingrid?"

Gulat akong napalingon. Nasa likod ko na si Alamid, blangko ang mukha niya habang nakatingin siya sa akin.

Paano niya nalaman na nandito ako?!

Napalunok ako. "Aalis na ako..."

"Hindi pa kita pinapaalis." Malumanay ang boses niya, wala ring karea-reaksyon ang guwapo niyang mukha.

Bakit ba nagpapasilaw ako sa gandang lalaki niya? Kailangan ko nang umalis dito. Tumikhim ako bago ako nagsalita. "Nag-aalala na ako kay Aki!"

"I told you, Aki's safe."

Kumibot ang sentido ko sa kahinahunan ng tono niya. "Hindi sapat na alam ko na ligtas siya! Gusto ko ng makita ang anak ko!"

"Anak natin."

"Basta uuwi na ako! Hindi na ako natutuwa sa pinagagagawa mo. Kung umakto ka, para kang may sayad! Ni hindi mo na inisip ang nararamdaman ko! Kinidnap mo ako! At hindi ka guilty kung umasta ka!"

"Ingrid..."

"Palayain mo na ako!"

"Hindi ka bilanggo dito para palayain kita." Humakbang siya palapit.

"Wag kang lalapit kundi tatalon ako dito!" banta ko.

Umigting ang panga ni Alamid at dumilim ang kanyang kulay abong mga mata. "You won't do that."

"Gagawin ko!" kinakabahan man ay humawak ako sa terrace at kunwari ay sasampa.

"Ingrid!" tila kulog ang boses ni Alamid na lalong nagdagdag ng kaba sa dibdib ko.

Napalunok ako at biglang nalula. Nang lingunin ko si Alamid ay malamlam na ang mga mata niya habang nakatingin sa akin. Marahan siyang lumapit.

Inilahad niya ang kamay niya. "Come on, matulog ka na."

Umiling ako. "G-gusto ko ng umuwi..."

Nagtahulan ang mga aso sa ibaba, nang tingnan ko iyon ay may dalawang malaking itim na aso na kumakahol sa akin. Mayamaya ay may lalaking may bitbit na baril ang sumaway sa aso.

Tumingala ang lalaki. "Boss, ayos lang ho kayo?" tanong nito kay Alamid.

"Yes," sagot niya.

Umalis ang lalaki bitbit ang dalawang pit bull. Dahil nalingat ako ay nakalapit na sa akin si Alamid.

"Let's get inside." Hinuli niya ang pulso ko at wala na akong nagawa ng hilahin niya ako papasok sa loob ng bahay.

"Ano ba?!" Pinagpag ko ang pagkakahawak niya sa kamay ko nang mahimasmasan ako.

Nakapamewang niya akong hinarap. "Do you really need to do that?" Pulang-pula ang mukha niya.

"Ha?"

Napailing siya na tila problemadong-problemado. "'Wag mo na ulit iyong uulitin."

"Gusto ko na kasing umuwi."

"'Wag matigas ang ulo mo. Sa 'yo yata nagmana si Aki."

Napahumindig ako sa sinabi niya. "Excuse me?!"

"You scared the hell out of me." Seryoso siya kaya hindi na ako kumibo.

Nag-alala siya sa akin? Hindi naman talaga ako tatalon don, e. Ano akong bale? Ang gullible niya!

"You should rest now," ani Alamid pagkuwan.

"Hindi pa ako inaantok—" Bigla niya akong kinarga.

"I'll bring you to your room." Pagkasabi'y naglakad na siya papunta sa kuwarto ko habang buhat ako.

Hindi ako makapagsalita sa gulat, o dahil sa kakatwang pakiramdam habang malapit ako sa kanya. Pumasok kami sa loob ng kuwarto at ang mga hakbang ni Alamid at papunta sa malaking kama.

Kinakabahan akong napahawak sa balikat niya. "A-anong gagawin mo?"

"Patutulugin ka," kaswal na sabi niya.

"Kaya kong matulog mag-isa, ibaba mo nga ako! Ano ba—" binitawan niya ako sa ibabaw ng kama. "Ay!"

Hinila niya ang kumot papunta sa katawan ko saka niya itinaas ang isang kamay ko at dinala sa headboard ng kama. May kinuha siya mula sa drawer ng side table.

"Ano 'yan—Alamid!" Nanlaki ang mga mata ko ng itaas niya ang posas na kinuha niya sa drawer. Mabilis niya iyong naikabit sa pulso ko.

"There, I'll remove that thing tomorrow."

"Alisin mo ito! Ano ba?!" kandahila ako sa kamay ko pero kumakaskas lang ang bakal sa pulso ko.

"Matulog ka na, Ingrid."

Tinapunan ko siya ng matalim na tingin. "I hate you!"

Hindi siya kumibo, nakatingin lang siya sa akin.

Para akong baboy na basta na lang niyang iginapos dito. Sa sobrang sama ng loob ko ay hindi ko namalayang tumutulo na pala ang mga luha ko. Napasinok ako at mahinang umiyak.

"Ingrid..."

"Umalis ka na, matutulog na ako..." mahinang sabi ko sa pagitan ng pagluha ko.

Matagal siyang nakatingin sa akin bago siya naupo sa gilid ng kama at inalis ang posas sa kamay ko. Marahan niya ring kinuha ang pulso ko at hinaplos iyon. "Sorry..."

Umiwas ako ng tingin sa kanya.

"I just want to be with you."

Binawi ko ang kamay ko mula sa pagkakahawak niya. "Ayoko na sa 'yo, bakit hindi mo maintindihan iyon?"

Tahimik siyang tumayo at tumungo sa pinto. Bago siya lumabas ay nilingon niya pa ako. Malungkot ang kulay abo niyang mga mata habang pinagmamasdan ako.

"Sana maintindihan mo rin, hindi ko talaga kayang mawala ka sa akin." Pagkasabi ay iniwan niya na ako.

JFstories

JAMILLE FUMAH

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top