Chapter 47
Please follow @beeyotchupdated on twitter for real time tweet if any story got updated. Thank you.
#DTG47 Chapter 47
"I'm gonna wait in the car," sabi ni Vito nang huminto kami sa harap nung puntod ni Nanay. Tumango ako sa kanya habang naka-tingin doon.
Naupo ako sa damuhan habang nagsisindi ng kandila.
"Nandito na naman ako, Nay..."
Sinusubukan ko na pumunta dito dalawang beses kada linggo. Madali ko namang nagagawa dahil wala akong trabaho bukod sa pagtulong kina Tatay sa pananim namin.
Ganoon pa rin kaya?
Magkaka-trabaho kaya ako ngayon na abogado na ako?
May tatanggap kaya sa akin?
"Naka-pasa na po ako... May abogado na po kayo..."
Hindi ko alam kung bakit nagsimulang magtubig iyong paligid ng mga mata ko. Naalala ko nung unang sabihin ko sa kanya na mag-aaral ako ng batas... Akala ko nung una ayaw niya... Kasi marami kaming napapanood na mga abogado na nababaril... napapatay... Akala ko ayaw niya dahil nag-aalala siya sa akin.
Iyon pala ay natigilan siya dahil hindi niya akalain na magkakaroon siya ng anak na mag-aabogado. Kasi lahat sa pamilya niya, halos high school lang ang natapos... bihira lang iyong maka-tapos ng kolehiyo...
Tapos heto raw ako na ang taas ng pangarap.
Hindi niya raw akalain.
Simula nung sinabi ko sa kanila na mag-aabogado ako, napansin ko na tumanggap ng ibang trabaho si Nanay. Hindi niya alam pero nakita ko noon kung paano nagtabi siya ng isang garapon at doon niya nilalagay iyong mga kini-kita niya.
Nakita ko iyong sakripisyo niya...
Kaya ang sakit na wala siya ngayon para makita na ito na ako... na may abogado na siya...
"Nagluluto na sila Alec ng handa namin... Sayang wala ka rito..."
Ang dami kong gustong sabihin.
Hindi ko alam kung saan ko sisimulan.
"Nagtanong si Tatay kung magkano magpa-tarpaulin... Ipopost niya raw sa bayan para malaman nilang lahat na abogado na ako... Sabi ko 'wag na... kung ako lang, nawalan na ako ng gana na tumulong sa kanila... pero tama naman si Vito..."
Hindi ko alam kung saan ako papunta ngayon.
Pero kailangan kong alalahanin kung bakit ako nagsimula.
Nagsimula ako dahil gusto kong tumulong.
Kailangan kong bumalik doon.
Tutulong ako sa mga may kailangan sa akin... kasi kahit ganyan sila sa akin, karapatan nilang maipagtanggol...
Huminga ako nang malalim.
"Atty. Assia dela Serna..." sabi ko at mapait na napa-ngiti. "May abogado ka na, Nay..."
Mabilis na tumulo iyong mga luha ko nang humangin nang malakas. Ngumiti ako habang pina-pahid sila.
"Salamat, Nay... Pangako po tutulong ako sa mga nangangailangan sa akin... Gagawin ko iyong pangako ko... Hinding-hindi po ako makaka-limot..."
Nanatili pa ako ng ilang minuto hanggang sa tumigil ang luha ko. Nang bumalik ako ay nakita ko si Vito na naka-tayo sa labas ng sasakyan niya at naka-tingin sa akin.
"Tara na?" sabi ko sa kanya.
Lumapit siya sa akin at hinawakan ang mga pisngi ko. "You okay?" tanong niya at tumango ako. "You sure?"
Tumango akong muli. "Pwede bang dumaan muna tayo sa bayan? Nagpapa-bili sila tatay ng softdrinks at saka cake..."
Tumawa siya. "So, you'll be buying your own cake?"
"Wala akong dalang pera."
Muli siyang tumawa. "So, I'll be buying?"
Tumango ako. "Kapag nagka-trabaho ako, babayaran kita."
Pumasok kami sa sasakyan niya. "Where do you wanna work?"
"Hindi ko pa alam... pero sa tingin mo ba magagalit si Sancho kapag dinemanda ko iyong pamilya nila?"
Mas malakas iyong naging tawa niya. "No, I don't think he'll mind. He's very much aware that his family's a landgrabber. Do your best, Atty. dela Serna."
Tumango ako. "May schedule na ba sa oath taking?" tanong ko dahil kahit naman naka-pasa na ako sa BAR ay hindi pa rin ako ganap na abogado hanggang hindi ko nailalagay iyong pangalan ko sa Roll of Attorneys.
"I don't know," sabi niya. "But maybe next month?" Tumingin siya sa akin saglit. "I can go here and we can go to Manila together."
Umiling ako. Ayokong bumalik sa Maynila... pero alam ko na kailangan ko... hindi naman pwede na buong buhay ako magtago at tumakbo...
"Kasama ko naman sila Tatay..." sabi ko sa kanya. Isasama ko sila habang sumu-sumpa ako at pumi-pirma... Gusto na nandoon kaming lahat... Para kahit wala si Nanay ay nandoon pa rin ang buong pamilya ko... "Pero pasabi na kina Niko na ililibre ko sila ng lunch o dinner..."
Tumango siya at ngumiti. "I'm sure they'll love that."
"Vito..." pagtawag ko habang naka-tingin ako sa kanya na seryosong nagda-drive. Bahagyang naka-kunot ang noo niya at diretso sa daan iyong tingin. Mas kulay asul pala iyong mga mata niya kapag nasisinagan ng araw.
"Hmm?"
"Wala."
Tumingin siya sa akin. "What?" tanong niya at umiling lang ako hanggang sa huminto na kami sa harap ng bilihan ng cake at mabilis akong lumabas.
* * *
"Ate, boyfriend mo na ba si Kuya?"
"Bagay kayo, Ate."
"Kapag nasunog 'yang iniihaw niyo," sagot ko sa kanilang dalawa. Nang malaman nila Tatay na pumasa ako ay agad siyang nagpa-kuha ng mga manok sa mga kapatid ko kaya ngayon ay naglelechon kami. Naka-bili na kami ni Vito ng cake at softdrinks. Sinubukan kaming tulungan ni Vito kaya lang ay nung kinatay iyong manok ay parang naliyo siya kaya naman doon na lang siya kay Tatay tumulong. Nanguha sila ng dahon ng saging para doon kami kakain.
"Matanda ka na kaya, Ate. Pwede ka ng magboyfriend. Pwede ka na ngang magpakasal, e."
"Ewan ko sa inyo."
"Ready na kami ni Alec mag-alaga ng mga pamangkin, Ate," sabi ni Aaron. Tumayo ako mula sa pagkaka-upo sa bangkito at iniwan silang dalawa. Ano ba'ng pamangkin ang sinasabi nila?
Lumapit na lang ako kina Tatay. Pareho silang naka-talikod sa akin kaya hindi nila nakita na papalapit ako sa kanila.
"Dito ka magta-trabaho?" tanong ni Tatay sa kanya.
"Opo," sagot ni Vito.
"Bakit dito?"
"Para kay Assia po," sagot niya ulit. Rinig na rinig ko kung paano niya sinusubukan na magTagalog. "I just wanna be—" sabi niya at natigilan. "Walang pressure po. Gusto ko lang—" pagpapa-tuloy niya at muling huminto. "I just wanna be near her—no pressure whatsoever," dugtong niya nang wala na yata siyang mailabas na Tagalog na salita. Nakaka-intindi naman sila Tatay ng English... pero nakaka-tuwa na sinusubukan niya.
"Ano ba'ng balak mo?"
Hindi agad naka-sagot si Vito. Tumikhim ako para malaman na nila na nasa likuran lang nila ako. Sabay silang napa-tingin sa akin. Alangan na napa-ngiti si Vito sa akin habang seryoso naman ang itsura ni Tatay.
"Ako na lang d'yan, Tay. Bantayan mo na lang po sila Alec at baka masunog iyong manok," sabi ko kay Tatay dahil kung anu-ano ang tina-tanong niya kay Vito. Saglit pa siyang tumingin kay Vito bago parang labag sa loob na naglakad papunta sa mga kapatid ko.
Nang maka-layo si Tatay ay tumingin ako kay Vito.
"Pasensya na sa mga tanong ni Tatay."
Ngumiti siya sa akin. "No, it's okay."
"Wag mo na lang pansinin."
"His worry is warranted," sagot niya sa akin habang nililinis niya iyong dahon ng saging. "I don't mind answering whatever question he has."
"Di ka nga naka-sagot sa huli niyang tanong."
Natawa si Vito. "Why are you so brazen all of a sudden?" tanong niya. Nagkibit-balikat ako. Siguro... mas malakas lang ang loob ko na tanungin siya ngayon dahil hindi na kagaya nung dati na palagi kong pinapa-alala na may mga tao akong kailangang tulungan kaya dapat ay naka-tuon lang ang buong atensyon ko sa pag-aaral... O dati na mayroong Trini o Shanelle.
Ngayon, kaming dalawa lang.
Mas malaya akong tanungin siya ng kung anuman ang gusto ko.
"But do you wanna know my answer?"
"Kung gusto mo lang sabihin."
Tumawa siya. "It's gonna be weird."
"Bakit naman?"
"Because it's not... usual."
"Bakit?"
"Because..." sabi niya habang ituon iyong tingin sa pagpupunas doon sa dahon ng saging. Hindi siya maka-tingin sa akin. "We never really dated... We've been friends for the longest time... But I really want to marry you already."
Mabilis na napa-awang iyong labi ko.
Nanlaki ang mga mata.
Napa-tingin siya sa akin.
"See? It's unusual," mabilis na sabi niya. "But I know you and I know myself and I know for sure that you're the only one I want to marry."
Agad akong napa-kurap.
"Or not. If you don't want to get married, it's totally fine. All I'm saying is that you're the one I want to spend the rest of my life with."
Ngumiti siya sa akin. Napa-awang ang labi ko. Hindi ko alam ang sasabihin ko... hindi ko alam kung mabuti ba na lumapit sa amin sina Alec at sinabi na luto na iyong mga manok at pwede na kaming kumain.
* * *
Kanina pa ako tinatanong ni Tatay kung ano ang problema ko dahil tahimik lang ako. Nginitian ko lang siya. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin na tahimik ako dahil kanina ko pa iniisip iyong sinabi ni Vito...
Kanina pa ako nagsisisi na hindi ako naka-sagot sa sinabi niya.
At ngayon ay pinapa-nood ko siya habang tumatawa habang kausap ang mga kapatid ko. Kung paanong sinabi niya na sa susunod na punta niya at dadalhin niya iyong isang sasakyan niya dahil gusto raw subukang i-drive ni Alec. Kung paanong nagkamay din siya kasama namin kahit na alam ko na kung siya lang, mas pipiliin niyang gumamit ng kutsara at tinidor.
Gabi na nang matapos kami. Puno na ng bituin iyong langit at malamig iyong hangin.
"Salamat po sa pagkain," sabi niya kay Tatay.
Tumango lang si Tatay. "Mag-ingat ka sa pagmamaneho," sabi niya bago bumalik sa loob ng bahay. Nagpaalam na rin sina Alec at Aaron sa kanya. Sinamahan ko si Vito na maglakad pabalik sa sasakyan niya.
"I really enjoyed the food," sabi niya. "Can you tell your dad I said thanks again?"
Tumango ako. Naka-tayo kami sa labas ng sasakyan niya. Naka-tingin siya sa akin at kumunot ang noo.
"Are you okay?"
"Vito," pagtawag ko sa pangalan niya. Naka-tingin siya sa akin na parang hini-hintay ang susunod na sasabihin ko, pero hindi ako makapagsalita. Pabigat nang pabigat iyong pagsisisi ko na hindi pa ako naka-sagot kanina nang sabihin niya sa akin na gusto niya akong makasama habang buhay.
Kasi ganoon din naman ako.
Gusto ko rin siyang kasama.
Ang daming nasayang na panahon...
Kami naman.
"Assia—"
Mabilis akong tumingkayad at hinalikan siya.
Mabilis akong umatras—pero mabilis niya ring nahawakan iyong braso ko at napigilan ako.
"W-What—" tanong niya pero agad akong umiling. Hindi ko kayang sabihin sa kanya. Nahihiya ako.
"Alis ka na," imbes na sabi ko.
"That was..." sabi niya at panay kurap. "Our second kiss."
Agad na kumunot ang noo ko. "Second?" tanong ko.
Tumango siya. "Yeah..." sabi niya at mahigpit pa rin ang hawak sa braso ko na para bang ayaw akong pakawalan. "The first one... during the party—"
"Hindi ako 'yun," mabilis kong sagot.
"What?"
"Ibang babae 'yun," mabilis kong sagot na bahagyang naka-kunot ang noo. Mukhang gulung-gulo pa rin siya. "Sige na, alis ka na."
Mabilis siyang umiling. At parang tumingin sa likuran ko. Tapos ay hinatak ako para nasa kabilang dako kami ng sasakyan niya. Tatawagin ko pa sana ang pangalan niya nang magulat ako nang isandal niya ako sa pinto ng sasakyan niya.
"You mean to say... all this time... I thought I, at least, kissed you properly once—"
"Iba nga 'yun. Hindi ako."
Napa-awang ang labi niya. "Are you jealous?"
"Hindi."
Tumawa siya at pinisil ang ilong ko. "I'm sorry you had to see that..." sabi niya at inilagay ang kamay sa pisngi ko. "I thought I was kissing you."
"Hindi nga—"
"But I'll kiss you now. Please let me kiss you."
Napa-awang ang labi ko.
Bakit... tina-tanong niya ako?
Nakaka-hiya.
"Assia?" pagtawag niya sa pangalan ko. Hindi ako maka-sagot. "Don't you want—" sabi niya pero mabilis akong tumingkayad at muli siyang hinalikan. Natawa siya. "Can I take that as a yes?" tanong niya at tipid akong tumango. Nakaka-hiya.
Ngumiti si Vito. Hinawakan ng dalawang kamay niya ang mga pisngi ko. Huminga siya nang malalim. Tumingin siya nang direkta sa mga mata ko.
"Atty. Assia dela Serna..." pagtawag niya sa pangalan ko habang unti-unting palapit ang labi niya sa labi ko. Pero huminto siya. Ramdam na ramdam ko iyong pagbilis ng tibok ng puso ko. Ang lapit niya. "Mahal kita," dugtong niya bago ko muling naramdaman ang pagdampi ng labi niya sa labi ko.
***
This story is chapters ahead on Patreon x
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top