Chapter Three
INAANTOK pa si Rebecca pagdating niya sa academy. Mabuti na lang wala masyadong estudiyante sa araw na iyon. Halos mga senior lang ang nakikita niya. Nag-serve siya ng pagkain sa limang senior students. Pagkatapos ng mga ito ay nakatunganga siya sa harap ng mga pagkaing nakalagay sa serving tray. Natutukso siyang kumain pero pinigilan niya ang sarili. Ang dami niyang hirap para maabot ang figure niya ngayon kaya hindi puwedeng magpabaya siya. Makakarinig na naman siya ng lait kay Symon.
"Kontrolin mo nga ang sarili mo sa paglamon, Beca. Nagmumukha ka nang balyena sa katawan mo."
Naalala na naman niya ang sinabi noon ni Symon. Isinisisi pa rin niya ang pagtaba sa Daddy nito, dahil pinilit siyang magsilbi sa food center para daw hindi siya mainip. Isang cup na kanin na lang ang kinakain niya sa isang araw at hindi na siya kumakain ng karne maliban sa isda. Kumakain na rin siya ng gulay na mayaman sa fiber. Daily routine na rin niya ang pagwo-work out sa umaga at minsan sa gabi.
"Hi, sexy!"
Kumislot siya nang marinig na pamilyar na boses na iyon ng lalaki. Humarap siya rito. Si Rafael na naman, ang best friend ni Symon.
"Dati ang tawag mo sa akin ay chubby. Nakakainis ka na, ah," aniya.
"Totoo naman, eh. Chubby ka noon pero ngayon ay sexy na. Dapat kasi kailangang insultuhin ang kapwa para makita niya kung ano ang problema sa kanya. See? You look hot. Ipakulot mo pa nang husto ang buhok mo, dagdag hotness din 'yon."
"Tsk. Gusto ko ngang ipaunat ang buhok ko. Magpapagupit ako nang gaya sa buhok mo."
"Ano? Baliw ka rin, eh. Magagalit si Symon."
"Ano naman ang pakialam niya sa buhok ko?"
"Siya kaya ang nagsabi na mas bagay sa 'yo ang kulot na buhok. Noong chubby ka pa, na-imagine ko, kapag kulot ang buhok mo, mukha kang balyenang tinamaan ng kidlat."
Kinuha niya ang sandok saka ipinukpok sa braso ni Rafael. "Aray!" daing nito.
"Ano, kakain ka ba o ipapalunok ko sa 'yo itong sandok?" sabi niya.
"Wala sa dalawa. Hinahanap ko lang si Symon," sabi nito.
"Aba malay ko! Hanapan ba ako ng nawawalang kabayo?"
"Sinong kabayo?" sabad ng kararating na lalaki.
Naibaling niya ang tingin kay Symon at Dylan na biglang sumulpot sa likuran ni Rafael.
"Ikaw daw, Mon. Mukhang alam na ni Beca na magaling kang mangabayo," gatong ni Rafael.
Lumapit pa si Symon at dinuro siya. Matabang siyang ngumiti. "Example lang 'yon. Ito kasing si Rafael, ang kulit," palusot niya.
Humalukipkip si Symon. Pagkuwa'y sinipat nito ang suot na relong pambisig. "May pasok ka mamayang ala-una," paalala nito sa kanya.
"Alam ko. Papasok naman ako, eh. Hihintayin ko lang si Charmaine para kapalit ko."
"Sa ayaw mo man sa gusto, papasok ka dahil babantayan kita."
Napamata siya. "Ah, h-hindi na kailangan. Baka lalo lang akong hindi makapag-concentrate."
"Anong hindi makapag-concentrate? Palusot ka pa, eh. Sabay tayong papasok mamaya."
"Bakit ba ako ang hinihigpitan ninyo, hindi si Syrel na tumigil sa pag-aaral?" reklamo niya.
"Mas matino ka kumpara kay Syrel. Darating ang panahon, magkukusa din iyong mag-aral kapag naingganyo na siyang magtrabaho sa organisasyon."
"Pero"
"Huwag ka nang magreklamo. Bigyan mo na lang kami ng pagkain," anito pagkuwan.
Hindi na lamang siya kumibo. Nagsalin siya ng pagkain sa tatlong plato saka binigay sa tatlong barako.
Seryoso talaga si Symon na bantayan si Rebecca. Si Trivor ang guro nila, ang subject nito ang ayaw ni Rebecca. Sobrang seryoso pa ng nagtuturo. Nakaupo siya sa unang hanay ng silya. Si Symon ay umupo sa pinakadulong silya sa likuran. Maya't-maya niya itong sinisipat. May binabasa itong aklat na makapal.
Lalong hindi nakapag-focus ang dalaga sa klase dahil sa presensiya ni Symon. Tinatamad siyang magsulat kaya ni-record niya sa kanyang cellphone ang mga sinabi ng guro. Natapos na lang ang klase ay walang pumasok sa utak niya. Si Symon ang laman ng isip niya.
"May next subject ka pa ba?" tanong ni Symon paglabas nila ng classroom.
"Hindi makakarating si sir Lee at sir Navas kaya bukas na ulit," sabi niya.
"Okay. Sumama ka sa akin," anito.
"Saan tayo pupunta?"
"Mag-iikot kami sa safe houses."
"Wow! Sige, tara!" excited na sabi niya.
"Hindi ka maggagala. Magtatrabaho tayo. Kailangan maging pamilyar ka sa trabaho sa labas ng academy."
Tumabang ang ngiti niya. May okay na rin 'yon kaysa magmukmok siya sa food center.
Lulan sila ng chopper kasama si Rafael at piloto na si Elias. Para siyang ibon na nakalaya. Kung tutuusin kaya naman niyang mag-teleport patungo sa ibang lugar pero hindi niya ginawa sa takot na mahuli siya ni Symon. Habilin kasi ng Daddy nito na huwag siyang papupuntahin sa ibang lugar na mag-isa maliban sa bahay nila at academy. Dalawang lugar lang ang pinupuntahan niya araw-araw. Nagsasawa na siya. Kaya ngayong ibang lugar naman siya mapupunta ay nag-uumapaw ang tuwa niya.
"Wow! Ang ganda ng dagat!" aniya habang nakatanaw sa malawak na karagatang dinadaanan nila.
"Huwag ka masyadong yumuko riyan baka mahulog ka," sabi ni Symon na nasa kanyang tabi.
"First time mo bang nakakita ng dagat, Beca?" nang-iinsultong tanong ni Rafael.
"Hindi no. Noong nasa Bangkok ako, palagi kaming naliligo ng Mama ko sa dagat," aniya.
"Noon 'yon, eh ngayon. Ilang taon ka na bang umalis ng Bangkok?" ani Rafael.
Naalala na naman niya ang Mama niya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nasasagot ang tanong niya kung bakit may mga nilalang na gusto siyang patayin. Ilang beses na silang lumipat ng tirahan ng Mama niya pero sinusundan pa rin sila ng mga bampirang gusto siyang patayin.
Ang sabi ng Mama niya, baka mga grupo lang iyon ng mga bampira na nangunguha ng mga bata para kunin ang laman-loob. Mabait naman daw ang Papa niya na isang bampira. Iniwan sila ng Papa niya dahil ayaw daw nitong malagay sa kapahamakan ang Mama niya, kaya imposisbleng mga kaaway ng Papa niya ang gustong pumatay sa kanya.
Pagdating nila sa safe house sa Mactan ay tumulong si Rebecca sa paghakot ng mga gamot at groceries para sa mga survivor. Naninibago siya. Doon kasi sa academy ay iilan lang ang taong nakilala niya. Labis niyang na-miss mabuhay nang normal kasama ng mga normal na tao.
Pagkatapos mai-deliver ang mga gamot at groceries ay naiwan siya sa yate na tambayan umano nila Symon at Rafael. May pupuntahan pa daw ang mga ito. Wala man lang siyang libangan sa loob. May mga pagkain pero pinigil niya ang sarili na kumain. Mansanas lang ang kinuha niya at isang saging.
Nang mainip siya sa loob ay lumabas siya at bumalik sa safe house. Wala na masyadong tao na pagala-gala. Maluwag ang isla. Sa likod ng gusali ay mayroong malawak na lupaing may nakatanim na malalaking punong kahoy at mga prutas. Naglakad-lakad siya sa kagubatan. May gubat din sa likod ng bahay nila pero hindi siya nakakarating doon na mag-isa. Madalas ay kasama niya si Symon kapag tumatakbo sila.
Pagdating niya sa gitna ng gubat ay lumuklok siya sa punong kahoy na nakabalandra sa daan. Nakabuwal pati ugat nito. Tumingala siya sa kalangitan nang unti-unting binabalot ng dilim ang paligid. Mabilis ang paggalaw ng ulap sa paningin niya. Tila uulan. Nang nagdesisyon siyang bumalik ay biglang may itim na ibong lumipad mula sa sanga ng malaking punong nasa harapan niya.
Mamaya ay naaninag niya ang bulto ng lalaki na nakatayo sa tabi ng malaking puno. Mapamilyar sa kanya ang mukha nito. Nakasuot ito ng itim na pantalon at itim na turtle neck jacket. Nasa bulsa ng pantalon ang mga kamay nito. May isang dangkal ang haba ng blande nitong buhok na aalon-alon. Maputi ito at halatang may dugong banyaga dahil sa light brown nitong mga mata at matangos na ilong.
"Ano ang ginagawa mo sa lugar na ito?" tanong nito sa kanya.
"Ah, namamasyal lang. Gusto ko kasing lumanghap ng sariwang hangin," nakangiting sagot niya.
"Hindi ka dapat tumatambay sa ganitong lugar na mag-isa. Maraming masasamang elemento na uhaw sa dayo. Mabango sa kanila ang dugo mo."
"Gano'n ba? Hindi naman ako magtatagal, eh. Babalik na ako," aniya saka tumalikod. Ngunit hindi pa siya nakakahakbang.
"Rebecca," tawag sa kanya ng lalaki.
Nagulat siya sabay pihit paharap dito. "K-Kilala mo ako?" manghang untag niya.
"Matagal na kitang sinusundan," sagot nito.
"Ha? Bakit?" Noon lang niya naalala kung saan nga ba niya nakita ang lalaking ito.
"Isa akong wolves hunter. Tinutugis ko rin ang mga lobong pumapatay ng tao. Ako si Jared Santiago, nagmula din ako sa Bangkok. Ang nanay ko ay isang pinay na nakapag-asawa ng Thai national. Pero bago sila nagpakasal, may karelasyong bampira ang nanay ko. Nandito ako sa Pilipinas para hanapin ang mga first class hybrid na naghahasik ng kasamaan sa bansa. Nalaman ko na nakatira ka sa miyembro ng sangre organization. Gusto kong iparating sa kanila ang tungkol sa first class hybrid," sabi nito.
"Ikaw ba 'yong tumulong sa akin noong hinabol ako ng mga lobo?" tanong niya.
"Oo. Matagal ko nang gawain ang pagpatay sa mga lobo. Gusto kong malaman ng organisasyon ninyo ang tungkol sa mga lobo."
"Kung gano'n gusto mong makipagtulungan sa sangre organization?"
"Wala akong balak makiisa sa kanila. Gusto ko lang malaman nila na nanganganib sila."
"E 'di sumama ka na lang sa akin. Mas maganda kung ikaw ang makipag-usap sa kanila."
"Hindi ako puwedeng magtagal sa puder ng sangre organization. Masasagap ng mga kaaway ang aura ko at masusundan nila ako. Malalaman nila na nakikialam ang sangre organization sa mga plano nila."
"Gano'n ba? May kasama ako na puwede mong kausapin."
"Sino? Ang Kuya mo?"
"Kilala mo ang Kuya ko?!" manghang untag niya.
"Si Symon Franco. Kilala ko lahat ng miyembro ng sangre organization."
"Talaga? Kuwan, sumama ka na lang sa akin. Baka naroon na ang mga kasama ko sa safe house," sabi niya.
Sumunod naman sa kanya si Jared.
Palabas na sila ng gubat nang nasalubong nila si Symon. Nagulat siya nang biglang sinugod ni Symon si Jared at akmang sasakmalin.
"Symon, huwag!" pigil niya.
Nabitawan ni Symon si Jared na halatang hindi apektado sa pagsugod ni Symon. Inayos lang nito ang damit. Hinawakan ni Symon ang kanang balikat niya saka siya hinila palayo kay Jared.
"Nakalabas ka lang minsan, kung sino-sino na ang kasama mo!" sermon nito sa kanya.
"Hindi naman masama si Jared," aniya.
"Tumahimik ka! Hindi ka dapat nagtitiwala sa nilalang na kakikilala mo lang!"
"Relax, pare," sabad naman ni Jared.
Ibinalik ni Symon ang atensiyon sa lalaki. "At sino ka naman? Akala mo ba makakapagbiktima ka sa lugar na ito? Bampira ka 'di ba?" ani Symon.
"Oo, pero wala akong masamang intensiyon. Matagal ko nang kilala si Rebecca. Kung gusto ko siyang patayin, dapat noon pa," anito.
Napatingin si Symon kay Rebecca. "Tama ang sinabi niya. Minsan na niya akong niligtas sa mga lobo na gustong pumatay sa akin," aniya.
"Kahit na. Umuwi na tayo," sabi ni Symon saka siya kinaladkad pabalik ng safe house.
Panay lang ang lingon niya kay Jared na hindi umaalis sa kinatatayuan.
Pagdating sa yate ay katakot-takoy na sermon ang inabot niya kay Symon.
"Ano ba ang pumasok sa isip mo at nagtiwala ka sa lalaking 'yon? Ganyan ka ba kahina sa tukso? Naramdaman ko ang lakas ng lalaking 'yon, hindi siya ordinaryong bampira na mapagkakatiwalaan! Kinukuha lang niya ang loob mo para mabilis kang sumama sa kanya. Ngayon ko lang nalaman na madali ka palang ma-temp, Beca! Maraming matinong lalaki sa academy, bakit dumayo ka pa sa iba na hindi mo lubos na kilala?" palatak ni Symon.
Nawindang siya. Iba ang iniisip nito. "Mali ka, hindi ako nagpapaligaw sa lalaking 'yon. Totoong niligtas niya na ako noon," depensa niya.
"Tama na! Pareho lang 'yon. Lalaki din ako, Beca, strategy ng lalaki ang magmagandang-loob sa babae para makuha ang loob nito. Kaya pala ayaw ni Daddy na palabasin kang mag-isa dahil ganyan ka kapusok. Sa susunod, hindi ka na makakalabas ng academy. Kunin mo ang gamit mo at uuwi na tayo," sabi nito saka siya iniwan.
Bumuntong-hininga siya. Kinuha na lamang niya ang kanyang bag saka sinundan si Symon. Naiwanan sila ng chopper kaya nag-teleport na lang sila pabalik ng academy. Nag-report muna si Symon sa opisina bago sila dumeretso sa bahay.
Pagdating sa bahay ay hindi na siya kinikibo ng binata. Natatakot siya baka isumbong siya nito kay Riegen. Bago pa ito makapagsumbong ay pumasok na siya sa kuwarto niya at hindi na lumabas.
Pumasok siya sa banyo at naligo. Nang makapagbanlaw ay humarap siya sa malaking salamin. Napamata siya nang makita ang tumubong marka na imahe ng kutsilyo na mayroong cross na handle at nakatusok sa buwan. Nakapuwesto ito sa kaliwang bahagi ng dibdib niya sa itaas. Itim ang kulay ng marka na parang tattoo. Kinapa niya ito. Nakaukit ito sa balat niya.
"Ano 'to? Saan 'to galing?" natatarantang sabi niya.
Kinuskos niya ng sabon ang marka pero hindi matanggal. Hindi naman iyon masakit.
"Kainis! Bakit may ganito?" aniya. Sumuko na siya sa pagkuskos ng sabon sa dibdib niya.
Nang may kumatok sa pinto sa labas ay dagli niyang binalot ng tuwalya ang hubad niyang katawan. Lumabas siya ng banyo. Kumuha siya ng underwear sa aparador at malaking itim na T-shirt. Mabilis siyang nagbihis. Pagkuwa'y lumapit siya sa pinto at nagbihis.
"P-Papa Rieg," sambit niya nang makita ang tatay-tatayan niya.
"Let's talk," sabi nito.
Sumunod siya rito hanggang sa beranda ng second floor. Alam na niya ang mangyayari.
"Sino 'yong lalaking kasama mo raw sa gubat sa safe house?" usisa nito sabay harap sa kanya.
"S-Si Jared. Isa siyang wolves hunter. Hindi siya masama. Tinulungan na niya ako noong hinabol ako ng mga lobo," paliwanag niya.
"Hinabol ka ng mga lobo? Kailan 'yon?" manghang usisa nito.
"Five years ago na."
"Bakit hindi ko alam 'yon?"
"Ayaw ko kasing mag-alala kayo. Hindi naman ako napahamak, eh."
"Kahit na!" asik nito.
Napayuko siya.
"Responsibilidad kita kaya dapat lahat ng kilos mo ay alam ko! Paano ka nakalabas noon na mag-isa?" anito.
Ibinalik niya ang tingin sa galit nitong mukha. "Magkasama kami noon ni Kuya Symon pero kasama niya si Aria kaya humiwalay ako sa kanila."
Nagtagis ang bagang ni Riegen. "Sinabi ko naman sa 'yo na huwag kang sumama sa kanya kung hindi naman importante. Alam mo namang hibang ang Kuya mo sa babaeng iyon kaya imposibleng magagawa ka niyang bantayan!"
"E, Papa, noon, bata pa ako. Kaya ko namang protektahan ang sarili ko. Bakit kailangan n'yo ako higpitan nang ganito?" reklamo niya.
Hindi kaagad nakasagot si Riegen. "Hindi sa lahat ng pagkakataon ay magagawa mong protektahan ang sarili mo, Beca. Noong nasa Bangkok tayo, sinusundan tayo ng mga bampirang gustong pumatay sa 'yo. Nakalimutan mo na ba? Noong paalis tayo sa nayon ninyon, may kapangyarihang pumasok sa katawan ko at nag-iwan ng sakit sa mga organs ko. Ang kapangyarihang iyon ay nagmula sa bampirang may kakayahang pumatay mula sa malayo. Kung mahinang klase lang akong bapira, malamang namatay ako noon. Ang ibig saihin niyon, kahit saan ka magpunta ay kaya kang sundan ng gustong pumatay sa 'yo," paliwanag nito.
Naguguluhan siya. "Bakit naman nila ako papatayin?" tanong niya.
"Iyon din ang hindi ko alam. Wala akong makitang espisyal sa 'yo o nakatagong kapangyarihan para may magnasang makuha ka. Pero mas mabuti nang maingat tayo."
"Sorry," wika niya.
Ginulo ni Riegen ang buhok niya. "Sumunod ka na lang sa utos ko para hindi ka mapahamak. Marami na akong sakripisyo para mapalaki ka kaya sana, huwag mong sayangin."
"Opo."
"Sige na, bumaba ka na at kumain."
Tumalima naman siya.
͏s#
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top