Chapter Three

NAUBOS na ni Charie ang pagkain niya pero mukhang hindi pa siya nabubusog. Tiningnan niya ang kinaroroonan nila Rafael at Symon. Parang mga bata ang dalawa kung mag-usap. Mayamaya ang asaran at kulitan. Bigla niyang naalala ang nakababatang kapatid na si Cherry. Isang taon lang ang agwat nila kaya sorang close sila sa isa't isa. Silang dalawa lang ang babae sa limang magkakapatid.

Larawan ng masayang pamilya ang meron siya. Successful silang magkakapatid. Retired teacher ang mama niya at ang Papa niya ay isang magiting na sundalo. Subalit biglang naglaho ang lahat dahil sa mga halimaw. Parang panaginip lang ang lahat. At ngayon, nakatakdang sumunod siya sa kaanak. Mas mabuti na iyon para sa kanya.

Hindi nakatiis ang dalaga. Bumalik siya sa counter at humingi ng karagdagang pagkain. Mabuti pinagbigyan siya ni Serron. Pagbalik niya sa mesang inuukupa niya ay nagulat siya nang mamataan si Symon na nakaupo roon. Hinanap ng paningin niya sa paligid si Rafael. Wala na roon ang lalaki.

"Can I seat here?" ani Symon.

"Sure. Nariyan ka na, eh," sarkastikong sagot niya.

Ngumisi ang binata. Isang mangkok na grapes na lang ang kinakain nito. Pagkuwan ay umupo siya sa katapat nitong silya.

"Nasaan ang kasama mo?" tanong niya rito.

"Si Rafael ba?" tanong nito.

Tumango siya.

"Uh, may special mission siya," anito.

"Anong misyon?" interesadong tanong niya.

"Si Rafael kasi ay isang responsableng miyembro ng sangre organization. Maasahan siya sa lahat ng bagay. Kapag mayroong emergency, palagi siyang kasama sa mga operations. Kaya malaki ang impluwensiya niya sa grupo. Ginagalang siya at pinagkakatiwalaan ng lahat. Pilyo lang siya pero malaki ang pakinabang ng organisasyon sa kanya," kuwento ni Symon, taliwas sa tanong niya.

Hindi niya hiniling na magkuwento ito hinggil sa katangian ni Symon, pero nakuha nito ang interes niya. Parang gusto niyang makilala pa ang lalaki.

"Obvious na close kayo sa isa't isa. Hindi ba kayo iisa ng trabaho at responsibilidad?" usis niya.

Umismid si Symon. "May kanya-kanya kaming responsibilidad. Sinanay lang si Rafael ng daddy niya na maging aktibo sa organisasyon. Unlike sa akin, halos ayaw ng mommy ko na sumasama ako sa misyon ng daddy ko. Pero no choice, kailangan kong gampanan ang pagiging hybrid ko," kuwento nito.

"Ang magulang ba ni Rafael ay mga bampira?" aniya.

"Oo. Pero ang mommy niya ay dating tao. Mabait si Rafael. Kung gusto mo siyang maging kaibigan, irereto kita sa kanya," nakangiting sabi ni Symon sabay subo ng ubas.

Tumaas ang isang kilay niya. "Irereto?" aniya.

"Aha. Irereto kita. Best friend ko si Raf. Kilala ko siya maging style niya sa pagtulog. Alam ko rin kung paano siya umiibig."

Ngumisi siya. "Sa palagay mo ba magiging magkaibigan kami ni Rafael?" sabi niya.

"Oo naman. Lahat ng babae rito, kaibigan si Rafael."

"Mabuti walang nai-in-love sa kanya."

"Anong wala? Walang babaeng hindi nai-in-love sa kanya."

"May naging girlfriend na ba siya? As in kasintahan," hindi natimping tanong niya.

Sumubo ulit ng ubas si Symon. "Puppy love. Sa palagay ko ganoon iyon ang tawag doon. Alam mo naman ang kabataan, mapupusok. Noong nag-aaral pa lang kami ng high school, nag-propose si Rafael sa isang babae na mas matanda sa kanya ng isang taon. Hindi niya alam na may boyfriend pala iyong babae. Baliw na baliw siya doon sa babae kaya niyaya na niyang magpakasal. Ang ending ng proposal niya, napunta siya sa guidance office dahil nakipagsuntukan siya doon sa boyfriend ng nililigawan niya. Nahuli kasi siya niyon na niyayayang magpakasal ang babae," kuwento ni Symon.

Hindi napigil ni Charie na matawa. Napakapilyo pala talaga ni Rafael. Pero dahil sa ilang impormasyong sinabi ni Symon tungkol kay Rafael, nakaramdam siya ng interes sa binata. Mukhang masarap nga itong maging kaibigan.

"Ano? Irereto na ba kita kay Rafael?" mamaya ay sabi ni Symon.

Nataranta siya. "Huwag. Baka isipin niya may gusto ako sa kanya," mariing tanggi niya.

"Huwag kang mag-alala. Hindi magtatagal ay magugustuhan mo rin siya."

Umiling siya. "Posible iyon pero hindi puwedeng mangyari," malungkot na sabi niya.

"Bakit naman? Walang babaeng hindi gustong maging maligaya. Kung gusto mong mas mapalapit sa kanya, sumama ka sa operations namin. Kailangan din namin ng nurse para sa mga survivor na makukuha namin," anito.

Pinag-isipan niya ng ilang beses ang sinabi ni Symon. Naisip niya. Kung doon lang siya sa loob ng academy ay maiinip siya. Baka lalo lang siya made-depress sa kakaisip sa kalagayan niya.

"O sige. Ano ba ang ginagawa ninyo sa labas?" aniya pagkuwan.

"Nagmo-monitor kami sa iba't ibang lugar kung may mga kahina-hinalang nilalang na umaaligid. Naghahanap din kami ng mga taong survivor. Mayroon kasi kaming mga kaaway maliban sa mga halimaw. Sila ang black ribbon organization. Mga grupo sila ng bampira na pilit sinasawata ang mga plano namin. Sila din ang responsable sa pagdami ng mga halimaw."

Ikinuyom niya ang mga palad. Ang mga halimaw ang sumira sa pamilya niya. Kailangan may gawin siya para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kaanak niya.

"Paano mauubos ang mga halimaw?" tanong niya.

"Kapag nakagawa na ng vaccine, lahat ng survivor ay matuturukan. Pagkatapos ay papatayin lahat ng halimaw na hindi kayang ibalik ng vaccine. Inuunti-unti naming pinapatay ang mga halimaw na matagal nang naapiktuhan ng virus. Ang sabi kasi ng mga eksperto, ang mga halimaw na hindi pa pinapatay ng virus ang katawan ay may pag-asa pang maibalik sa dati. May ilang tao na affected ng virus na naka-quarantine."

Nabuhayan siya ng pag-asa. Noong huling tumawag sa kanya si Cherry ay nagmamaneho ito ng kotse palayo sa bahay nila na nilusob umano ng mga halimaw. Pero naputol ang linya noong narinig niya na sumigaw ang kanyang kapatid. Posible kayang buhay pa ang kapatid niya?

"Puwede ko bang mapuntahan ang mga taong naka-quarantine?" aniya.

"Bakit?"

"Baka kasi may kaanak ako roon. May listahan ba kayo ng mga pangalan nila?"

"Oo. Pero hindi lahat ay may identity dahil hindi na makausap ang ilan dahil naapektuhan na ng virus ang utak nila. Regular lang ang turok sa kanila ng anti-rabbis at ibang vaccine para hindi kaagad tuluyang kumalat ang virus sa katawan nila."

"Dalhin mo ako sa kanila, please. May karanasan ako sa pag-handle ng mga naka-quarantine na pasyente."

"Sige. Bukas ay pupuntahan natin."

"Salamat," masayang sabi niya.

EXCITED na si Charie na puntahan ang isla kung saan naka-quarantine ang ibang tao na affected ng virus. Sumama siya sa grupo ni Symon sakay ng chopper. Hindi kasama si Rafael dahil may duty raw ito sa laboratory. Si Elias at Jero ang kasama nila.

Pagdating sa isla ay pumasok sila sa malaking tunnel kung saan umano naka-quarantine ang mga tao. Mayroon ding hayop na naka-quarantine. May mga naka-duty na doktor at nurse sa lugar. Si Symon lang ang kasama niya na pumasok sa isang kuwarto. Sa loob ng kuwarto ay may nakahilirang kulungan. Puro babae ang naka-quarantine doon. Nakasuot sila ng proteksiyon para walang parasite na makakapit sa balat nila.

Sa pinakadulo na rehas ay namukhaan ni Charie ang babaeng nakaupo sa maliit na kama. Nang matiyak na si Cherry ito ay patakbo siyang lumapit. Inalog niya ang rehas na bakal para makuha ang atensiyon ng kanyang kapatid.

"Cherry! Ako ito, si Charie!" sigaw niya.

Ngunit tinitingnan lang siya ng kapatid. Tila hindi na siya nakikilala. Naramdaman niya ang paglapit ni Symon sa likod niya.

"Wala siyang identity. Natagpuan namin siya sa loob ng isang kotse na walang malay. May kagat ng halimaw sa hinlalaki niya sa kaliwang kamay. Ayon sa tiyorya namin, nailabas niya ang kamay niya sa bintana ng sasakyan para sana itulak ang malaking sanga ng kahoy na natumba sa kotse. Ang kaso, may halimaw na kumagat sa daliri niya. Hindi siya nakaalis dahil tuluyang natumba ang punong kahoy sa daraanan niya. Dahil sa pagkabagok kaya siya nawalan ng malay. Dinala namin siya sa safe house pero nang magising siya ay wala na siyang maalala. Kumalat ang virus sa kalahati ng katawan niya kaya inilagay namin siya rito," kuwento ni Symon.

Tumagistis ang luha ni Charie. Sumisikip ang dibdib niya habang tinitingnan ang kanyang kapatid.

"Kapatid ko siya, Symon. Siya si Cherry Trocho. Nasa Taiwan ako noong tumawag siya at sinabing sinalakay sila ng mga halimaw. Siya ang nag-iisang nakatakas pero narinig ko na sumigaw siya. Kaya iniisip ko noon na baka nakain na rin siya ng mga halimaw," humihikbing kuwento niya.

"Huwag kang mag-alala, nabubuo na ni Alessandro ang vaccine. Nakuha na niya ang formula. Ilang sandali na lang ay maililigtas na ang kapatid mo," ani Symon.

Nagtiwala naman siya sa sinabi nito. Pero ang ikinakatakot niya, baka hindi na niya maabutan ang pagbabalik ng kapatid niya dahil nalalapit ang takdang panahon na tuluyang papatayin ng lason ang katawan niya. Nagsisisi din siya dahil hindi nabuhay ang anak nila ni Leeven. Iyon dapat ang magliligtas sa kanilang dalawa mula sa lason. Ang sabi ni Leeven, hindi na siya puwedeng magbuntis dahil mamatay din ang cells kapag natagpuan ang cells niya. Noong inangkin siya ni Leeven, hindi pa nahawa ng lason ang buong cells niya kaya made-develope sana ang bata mas maaga sa pagkalat ng lason sa buong cells niya. Bago siya papatayin ng lason ay naisilang na niya ang sanggol.

Kaya wala nang saysay na makikisama pa siya kay Leeven, dahil pareho lang din silang mamamatay at maghihirap siya kasama ang lalaki na sumira ng kinabukasan niya. Galit ang lumamon sa pagmamahal niya sa lalaki. Hanggang ngayon ay hindi niya ito magawang patawarin kahit naaawa siya.

"Idadagdag ko sa records ang pangalan ng kapatid mo. Isa kasi siya sa walang identity," mamaya ay sabi ni Symon.

"Salamat, Symon."

Mamaya ay dumating si Elias kasama na si Rafael.

"Mon, kailangan na nating bumisita sa mga safe houses," sabi ni Elias.

"Oo nga pala. Sasama ka ba sa amin, Charie?" ani Symon.

Tumango siya. Nilagpasan lang nila si Rafael na pumapasok sa mga kulungan na walang proteksiyon. Huminto pa siya sa tapat ng kulungan kung saan pumasok ang lalaki. Mabuti nakagapos ang babaeng affected ng virus. Tinurukan ito ni Rafael ng may gamot na syringe.

Kumislot siya nang binalingan siya nito ng tingin. Para siyang astronaut sa suot niya. Kinawayan pa siya ni Rafael.

"Maiiwan ka ng chopper!" sigaw nito.

Hindi siya umimik sabay bira ng talikod. Humabol siya kay Symon.

NAGHAPONG nag-ikot ang grupo ni Symon sa buong Cebu. Nagpaiwan si Charie sa safe house sa Mactan. May mga tao kasing nagkakasakit at kailangan ng medical assistant. Wala pa kasing doktor na dumadalaw sa lugar. Nangako naman si Elias na babalikan siya bago lumubog ang araw.

Nasaksihan na naman ni Charie ang paglubog ng araw sa karagatan. Sa tuwing pinapanood niya ang sunset ay naalala niya si Cherry. Malapit sa dagat ang bahay nila noon kaya sa tuwing hapon na ay nag-uunahan na silang magkapatid sa pagtakbo papuntang pampang upang panoorin ang paglubog ng araw. Sobrang nami-miss niya ang kapatid. Dalaga pa si Cherry at hindi pa tumanggap ng manliligaw. Gusto kasi nito makapagpundaw muna ng sariling bahay bago mag-asawa kagaya niya.

Nang dumating ang chopper ay sumakay kaagad siya. Si Elias lang ang sakay. May misyon pa daw ang mga ito kaya ihahatid lang siya sa academy. Nagdesisyon siya na doon siya ihatid sa quarantine area.

"Hindi ka puwedeng mag-stay magdamag roon," sabi ni Elias.

"Hindi ako magtatagal. Bibisitahin ko lang ang kapatid ko."

"Sige. Babalikan na lang kita pagkatapos ng misyon namin," anito.

"Salamat."

Umalis kaagad si Elias pagkababa niya ng chopper. Nalilito siya sa daan. May tatlong pinto kasi pababa ng tunnel. Hindi naman sila dumaan doon ni Symon kanina. May mga guwardiya na umaaligid pero nang tanungin niya kung saan ang daan papasok ay itinuro sa kanya ang pinto na nasa gitna.

Pagpasok niya ay nagtataka siya bakit wala siyang nakitang dressing area kung saan kinukuha ang proteksiyon sa katawan. Wala siyang nakitang kagamitan. Tinahak lamang niya ang pababang pasilyo.

Pagdating niya sa malawak na bulwagan ay napansin niya ang dalawang pinto. Binuksan niya ang nasa kaliwa na walang nakasulat na "Danger". Pumasok siya. Nagulat siya nang biglang bumukas ang sensor lights. Tumambad sa kanya ang mga nakakulong na mga hayop. Mga aso, tigre at lion ang naroon.

Nanrindi ang tainga niya sa ingay ng mga hayop. Lalabas na sana siya nang biglang naalog nang husto ang rehas na pinto ng kulungan ng tigre. Galit na galit ang tigre. Hindi niya mabuksan ang pinto dahil naka-auto-lock ito. Nakalimutan niya kung paano niya ito nabuksan sa labas kanina. May pinitik lang siya sa bilog na seradura.

Natigilan siya nang tuluyang masira ang pinto ng kulungan ng tigre. Napakalakas nito siguro dahil sa pagkauhaw sa kanya. Maging ang ibang hayop ay nagwawala. Maaring infected din ng virus ang mga hayop na ito kaya ito naroon.

Nang sumalakay ang tigre ay inihain niya rito ang kanang binti niya. Iwinasiwas siya nito habang kagat ang binti niya.

"Agh!" daing niya.

Mamaya ay bigla siyang binitawan ng tigre. Dumaloy ang dugo mula sa sugat niya. Napaiyak siya dahil sa matinding kirot. Gumapang siya palapit sa pinto ngunit nang makatayo siya ay bigla itong bumukas. Sumandal siya sa dingsing upang maibalanse ang timbang niya.

Biglang pumasok ang hindi inaasahang lalaki. Si Rafael, na mas inunang lapitan ang tigre na bigla na lang bumagsak sa sahig. Pinulsuhan kaagad nito sa leeg ang tigre.

Nanginginig ang katawan ni Charie dahil sa hapdi ng kanyang sugat. Kumislot siya nang biglang humarap sa kanya si Rafael na nag-anyong bampira. Marahas itong tumayo at humarap sa kanya. Bigla itong bumangis.

Hindi siya natatakot sa posibleng gawin nito sa kanya. Maaring nagagalit ito dahil napahamak ang tigre. Napahamak ang tigre dahil malamang sa nainom na dugo niya. Maaring kumalat na ang lason sa katawan nito.

"Anong ginawa mo sa hayop na ito?" nangangalit na tanong nito.

Noon niya nalaman na may pagpapahalaga si Rafael sa mga hayop. Kaya siya nitong patayin ngayon. Pero hindi siya natatakot na makagat nito. Ang ikinakatakot niya ay baka ito ang mamatay.

"Kinagat niya ako," aniya.

"Kaya ba pinatay mo siya!" asik nito.

Nasindak siya sa galit nito. "W-Wala akong ginawa sa kanya. Ano ba ang kakayahan ko para pumatay ng isang mabangis na hayop? Isa lang akong ordinaryong tao," depensa niya.

Naglabasan ang matutulis na pangil ni Rafael at pulos itim na lang ang mga mata nito. Napasigaw siya nang bigla itong lumapit sa kanya at ikinulong siya sa mga bisig nito. May isang pulgada na lang ang agwat ng mukha nito sa mukha niya. Nakakatakot ang hitsura nito pero kinaya niyang makipagtitigan rito.

"Kakainin mo ba ako? Hindi kita pipigilan. Pero binabalaan kita. Ang cells ko sa katawan ay puno ng lason. Kapag kinain mo ako, maari kang mamatay," sabi niya. Naroon din ang takot niya na baka mapahamak si Rafael.

Nagawa pang ngumisi ng binata. "Ordinaryong tao ka lang. Bakit ako matatakot sa 'yo? Isa pa, sino ang nagsabing kakainin kita?" sabi nito saka hinawakan ang baba niya.

Dumiin sa sementadong dingsing ang ulo niya at umangat ang kanyang mukha. Hindi niya kilala ngayon si Rafael dahil sa bangis ng hitsura nito. Pero sigurado siya na nakikilala pa siya nito.

"K-Kung hindi mo ako kakainin, ano'ng gagawin mo sa akin?" tanong niya. Kumapit siya sa mga braso nito.

"Puwede na siguro ito," anito at bigla na lamang hinapahap ng halik ang kanyang mga labi.

Nanlaki ang mga mata niya. Normal na ang anyo ni Rafael. Itinutulak niya ito pero wala siyang lakas dahil parang kuryente na gumapang sa mga ugat niya ang init na nilikha ng mga labi nito sa kanya. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top