Prologue
NANGINGINIG sa takot ang sampung taong gulang na si Yani habang naiwan siyang mag-isa sa madilim na yungib. Iniwan siya roon ng kanyang ama upang hindi siya madamay sa kaguluhan. Hindi siya nakatiis, lumabas siya. Ang kinakatakutan ng kanyang lahi na blood moon ay lumabas na. Naririnig niya mula sa malayo ang mga alulong ng iba't-ibang lahi ng lobo. Napansin niya ang unti-unting pagtubo ng pinong puting balahibo sa kanyang balat. Napipinto na siyang maging ganap na lobo.
Nang tuluyan siyang maging lobo ay sinuyod niya ang kagubatan upang makita ang kanyang ama. Napadpad siya sa kapatagan kung saan nagaganap ang madugong digmaan sa pagitan ng tatlong lahi. Ang kanyang ama ang pinuno ng mga Beta, at ito ang nakikita niyang nangunguna sa laban. Natatakot siya at nag-aalala para sa amang pilit ipinaglalaban ang kanilang lahi.
Nakakubli siya sa likod ng malaking puno nang may naamoy siyang presensiya ng kapwa niya lobo. Paglingon niya sa kanyang likuran ay namataan niya ang kasing laki niyang abuhing lobo. Nangangalit ito at dagli siyang sinugod. Bumulagta siya sa lupa nang sampahan siya nito at akmang kakagatin siya sa leeg ngunit biglang may isa pang abuhing lobo na bumundol dito. Tumilapon ang lapastangang lobo. Nakabangon siya at pinanood ang dalawang abuhing lobo na nagpagulong-gulong sa lupa.
Ibinalik niya ang tingin sa away ng matatanda. Umalulong siya ang makita niya ang kanyang ama na sugatan habang nakahiga sa lupa. Hindi siya nakatiis, lumabas siya sa kanyang kinukublihan at nilapitan ang ama. Malaki ang sugat nito sa leeg. Nang hindi na nito kinaya ang sugat, nag-anyong tao ito.
Ibinalik din niya sa pagiging tao ang sarili. Kinuyod niya ang lupaypay na katawan ng kanyang ama at dinala sa mayabong na halaman.
"Ama, gumising ka!" humihikbing wika niya habang inaalog ang katawan nito.
Gumalaw ito at nagpumilit magsalita. "Y-Yani, anak, tumakas ka na. Uubusin ng mga Alpha ang lahi natin. Iligtas mo ang angkan natin. Hindi ka puwedeng madamay rito," utos nito.
"Hindi ko kayo iiwan, ama. Huwag n'yo akong iiwan," humahagulhol niyang sabi.
Hinaplos nito ang pisngi niya. "U-Umalis ka na b-bago ka matunton ng mga Alpha. P-Pakiusap, A-Anak..."
Nararamdaman niya ang hirap ng kanyang ama. Nanikip ang kayang dibdib at hilam sa luha ang kanyang mga mata.
"Hindi ko maintindihan. Bakit nila ginagawa ito sa atin? Wala naman tayong kinalaman sa away ng mga Alpha at Omega. Bakit pati tayo ay gusto nilang patayin?" naguguluhang sabi niya.
"Ganid ang mga Alpha. Huwag kang magtitiwala sa kanila. Gusto nila sila lang ang maghari. A-Anak, iwan mo na ako. Tumakas ka na."
Naramdaman niya ang pagluwag ng kapit nito sa kanyang braso. "Ama!"
"M-Mahal na mahal kita, Anak. I-Ikaw lang ang pag-asa ng lahi natin. U-Umalis ka na," sabi nito sa hinahangos na tinig.
Wala siyang nagawa nang tuluyang malagutan ng hininga ang kanyang ama. Walang puknat sa pagpatak ang kanyang luha. Ang puso niya'y tila binubusa.
Nang maamoy niya ang mga Alpha na papalapit sa kanya ay bumalik siya sa pagiging lobo at iniwan na ang walang buhay na katawan ng kanyang ama. Walang direksiyon siyang tumatakbo makalayo lang sa banta ng kamatayan. Nakarating siya sa malawak na batis. Wala siyang ibang tatawirin kundi ang tubig.
Natatakot siyang lumusong dahil hindi pa niya kailanman naranasang lumangoy. Malakas ang agos ng tubig. Hindi niya malaman ang gagawin nang makaamoy siya ng presensiya ng isang Alpha. Tumingala siya sa kalangitan. Nakaturo sa kanya ang mapula at bilog na buwan. Unti-unti nang pumupusyaw ang pamumula nito. Kailangan na niyang makatakas.
Nakapagdesisyon na siyang tumalon sa tubig ngunit hindi niya nagawa nang may kumagat sa kaliwang paa niya. Nakaladkad siya paatras ng lapastangang lobo. Pinilit niyang labanan ang puting lobo na mas malaki nang kaunti sa kanya. Isa itong lalaking lobo. Hindi niya ito makagat dahil sa sobrang liksi nito. Isa itong Alpha dahil sa bangis ng amoy nito.
Nang mabitawan ng bibig nito ang paa niya ay kinagat niya ito sa kanang balikat. Lalo itong nangalit at akmang kakagatin siya sa leeg ngunit hindi nito naituloy nang para itong namanhid.
Nang pakawalan niya ito ay nag-anyong tao ito. Iniinda nito ang sakit na likha ng kagat niya. Mamaya'y may dumating na itim na lobo at sinugod siya. Mas malaki ito sa kanya ng dalawang beses. Alam niyang hindi niya ito kakayanin kaya naisip niyang tumakbo. Mas mabilis ang itim na lobo kaya naabutan siya nito. Sasakmalin na sana siya nito ngunit may kumagat sa paa nito kaya ito nabinbin sa paglapit sa kanya. Nakita niya ang abuhing lobo na siya ring tumulong sa kanya kanina.
Inutusan siya nitong tumalon sa batis. Natatakot siyang sundin ito. Nang bitawan nito ang itim na lobo ay sinugod naman siya nito at kinaladkad siya patalon sa batis. Kusa siyang natutong lumangoy sa takot na malunod. Ginagabayan siya nito hanggang sa makarating sila sa pampang.
Nasundan sila ng itim na lobo. Ganoon na lang ang mabilis nilang pagtakbo. Hindi siya sigurado kung Alpha o Omega ang butihing lobo na kasama niya. Nang makarating sila sa labasan ng gubat ay naglakad na sila patungong kalsada.
Nag-anyong tao na siya, ganoon din ang abuhing lobo. Mas matured ito at seryosong lalaki pero hindi nalalayo ang edad nila.
"Kapag may dumaang sasakyan, parahin mo na. Sumakay ka," sabi nito.
"Paano ka? Mahuhuli ka ng mga kalaban," nag-aalalang sabi niya.
"Kaya kong iligtas ang sarili ko," sabi nito.
Nang may paparating na sasakyan ay nagtago na ang lalaki sa talahiban. "Sumakay ka na riyan," udyok nito sa kanya.
"Salamat. Utang ko ang buhay ko sa 'yo," sabi niya.
"Walang kaso 'yon. Tungkulin kong protektahan ang mga mahihina."
Ngumiti siya. Naisip niyang alamin ang pangalan nito pero bigla itong umalis. Pumagitna na lamang siya sa kalsada at hinarang ang cargo truck na mabagal ang takbo. Bigla itong huminto nang siguro'y napansin siya.
Bumaba ang driver ng truck na isang matangkad na lalaki. Nagmakaawa siya rito.
"Tulungan n'yo po ako. Maawa kayo," samo niya rito habang umiiyak.
Malambot ang puso ng lalaki pero ang kasama nitong babae ay tila nagduda sa kanya.
"Huwag mo siyang pansinin, Amando! Baka nagpapanggap lang 'yang bata!" sabi ng babae.
"Maawa po kayo," samo niya.
"Isakay na natin siya, Bebean. Kawawa naman ang bata. Baka biktima siya ng mga kidnapper," sabi ng lalaki.
"Bahala ka nga!"
Pagkuwan ay kinarga siya ng lalaki at isinakay sa truck. Pinaupo siya nito sa pagitan ng mga ito. Pinausad na nito ang sasakyan. Nang makalayo na sila sa kagubatan ay para siyang nabunutan ng tinik sa dibdib. Doon na siya ginupo ng antok.
Makalipas ang ilang oras ay biglang nagising si Yani nang umalog nang husto ang sinasakyan nila. Nang imulat niya ang mga mata ay nakita niya ang malaking pader na bubungguin nila. Bigla siyang niyakap ng lalaki. Isang malakas na pagyanig ang naramdaman niya. Sa sobrang lakas ay biglang dumilim ang paligid niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top