20-A [ falling apart ]
HINDI ko na nakita 'yung painting the next day. Umuwi na rin si Emotionless Guy pero hindi pa rin kami nagpansinan. (Wow, para namang nagpapansinan kami dati).
Okay na ang lahat pwera kay Erin na mukhang may tinatago dahil ayaw niyang makita ko ang drawing niya. Nang sumilip kasi ako, ang nakita ko lang ay anime na lalaking may espada pero bigla niyang tinakpan.
"Bawal tumingin!"
"Anong dino-drawing mo?" tanong ko.
"Wala. Hay naku, makinig na lang tayo kay Ma'am Hinanay."
Sinara niya ang notebook niya at tahimik pero ilang minuto lang, nakita kong napangiti siya. Weird.
Nahawa kaya siya kay Emotionless Guy sa weirdness?
PALAPIT nang palapit ang birthday ko pati na rin ang examinations kaya nagiging busy ang lahat sa projects. Nang dumating na ang birthday ko, alas-dose pa lang nang umaga, tumawag na sina Mama at Papa para batiin ako. Kahit pinipilit kong maging masaya, naiyak pa rin ako nang mag-sorry sila dahil wala sila sa tabi ko. Nangako rin silang malapit na at magkakasama rin kami. May cake pang kasama.
Natulog akong umiiyak dahil sa tawag na 'yun kaya sobrang namamaga ang mga mata ko pagkagising.
Binati ako ng good morning ni Kuya Angelo nang paalis na siya. Syempre hindi niya alam na birthday ko. Excited akong pumasok dahil makikita ko si Nate. Hindi ako nag-expect na babatiin ako ng mga kaklase ko dahil hindi ko pinaalam. Sa totoo lang, wala na rin akong pakialam kung may bumati man o wala.
"Ianne, anong date nga ulit ngayon?" tanong ni Erin.
Ngumiti ako. "July 15."
"Thanks," sabi niya habang nagsusulat sa quiz booklet namin.
July 15. Birthday ko. Sixteen na ako.
Ang saya.
Inabangan ako ni Nate nung recess. Hinalikan niya ako agad sa noo at bumulong ng, "Happy Birthday." Nagbigay siya ng teddy bear keychain sa akin.
"Ang hilig mo sa keychain, 'no?"
Ngumiti lang siya sa akin. Pinindot niya ang tiyan ng teddy bear at napanganga ako nang may marinig ako mula sa teddy bear.
"I less than three you, Ianne."
Boses niya ang nandun—recorded.
"Para hindi mo ako makalimutan."
Natawa na lang ako sa kakornihan niya. Kainis, ang korni-korni talaga. May kalokohan pa siyang ginawa sa akin. Sinulatan niya ako sa kamay ng bar code na may nakasulat na I < 3 u.
"Ano namang kalokohan 'to?"
"Bibilhin na kita para akin ka na."
Inirapan ko siya sabay tulak sa mukha niyang tawa nang tawa. Sobrang saya ko sa break time kaya bored na bored ako nung nagklase na ulit hanggang sa napatigil kami nang may sumigaw sa hallway.
"Tabi, tabi!"
Pagtingin ko sa labas ng pintuan, may binubuhat na estudyante sa stretcher. Ang nakita ko lang ay ang black pants, meaning lalaking estudyante 'yun.
Nagtayuan ang ilang kaklase ko para sumilip sa nangyayari pero pinaupo kami kaagad ng teacher namin.
"Nahimatay ata," narinig kong sabi ng isa kong kaklase.
"Sino?"
"Hindi ko napansin 'yung mukha."
Napansin ko rin na ang nagbubuhat ng stretcher ay ang tatlong itlog: Jek, Toto at Troy.
Matapos ang ilang oras, excited na akong mag-lunch pero hindi ko nakita si Nate sa labas ng room. Pagkapunta ko sa classroom nila, sabi ni Ellaine umuwi na raw si Nate.
Sinubukan kong contact-in si Nate pero wala siyang sagot sa phone. Kahit sa bahay nila, wala. Kahit si Cloud, hindi sumasagot sa phone. Napatingin ako sa teddy bear at pinindot ang tiyan.
"I less than three you, Ianne."
Nawalan ako ng gana at nag-escape pa ako para sa cleaners. Wala ako sa katinuang naglalakad sa grounds nang makasalubong ko si Emotionless Guy. Gusto ko sanang makipagtinginan nang masama sa kanya kaya lang wala ako sa mood. Nang makalagpas kami sa isa't isa, natigilan ako nang marinig ko ang boses niya.
"Happy Birthday."
Paglingon ko, naglalakad lang siya.
Ano 'yun? Imagination ko lang ba 'yun?
Natapos na ang buong araw ng birthday ko na humabol pa si Kuya Eos kahit labag 'daw' sa loob niya. Patulog na ako nung ala-una kahihintay kay Nate nang maka-receive ako ng text message.
Aaa.NateKo.<3
Happy birthday ulit! Sorry kung napauwi ako ng maaga. Pinauwi ako ni Mama eh, may kailangan asikasuhin. Napatagal at hindi ko hawak ang phone ko kanina kaya di nakapag text agad. Sorry, bawi ako next time. I less than three you. :)
Masaya na ako sa text niya dahil sigurado akong makikita ko na siya kaso, sa mga sumunod na araw; hindi pa rin siya pumasok.
NAPANSIN kong tumatahimik na rin si Erin; hindi na siya sobrang ingay. Napag-connect ko lang ang lahat nang pinuntahan ako ni Cloud para makipag-usap.
Niyakap niya ako. "Bakit ang dali mong mahalin," sabi niya, "pero bakit ang hirap mong kalimutan?"
Hindi ako makapagsalita dahil nagulat ako. Playboy siya pero bakit ganito sinasabi niya sa akin?
"C-Cloud."
"Why are you doing this to me?"
Pinipigilan niya ang sarili niyang umiyak. Sa totoo lang, nagulat akong umiiyak siya. I mean, si Cloud? Umiiyak?
"Ano bang. . ."
Hinawakan ako ni Cloud sa balikat. "Hindi ko sinasadya."
"Ang alin?"
"Si Erin."
Lalo akong naguluhan. "Ano?"
"I'm sorry."
"B-Bakit?" Kinabahan na ako.
Pagkabulong niya ng sinabi niya, namanhid ako. Namumula ang mga mata niya at tulo nang tulo ang mga luha niya.
Hindi ako nakatulog sa kaiisip. Si Erin at Cloud. . . ginawa nila. Gumawa sila. May nangyari sa kanila.
Sinubukan kong kausapin si Erin pero hindi niya ako masyadong pinapansin. Minsan nadadatnan ko siya sa isang sulok habang nakayukong parang tulog pero alam kong hindi dahil gumagalaw ang balikat niya.
Lagi siyang umiiyak.
Sa totoo lang, hindi ko na alam kung ano ang dapat gawin.
Lunes nang makita ko si Nate sa flag ceremony pero hindi niya ako napansin. Okay lang 'yun kaso nung recess, nawala siya. Nung lunch naman, hindi niya ako pinuntahan sa room. Dahil nacu-curious na ako sa nangyayari, ako na ang pumunta sa room nila.
"Si Nate ba?" tanong ni Ellaine. "Nasa library ata?"
"Ah okay, th—"
"Anong thanks? Ibigay mo 'to kay Art." May binigay sa akin si Ellaine na chocolate habang ngiting-ngiti. "Ibigay mo sa kanya 'yan ah?"
Tumango na lang ako. . . wala nang pag-asa 'tong si Ellaine.
Papunta ako ng library nang makasalubong ko si Irene. Nagtaka ako dahil nginitian niya ako. Nakita ko si Nate sa may computer at parang may binabasa. Sobrang seryoso pa ng itsura.
Lumapit ako sa kanya nang nakangiti pero nawala ang ngiti ko nang makita kung ano ang binabasa niya.
"I-Ianne!" Tumayo siya at humarap sa akin na parang nagulat pa. Tinakpan niya ang screen ng computer niya nang isara niya ang web browser. "Kanina ka pa d'yan?"
Naramdaman kong kinakabahan siya. Pinilit kong ngumiti kahit feeling ko namamanhid ang katawan ko.
"Hindi naman. Kararating lang."
"Kain na tayo."
Hirap na hirap akong huminga nang lumabas kami ng library. Hinawakan niya ang kamay ko, crossed fingers pero walang nagsalita sa aming dalawa.
Tiningnan ko siya habang nakatingin siya sa kawalan.
Gusto ko siyang tanungin. Gusto ko malaman kung anong meron. Gusto kong alamin kung bakit. Gusto ko malaman kung may problema.
How to get your partner break up with you
Bakit ganito ang binabasa mo, Nate?
PINAPATAY na ako. Sa bawat araw na nagkikita kami ni Nate, natatakot ako lalo na nang mabasa ko 'yung binabasa niya last time sa library. Hindi ko rin alam kung anong gagawin sa sinabi sa akin ni Cloud. Hindi na pumapasok si Erin pagkatapos ng exams.
Naghalo-halo na ang lahat sa utak ko. Ang bigat sa loob ng nangyayari kina Cloud at Erin at napapansin kong nag-iiba na si Nate. Akala ko kilala ko na siya. Akala ko alam ko na kung anong meron sa kanya. Akala ko okay na lahat. Ang nakakainis lang, lahat 'yun—akala lang.
NASA karinderya kami malapit sa school. Naghihintay lang ako sa lamesa habang nasa counter si Nate.
Napatingin ako nang mag-vibrate ang phone niya. Hindi ko pinansin dahil tumigil din pero nag-vibrate ulit. Sasagutin ko na nang mag-end agad ang call. Titingnan ko na sana kung sino ang nag-miss call pero pagpindot ko ng enter, may tumawag kaya na-accept ko agad. Medyo nataranta pa ako.
Napatigil lang sandali ang pagtibok ng puso ko nang makarinig ako ng boses ng babae at hindi ito boses ng nanay niya.
"Danny!"
"Danny?" tanong ko.
TOOTs TOOTs TOOTs TOOTs
Binabaan ako ng phone?
Sino 'yun?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top