Chapter Twelve


MAY ilaw sa opisina ni Erron. Dinala siya roon ng ginoo para makapagpahinga daw siya. Hindi tuloy niya maintindihan kung pabor ba talaga ito na siya ang babaeng minahal ni Erman. Minsan kasi kung magsalita ito ay parang hindi siya nito gusto. Naroon din ang mommy ni Erman.

"Ano naman ang nakain mo at dinala mo dito si Rena, Erron? Hahatulan mo na ba siya?" mataray na bungad ni Natalya sa asawa.

"Nag-usap na kami," sabi lang ni Erron.

"Malamang tinakot mo na naman siya. Kainis ka talaga, eh."

Tumalikod si Rena. Mag-aaway pa ata ang mag-asawa dahil sa kanya.

"Ano ka ba, Natalya? Kung magsalita ka parang wala akong ginawang mabuti sa pagsasama natin. Namumuro ka na rin sa akin, ah. Bahala ka na kay Rena, may pupuntahan kami ni Serron," sabi ni Erron saka lumapit sa pinto.

"O sige, umalis ka rin. Huwag na tayong mag-submit ng specimen kay Zyrus para walang baby," pananakot pa ni Natalya sa asawa.

Hindi nakatiis si Rena, tiningnan niya ang mag-asawa. Binalikan ni Erron si Natalya at binulungan ito. Pagkatapos ay sandaling naghalikan ang dalawa. First time niyang nakitang ngumit ang daddy ni Erman. At kinilig siya sa eksena ng mag-asawa.

"Bye," sabi lang ni Erron bago tuluyang lumabas.

Panay ang buga ni Natalya ng hangin. "Pasensiya ka na sa asawa ko, Rena. Suplado lang 'yon pero mahal ko 'yon," nakangiting sabi nito sa kanya.

Natawa siya. "Ang cute n'yo nga pong tingnan. Nakakainggit kayo," aniya.

Inakbayan siya nito. "Huwag kang mainggit sa amin. At huwag n'yo kaming tularan ni Erman. Mas mabait si Erman kaysa daddy niya."

Umupo silang dalawa sa sofa. Nagsalin ng blood juice sa dalawang baso si Natalya at binigay sa kanya ang isa.

"Ahm, tita, hindi po ba kayo naiinis sa akin?" tanong niya pagkatapos ang unang lagok ng dugo.

"Bakit naman ako maiinis sa 'yo?"

"Eh kasi po dahil sa akin ay nalalagay sa panganib si Erman. Alam ko pong katulad din kayo ni Tito Erron na gusto kaming paghiwalayin ni Erman.

Bumuntong-hininga si Natalya. "Honestly naiinis ako dati, lalo na noong nalason ng usok ng kasoy si Erman. Pero noong nalaman ko na in-love sa 'yo ang anak ko, pinabayaan ko na lang siya. Sino ba naman ang ina na ayaw maging masaya ang anak?"

"Pero alam n'yo po ang tungkol kay Prince Rios?"

"Ahm, naikuwento na sa akin ni Erron. Nag-aalala ako, pero sa dami ng dagok na dinanas namin ni Erron, nagiging matibay ang loob ko. Kaya iniisip ko na malalagpasan din ninyo ni Erman ang pagsubok na darating sa buhay ninyo. Kung mahal ninyo ang isa't-isa, panghawakan n'yo iyon. Ang pagmamahal na iyon ang gamitin ninyong sandata. Nadala na ako sa kakasaway kay Erman, kasi lalo lang siya nagagalit kapag hinihigpitan ko siya. May tiwala naman ako sa kanya na mapapanindigan na niya ang mga desisyon niya sa buhay."

"Salamat po sa tiwala, Tita."

Ginagap nito ang kanang kamay niya at banayad na pinisil. "Basta huwag mo na ulit sasaktan si Erman. Huwag mo nang pansinin ang mga sinabi ni Erron. Kontrabido talaga 'yon," anito.

"Pero tama naman po si Tito Erron."

"Oo, pero kung iisipin mo ang mga problema, lalo kang mahihirapan. Ang dapat ninyong isipin ni Erman ay kung paano ninyo malalagpasan ang pagsubok at problema."

Naputol ang kuwentuhan nila nang biglang dumating si Erman. Mukhang galing sa pagtakbo ng mabilis kaya hingal na hingal ito.

"O, anak, anong nangyari?" tanong ni Natalya.

Tumayo si Rena at sinalubong si Erman. Nagulat siya nang bigla siya nitong niyakap. Napakahigpit ng yakap nito. "Bakit?" tanong niya.

"Akala ko may masamang nangyari sa 'yo. Wala ka kasi sa kuwarto. Mabuti nasalubong ko si Daddy," kalmado nang sabi nito.

"Wala kasing ilaw kaya lumabas ako."

"Maaayos na mamaya ang linya ng kuryente. Bumalik kaagad ako dito dahil ang sabi ng ilang security ay may ibong nakapasok rito sa academy."

Iyon na nga siguro ang ibon na umatake sa kanya kanina. "Oo nga, may ibong nakapasok rito kanina," sabi niya.

"Nakita mo?" nanlalaki ang mga matang untag ni Erman.

"Oo, inatake nga niya ako."

Napatayo si Natalya at lumapit sa kanila. "Bakit hindi mo kaagad sinabi sa amin, Rena?" natatarantang sabi nito.

Pati si Erman ay hindi mapakali.

"Akala ko po kasi ibong ligaw lang," aniya.

"Sinaktan ka ba niya?" tanong ni Erman.

"Nakalmot niya ako sa pisngi. Pero gumaling din naman kaagad ang sugat ko," tugon niya.

Lalong naging uneasy si Erman. "Hindi basta kalmot lang ang ginawa ng ibon, Rena. May iba pa siyang pakay. May isang ibon na nahuli sina Derek at Rafael. Natukoy ni Rafael na nagmula sa Russia ang mga ibon at may isang makapangyarihang nilalang ang nagpadala sa kanila rito. Hindi gumagamit ng itim na ibon ang mga vampire sa templo ng mga imortal sa Russia. Paneke ang ginagamit nilang mensahero. Ang kilalang lahi ng mga bampira na gumagamit ng itim na ibon ay ang mga dark blood vampire, o ang mga bampirang sumasamba sa diablo," paliwanag ni Erman.

"Hindi kaya si Rios ang nagpadala ng mga ibon dito?" hula niya.

"Malamang. Maaring natunugan nila na buhay ka pa kaya nagsisimula na naman silang maghanap. At dahil sa isang ibon na nadakip nila Rafael, nakatanggap kami ng isang impormasyon na may kinalaman sa tatay mo."

Bigla siyang nasabik na marinig ang kuwento. Pero ang pananabik niya ay hindi para sa tatay niya kundi sa nanay niya. "Ano'ng nangyari sa tatay ko?" tanong niya.

"Nakausap ni Rafael ang ibon, ang sabi'y kasama daw nila ang tatay mo na pumunta rito sa bansa," anito.

"Paano nangyari 'yon?"

"Hindi pa kita masasagot sa ngayon. Hintayin natin ang pagbalik ni Rafael at Derek para mas malinaw. May hinahanap silang tao na tinuturo ng ibon."

Nakontento siya sa sinabi ni Erman. Pero hindi na niya mapigil ang pananabik na may pag-asa pang makita niya ang kanyang ina.

PAGBALIK nila ni Erman sa kuwarto nito ay nagkaroon na ng ilaw. "Bakit lumabas ka na ganyan ang suot mo?" tanong ni Erman.

Tiningnan naman ni Rena ang katawan. Ngayon lang din niya naalala na wala siyang bra. Dinoble lang niya ang damit. Palibhasa madilim kanina.

"H-hindi naman halata na wala akong bra. Isa pa madilim kanina at wala namang ibang nakapansin sa akin. Dapat ay pupunta ako sa kuwarto ko pero nagkita kami ng daddy mo," aniya.

"At humarap ka pa kay daddy na ganyan ang suot mo?" naniningkit ang mga matang sabi ni Erman.

"Ano, hindi naman niya napansin eh."

"Paano mo nalamang hindi niya napansin?"

Naiirita na siya sa pan-uusig ni Erman. "Ah basta, kalimutan mo na 'yon. May ilaw na, babalik na ako sa kuwarto ko," apila niya.

Kinuha niya ang mga hinubad niyang damit sa banyo saka lumabas ng kuwarto ni Erman. Hindi niya inaasahan na susundan pa rin siya nito hanggang sa kuwarto niya. Tumigil na ito sa pag-usig sa suot niya. Nagbihis siya sa harapan nito, habang nakaupo ito sa gilid ng kama niya.

"Mabuti naman unti-unti nang bumabalik ang ugali mo, Rena," mamaya'y sabi ni Erman.

Hinarap niya ito. "Anong ugali?" tanong niya.

"Basta 'yon na 'yon. Hindi mo rin naman maaalala kapag inisa-isa ko. Ang mahalaga bumabalik na ang Rena na nakilala ko."

Pagkatapos niyang maisuot ang blouse niya ay umupo siya sa tabi ni Erman. Inakbayan naman siya nito at inihilig naman niya ang ulo sa balikat nito.

"Pinag-usapan namin ng daddy mo ang tungkol sa atin," umpisa niya.

"Ano'ng sabi niya?"

"Kung gusto daw nating magkaroon ng proteksiyon kontra sa sumpa ni Rios, kailangan daw nating magpakasal sa retwal na paraan."

Nagulat siya nang biglang tumayo si Erman. Hindi na maipinta ang mukha nito. "Sinasabi ko na nga ba, wala talagang balak si daddy na tulungan ako!" asik nito.

Hinakawan niya ang isang kamay nito saka ito hinila paupo muli sa tabi niya. "Relax ka muna. May point naman ang daddy mo, eh," aniya.

"Talagang gusto niya akong gipitin. Alam niya na hindi ako puwedeng maiksal sa retwal dahil marami akong kulang sa requirements. Bakit isinama pa niya iyon sa suhesyon? Kung tutuusin kaya naman niyang patahimikin na lang si Rios!"

"Erman, ayaw kong maging sakim ka sa kadugo mo. Iniingatan ni daddy mo ang bumubuting relasyon niya sa lahi ninyo. Ako lang naman ang habol ni Rios, eh. Hindi ka niya gagalawin kung hindi ka hadlang sa plano niya."

"So, what do you mean to say? Na kailangan mong umalis sa puder ko para hindi masira ang relasyon namin sa aming lahi?" namumurong sabi nito.

"Iyon ang nakikita ng daddy mo na mabisang paraan. Iyon din ang sa tingin ko'y tama. Alam mong hindi ka puwedeng maikasal, at baka maunahan tayo ni Rios kung ngayon ka pa lang magsisimulang magsagawa ng mga pagsusulit. Kailan ka ba magbi-birthday?"

"Three months pa. Pero hindi naman kailangang ikasal kaagad sa retwal. Halos lahat naman na bampira sa maharlikang lahi ay hindi ikinasal sa retwal. Kahit si Daddy, hindi 'yan nakabuo ng exam. Mas matigas pa ulo niya sa 'kin. Ikinasal sila sa retwal pero hindi ang Panginoon namin ang nagkasal sa kanila. Makakahabol naman tayo sa kasal na iyan basta huwag ka lang matunton ni Rios."

"Hanggang kailan ba tayo magtatago sa kanya? Pakiramdam ko minsan ay parang ang lapit lang niya sa akin. Ayaw kong isipin na totoo ang mga panaginip ko na parang may kinalaman sa kanya. Paano kung alam na pala ni Rios na narito ako sa inyo?"

Napatda si Erman. May takot sa mga mata nito habang nakatitig sa kanya. "Hindi ako papayag na mahawakan ka niya, Rena," matatag na sabi nito.

"Kung ikakamahamak mo, huwag ka nang manlaban, Erman."

Marahas na tumayo ang binata. "Ano, sasama ka sa kanya?"

Umismid siya. Masyado na ata silang advance sa mangyayari. Ayaw niyang ma-pressure sila pareho ni Erman. Pero ang gusto talaga niyang mangyari ay maikasal sila sa retwal. Kailangan niyang himukin si Erman na maipasa ang mga pagsusulit.

"Pakasalan mo ako, Erman," hiling niya rito.

Hindi nakakibo si Erman. Tumayo siya. Inilingkis niya ang mga kamay sa leeg nito. "Kaya mo naman sigurong maipasa ang pagsusulit. Mahihintay ko ang tatlong buwan. Kapag thirty-one years old ka na, siguradong naipasa mo na lahat," aniya.

"Kaya ko 'yo, Rena, pero hindi papayag ang panginoon namin kapag nalamang engaged ka sa ibang bampira. Malaking paglabag sa batas ang gagawin natin. Isa iyong pagtataksil sa lahi namin."

"Pero hindi ko naman ginustong ma-engaged kay Rios. Sapilitan ang nangyari."

"Dumaan sa proseso ang engagement ninyo ni Rios. Kung sa tao, arrange married ang tawag doon dahil siya at ang tatay mo ang nagkaroon ng kasunduan. Pormal na hiningi ni Rios sa tatay mo ang pagpapakasal sa 'yo. Sa lahi namin, walang magagawa ang babae kapag naipagkasundo siya ng magulang nito sa sino mang mataas na opisyales ng angkan namin. Si Rios ay kinikilalang prinsepe ng dark town, at bago siya naging prinsepe ay binasbasan siya ng pitong Panginoon ng mga bampira sa mundo. Kaya malaking paglabag sa batas namin ang pagsulot sa babaeng nakatakdang ikasal sa isang prinsepe. Kahit hindi natuloy ang retwal na kasal ninyo ni Rios, nakatali ka pa rin sa isang kasunduan sa pagitan nila ng tatay mo. Naialay na ni Rios ang kasunduang iyon sa Panginoon ng mga dark blood vampire," paliwanag ni Erman.

"Pero patay na ang mortal kong katawan, wala na siyang mapapakinabangan sa akin," depensa niya.

"Wala na siyang mapapakinabangan, pero ang kahihiyang idinulot mo sa kanya ay isang malaking kawalan din sa kanya. Kahit wala na siyang pakinabang sa 'yo, kailangan pa rin ninyong maikasal dahil iyon ang itinadhana sa inyo. Maaring magiging alipin ka niya kapag ikinasal kayo, o kaya'y puwede pa rin kayong magkaanak. Pero hindi na siya magiging hari o kahit ang anak niya dahil hindi berhin ang babaeng ihaharap niya sa Panginoon. Wala na siyang matatanggap na karangalan. At ang plano niyang pag-alay ng berhin mong kaluluwa at katawan sa sinasamba niyang diablo ay hindi na mangyayari. Hindi niya makakamit ang kapangyarihang kailangan niya para mas kilalanin siyang hari at mapantayan ang kapangyarihan ni Draculus. At dahil sa pagkawala ng lahat na iyon sa kanya, ibubuhos niya ang galit sa tatay mo at sa 'yo."

Kahit anong sama ng tatay niya ay naroon pa rin ang pag-aalala niya rito.

"Dumating na sina Rafael at Derek," mamaya'y sabi ni Erman. Malakas ang radar nito.

Sabay na silang lumabas at hinanap ang kararating na kalalakihan. Sa laboratory two nila natagpuan si Rafael. Hindi nito kasama si Derek. Nakatuon lang ang paningin niya sa isang kuwarto na kurtina lang ang pinto. Nakita niya si Alessandro at ibang nurse na may inaasikasong pasyente. Abala pa si Rafael sa pakikipag-usap kay Erman kaya hindi niya ito maabala.

Hindi siya nakatiis, lumapit pa siya sa kuwarto at hinawi ang kurtina. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang babaeng siguro'y nasa singkuwenta'y anyos at walang malay. Pamilyar sa kanya ito at nararamdaman niya sa kanyang puso na malapit sa kanya ang babae. Habang tinititigan niya ang mukha nito ay may ilang hibla ng nakaraan na dumapo sa isip niya.

"HUWAG kang lalabas ng kuwarto mo kahit anong mangyari, Anak. Magagalit ang papa mo," habilin ng mama ni Rena bago ito lumabas ng kuwarto niya.

May isang oras nang nakakulong sa kuwarto si Rena. Mamaya'y narinig niya ang boses ng mama niya na sumisigaw, dumadaing at umiiyak. Hindi siya nakatiis, lumabas siya. Hindi siya nakababa ng hagdan nang makita niya ang papa niya na pinapaso ng mainit na plantsa ang likod ng mama niya habang nakadapa ito sa sahig.

"How many time you lied to me, Anita? You're traitor!" asik ng papa niya, saka muling inilapat na naman ang plantsa sa likod ng mama niya na walang damit. Umuusok pa ang balat ng mama niya habang lumalapad ang natuklap na balat.

Gusto niyang awatin ang papa niya pero natatakot siya. Nang masagi niya ang flower vase ay tumakbo kaagad siya pabalik sa kuwarto niya. Doon niya ibinuhos ang luha niya.

"MAMA..." bigkas ni Isabel matapos maalala na ang babaeng inaasikaso ng grupo ni Alessandro ay ang kanyang ina.

Akmang lalapitan niya ang walang malay na ina ngunit hnarang siya ni Charie. Kinaladkad siya nito palabas, hanggang sa makulong siya sa mga bisig ni Erman. Doon lang siya humagulgol ng iyak.

"Si mama 'yon, Erman...siya ang mama ko..." giit niya, habang yakap siya ni Erman.

"Oo, Rena. Huwag kang mag-alala, maililigtas siya ng mga kasama natin." Inalo siya nito. Hindi pa rin siya tumigil sa pag-iyak.

AB'!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: