Chapter 17
"WALA pa akong maisip na ibang option. Siguro kailangan lang matuto si Raven kung paano kontrolin ang sarili niya pagdating sa pagkain. Mag-isip kayo ng pagkain na kahit konti lang ang amout ay mabigat sa tiyan. Mas mainam kung paiinumin din siya ng dugo para hindi siya mabilis magutom," sabi ni Alessandro nang hingan ito ng tulong ni Zack.
Nasa loob sila ng laboratory. "Ayaw nga ni Janet na sanaying uminom ng dugo si Raven. Gusto niya ay makasanayan ni Raven ang normal na buhay katuld ng tao," ani Zack.
"We don't have choice," sabi lang ni Alessandro.
"Nag-aalala ako kay Janet. Nawawalan na siya ng oras sa sarili niya dahil kay Raven."
"At siyempre, nawawalan din siya ng oras sa 'yo."
Tinitigan niya si Alessandro. Aminin man niya sa hindi ay nilalamon na siya ng insecurity niya. Kahit anong paalala niya sa kanyang sarili na aakuin niya ang pagiging ama kay Raven, ay nahihirapan siya. Nahihirapan siyang mag-adjust. Habang pinagmamasdan niya ang binata ay naiisip niya ang tunay nitong ama, at iyon ang labis na nagpapahirap sa kalooban niya.
Bumuntong-hininga siya. "I don't know what to do. Ayaw kong magkaroon kami ng hindi pagkakaunawaan ni Janet. Okay na kami, eh. Pero biglang dumating si Raven," nababahalang wika niya.
"About that issue, I don't have idea. Mapurol ang utak ko pagdating sa problemang puso. I can't help you this time, Zack," malungkot na sabi ni Alessandro.
Kumibit-balikat siya. Kung puwede lamang niya utusan si Alessandro na ibalik sa pinanggalingan nito si Raven ay ginawa na niya, pero hindi siya ganoon kasakim.
Nayayamot na lumabas ng laboratory si Zack. Pagbalik niya sa kuwarto ni Janet ay nadatnan niya roon si Raven, na nakahilata sa kama ng dalaga. Paano pa sila magla-love making nito? Si Janet naman ay nagkakandarapa sa pag-aasikaso sa nilabhan nitong damit.
"Daddy! Gusto mo bang maglaro ng basketball?" mamaya'y tanong sa kanya ni Raven.
"No. I'm tired. Next time na lang," aniya.
Tumayo si Raven at lumapit sa kanya. "Turuan mo na lang akong magpana!" pangungulit nito.
"Pagod nga ako, 'di ba?" namumurong sabi niya.
"Eh 'di mag-swimming na lang tayo!"
Pumanting ang tainga niya. "Ano ba? Sabing pagod ako 'di ba?! Hindi ka ba nakakaintindi?!" asik niya.
Napatda si Raven. Awtomatiko namang namagitan si Janet. "Zack! Bakit ka nakasigaw?" anito.
"Ang kulit ng anak mo, eh!"
"Naglalambing lang 'yong bata!"
"Bata? Bata pa ba 'yan sa tingin mo, Janet? Halos magkasing laki lang kami, pero kung tratuhin mo, parang isang taon! Dumating lang siya, parang wala na akong silbi!"
"Anak ko siya, Zack!"
"I know! Ano ba ang laban ko?" Sa inis niya'y nilayasan niya ang mag-ina.
MAY kung anong mabigat na bagay ang dumagan sa dibdib ni Janet. Nasaktan ata niya si Zack. Hinabol niya si Zack pero hindi na niya ito naabutan. Mabilis itong nawala. Pagbalik niya sa kuwarto ay itinutuloy na ni Raven ang pagtutupi sa mga nilabhan niyang damit.
"Mommy, galit ba sa akin si Daddy?" tanong ni Raven.
"Hindi, anak. Pagod lang ang daddy mo," aniya.
"Dito na lang ako matutulog, mommy, para may bantay ka. Baka kasi hindi na babalik si Daddy," anito.
Hindi niya ito pinansin. Tinapos niya ang kanyang ginagawa. Hindi niya namamalayan ang oras. Kanina habang nagsasalansan siya ng mga natuping damit sa closet ay walang tigil sa pagpatak ang luha niya. Naalimpungatan siya nang marinig niya ang pabukas ng pinto sa labas. Nakaidlip pala siya sa sofa. Lumabas siya ng kuwarto. Wala na sa sala si Raven, pero naiwang nakabukas ang pinto.
Paglabas niya'y namataan niya si Raven na naglalakad sa pasilyo patungo sa hagdan paakyat sa third floor. Sinundan niya ito. Hindi tumigil sa paghakbang ang binata hanggang sa paakyat na ito ng hagdan. Nang matamaan ito ng spot light ay saka lamang niya napansin na nakapikit ito.
"Anak!" tawag niya rito. Ngunit hindi siya nito narinig.
Patakbong sinugod niya ito. Binuksan na nito ang pinto na patungo sa huling palapag ng gusali. Bago ito tuluyang makalabas ay hinaklit niya ang balikat nito at pinihit ito paharap sa kanya. Bigla itong dumilat. Dagling isinara niya ang pinto.
"Mom?" naalimpungatang sambit nito.
Tinapik niya ang pisngi nito para tuluyang magising. "Okay ka lang ba? Naglalakad kang tulog, anak," aniya.
"May nakita akong lalaki. Tinatawag niya ako," anito.
Bigla siyang kinilabutan. "Sinong lalaki?" tanong niya.
"Kamukha ko siya."
Si Luke ang kaagad niyang naisip. "Ahm. Huwag mo nang isipin 'yon. Panaginip lang 'yon. Halika, matulog ka ulit." Iginiya na niya ito pabalik sa kuwarto.
Nilagyan niya ng kandado sa loob ng pinto para siguradong hindi na makakalabas pa si Raven. Pero hindi na ito natulog pa. Nagbabasa ito ng malaking libro habang nakaupo sa sofa. Hindi naman siya makatulog. Pinagmamasdan niya si Raven mula sa pinto ng kanyang kuwarto.
Mamaya'y bigla na lang napahawak sa ulo nito si Raven. Hinilut-hilot nito ang noo, na tila may nararamdamang sakit. Nilapitan niya ito at tinabihan.
"Okay ka lang, anak?" tanong niya.
Hindi ito nagsasalita. Pinisil-pisil niya ang likod nito. "Ano ba ang nararamdaman mo? Masakit ba ang ulo mo?" nag-aalalang tanong niya.
"Gusto kong lumabas," anito.
"Ha? Ano naman ang gagawin mo sa labas?"
Hindi ito kumibo. Bigla na lang ito tumayo at lumapit sa pinto. Pinipilit nitong mabuksan ang pinto.
"Gabi na, ano pa ang gagawin mo sa labas?" aniya.
"Gusto kong lumabas!" asik nito.
Nagulat siya nang walang kahirap-hirap na binaklas nito ang kandado. Pagkabukas ng pinto ay malalaki ang hakbang na lumabas ito. Tinungo ulit nito ang hagdan patungong third floor. Hinabol niya ito hanggang sa labas.
Likod na lang ni Raven ang nakita niya na tumalon. Binasag nito ang makapal na salaming nakapalibot sa third floor. Nawala na sa paningin niya ang binata. May isang minuto siyang tulala habang nakatitig sa pinagtalunan ni Raven. Nang mahimasmasa'y tumakbo siya pababa at binulabog ang mga security.
Magdamag na hindi nakatulog si Janet. Hindi na nakita ng mga security ang anak niya. Hindi niya mahagilap si Zack kaya lumapit na siya sa mga opisyales. May mga naghahanap na raw kay Raven. Hindi siya nakontento, humingi siya ng karagdagang tulong kay Alessandro. Alam niya may alam ito sa nangyayari kay Raven. Idinaan sa mabusising pag-aaral ang ginawa ng mga eksperto. Mabuti na lang naroon si Dwen para ibahagi ang nalalaman nito tungkol kay Raven. Hindi niya masyadong naunawaan kaya si Alessandro ang nagpaliwanag sa kanya nang mapagsolo sila sa laboratory.
"Ang sabi ni Dwen, kinopya ang memory ni Raven kay Luke, kaya anuman ang naiisip nito ay nagre-reflect sa isip ni Raven. Kayang kontrolin ni Luke ang isip ni Raven. Nararamdaman din ni Luke ang nararamdaman ng anak niya. Kapag nasasaktan si Raven ay mararamdaman iyon ni Luke. Ang teyorya ko sa nangyari, maaring kinontrol ni Luke ang isip ni Raven para makuha niya ito. Naramdaman ni Luke na aktibo na si Raven, kaya siguro nagnasa siya na makuha ito. Anak niya si Raven, kaya asahan na nating maghahabol siya," paliwanag ni Alessandro.
"Hindi puwede! Paano natin mababawi si Raven?" balisang sabi niya.
"We are trying to detect thier location. Kapag natagpuan sila, babawiin natin si Raven. But of course, hindi ganoon kadali 'yon. Nasa panig ng black ribbon si Luke, kaya mapapasubo ang miyembro ng organisasyon na makipaglaban. Ayon sa research ng ispiya ko, nakaabang na ang plano ng mga kalaban sakaling makuha ng mga ito si Raven. Alam nila ang abilidad ni Raven, at malaking pakinabang ng mga ito sa bata. Since kontrol ni Luke si Raven, magagawa nito lahat na gusto nito sa anak, masama man o mabuti."
"Hindi niya puwedeng pakialaman ang anak ko!" naunahan na siya ng pagluha.
"Kailangan nating makausap si Luke, para malaman natin kung ano ang plano niya. Pero ikaw lang ang makakagawa niyon, Janet. Alam ko na hindi lang si Raven ang intensiyon niya. Maaring gusto ka pa rin niyang makasama."
"Hindi ko papayagan 'yon!" asik niya.
"Kung gusto mong mabawi si Raven, makiisa ka sa plano namin."
Tumango siya. Handa siyang gawin ang lahat para sa anak niya.
ISANG linggo na ang lumipas pero wala pa ring balita kay Raven. Ilang gabi na ring hindi nakakatulog ng maayos si Janet sa kakaisip sa anak niya. Nakikisabay pa itong si Zack, na hanggang ngayon ay hindi pa nagpaparamdam sa kanya. Nasa Spain pa raw ang lalaki dahil inaasikaso nito ang branck ng organisasyon doon.
Wala siyang magawa kundi maghintay. Pero hindi na niya matiis ang paghihintay na wala namang nangyayari. Hindi siya nakatiis, nakiusap siya kay Erman na kung maari ay iparating nito kay Zack ang nangyari. Pero naghintay pa rin siya ng matagal. Naisip niya, baka lalo lang sumama ang loob ni Zack dahil may kinalaman pa rin kay Raven ang problema niya.
Kinagabihan ay pinapapunta siya sa conference room. Naroon ang ilang miyembro ng organisasyon. Pinamumunuan ni Alessandro ang pagpupulong na iyon.
"Ayon sa ispiya ko, wala na si Luke sa panig ng black ribbon. May dalawang linggo na raw itong umalis sa grupo. Pero nasasagap pa rin ng radar niya ang aura ni Luke dito sa lugar, pero palipat-lipat ito ng puwesto. Magkasama sila ni Raven. Inaalam pa kung ano ang naging dahilan ni Luke, kung bakit ito umalis sa panig ng black ribbon. Pero natitiyak ko na may hindi magandang nangyari sa dalawang panig. Maaring may malalim na dahilan si Luke," panimula ni Alessandro.
"May planong lumayo ng bansa si Luke. Noong huli ko siyang nakaengkuwentro sa siyudad ay inamin na niya sa akin na wala na siya sa black ribbon. He was planning to go back to Russia," sabad naman ni Rafael.
"Kaya ba kinuha niya si Raven?" hindi natimping apila ni Janet.
"I think it's part of his plan," ani Rafael.
"Hindi puwede!" protesta niya.
"We can't please him. May karapatan siya kay Raven," ani Alessandro.
"Pero paano ako? Hindi niya puwedeng ilayo sa akin ang anak ko!" mangiyak-ngiyak na sabi niya.
Wala nang nagsalita. Hindi rin alam ng mga ito ang isasagot sa problema niya. Humahagulgol siya paglabas ng kuwarto. Hindi niya malaman ang gagawin, gayung wala siyang nakuhang payo mula sa miyembro ng organisasyon. Ang sabi lang sa kanya ni Alessandro ay... "It's too personal issue. We can't fix it".
Nanlumo siya pagdating sa kanyang kuwarto. Wala siyang ginawa kundi umiyak. Hanggang sa makatulugan niya ang pagluha.
Alas-singko ng umaga nagising si Janet. Pakiramdam niya'y nakalutang siya sa hangin habang naglalakad patungong kusina. Kailangan niyang kumain kahit wala siyang panlasa. Nanghihina na kasi ang katawan niya dahil sa kakulangan ng tulog at pagkain.
Pagpasok niya sa kusina ay napakadilim. Kinapa niya ang switch ng ilaw pero kahit anong pindot niya'y ayaw bumukas ng ilaw. Habang nakatitig siya sa iisang direksiyon ay unti-unti niyang naaninag ang bulto ng lalaki.
"May tao ba d'yan?" tanong niya.
Mamaya'y bumukas ang ilaw kasabay sa pagsalubong sa kanya ng lalaking mabilis ding naglaho.
Janet... narinig niyang tawag sa kanya ng pamilyar na boses ng lalaki. Kinilabutan siya.
Paglingon niya sa kanyang likuran ay pumitlag siya nang mamataan niya si Luke na nakatayo roon. Napaatras siya ng isang hakbang. Nang makatitig na siya sa mukha nito ay unti-unting naglalaho ang kaba niya.
"L-Luke... n-nasaan si Raven? Ibalik mo siya sa akin!" matapang na sabi niya.
"Raven is my son, Janet. No other man can own him! Zack has no right to take over my responsibility! Nagtago ako sa 'yo dahil akala ko ay maglalaho ang pagmamahal mo sa akin kapag nalaman mong isa na akong bampira. I'm wrong, dahil isang bampira din ang ipinalit mo sa akin! Si Zack, siya ang dahilan kung bakit naging ganito ako! Pinatay niya ako!" nanggagalaiting sabi nito.
"Hindi niya iyon sinadya! Ikaw ang gustong pumatay sa kanya!"
"How dear you? Mas kinakampihan mo pa siya!"
"Dahil mahal ko siya!"
"What about me? Do you love me?"
"I loved you. But you lied at me! All my life, niloko mo ako! Pinaniwala mo akong inosente ka! Na wala kang ginaagwang masama pero nakikipag-ugnayan ka pala sa masasamang nilalang! Paano ko mamahalin ang taong puno ng lihim? Kung mahal mo ako, hindi ka naglihim sa akin! Pati si Raven, inilihim mo sa akin! Anong klase kang lalaki? Ipinamigay mo ang cells natin para sa isang ekspiremento, para sa pangahas mong ambisyon!"
"Nagsisi na ako, Janet! Noong nag-propose ako sa 'yo, sasabihin ko na sana sa 'yo ang lahat, pero hindi nangyari! Now, I want you to accept me again. Let's started all over again. We can live free. We have our son," sumasamong sabi nito.
"No! Hindi ako sasama sa 'yo!"
Tumapang nang muli ang anyo nito. "Ipinagpalit mo na ba ako sa Zack na 'yon? Wala kang magandang kinabukasan sa kanya!"
"Ikaw ang walang maibibigay na magandang kinabukasan sa akin, Luke! Dahil noon pa lang ay hindi ka na naging tapat sa akin! Ibalik mo sa akin ang anak ko!"
"No way!"
"Luke!" Akmang hihiklatin niya ang balikat nito ngunit bigla itong naglaho. Hinagilap niya ito sa paligid pero wala na ito.
Lalo siyang nahinaan ng loob. Dahil sa mga sinabi niya, alam niya na lalong ilalayo sa kanya ni Luke si Raven.
crp
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top