Chapter 14


GANADO magtrabaho si Janet dahil nakabalik na ulit sa sangre si Zack. Bagaman hindi pa opisyal na tinatanggap ni Dario ang proposal ni Zack ay naniniwala siya na makokombinsi rin ang pinuno nila. Gusto niyang personal na ipagluto si Zack kaya nakialam siya sa kusina. Hindi pa lumalabas ng conference si Zack kung saan nakikipagpulong ito kasama ang opisyales ng organisasyon.

"First time mo atang nagluto rito sa kusina, Janet," tanong ni Erman pagpasok nito sa kusina kasama ang pinsan nitong si Jero.

"Kuwan, may bisita kasi ako," aniya, habang abala sa paghihiwa ng mga rekado para sa sopas.

"Kayo na ba ni Zack, Janet?" pagkuwa'y tanong ni Jero.

Uminit ang mukha niya. Bihira niya nakakausap si Jero kaya ganoon na lang ang ilang niya rito.

"Sila na, pinsan," si Erman ang sumagot.

"Kaya pala hindi ka pinatulan, Erman. May Zack na palang namamahay sa puso niya," pilyong sabi ni Jero.

Kumibit-balikat si Erman. "Alam ko namang hindi ako mananalo. Zack deserves to win. Ano'ng laban ko sa karesma niya?"

"Mabuti alam mong wala kang sex appeal."

"Ang yabang nito!" tinampal ni Erman ang balikat ni Jero.

Natawa siya sa dalawa. Mamaya'y kanya-kanya nang halungkat ng pagkain ang dalawa. Naubusan kasi ng pagkain sa food center dahil dumami pa ang estudiyante.

Inaantabayanan ni Janet ang pagdating ni Zack sa food center. Ang usapan kasi nila ay doon sila magkikita pagkatapos ng meeting ng mga ito. Lumipas na ang tanghalian ay wala pa ito. Magde-distribute pa naman sila ng groceries sa mga safe houses mamaya kasama sina Erman, Elias at Rafael.

Nang matanaw niya ang bulto ni Zack na papasok ng food center ay tumalima siya. Kinuha kaagad niya ang mga inihanda niyang pagkain na nasa counter. Kasama ni Zack ang daddy nito. Bigla siyang nag-alangan na pagsilbihan ito. Malamang hindi pa alam ng daddy nito ang tungkol sa kanila.

Nang makaupo na sa bakanteng mesa ang mag-ama ay naglakas-loob siya na ilatag ang mga pagkain sa mesa ng mga ito. Awtomatikong bumaling ang lion-eyes ng daddy nito. Ganoon naman ang pagtitig sa kanya ni Zack. Siguro'y na-realize nito kung bakit niya pinagsisilbihan ang mga ito.

Tumayo si Zack at pinaghila siya ng silya sa tabi nito. Ito na rin ang nag-ayos ng mga plato nila. Nang makaupo na siya ay hindi niya nailagan ang mapan-usig na tingin sa kanya ni Leandro. Lalo pa't sinalinan ni Zack ng pagkain ang plato niya.

"Sorry, pinaghintay kita. Alam kong nagugutom ka na," sabi sa kanya ni Zack.

"Okay lang," aniya.

"Uhum!" si Leandro.

Nagkasabay sila ni Zack na tumitig sa ginoong kaharap nila.

"Ahm, dad, what are you waiting for? Let's eat!" pagkuwa'y sabi ni Zack sa daddy nito.

"Kumain na po kayo, Sir. Huwag kayong mag-alala, maayos po ang pagkaluto ko ng pagkain," naiilang na sabi niya.

"I know. Pero may naamoy akong mas masarap," pilyong sabi ni Leandro, pero walang bahid ng ngiti sa mukha.

"Ah, dad, actually gusto ko kayong makausap. Tutal narito na rin kayo. Gusto ko sanang maging aware naman kayo sa pribado kong buhay. Medyo matagal din tayong hindi nakakapag-usap na hindi tungkol sa organisasyon," ani Zack.

"Huwag ka ng magpaliguy-ligoy, Zack. Sabihin mo na sa akin kung ano ba talaga ang gusto mong sabihin. Nae-excite ako," sabad ni Leandro.

Napatda si Zack. Ganoon din ang pagkabog ng dibidb ni Janet. Mamaya'y tumawa si Zack. "Magkaka-apo ka na, Dad," bigla'y sabi nito.

Awtomatiko'y tiningnan ni Janet si Zack na may pagkagimbal. Ganoon naman ang pagmulagat ng mga mata ni Leandro.

"Hindi 'yan ang inaasahan kong marinig! I'm not prepared to have a grandchild!" asik ni Leandro, pero nasa mga mata nito ang tuwa.

"Sabi n'yo huwag akong magpaliguy-ligoy. Sinisimulan ko na ang pag-invest para madagdagan ang lahi natin. Ayaw mo?" ani Zack.

Hindi nakakibo si Leandro. Pinapak nito ang fried chicken.

Kinurot ni Janet ang hita ni Zack. "Aw!" daing nito sabay baling ng tingin sa kanya.

Kanina pa siya parang pusang hindi mapaanak. Kung puwede lang maglaho ay kanina pa niya ginawa. Mabuti na lang may itinatago ring kakulitan si Leandro. Kumislot siya nang biglang pisilin ni Zack ang hita niya. Tiningnan ulit niya ito ng masama. Nagawa pa siya nitong kindatan. Sumikdo ang puso niya.

"Siguraduhin mo lang na iyan na ang huling babaeng kababaliwan mo, Zack," mamaya'y sabi ni Leandro.

Sabay silang tumingin dito. "Sigurado na, Dad. Kung sakaling mabigo ulit ako; papanain ko ang sarili kong puso," matatag na sagot ni Zack.

Sinuntok ni Janet ang hita nito. Hindi niya nagustuhan ang sinabi nito.

Tumawa ng pagak si Leandro. "Don't you dare to do that, son. Kung ganoon ang gagawin mo ay ako na ang manliligaw kay Janet, para lang hindi ka niya iiwan. Okay lang ba, Janet?" anito.

"Ho?" aniya.

"Luluhod ako sa harapan mo para lang huwag mong saktan ang puso ng anak ko. Alam mo bang ilang beses na nasugatan ang puso ni Zack? At kapag nasasaktan ang puso niya, hinihiwa niya ng patalim ang sarili niyang katawan, o 'di kaya'y ini-istorbo niya ako para lang latiguhin ko siya. Para sa akin na kinalakihan niyang ama, hindi madali na sinasaktan ko siya. Pero mas masakit na nakikita ko siyang sinasaktan niya ang sarili niya. Noong bata pa siya ay napansin ko na iyon. Na kapag masama ang loob niya ay sinasaktan niya ang sarili niya. Pagkatapos ay kalmado na siya. Pero nahihirapan ako sa ganoong sistema. Hindi baleng ako ang manakit sa kanya, at least kaya kong tantiyahin pananakit sa kanya. Kapag siya lang kasi ay hindi niya nalilimitahan ang sarili niya, na halos mapatay na niya ang kanyang sarili. Kaya kapag may nagugustuhan siyang babae ay todo suporta ako kahit minsan ay inaagaw niya ang babaeng nagugustuhan ko. Gusto ko siyang maging masaya kaya ako na ang gumagawa ng hakbang. Sana maging succesfull ang relationship ninyo," mahabang pahayag ni Leandro.

Matagal nang alam ni Janet ang tungkol sa kakaibang katangian ni Zack, pero iba pa rin ang pakiramdam gayung nagmula mismo sa ama ni Zack ang impormasyong iyon.

"Huwag po kayong mag-alala, sir, hindi po ako marunong manakit ng lalaki," aniya.

"Pinapahintulutan na kitang tawagin akong 'tito' or mas maganda kong daddy na rin," nakangiting sabi nito.

Napangiti siya. Nang tingnan niya si Zack ay lumalamon na ito. Walang tigil ang pagsubo nito ng pagkain kahit punung-puno na ang bibig nito.

"Masarap kang magluto, ah. Maswerte ang anak ko sa 'yo. Mahilig kasi siyang kumain," wika ni Leandro. Nakadalawang hiwa na ito ng fried chicken.

"Salamat po."

NAPANSIN ni Janet ang pananahimik ni Zack, pagdating nila sa kuwarto niya. Paglabas nito sa banyo ay inasikaso niya ang susuutin nitong damit. Tuwalya lang ang sapin nito sa katawan. Umupo ito sa gilid ng kama habang kinukuskos nito ng bimpo ang basa nitong buhok.

Tinabihan niya ito sa kama pagkaabot rito ng damit nito. "Kumusta ang meeting ninyo?" usisa niya.

"Okay naman," tipid nitong sagot.

"Anong okay? Tinanggap na ba ni sir Dario ang proposal mo?"

"Yes."

"Oh, bakit parang hindi ka masaya?"

"There's a twist."

"Anong twist?"

"Binigyan niya ako ng kondisyon, na papayag siya'ng pamunuan ko ang branch ng organization sa Spain kung magagawa kong hikayatin si Dwen at ang nasasakupan nito sa Russia na makiisa sa Sangre. Nalaman kasi niya na si Dwen ang namumuno sa mga sundalo sa templo ng mga imortal sa Russia. Nakikita niya na mas lalakas ang grupo kontra black ribbon sakaling makiisa sa atin ang mga sundalo ni Dwen. Kilala ang mga sundalo ng Russia na pinakamahusay sa pakikipagdigma. Sila ang mga sundalo na pumuprotekta sa mga ancient vampire sa templo, at nagbabantay sa mga ari-arian ng mga iyon. Alam ng lahat na sa Russia nakatira ang ilang kalahi ni Draculus, ang lahi ng malalakas na bampira. Hindi na kasi umaasa si Tito Dario na makokombinsi niya ang Libertad na makiisa sa amin. Lalo pa't nagpadala si Howard ng liham na nagsasabing tigilan na ni Dario ang pagsulot sa mga magagaling nitong scientest. Nagkaroon din ng insecurity si Howard kay Dario, dahil hindi nito makuha si Alessandro, bagay na matagal na nitong gustong maging miyembro. Maswerte lang si Tito Dario, dahil pamangkin niya si Alessandro. Kahit anong mangyari ay hindi aalis sa grupo si Sandro, dahil na rin sa impluwensiya ng daddy niya. Ngayon, ang kailangan kong gawin ay himukin si Dwen na makiisa sa amin. Pero matapos ko siyang makausap kagabi ay mukhang hindi magiging madali ang lahat," mahabang kuwento ni Zack.

"Ano ba ang sinabi ni Dwen? Naikuwento ba niya ang lahat tungkol kay Luke?" excited na tanong niya.

"Tama nga ang naisip ko. Si Dwen nga ang nakaengkuwentro ko noon sa hotel na nasunog. Si Luke nga ang pakealamerong lalaki na bumaril. Pero hindi ko sadyang ibalik sa kanya ang bala. Nawala sa isip ko na hindi tinatablan ng kahit anong deadly weapon ang katawan ni Dwen, o kahit ng bala ng baril dahil sa natural telekinesis na meron ang katawan niya. Iginigiit niya na kasalanan ko kung bakit namatay si Luke."

Hindi kaagad nakaimik si Janet. Bigla kasing nanikip ang dibdib niya. Pilit niyang inuunawa ang insidenteng nangyari, base na rin sa kuwento ni Dwen at ni Zack. Kung tutuusin ay hindi nga sinadya ni Zack ang nangyari kay Luke. Pero may gusto siyang marinig na sapat na paliwanag. Kung bakit nagkaengkuwentro si Zack at Dwen. At bakit naroon si Dwen sa hotel, samantalang hindi ito ipinakilala sa kanya ni Luke noon.

Ngayon lang niya muling naisip at natanong sa sarili niya kung bakit may dalang baril si Luke noon, at kung paano nito iyon naipuslit mula sa mahigpit na security ng hotel. Naalala niya, sandali siyang iniwan noon ni Luke sa inukupa nilang kuwarto dahil may kakausapin daw itong tao. Pagbalik nito ay may bitbit na itong bagpack.

"Hindi ko masyadong naintindihan ang nangyayari noon sa hotel, Zack. Pero napansin ko na pagkatapos mag-propose sa akin ni Luke ay balisa na siya. Na parang minadali niya ang surpresang inihanda niya. Pagkatapos ay sinabi niya sa akin na magtsi-check-out din kami kaagad pagkatapos naming maghapunan. Panay ang silip niya noon sa labas. Baka naikuwento sa iyo ni Dwen kung ano ba talaga ang nangyari," aniya pagkuwan.

"Good thing, nagkuwento siya. Isang linggo pa lang daw siya noon sa bansa para nga hanapin ang kapatid niya. Nakilala niya ang isa sa kaibigan ni Luke, na siyang nagturo sa kanya kung nasaan si Luke. Pero ang hindi niya alam ay miyembro ng black ribbon ang kaibigan ni Luke, na hiningan niya ng impormasyon. Nang nalaman niya na namumuro na pala si Luke sa mga black ribbon, kaagad niyang inalam kung ano ang plano ng mga ito, hanggang sa nalaman niya na balak patayin ng mga black ribbon si Luke, dahil sa pagtatraidor umano ni Luke. Isinukbong kasi ni Luke sa sundalo ng Russia ang anumalyang ginagawa ng mga black ribbon, at ang plano ng mga ito na pasukin ang templo ng mga imortal sa Russia, upang nakawin ang mga antic at dakpin ang mahuhusay na scientest. Gustong sagipin ni Dwen si Luke, na nalaman niya na naroon sa hotel. Nalaman niya na susunugin ng black ribbon ang naturang hotel. Nataon na ipinaalam sa amin ng ispiya namin ang planong iyon ng black ribbon kaya sumugod kaagad kami sa hotel. Nasusunog na ang ilang parte ng hotel pagdating namin. Nakita kong kasama ni Dwen ang isa sa miyembro ng black ribbon kaya akala ko ay miyembro din siya. Sinundan ko siya hanggang sa magka-engkuwentro kami. Base sa research na ginawa ni Refael ukol kay Dwen at Luke, si Luke ay anak ng tatay ni Dwen sa ibang babae. Isang normal na tao ang tatay ni Dwen, na umibig sa isang day walker vampire na babae sa Russia, na dating nagsisilbi kay Draculus. Normal na tao ang nanay ni Luke, at bata pa ito ay kinuha ng ama nila at isinama sa pagtira sa templo. Magkasabay na lumaki sa templo sina Dwen at Luke, pero kahit gusto ni Luke na maging bampira ay hindi pumayag si Dwen. Noong namatay ang tatay nila ay si Dwen na ang nagpalaki kay Luke. Pero noong nagkaroon ng parehong affair sa iisang babae ang magkapatid ay nagparaya si Luke, dahil mas pinili ng babae si Dwen. Nangibang bayan si Luke, hanggang sa mapadpad siya sa Pilipinas. Pero natukso si Luke na makipag-ugnayan sa black ribbon, dahil sa kagustuhan nitong makapaghiganti kay Dwen. Pero nagbago ang isip niya noong nalaman niya na ginagamit lang siya ng black ribbon, upang makakuha ng impormasyon tungkol sa templo ng imortal. Hindi rin nagustuhan ni Luke ang hiniling ng black ribbon na mag-bigay siya ng similya sa mga ito kasama ang similya namagmumula sa normal na babae. Noong una ay pumayag siya dahil gusto ni Luke na magkaanak, pero aksidente niyang narinig na balak lang palang gawing expiremento ng mga kaaway ang ibinigay niyang similya. Si Dwen naman ay nagbulontaryong pumasok sa black ribbon para sagipin ulit si Luke na nadakip ng black ribbon dalawang taon matapos niya itong gawing bampira. Ayaw sumama sa kanya ni Luke kaya nagpasya siyang umanib sa kalaban bilang strategy para malaman niya ang bawat galaw ng kalaban. Nagkaroon siya ng pagkakataon na itakas si Luke, noong sumama sila sa isang operasyon ng black ribbon, iyon nga ang pagtangka nilang paglusob sa isang safe house natin kaso nadakip ng kasamahan namin ang magkapatid. Patuloy pa ang research ni Rafael, at may niluluto silang ideya na maaring may pagkakaugnay doon sa nasabing similya ni Luke, at ang batang nakuha namin mula sa black ribbon. Nag-match kasi ang DNA ng bata kay Dwen, na nagpapatunay na iisa ang bloodline nila," mahabang kuwento ni Zack.

Matagal bago tuluyang nag-sink in sa utak ni Janet ang impormasyong sinabi ni Zack. Nawiwindang siya. Matagal niyang nakarelasyon si Luke pero hindi niya alam ang mga bagay na iyon. Ang alam lang niya'y isang ordinaryong lalaki si Luke, na gusto lang mag-invest ng negosyo sa bansa. Hindi niya matanggap na buong buhay niya'y naglihim sa kanya si Luke.

Hindi na nagawang kausapin ni Janet si Zack matapos ang kuwento nito. Tinawag na rin siya ni Elias. Aalis na kasi sila para gampanan ang mga trabaho nila sa labas. Alas-tres ng hapon sila umalis ng academy. At habang hindi pa kumakagat ang dilim ay nilubos ni Janet ang pagkakataon na masilip ang siyudad. Matagal na rin kasi siyang hindi nakakapaggala sa bayan.

Pagkatapos nilang maipamudbod ang mga stock na pagkain at groceries sa mga safe houses ay nakombinsi niya ang mga kasama na libutin nila ang bayan lulan ng chopper. Si Erman ang piloto nila. Si Elias at Rafael naman ang nagsisilbing bantay niya. Wala pa naman daw lumalabas na day walker na halimaw kaya safe silang maggala sa siyudad. Natutulog malamang ang mga halimaw sa mga oras na iyon.

Alas-kuwatro ng hapon ay inilapag ni Erman ang chopper sa loob ng bakuran ng bahay nila ni Janet, na mistulang haunted house na ngayon. Dalawang palapag ang bahay nila at malawak ang lupaing nasasakupan nito. Ang bakal na pader ay ginagapangan na rin ng berdeng halaman. Hindi na mabuksan ang tarangkahan dahil sa kapal ng kalawang. Ga-tuhod na rin ang damo sa paligid ng bahay.

"Puwede ba tayong pumasok sa loob ng bahay?" tanong niya sa mga kasama.

"Huwag! Baka may mga halimaw sa loob!" ani Rafael.

Hindi na siya kumontra. Gusto lang naman niyang sariwain ang masasayang alaala niya sa bahay na iyon. Mamaya'y nagpaalam si Erman at Elias. May pupuntahan daw ang mga ito at babalikan na lang sila ni Rafael bago kumagat ang dilim. Kampante naman siya dahil kasama niya si Rafael.

Nakaidlip si Janet habang nakaupo siya sa duyan na yare sa malaking gulong ng sasakyan na naroon s alikod ng bahay nila. Sementado ang playground doon kaya hindi tinubuan ng mga damo. Doon siya madalas naglalaro noon, at doon din sila madalas nagpapalipas ng hapon ni Luke.

Bumalikwas siya ng tayo nang mamalayan niya na dumidilim na ang paligid. Wala sa paligid niya si Rafael, na kanina lang ay nakaupo sa kabilang duyan.

"Rafael!" tawag niya. Binalot na ng kaba ang puso niya.

Sinuong niya ang ga-tuhod na damo sa pag-asang naroon sa harapan ng bahay si Rafael ngunit isang halimaw na babae ang sumalubong sa kanya. Humakbang siya paatras ngunit sa kanyang likuran ay may lalaking halimaw. Kaliwat-kanan ang lingon niya. Naglalabasan na ang mga halimaw.

"Tulong! Rafael! Erman! Elias!" natatarantang sigaw niya, ngunit ni isa sa tinawag niya ay walang dumating.

Nang papalapit na sa kanya ang babaeng halimaw ay pumikit siya. Tumili siya nang madama niya ang malambot nitong kamay na kumapit sa kanang braso niya. Ngunit natigilan siya nang bigla siya nitong mabitawan. Pagmulat niya ng mga mata ay namataan niya ang matangkad na lalaking pinagtataga ng armas nitong samurai ang mga halimaw. Nang humarap sa kanya ang lalaki, pagkatapos nitong maubos ang mga halimaw ay napamata siya nang makilala niya ito.

"L-Luke..." sambit niya, nang matiyak na si Luke ang kanyang nakikita.


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: