Chapter 12
PAGLABAS ni Leslie ng banyo ay nadatnan niya si Marco na nakaluklok sa gilid ng kama. Nakatitig lang ito sa kisame. Nilagpasan lang niya ito. Kumuha siya ng tissue paper saka pinunasan ang mukha niya.
"Anong oras tayo uuwi?" tanong niya rito.
"Mamayang gabi. Isasama natin si Hannah," anito.
Marahas niya itong hinarap. Nakatingin din ito sa kanya. "Bakit?" aniya.
"Siya ang magiging kapalit ni Orfena."
"Pero masyado pa siyang bata para magiging bodyguard ko."
"She's young but she's skilled. Kilala ko na siya kaya mas kampante akong siya ang makakasama mo."
"But I don't like her."
Tumayo ito. "Don't judge her if you didn't know her much. Half human, half vampire si Hannah, at lumaki siya sa piling ng mga tao. Isa siya sa naging estudiyante ni Dario. Magiging kaklase mo rin siya sa academy. Matuturuan ka niya ng maraming bagay lalo na sa larangan ng pagluluto."
Bigla na lang uminit ang bunbunan niya. Aywan niya bakit noong una pa lang niya makita si Hannah ay mabigat na ang loob niya rito, paano pa kaya ngayong makakasama na niya ito sa iisang bubong? Wala siyang magawa nang ipagpilitan ni Marco ang gusto nito.
Kasama na nila si Hannah pag-uwi nila sa bahay. Magmula pag-alis nila sa CDO ay hindi niya kinakausap si Marco, lalo na si Hannah. Dyese-otso anyos pa lamang si Hannah pero mature na itong tingnan dahil sobrang seryoso at malimit ngumiti.
Pagkahatid sa kanila ni Marco sa bahay ay umalis din ito kaagad. Hindi na siya lumabas ng kuwarto. Kinabukasan paggising niya ay may nakahain nang almusal sa kusina. Humigop lang siya ng mainit na sabaw bago hinarap ang ga-bundok niyang labahin. Bukas kasi ay magsisimula na siya sa trabaho niya.
Masyadong malaki ang singsing niya kaya nahihirapan siyang kumusot ng mga damit. Hindi na kasi umiikot ang washing-machine nila kaya mano-mano ang paglalaba niya. Hinubad niya sa palasingsingan niya ang singsing saka inilapag lang sa lababo.
Alas-onse na siya natapos sa paglalaba. Bigla siyang nakadama ng gutom. Ngunit pagpasok niya sa kusina ay wala nang pagkain na nakahain sa mesa. Tamang-tama pumasok si Hannah.
"Nasaan na ang mga pagkain?" tanong niya sa dalaga.
"Ipinasok ko na po sa chiller."
"Bakit?"
"Ayaw po kasi ni Sir Marco na nakababad sa labas ang mga pagkain na matagal, baka raw dapuan ng bacteria."
Umismid siya. "Paano ko pa makakain ang mga iyon kung malamig na? Hindi na masarap ang pagkain kung paulit-ulit na iniinit. Mas mabilis nga iyong kapitan ng bacteria."
"Pasensiya na po, akala ko kasi hindi ka na kakain. Baka kasi mapanis."
"Malamig rito sa bahay, hindi basta napapanis ang pagkain."
Hindi na umimik si Hannah. Inilabas nito ang pagkain mula sa chiller. "Iinitin ko na lang po sa microwave," anito pagkuwan.
"Huwag na, may pagkain pa naman ako sa kuwarto," aniya saka lumabas.
Maghapong nakakulong sa kuwarto si Leslie at ipinagpatuloy ang isinusulat niyang nobela. Hindi na niya namamalayan ang paglipas ng oras. Wala siyang ibang kinain kundi mga stock niyang cookies at nuts. Mamaya'y may kumatok sa pinto. Napatingin siya bigla sa orasan nakasabit sa dingding. Nagulat siya nang malamang alas-otso na pala ng gabi.
Nang hindi pa rin tumitigil ang kumakatok ay tumayo na siya at binuksan ang pinto. Tumambad sa kanya ang madilim na aura ni Marco. Itim na itim kasi ang kasuutan nito mula ulo hanggang paa.
"Hindi ka raw kumain maghapon sabi ni Hannah. Nagpaluto ako ng almusal sa kanya para sa iyo. Anong ginawa mo maghapon?" palatak nito habang deretso ang pasok sa kuwarto niya.
Sinundan niya ito ng tingin. "Naglaba ako," aniya.
"Bakit hindi ka kumain? Nagbabad ka na naman sa computer?" anito, habang nakatitig sa nakabukas niyang laptop.
"Marami akong pagkain rito." Nilapitan niya ang laptop saka tiniklop. Kumislot siya nang hawakan ni Marco ang kaliwang kamay niya.
"Bakit hindi mo suot ang singsing mo?" seryosong tanong nito.
Dahan-dahan niyang binawi ang kamay. Hinanap niya kanina ang singsing niya sa laundry room pero hindi na niya makita. "Hinubad ko kanina, hindi ko na maalala kung saan ko nailapag. Ipapahanap ko na lang mamaya kay Hannah," aniya.
"Huwag na. Wala rin namang magbabago kahit maisuot mo 'yon muli. Mabuti nga singsing ang nawala hindi ikaw," sabi nito sabay bira ng talikod.
Sinundan lang niya ito ng tingin habang deretso ang hakbang nito palapit sa pinto. "Anong oras ang pasok mo bukas?" mamaya'y tanong nito, ngunit hindi siya hinaharap.
"Alas-nuwebe hanggang alas-singko ng hapon," mabilis niyang sagot.
Hindi na ito umimik. Tuluyan na itong lumabas.
Hindi komontra si Leslie nang ipilit ni Marco na kasama niya si Hannah sa pagpasok niya sa trabaho. Pero pagdating sa law firm ay inutusan niya si Hannah na umuwi na ito. Idinahilan niya na bawal ang outsider sa kompanya nila. Ang alam kasi niya matatagalan na naman sa pag-uwi si Marco.
Pagsapit ng tanghalian ay hindi tumanggi si Leslie nang yayain siyang kumain sa labas ng katrabaho niya'ng lalaki na si Luis. Kaulad niya'y baguhan lang ito sa kompanya. Dahil parehong baguhan ay naging sandalan nila ang isa't-isa. Pero marami nang nahawakang kaso si Luis, hindi katulad niya na wala pang napapatunayan. Naikuwento nito ang tungkol sa kasong nahawakan niya noong nasa Maynila ito.
Habang kumakain sila ay napansin niya na panay ang sulyap ni Luis sa kamay niya. Uminit ang mukha niya nang mapansin ang suot niyang singsing na plastic. Akala niya natanggal na niya iyon kanina matapos ipagpilitan ni Marco na isuot niya. Huwag daw niya huhubarin hanggat hindi niya nakikita ang totoong singsing niya.
"Iyan ba ang wedding ring mo? Ang ganda, ah, pure gold, dilaw kasi," sarkastikong sabi ni Luis.
Nakagat niya ang ibabang labi. Dagli niyang hinubad ang laruang singsing. "Huwag mo na itong pansinin, napaglaruan lang ako ng asawa ko," kiming sabi niya.
Bumungisngis si Luis. "Siguro naiwala mo ang wedding ring ninyo ano?"
"Hindi naman nawala, nakalimutan ko lang kung saan ko nilagay."
"Bakit kasi hinubad mo? Kung wala ang pekeng singsing sa palasingsingan mo, baka iisipin ko talagang dalaga ka pa. Mabuti na rin at nakita ko ang personal identity mo."
Ngumiti lamang siya. Saka naman niya naalala ang sinabi ni Luis na taga Laguna ito. "Saan ka pala sa Laguna, Luis?" hindi natimping tanong niya rito.
"Sa Pansol, Calamba Laguna."
Napamata siya. Sa lugar na iyon sila nakatira dati ng nanay niya. Lupain ng lolo niya ang tinitirahan nila. "M-May kilala ka bang Trinidad Ramos?" aniya.
Sandaling napaisip si Luis. "Ahm, 'yong may-ari bang private resort doon?"
"Resort?" Namangha siya.
"Oo. Mayroon kasing sikat na resort doon at ang may-ari ay ang anak ng driver dati namin na si Mang Lito Ramos. Nakapag-asawa ng German ang anak niyang babae kaya nakapagpagawa ng resort."
Nawindang siya. Lolo niya ang tinutukoy ni Luis. Bigla na lang siya nilamon ng hindi maipaliwanag na galak. "Kilala mo pala ang lolo ko?" hindi natimping sabi niya.
Napamata si Luis. "Lolo mo si Mang Lito? Teka, Ramos ba ang apilyedo mo?"
"Oo. Adapted lang ako ng kinalakihan kong magulang na Arabian at Navas naman ang apilyedo ng asawa ko."
"So, ibig sabihin, nanay mo pala ang anak ni Mang Lito na nagtrabaho noon sa Saudi?"
"Oo."
"E bakit inampon ka ng Arabian?"
Biglang napalis ang ngiti niya nang maalala na naman ang ginawa ng nanay niya. Pero sa pagkakataong ito ay wala na siyang madamang hinanakit sa kanyang ina. "Nagkaroon kasi ng malaking utang ang nanay ko sa amo niya kaya ako ang ginawa niyang collateral."
"Awts! Natiis niya 'yon?"
"Ah, k-kailan ka ba uuwi sa inyo?" pagkuwa'y pag-iiba niya sa usapan.
"Baka next week bago mag-eleksiyon."
"Puwede ba akong sumama?"
Napanganga si Luis. "Hindi ba magagalit ang asawa mo?"
Hindi siya kaagad nakaimik. "Papayag naman 'yon."
Tumikwas ang isang kilay ni Luis. Bigla itong natawan. "Baka mamaya niyan makanti ako ng asawa mo. Alam mo naman siguro ang lugar, puwede ka namang magpasama sa kanya."
"Matagal na kasi akong hindi nakapunta roon."
"Baka alam lang ng asawa mo."
Hindi na siya nakaimik. Hindi na lamang niya kinulit si Luis.
Kinahapunan pagkatapos ng trabaho ay dumeretso kaagad sa department store si Leslie para bumili ng personal niyang pangangailangan. Maghapong naka-silent mode ang cell phone niya kaya hindi niya ito nahahawakan. Pagtingin niya ay nagulat siya nang mabasa ang sampung missed call mula kay Marco at may limang mensahe. Hindi na siya nag-abalang basahin ang mensahe.
Pagkatapos niyang mamili ay hirap naman siyang makasakay. Wala na kasing jeep na bumibiyahe patungo sa lugar nila. Ilang taxi na ang nag-alok sa kanya pero tinanggihan niya dahil sinisingil siya ng limang daan. Alas-siyete na ng gabi hindi pa siya nakakasakay. Kung kailan ngayon niya kailangan si Marco ay saka naman na-lowbat ang cell phone niya. Nag-iisa na lang siya sa waiting shed.
Mamaya'y may humintong itim na kotse sa tapat niya. Hindi naman ito kotse ni Marco. Imposible ring si Marco dahil ang alam niya magtatagal iyon sa Saudi para asikasuhin ang problema ng organisasyon nito. Bumukas ang pinto sa driver side at bumaba ang pamilyar na lalaki. Bigla siyang kinilabutan nang maalala ang lalaking nakilala niya noong naligaw siya sa isang sementeryo.
"Hi! Kanina pa kita nasisipat. Hindi ba dumating ang sundo mo?" wika ng lalaki pagkalapit sa kanya.
Napalunok siya. Matapos niyang malaman kung sino si Rofeno na tumulong sa kanya ay bigla siyang nakadama ng takot rito. Subalit ang mas ikinatakot niya ay ang nagbabadyang pagtulo ng dugo mula sa kanyang ilong. Umiinit na naman ang pakiramdam niya.
"Ahm, parating na siya," sabi na lamang niya.
"Pero halos dalawang oras ka na rito. Puwede kitang ihatid sa inyo," anito.
"Salamat na lang pero may susundo sa akin. Baka kasi magalit siya."
"Sino? Ang asawa mo?"
Tumango na lang siya. Habang lumilipas ang sandali ay lalo pang umiinit ang pakiramdam niya. Pagtingin niya sa lalaking dumaan sa kotse ni Rofeno ay bigla namang lumiyab ang likuran ng kotse. Kumurap lang siya'y natagpuan na lang niya ang sarili na nakasubsob sa lupa, habang nakadagan sa kanya si Rofeno. Nakarinig siya ng sobrang lakas na pagsabog at yumanig ng panandalian ang lupa.
Pag-angat niya ng mukha ay namataan niya ang kotse ni Rofeno na lumiliyab. Maingay ang paligid. Dumugo nang tuluyan ang ilong niya. Lumayo sa kanya si Rofeno nang kumalat ang apoy sa lupa likha ng kanyang dugo.
"Nandito siya!" wika ni Rofeno, habang iginagala ang paningin sa paligid.
Nang dumestansiya ito sa kanya ay dagli siyang tumayo at tumakbo sa pinakamalapit na palikuran. Naghilamos siya. Nang tumigil sa pagdurugo ang ilong niya ay dagli siyang lumabas. Naglakad siya patungo sa paradahan ng taxi.
"Ma'am, saan po kayo?" tanong sa kanya ng taxi driver na may hawak na segarilyo na walang sindi.
Hindi siya sumagot. Napatingin siya sa hawak nitong segarilyo na bigla na lang lumiyab sa dulo. Naiwaksi ng lalaki ang segarilyo. Bigla itong lumayo sa kanya, na tila natakot sa nakikita nitong nasa likuran niya. Paglingon niya sa likuran niya ay wala namang tao.
Sumakay na lamang siya sa nakatukang taxi at nagpahatid siya sa Harley's resort. Pagdating sa resort ay hinanap kaagad niya si Erron. Pero si Serron ang naroon kasama ang anak nitong si Jero.
"Bakit hindi ka pa nakauwi?" tanong ni Serron, nang makasalo na niya ang mga ito sa hapunan.
"Nahirapan kasi akong sumakay," aniya.
"Kapag ganitong oras kasi wala nang pumapasada papunta sa lugar ninyo," ani Serron.
Hindi niya naisatinig ang sasabihin nang biglang sumingit si Jero.
"Daddy, may innsidente na naman ng pagsabog sa bayan. Isang kotseng bigla na lang sumabog," anang binatilyo.
Nagkatinginan sila ni Serron. "Hindi ba nanggaling ka sa bayan, Leslie?" tanong ni Serron.
"Oo, pero nandoon ako sa mall," pagsisinungaling niya.
"Sa tapat ng mall nangyari ang pagsabog," sabad naman ni Jero.
Hindi na nakaimik si Serron. Mamaya'y dumating na si Trivor. Nagtataka siya sa mahayap na pagkakatitig nito sa kanya.
"Pinapasundo ka sa akin ni Marco," seryosong wika ni Trivor.
"Nasaan ba siya?" aniya.
"Nandoon siya sa CDO. May nangyari kaya bumalik siya kaagad. Darating siya sa bahay mo mamayang hating gabi, may inaasikaso lang sila."
"Kakain muna ako."
"Hihintayin na kita."
Tumango lamang siya.
Naiwan sila ni Jero sa mesa, habang si Trivor at Serron ay lumipat sa kabilang mesa at nag-uusap. Naibaling niya ang tingin kay Jero na isa-isang tinutusok ng barbeque stick ang mga hipon saka idinildil sa asin na may sili. Pagkatapos ay isinubo nito ang mga iyon.
"Nakita kita kanina sa mall, tita, pero bigla kang nawala sa paningin ko," mamaya'y sbai ni Jero.
Napamata siya. "Bakit hindi mo ako nilapitan?" aniya.
"May nilalang kasing nakasunod sa iyo, na alam kong hindi ko kakayanin. Mabuti na lang may babaeng humarang sa lalaki kaya hindi ka kaagad nasundan. Kaya tinawagan ko na lang si Tito Trivor para masawata ang mga nilalang na iyon."
Mariing kumunot ang noo niya. Malamang si Rofeno ang tinutukoy nito.
Pagkatapos ng hapunan ay nagyaya na si Trivor na umuwi na sila. "Kinausap ka na ba ni Marco tungkol sa tatay mo?" mamaya'y tanong ni Trivor, habang lulan sila ng kotse nito. Pauwi na sila sa bahay nila.
"Anong tungkol sa tatay ko?" manghang tanong niya.
"Siya na lang pala ang tanungin mo."
Hindi na muling nagsalita si Trivor hanggang sa makarating sila sa bahay. Wala roon ang kotse ni Marco, pero nakabukas ang ilaw sa kuwarto nito.
"Nandito na pala siya," ani Trivor, habang nauunang pumasok sa kabahayan, bitbit ang mga pinamili niya.
Pagdating nila sa sala ay nakaluklok sa sofa si Marco, habang may tinitimplang inumin sa dalawang baso. Mukhang mabigat ang kargada nito dahil nakabusangot. Ibinagsak ni Trivor ang dalawang supot na pinamili niya sa paanan ni Marco.
"Nandito na ang pinakamamahal mong asawa, kamahalan, akin na ang cell phone ko," wika ni Trivor kay Marco.
Dinukot naman ni Marco sa bulsa ng pantalon nito ang cell phone ni Trivor, na malamang ipinuslit nito. "Oh, salamat," anito pagkaabot sa cell phone ni Trivor.
Hinablot ni Trivor ang cell phone. "Bakit ba ako ang sinisisi mo? Kasalanan ko bang nagtrabaho sa labas ang asawa mo? Tinulungan ko lang naman siya dahil akala ko okay lang sa iyo," palatak ni Trivor.
"Sorry na. Nadala lang ako ng inis. Bad news naman kasi kaagad ang ibabalita mo kaya napasugod ako rito," ani Marco.
Tinapik ni Trivor ang balikat nito. "Huwag kang mag-alala, namo-monator ko ang kilos ng kalaban. Kausapin mo na lang ang asawa mo," anito saka nagmamadaling umalis.
Sinundan ni Leslie ng tingin si Trivor. Kanina pa siya nagtataka. Ano ba ang nangyari?
"Bakit?" wala sa loob na tanong niya kay Marco.
Marahas na tumayo si Marco. "Bakit? Iyan lang ang sasabihin mo matapos mo akong tarantahin? I travelled 1000 miles in just one minute in order to save you! How nice, huh? Hindi mo ramdam dahil wala kang pakiramdam! Hindi ka man lang sumagot sa mensahe ko! Hindi ka malapitan ng mga kasama ko dahil sa lakas ng nilalang na umaaligid sa iyo. Huli na ako ng dating. Kahit naman dumating ako sa takdang oras, hindi rin kita maisasalba dahil baka mauna pa akong mamatay sa iyo." Tumataas-baba ang boses nito.
Una'y nalito siya at iniisip kung ano ba ang kasalanan niya. Hindi lang niya nasagot ang text nito, ikamamatay na ba niya iyon? Mamaya'y naalala niya ang nangyaring pagsabog kanina. Hindi niya naisip na may kinalaman siya roon. Hindi naman siya napahamak dahil tinulungan siya ni Rofeno.
"Hindi kita maintindihan," sabi lang niya.
"Sabi ko nga, hindi mo ako maiintindihan. Let's talk about it in your room with a cup of red tea, para naman mas maintindihan mo ako," anito saka binitbit ang dalawang baso ng red juice na tinimpla nito.
Nagtiuna na ito sa pagtungo sa kuwarto niya. Sumunod na lamang siya rito.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top